Sa Paghahanap ng Ginto, Nakakita Sila ng Tahanan
CHINATOWN. Sa maraming lunsod sa daigdig, ipinaaalaala ng salitang ito ang mga tindahan, restawran, kapistahan, at dragon dance ng mga Tsino. Pero ang bawat Chinatown ay may sariling kasaysayan. Ang mga Chinatown na nasa Australia ngayon ay bunga ng mga Tsinong lakas-loob na nandayuhan sa mga baybayin nito sa pag-asang makakita ng ginto sa mga bagong minahan doon.
Ang New Gold Mountain
Noong 1851, nang may matuklasang ginto sa Australia, dumagsa roon ang mga dayuhang Tsino. Mula sa delta ng Pearl River sa Guangdong Province ng Tsina, libu-libong lalaki ang nakipagsapalaran sa paglalayag patimog. Bago nito, may natuklasang ginto sa California, E.U.A., at Gold Mountain ang itinawag ng mga Tsinong nagsasalita ng Cantonese sa mga minahan doon. Kaya naman, ang mga bagong minahan sa Australia ay tinawag nilang New Gold Mountain.
Hindi lang ginto ang dahilan kung bakit sila umalis sa kanilang sariling lupain. Naging mahirap na rin ang buhay sa Tsina dahil sa gera sibil, mga kalamidad, at karalitaan.
Ngunit ang masaklap, hindi nasilayan ng karamihan sa kanila ang mga baybayin ng Australia. Namatay sila dahil sa mga sakit na sumalot sa kanila habang naglalayag. Pero hindi rin naging madali ang buhay ng mga nakatuntong sa Australia.
Pagtatrabaho sa mga Minahan
Para sa mga minero, naging kakambal na nila ang kalungkutan. Dahil sa tradisyon, kailangang maiwan sa Tsina ang kanilang asawa’t mga anak para mapanatili ang kanilang dako sa angkan ng pamilya. Noong 1861, mahigit 38,000 lalaking Tsino ang nakatira sa Australia samantalang 11 lang ang babae. Pero iilan lang sa mga lalaking ito ang gustong manatili roon. Karamihan ay desididong bumalik sa kanilang pamilya nang may yaman at dangal.
Ang hangaring ito ang nag-udyok sa kanila na maghanap ng ginto. Ang mga minero ay tumira sa mga tolda at maraming oras na nagtrabaho habang nakabilad sa araw. Dahil sa ilang pamahiin, noong una’y takót ang iba na maghukay sa ilalim ng lupa. Kaya naman sa ibabaw ng lupa sila naghahanap ng ginto, na sinasala at hinuhugasan iyon sa mga alulod na kahoy. Nagbunga ang kanilang pagsisikap. Ayon sa mga rekord, sa pagitan ng 1854 at 1862, mga 18,662 kilo ng gintong natuklasan sa estado ng Victoria ang ipinadala sa Tsina.
Kaya lang, ang ilan sa bagong-tuklas na kayamanang ito ay napunta sa sugal at opyo—mga bisyo ng nalulungkot. Dahil dito, nasira ang kanilang kalusugan at naubos ang kanilang kita, kaya gumuho ang pag-asa nilang makabalik sa Tsina. Ang ilan ay tinulungan ng mga samahang Tsino at ng mga mapagkawanggawa, pero ang iba ay maagang namatay nang dukha at nag-iisa.
Kailangan ding pagtiisan ng mga Tsino ang inggit at paghihinala ng mga minerong iba ang lahi, na ang turing sa kanilang komunidad ay mahigpit na kakompetensiya. Dahil dito, nagkaroon ng mga riot at pananalakay sa mga Tsino. Ninakaw ang kanilang ginto, at sinunog ang kanilang mga tolda at panustos. Humupa rin naman ang tensiyong ito. Gayunman, mga 50 taon pagkaraang matuklasan ang ginto, ipinagbawal ng Immigration Restriction Act of 1901 ang pandarayuhan ng mga Asiano sa Australia. Inalis lamang ang pagbabawal na ito noong 1973.
Nang Maubos Na ang Ginto
Kahit wala nang makuhang ginto, ipinasiya ng ilang Tsino na manatili sa Australia. Kaya nagsulputan ang mga laundry, restawran, at mga market garden ng mga Tsino. Nakilala rin sila sa paggawa ng muwebles at sa pagbebenta ng sariwang prutas at gulay. Nang matapos ang ika-19 na siglo, mayroon nang mga komunidad ng Tsino, o mga Chinatown, sa maraming lunsod ng Australia, gaya ng Atherton, Brisbane, Broome, Cairns, Darwin, Melbourne, Sydney, at Townsville.
Dahil kakaunti lang ang babaing Tsino na pumunta sa Australia, karamihan sa mga lalaki ay hindi nag-asawa. Ang ilan naman ay nag-asawa ng mga Australiana, sa kabila ng matinding pagtutol ng mga tagaroon. Nang maglaon, ang mga anak nila ay naging mahalagang bahagi ng lipunan ng Australia.
Sa ngayon, mas marami nang Tsino ang nakatira sa Australia kaysa noon. Karamihan sa kanila ay naghahangad ng mataas na edukasyon at pagkakakitaan. Hindi lang iyan, marami na rin ang babae. At dahil sa nagbabagong ekonomiya ng daigdig, kakatwa nga na matapos dalhin sa Australia ang kanilang pamilya, marami sa mga lalaki ang bumabalik sa Asia para magtrabaho sa Tsina, Hong Kong, Singapore, o Taiwan.
Nagbago na nga ang panahon. Pero para sa mga nandarayuhan, hindi nagbabago ang kanilang tunguhin—ang paghahanap ng katiwasayan at tagumpay sa banyagang lupain.
[Kahon/Larawan sa pahina 20]
MAS MALAYO SA AKALA NILA
Para makaiwas sa pagbabayad ng buwis, ang mga pasaherong Tsino ay bumaba sa mga baybayin ng Australia na malayo sa malalaking daungan at daan-daang kilometro mula sa mga minahan ng ginto. Isa sa mga lugar na ito ay ang Robe, sa South Australia. Ang populasyon nito ay nasa mga 100 hanggang 200, at sa loob lang ng limang buwan noong 1857, mga 12,000 Tsino ang dumaong dito.
Kahanga-hanga ang tatag at pagtutulungan ng daan-daang lalaking ito habang naglalakad sila sa walang katau-taong lugar na iyon patungo sa minahan. Pero mas malayo pala iyon kaysa sa akala nila, at inabot sila nang mga limang linggo sa paglalakbay. Nagbaon sila ng mga damong-dagat at kumain ng mga kangaroo at wombat sa daan. Naghukay rin sila ng mga balon at gumawa ng daan na masusundan ng iba.
Ang mga lalaking iyon, na nakatirintas ang mga buhok at nakasalakot, ay naglakad sa isang hanay habang kumakanta. May mga baryang Tsino na natagpuan sa rutang dinaanan nila. Itinapon ng mga bagong saltang ito ang kanilang pera nang malaman nilang wala naman iyong silbi sa Australia.
[Credit Line]
Image H17071, State Library of Victoria
[Kahon/Larawan sa pahina 21]
MAS MAHALAGA PA SA GINTO
Nagtatrabaho noon si Wayne Qu bilang environmental scientist sa Academy of Sciences sa Tsina. Para maging mas matagumpay sa kaniyang karera, siya at ang asawa niyang si Sue ay pumunta sa Europa noong dekada ’90. Kumuha roon si Wayne ng mas mataas na digri. May nakilala rin silang mga Saksi ni Jehova at nakipag-aral ng Bibliya sa mga ito. Noong taóng 2000, lumipat sina Wayne at Sue sa Australia, kung saan nila ipinagpatuloy ang kanilang sekular na edukasyon. Si Sue ay nag-aral ng molecular biology. Ipinagpatuloy rin nila ang pag-aaral sa Bibliya.
Ganito ang paliwanag ni Wayne: “Ilang dekada kaming nag-aral sa unibersidad para makakuha ng matataas na digri. Pero naiisip ko: ‘Lahat tayo’y tumatanda, nagkakasakit, at namamatay. Ganiyan ba ang layunin ng buhay?’ Parang walang kabuluhan ang lahat. Pero ang Bibliya ay nagbigay sa amin ni Sue ng makatuwiran at kasiya-siyang sagot sa pinakamahahalagang tanong sa buhay.
“Dahil sa pag-aaral ng Bibliya, sinuri din namin ang isang bagay na hindi namin naiisip noon—ang pag-iral ng Maylalang. Nabasa ko ang Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation?, isang libro ng mga Saksi, gayundin din ang isang akda ni Charles Darwin tungkol sa ebolusyon. Bukod sa sarili kong pagsasaliksik sa siyensiya, ang mga nabasa kong ito ang nakakumbinsi sa akin na mayroon ngang Maylalang. Ganiyan din ang naging konklusyon ni Sue.
“Ang isa pang nakakumbinsi sa amin na may Diyos ay ang kapangyarihan ng Bibliya na baguhin ang buhay ng mga tao. Sa katunayan, dahil sa kamangha-manghang aklat na ito, nagkaroon kami ng pag-asa sa hinaharap. Bukod diyan, nagkaroon din kami ng tunay na mga kaibigan at naging mas matatag ang aming pagsasama. Nabautismuhan kami ni Sue noong 2005, at nagagalak kami na natagpuan namin ang isang bagay na mas mahalaga pa sa mataas na edukasyon at ‘ginto na nasisira.’”—1 Pedro 1:7.
[Larawan sa pahina 19]
Tsinong minero ng ginto noong dekada ng 1860
[Picture Credit Lines sa pahina 19]
Sydney Chinatown: © ARCO/G Müller/age fotostock; gold miner: John Oxley Library, Image 60526, State Library of Queensland