Ang Pangmalas ng Bibliya
Magkasuwato ba ang Bibliya at ang Siyensiya?
“Nagiging makabuluhan ang aking siyensiya at nakadarama ako ng kaligayahan kapag nakakatuklas ako ng mga bagong bagay at nasasabi ko sa aking sarili, ‘Ah, ganito pala ang ginawa ng Diyos!’”—HENRY SCHAEFER, PROPESOR NG CHEMISTRY.
MALAKING tulong ang siyensiya para maintindihan natin ang pisikal na uniberso. Nagsisiwalat ito ng kaayusan, pagkaeksakto, at pagkamasalimuot na sa tingin ng marami ay patotoo na may isang Diyos na walang limitasyon ang talino at kapangyarihan. Sa pangmalas nila, isinisiwalat ng siyensiya hindi lamang ang mga detalye ng pisikal na uniberso kundi pati ang iba’t ibang katangian ng Diyos.
Sinasang-ayunan naman ng Bibliya ang pangmalas na iyan. Sinasabi sa Roma 1:20: ‘Ang di-nakikitang mga katangian ng Diyos ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.’ Ganito pa ang sinasabi sa Awit 19:1, 2: “Ang langit ay naghahayag ng kaluwalhatian ng Diyos; at ang gawa ng kaniyang mga kamay ay isinasaysay ng kalawakan. Sa araw-araw ay bumubukal ang pananalita, at sa gabi-gabi ay natatanghal ang kaalaman.” Pero kahit kamangha-mangha ang pisikal na uniberso, maliit na bahagi lamang ng kaisipan ng Maylalang ang naisisiwalat nito.
Ang Limitasyon ng Siyensiya
May mga bagay tungkol sa Diyos na hindi kayang ipaliwanag ng siyensiya. Halimbawa, kayang ipaliwanag ng isang siyentipiko ang tungkol sa bawat molekula ng chocolate cake. Pero masasabi ba niya kung bakit ito ginawa o kung para kanino ito? Para masagot ang ganiyang mga tanong—na mas gugustuhing malaman ng karamihan sa mga tao—kailangan niyang tanungin ang gumawa ng cake.
Sa katulad na paraan, “maraming ibinibigay na detalye at impormasyon” ang siyensiya, ayon kay Erwin Schrödinger na isang pisikong taga-Austria at nagwagi ng Nobel Prize, “pero wala itong masabi tungkol sa lahat ng bagay . . . na malapít sa ating puso, na mahalaga sa atin.” Kasama na rito, sabi niya, “ang Diyos at ang kawalang-hanggan.” Halimbawa, Diyos lamang ang makasasagot sa mga tanong na ito: Bakit may uniberso? Bakit sa planeta lang natin may buhay? Bakit sa planeta lang natin may tao? Kung talagang makapangyarihan-sa-lahat ang Diyos, bakit niya pinahihintulutan ang kasamaan at pagdurusa? May pag-asa pa ba ang mga patay?
Sinasagot ba ng Diyos ang mga tanong na ito? Oo, sa pamamagitan ng Bibliya. (2 Timoteo 3:16) Pero baka maitanong mo, ‘Paano naman ako makatitiyak na talagang galing sa Diyos ang Bibliya?’ Para sa isang naniniwala sa siyensiya, dapat na ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pisikal na uniberso ay kasuwato ng siyensiya, sapagkat hindi naman sinasalungat ng Diyos ang kaniyang sarili. Kasuwato nga ba ng Bibliya ang siyensiya? Isaalang-alang ang ilang halimbawa.
Nauna Pa sa Siyensiya
Nang isinusulat ang Bibliya, naniniwala ang mga tao na maraming diyos sa mundo, at na ang mga ito, hindi ang mga batas sa kalikasan, ang kumokontrol sa araw, buwan, klima, pag-aani, at iba pa. Pero hindi ganiyan ang paniniwala ng mga Hebreong propeta ng Diyos. Alam nila na kayang kontrolin ng Diyos na Jehova ang pisikal na uniberso at ginawa nga niya iyan sa ilang pagkakataon. (Josue 10:12-14; 2 Hari 20:9-11) Sinabi pa ni John Lennox, propesor ng matematika sa University of Oxford sa England, na “hindi na kailangang alisin [ng mga propetang iyon ang maalamat na mga diyos] sa kanilang uniberso . . . , dahil hindi naman talaga sila naniwala sa mga diyos na iyon. Hindi sila nadaya ng kasinungalingang iyon dahil naniniwala sila sa Iisang Tunay na Diyos, ang Maylalang ng langit at lupa.”
Paano sila naipagsanggalang ng paniniwala sa tunay na Diyos mula sa maling ideyang iyon? Isiniwalat sa kanila ng tunay na Diyos na siya ang kumokontrol sa uniberso sa pamamagitan ng eksaktong mga batas. Halimbawa, mahigit 3,500 taon na ang nakalilipas, tinanong ng Diyos na Jehova ang kaniyang lingkod na si Job: “Nalalaman mo ba ang mga batas ng langit”? (Job 38:33) Noong ikapitong siglo B.C.E., binanggit din ni propeta Jeremias ang tungkol sa “mga batas ng langit at lupa.”—Jeremias 33:25.
Kaya naman, ang lahat ng nabubuhay noon at naniniwala sa mga isinulat ng mga propeta ng Bibliya ay nakakaalam na ang uniberso ay kinokontrol, hindi ng maalamat at magagaliting mga diyos, kundi ng eksaktong mga batas. Dahil dito, ang mga indibiduwal na iyon na may-takot sa Diyos ay hindi yumukod sa mga nilalang, gaya ng araw, buwan, o mga bituin. Hindi rin sila naniwala sa mga pamahiing may kinalaman sa mga iyon. (Deuteronomio 4:15-19) Sa halip, itinuring nila ang mga lalang ng Diyos bilang mga bagay na dapat pag-aralan dahil isinisiwalat ng mga ito ang kaniyang karunungan, kapangyarihan, at iba pang katangian.—Awit 8:3-9; Kawikaan 3:19, 20.
Gaya ng maraming siyentipiko sa ngayon, naniniwala rin ang mga Hebreo na may pasimula ang uniberso. “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa,” ang sabi ng Genesis 1:1. Mga 3,500 taon na ang nakalilipas, isiniwalat ng Diyos sa kaniyang lingkod na si Job na ang lupa ay ‘nakabitin sa wala,’ o nakalutang sa kalawakan. (Job 26:7) Isa pa, mahigit 2,500 taon na ang nakalilipas, isinulat ni propeta Isaias na ang lupa ay bilog.—Isaias 40:22.a
Oo, magkasuwato ang sinasabi ng Bibliya at ng siyensiya tungkol sa pisikal na uniberso. Sa katunayan, hindi lang magkasuwato ang mga ito—nagtutulungan ang mga ito para matuto tayo nang higit tungkol sa Diyos.—Awit 119:105; Isaias 40:26.
[Talababa]
a Para sa higit na pagtalakay tungkol sa pag-iral ng Diyos at pagiging tumpak ng Bibliya, basahin ang brosyur na Saan Nagmula ang Buhay? at ang aklat na Is There a Creator Who Cares About You? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
● Ano ang itinuturo ng sangnilalang tungkol sa Diyos?—Roma 1:20.
● Anong mga bagay tungkol sa Diyos ang hindi kayang ipaliwanag ng siyensiya?—2 Timoteo 3:16.
● Bakit hindi naniwala sa mga pamahiing may kinalaman sa mga nilalang ang mga propeta noon ng tunay na Diyos?—Jeremias 33:25.
[Blurb sa pahina 23]
Ang uniberso ay kinokontrol ng eksaktong mga batas—“mga batas ng langit at lupa.”—JEREMIAS 33:25