Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 12/09 p. 18-21
  • Paano Ako Makikipag-usap sa mga Magulang Ko?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ako Makikipag-usap sa mga Magulang Ko?
  • Gumising!—2009
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Huwag Magsawa!
  • Paano Ako Makikipag-usap sa mga Magulang Ko?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1
  • Paano Ako Makikipag-usap sa mga Magulang Ko?
    Sagot sa 10 Tanong ng mga Kabataan
  • Bakit Pinagbabawalan Akong Mag-enjoy ng mga Magulang Ko?
    Gumising!—2011
  • Bakit Bawal Akong Mag-enjoy?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1
Iba Pa
Gumising!—2009
g 12/09 p. 18-21

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong

Paano Ako Makikipag-usap sa mga Magulang Ko?

“Sinikap kong sabihin sa mga magulang ko ang nararamdaman ko​—kaso binale-wala lang nila ako. Nag-ipon pa naman ako ng lakas ng loob, tapos ganun lang ang mangyayari!”​—Rosa.a

NOONG bata ka pa, malamang na mga magulang mo ang una mong hinihingan ng payo. Kahit ano, ikinukuwento mo sa kanila. Malaya mong nasasabi ang mga naiisip at niloloob mo, at tiwala ka sa kanilang payo.

Pero ngayon, baka iniisip mong hindi ka na naiintindihan ng mga magulang mo. “Minsan, habang naghahapunan kami, umiyak ako at inilabas ko ang lahat ng nararamdaman ko,” ang sabi ng kabataang babae na si Edie. “Nakinig ang mga magulang ko, pero parang hindi naman nila ako naiintindihan.” Ang sumunod na nangyari? “Pumunta na lang ako sa kuwarto ko, at doon ako nag-iiyak!”

Kung minsan naman, mas pinipili mong huwag na lang magsabi sa mga magulang mo. “Marami akong ikinukuwento sa mga magulang ko,” ang sabi ng batang si Christopher. “Pero ayoko namang ipaalam ang lahat ng nasa isip ko.”

Mali bang sarilinin mo na lang ang ilang bagay na nasa isip mo? Hindi naman​—hangga’t hindi ka nanlilinlang. (Kawikaan 3:32) Gayunman, hindi ka man naiintindihan ng mga magulang mo o ikaw ang ayaw magsalita, isang bagay ang tiyak: Kailangan mong makipag-usap sa iyong mga magulang​—at kailangan ka nilang marinig.

Huwag Magsawa!

Maihahalintulad sa pagmamaneho ang pakikipag-usap mo sa iyong mga magulang. Kapag natiyempo ka sa daang may harang, hindi ka susuko; maghahanap ka ng ibang daan. Tingnan ang ilang sitwasyon.

Harang #1: May kailangan kang ipakipag-usap, pero parang hindi naman nakikinig ang mga magulang mo. “Nahihirapan akong makipag-usap sa tatay ko,” ang sabi ng kabataang si Leah. “Kung minsan, marami na ’kong nasabi, tapos sasabihin niya, ‘Ha? Ano ’ka mo?’”

TANONG: Paano kung may problema si Leah na kailangan niya talagang ipakipag-usap? Mayroon siyang ilang opsyon. Narito ang tatlo.

Opsyon A

Sigawan ang tatay niya. Puwedeng isigaw ni Leah: “Ano ba,’tay! Makinig naman kayo!”

Opsyon B

Huwag nang makipag-usap sa tatay niya. Puwedeng hindi na lang ipakipag-usap ni Leah sa kaniyang mga magulang ang problema niya.

Opsyon C

Maghintay ng tamang tiyempo para muling ipakipag-usap ang kaniyang problema. Puwedeng makipag-usap nang sarilinan si Leah sa kaniyang tatay, o puwede pa nga niya itong daanin sa sulat.

Sa palagay mo, alin kayang opsyon ang dapat piliin ni Leah? ․․․․․

Suriin natin ang bawat opsyon para malaman kung ano ang posibleng maging resulta nito. Abala ang tatay ni Leah​—kaya hindi niya alam kung ano ang problema ng kaniyang anak. Kung pipiliin ni Leah ang Opsyon A, baka hindi niya maintindihan kung bakit sumisigaw si Leah. Sa opsyon na ito, baka lalong hindi makinig ang tatay ni Leah. Bukod diyan, hindi ito pagpapakita ng paggalang sa kaniyang mga magulang. (Efeso 6:2) Kaya walang magandang patutunguhan ang opsyon na ito.

Bagaman ang Opsyon B ang malamang na pinakamadaling solusyon, hindi ito ang makabubuti. Bakit? Dahil “nabibigo ang mga plano kung saan walang matalik na usapan, ngunit sa karamihan ng mga tagapayo ay may naisasagawa.” (Kawikaan 15:22) Para malutas ang problema ni Leah, kailangan niyang makipag-usap sa kaniyang mga magulang​—at para makatulong sila, kailangan nilang malaman kung ano ang nangyayari. Kung walang pag-uusap, walang solusyon.

Pero kung Opsyon C ang pipiliin ni Leah, hindi niya hahayaang maging hadlang ang harang sa daan. Sa halip, susubukan niyang ipakipag-usap ito sa ibang pagkakataon. At kung susulat siya sa tatay niya, baka gumaan agad ang pakiramdam ni Leah. Sa sulat, masasabi niya ang lahat ng gusto niyang sabihin sa tatay niya. Kapag nabasa ng tatay niya ang sulat, malalaman nito ang niloloob niya. Kaya maiintindihan niya ang kalagayan ni Leah. Sa Opsyon C, makikinabang kapuwa si Leah at ang tatay niya.

Ano pa kaya ang puwedeng gawin ni Leah? Isulat sa ibaba ang naisip mo at kung ano ang posibleng maging resulta nito.

․․․․․

Harang #2: Gustong makipag-usap ng mga magulang mo, pero ayaw mo naman. “Nai-stress ka na nga, tapos tatanungin ka pa tungkol sa eskuwela pag-uwi mo. Iyan ang ayaw na ayaw ko,” ang sabi ng kabataang si Sarah. “Gusto ko nga sanang kalimutan muna ang eskuwela, kaso iyon agad ang tanong ng mga magulang ko: ‘Kumusta sa eskuwela? May problema ba?’” Siguradong maganda naman ang intensiyon ng mga magulang ni Sarah. Pero ang reklamo niya, “Ayoko kasing pag-usapan ang eskuwela kapag pagód ako at nai-stress.”

TANONG: Ano ang puwedeng gawin ni Sarah? Gaya ng ipinakikita ng naunang halimbawa, mayroon siyang ilang opsyon. Narito ang tatlo.

Opsyon A

Huwag makipag-usap. Puwede niyang sabihin: “Huwag n’yo muna akong kausapin. Gusto kong mapag-isa!”

Opsyon B

Makipag-usap. Kahit nai-stress, mapipilitang sumagot si Sarah.

Opsyon C

Makipag-usap pa rin, pero ibahin ang paksa. Puwedeng imungkahi ni Sarah na saka na lang nila pag-usapan ang tungkol sa eskuwela, kapag relaks na siya. Pagkatapos, puwede niyang itanong: “Kayo po, kumusta naman ang araw n’yo?”

Sa palagay mo, alin kayang opsyon ang dapat piliin ni Sarah? ․․․․․

Muli, suriin natin ang bawat opsyon para malaman kung ano ang posibleng maging resulta nito.

Nai-stress si Sarah, at ayaw niyang makipag-usap. Pero kapag pinili niya ang Opsyon A, hindi lang siya mai-stress, makokonsiyensiya pa siya sa pagsigaw niya sa kaniyang mga magulang.​—Kawikaan 29:11.

Samantala, baka masaktan ang mga magulang ni Sarah sa pagsigaw niya​—o sa katahimikang kasunod nito. Baka isipin nilang may itinatago si Sarah. Pipilitin nila siyang magsalita. Pero siyempre, lalo lang siyang maiinis. Kaya wala ring magandang ibubunga ang opsyon na ito.

Mas maganda ang Opsyon B kaysa sa Opsyon A. Tutal, ang mahalaga, nag-uusap si Sarah at ang kaniyang mga magulang. Hindi nga lang ito isang bukás at relaks na pag-uusap dahil pilít lang ang pag-uusap nila.

Pero kung Opsyon C ang pipiliin ni Sarah, gagaan ang pakiramdam niya dahil ipagpapaliban muna ang pag-uusap tungkol sa eskuwela. Matutuwa rin ang mga magulang niya sa pagsisikap niyang makipag-usap sa kanila. Malamang na ito ang pinakamagandang opsyon dahil ikinakapit ng magkabilang panig ang simulain sa Filipos 2:4, na nagsasabi: “Ang bawat isa sa inyo’y dapat magmalasakit, hindi lamang sa sariling kapakanan kundi rin naman sa iba.”​—Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino.

Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype

[Talababa]

a Binago ang ilang pangalan.

PAG-ISIPAN

◼ Bakit mahalagang humanap ng tamang tiyempo sa pakikipag-usap?​—Kawikaan 25:11.

◼ Bakit sulit na makipag-usap sa mga magulang mo?​—Job 12:12.

[Kahon/Larawan sa pahina 18]

MALING MENSAHE?

Nahihirapan ka bang makipag-usap sa mga magulang mo? Baka iba lang ang intindi nila sa sinasabi mo.

Kapag sinasabi mong . . .

“Ayoko pong pag-usapan iyan.”

Ang intindi ng magulang mo ay . . .

“Sa mga kaibigan ko, magsasabi ako, pero sa inyo, hindi, kasi hindi naman kayo mahalaga sa buhay ko.”

Kapag sinasabi mong . . .

“Hindi ninyo ako maiintindihan.”

Ang intindi ng magulang mo ay . . .

“Hindi n’yo naman ako maiintindihan kasi matanda na kayo.”

[Kahon/Mga larawan sa pahina 21]

ANG SINASABI NG IBANG KABATAAN

“Nagulat ako nang makinig ang mga magulang ko noong ikuwento ko ang problema ko sa eskuwela. Sa tulong nila, madaling nalutas ang problema!”​—Natalie.

“Hindi laging madaling makipag-usap sa mga magulang, pero kung ikaw ang mauunang magkuwento, madarama mong para kang nabunutan ng tinik.”​—Devenye.

[Kahon sa pahina 21]

MENSAHE SA MGA MAGULANG

Bilang nagmamalasakit na magulang, baka iniisip mo kung nahihirapang makipag-usap sa iyo ang mga anak mo. Tingnan ang sinabi ng ilang kabataan sa Gumising! kung bakit sila atubiling makipag-usap sa kanilang mga magulang. Pagkatapos, sagutin ang mga tanong sa ibaba, at tingnan ang binabanggit na mga teksto.

“Hiráp akong lapitan si Daddy, ang dami kasi niyang inaasikaso sa trabaho at sa kongregasyon. Hindi talaga ako makahanap ng tiyempo.”​—Andrew.

‘Nakakapagbigay ba ako ng impresyong masyado akong abala para makipag-usap sa mga anak ko? Kung oo, paano ko maaalis ang impresyong iyon? Puwede kaya akong mag-iskedyul ng panahon para lagi kaming makapag-usap ng mga anak ko?’​—Deuteronomio 6:7.

“Minsan, nilapitan ko si Nanay. Umiiyak ako noon dahil may nakaaway ako sa eskuwela. Akala ko kakampihan niya ako, ’yun pala pagagalitan niya lang ako. Mula noon, hindi na ako humihingi ng tulong sa kaniya pagdating sa importanteng mga bagay.”​—Kenji.

‘Ano ang ginagawa ko kapag may inilalapit sa akin ang mga anak ko? Kahit na kailangan silang ituwid, puwede bang makinig muna ako bago magpayo?’​—Santiago 1:19.

“Sa tuwing sinasabi ng mga magulang na puwede natin silang makausap at na hindi sila magagalit sa sasabihin natin, nagagalit pa rin sila. Ang daya nila!”​—Rachel.

‘Kung may sasabihin sa akin ang anak ko na puwede kong ikagalit, makokontrol ko ba ang reaksiyon ko?’​—Kawikaan 10:19.

“Maraming beses din akong nagkuwento kay Mommy ng personal na mga bagay, pero ikinuwento niya ito sa mga kaibigan niya. Ang tagal kong nawalan ng tiwala sa kaniya.”​—Chantelle.

‘Nagiging makonsiderasyon ba ako sa aking anak? Ikinukuwento ko ba sa iba ang mga ipinagtatapat niya sa akin?’​—Kawikaan 25:9.

“Marami sana akong gustong ipakipag-usap sa mga magulang ko. Hinihintay ko lang silang magtanong.”​—Courtney.

‘Puwede kayang ako na ang magsimula ng pakikipag-usap? Ano kaya ang pinakamagandang panahon para mag-usap?’​—Eclesiastes 3:7.

[Larawan sa pahina 19]

Hindi kailangang maging hadlang ang isang harang sa daan​—may paraan para makausap mo ang iyong mga magulang!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share