Ang Pangmalas ng Bibliya
Dapat Bang Maging Ministro ang mga Babae?
“NAGTATAKA ako at naiinis dahil hanggang ngayon hindi pa rin nagiging miyembro ng klero ang mga babae,” ang isinulat ng isang babaing Katoliko sa pahayagang USA Today. Ganiyan din ang opinyon ng marami. Sa ibang relihiyon kasi, ang mga babae ay nagiging ministro, pari, obispo, at rabbi.
Inaangkin ng mga relihiyong may magkasalungat na paniniwala—ang babae ay hindi puwedeng maging ministro o puwede silang magsermon sa pulpito—na sumusunod sila sa Bibliya. Pero hindi itinuturo ng Bibliya ang alinman sa mga ito. Paano nangyari iyon? Para masagot iyan, tingnan muna natin kung paano ginamit sa Bibliya ang salitang “ministro.”
Mga Ministro Noong Unang Siglo
Ano nga ba ang kahulugan ng salitang “ministro”? Marami ang agad na mag-iisip ng isang lider ng relihiyon, lalaki o babae, na nangunguna sa pagsamba ng kongregasyon. Pero sa Bibliya, mas malawak pa ang kahulugan ng salitang ito. Halimbawa, ipinakilala ni apostol Pablo ang babaing Kristiyano na si Febe bilang “ating kapatid na babae, na isang ministro ng kongregasyon na nasa Cencrea.”—Roma 16:1.
Sa tingin mo, nanguna kaya noon si Febe sa relihiyosong mga gawain ng kongregasyon sa Cencrea? Sa anong paraan kaya naging ministro si Febe? Sa sulat ni Pablo sa mga taga-Filipos, sinabi niya na ang ilang babae ay “nakatulong [sa kaniya] sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita.”—Amin ang italiko; Filipos 4:2, 3, Magandang Balita Biblia.
Pangunahin na, ipinalalaganap ng mga unang-siglong Kristiyano ang mabuting balita nang “hayagan at sa bahay-bahay.” (Gawa 20:20) Ang mga nakibahagi sa gawaing iyan ay mga ministro. Kabilang sa kanila ang babaing si Priscila. Siya at ang kaniyang asawa ay ‘nagpaliwanag ng daan ng Diyos nang may higit na kawastuan’ sa isang taong may takot sa Diyos na hindi pa bautisadong Kristiyano. (Gawa 18:25, 26) Gaya ni Febe at ng iba pang babae, si Priscila ay tiyak na isang mahusay na ministro.
Isang Marangal na Papel
Mababang atas ba ang pangangaral sa mga tao at hindi gaanong mahalaga kaya sa mga babae ito ibinigay, samantalang sa mga lalaki naman ibinigay ang mahalagang atas na mangasiwa sa kongregasyon? Hindi. May dalawang dahilan. Una, malinaw na sinasabi ng Bibliya na lahat ng Kristiyano—pati na ang mga lalaki na may mabibigat na pananagutan sa kongregasyon—ay makikibahagi sa pangangaral sa mga tao. (Lucas 9:1, 2) Ikalawa, ang pangangaral, noon at hanggang sa ngayon, ang pangunahing paraan para matupad ng mga lalaki at babaing Kristiyano ang utos ni Jesus na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa,” anupat ‘tinuturuan sila.’—Mateo 28:19, 20.
May isa pang napakahalagang papel ang ilang babae sa loob ng kongregasyon. Isinulat ni Pablo: “Ang matatandang babae ay maging . . . mga guro ng kabutihan; upang mapanauli nila sa katinuan ang mga kabataang babae na ibigin ang kani-kanilang asawa, na ibigin ang kanilang mga anak.” (Tito 2:3, 4) Kaya pribilehiyo ng mga may-gulang at makaranasang Kristiyanong babae na tulungan ang mga baguhan at nakababatang babae na maging maygulang. Isa rin itong marangal at napakahalagang papel.
Pagtuturo sa Kongregasyon
Gayunman, walang sinasabi sa Bibliya na ang mga babae ay puwedeng tumayo sa harap ng kongregasyon para magturo. Sa halip, tinagubilinan sila ni apostol Pablo na “tumahimik sa mga pagtitipon.” Bakit? Isinulat ni Pablo na ang isang dahilan ay para maganap ang lahat ng bagay sa “wasto at maayos na paraan.” (1 Corinto 14:34, 40, Magandang Balita Biblia) Para tumakbo nang maayos ang kongregasyon, iniatas ng Diyos ang pagtuturo sa isang grupo. Pero pansinin na hindi lahat ng lalaki ay maaaring manguna sa kongregasyon; mga lalaking kuwalipikado lamang ang binibigyan ng gayong pribilehiyo.a—1 Timoteo 3:1-7; Tito 1:5-9.
Ang ibinigay ba ng Diyos sa mga babae ay isang mababang atas? Hindi. Tandaan na inatasan sila ng Diyos na Jehova ng isang mahalagang gawain—ang pagpapatotoo tungkol sa kaniya. (Awit 68:11) Ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon, kapuwa ang mga lalaki at babae, ay mga ministro na nakatulong sa milyun-milyong tao na magsisi at magtamo ng kaligtasan. (Gawa 2:21; 2 Pedro 3:9) Napakahalagang atas nga nito!
Ang kaayusang ito ay nagtataguyod ng kapayapaan at nagbibigay-dangal kapuwa sa lalaki at babae. Bilang paglalarawan: Nagtutulungan ang ating mga mata at tainga para makatawid tayo sa kalsada. Gayundin sa kongregasyon, kapag nagtutulungan ang mga lalaki at babae sa paggawa ng kalooban ng Diyos ayon sa mga atas na ibinigay sa kanila, pinagpapala ng Diyos ang kongregasyon.—1 Corinto 14:33; Filipos 4:9.b
[Mga talababa]
a Pansinin din na may limitasyon ang awtoridad ng isang lalaki sa kongregasyon. Siya ay dapat magpasakop sa Kristo at sumunod sa mga simulain ng Bibliya. (1 Corinto 11:3) Ang mga may pananagutan sa kongregasyon ay dapat ding “magpasakop . . . sa isa’t isa,” anupat nagpapakumbaba, at nagtutulungan.—Efeso 5:21.
b Kapag kinikilala ng mga babaing Kristiyano ang papel na ibinigay ng Diyos sa mga lalaki sa kongregasyon, nagiging magandang halimbawa sila sa mga anghel sa langit.—1 Corinto 11:10.
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
● Paano nagturo ang mga babaing Kristiyano noong unang-siglo?—Gawa 18:26.
● Sino ang inatasang mangasiwa sa kongregasyon?—1 Timoteo 3:1, 2.
● Ano ang pangmalas ng Diyos sa ministeryo ng mga babaing Kristiyano sa ngayon?—Awit 68:11.
[Blurb sa pahina 29]
“Si Jehova ang nagbibigay ng pananalita; ang mga babaing naghahayag ng mabuting balita ay isang malaking hukbo.”—AWIT 68:11