Ang mga Panugtog sa Sinaunang Israel
MAHALAGANG bahagi ng kultura ng sinaunang Israel ang musika. Ang mga trumpeta at tambuli ay hinihipan para tawagin ang mga tao sa pagsamba at para maging hudyat ng mahahalagang pangyayari. Ang mga alpa at lira ay tinutugtog para pakalmahin ang mga hari. (1 Samuel 16:14-23) Ang mga tambol, simbalo, at mga rattle ay hinahampas at inaalog sa panahon ng masasayang okasyon.—2 Samuel 6:5; 1 Cronica 13:8.
Sinasabi ng Bibliya na si Jubal, isang inapo ni Cain, ang “nagpasimula [ng] lahat niyaong humahawak ng alpa at ng pipa.” (Genesis 4:21) Maaaring siya ang nakaimbento ng mga panugtog na de-kuwerdas at mga panugtog na hinihipan.
Binabanggit sa Bibliya ang maraming pangyayari na nagsasangkot ng musika. Pero wala itong gaanong sinasabi tungkol sa ginamit na mga panugtog. Sa tulong ng mga tuklas sa arkeolohiya at sinaunang mga akda, sinubukang alamin ng mga iskolar ang posibleng hitsura at tunog ng sinaunang mga instrumento. Hindi pa napatutunayan ang ilan sa kanilang konklusyon pero tingnan natin ang ilang halimbawa na may sumusuportang ebidensiya.
Mga Tamburin, Sistro, at mga Simbalo
Pagkatapos na makahimalang patawirin ng Diyos si Moises at ang mga Israelita sa Dagat na Pula, ang kapatid ni Moises na si Miriam, kasama “ang lahat ng mga babae,” ay lumabas na “may mga tamburin at nagsasayawan.” (Exodo 15:20) Walang nakuhang tamburin mula sa panahon ng Bibliya na kamukha ng mga tamburin sa ngayon. Pero natagpuan sa Israel ang sinaunang pigurin ng mga babaing may hawak na tambol sa mga lugar na gaya ng Aczib, Megido, at Bet-sean. Ang panugtog na ito, na madalas tawaging tamburin sa mga salin ng Bibliya, ay posibleng isang simpleng paikot na patpat na nilagyan ng banát na balat ng hayop.
Noong panahon ng mga patriyarka, ang tamburin ay tinutugtog ng mga babae sa panahon ng masasayang okasyon, kasabay ng pag-awit at pagsasayaw. Sinasabi ng Bibliya na pagkatapos ng isang mahalagang tagumpay sa digmaan, si Jepte na lider ng Israel ay sinalubong ng kaniyang anak na babae na “may pagtugtog ng tamburin at pagsasayaw.” Ipinagdiwang din ng mga babae ang tagumpay ni David na “may awit at mga sayaw” at “may mga tamburin.”—Hukom 11:34; 1 Samuel 18:6, 7.
Nang dalhin ni Haring David sa Jerusalem ang kaban ng tipan, ang taong-bayan ay “[nagdiwang] sa harap ni Jehova taglay ang lahat ng uri ng mga panugtog na yari sa tablang enebro at may mga alpa at mga panugtog na de-kuwerdas at mga tamburin at mga sistro at mga simbalo.” (2 Samuel 6:5) Nang maglaon, ang templo sa Jerusalem ay nagkaroon ng sariling orkestra, na kinabibilangan ng bihasang mga manunugtog ng simbalo, trumpeta, alpa, at iba pang mga panugtog na de-kuwerdas.
Ngayong may ideya na tayo tungkol sa hitsura ng tamburin, ano naman ang sistro? Para itong rattle na may maliit na biluhabang balangkas na metal at may hawakan. Lumilikha ito ng matinis at kumakalansing na tunog kapag inaalog. Minsan lang binanggit ng Bibliya ang sistro—noong dalhin sa Jerusalem ang kaban ng tipan. Pero ayon sa tradisyong Judio, tinutugtog din ang sistro sa panahon ng kalungkutan.
Kumusta naman ang sinaunang mga simbalo? Baka isipin mo na ang mga ito’y malalaking disk na metal na pinupompiyang. Pero may mga simbalo sa Israel na mga sampung sentimetro lang ang diyametro, kahawig ng mga castanet, at nakalilikha ng kumakalansing na tunog.
Mga Alpa at mga Panugtog na De-kuwerdas
Ang kinnor, na madalas tukuyin bilang “alpa” o “lira,” ay pangkaraniwan sa sinaunang Israel. Tinugtog ito ni David para magdulot ng kaginhawahan kay Haring Saul. (1 Samuel 16:16, 23) Di-bababa sa 30 hitsura ng lira ang natipon ng mga iskolar mula sa mga paglalarawan sa sinaunang mga batong dingding, barya, moseyk, plake, at mga pantatak. Nagbagu-bago ang anyo ng lira sa paglipas ng panahon. Kinakarga ito ng manunugtog sa kaniyang bisig at kinakalabit ang mga kuwerdas nito gamit ang kaniyang mga daliri o isang pick.
Ang nebel ay kahawig ng kinnor. Di-matiyak kung ilan ang kuwerdas nito, kung gaano ito kalaki, at kung paano ito tinutugtog. Pero ipinapalagay ng maraming iskolar na ang nebel at ang kinnor ay parehong nabibitbit ng manunugtog.
Mga Trumpeta at Tambuli
Inutusan ng Diyos si Moises na gumawa ng dalawang trumpeta. Ang mga ito ay yari sa pinukpok na pilak. (Bilang 10:2) Ginamit ito ng mga saserdote para ipatalastas ang mga pangyayari sa templo at ang iba’t ibang kapistahan. Magkakaiba ang tunog na nililikha nito depende sa layunin, kasama na rito ang isang malakas at tuluy-tuloy na tunog o isa na mas maikli. Hindi pa rin alam ang eksaktong hitsura ng mga trumpetang ito yamang wala namang nakuhang trumpeta mula sa panahon ng Bibliya. Mga interpretasyon lang ng mga dalubsining ang taglay natin, gaya ng paglalarawang nakaukit sa bahorelyebe sa Arko ni Tito sa Roma.
Ang tambuli, o shofar, ay mahigit 70 ulit na binanggit sa Hebreong Kasulatan. Gawa ito sa sungay ng kambing o ng barakong tupa. Ayon sa mga reperensiyang Judio, may dalawang uri ng tambuli—ang isa ay tuwid na may gintong bokilya at ang isa naman ay pakurba na may palamuting pilak. Madalas gamitin ang tambuli bilang instrumentong panghudyat dahil nakalilikha ito ng malagong na tunog na may dalawa o tatlong tono at malayo ang nararating.
Sa sinaunang Israel, ginamit ang tambuli upang ihudyat ang ilang relihiyosong mga kaganapan, gaya ng pasimula at pagtatapos ng Sabbath. Pero ginamit din ito sa ibang paraan—halimbawa, sa panahon ng digmaan. Isip-isipin na lang ang dagundong ng 300 tambuli ng hukbo ni Gideon bago nila sorpresang sinalakay sa gabi ang mga Midianita.—Hukom 7:15-22.
Iba Pang mga Panugtog
Ginamit din noong panahon ng Bibliya ang mga panugtog na gaya ng kampanilya, plawta, at laud. Binanggit ng propeta ni Jehova na si Daniel, na ipinatapon sa sinaunang Babilonya, na may orkestra si Haring Nabucodonosor at kabilang doon ang sitara, pipa, at gaita.—Daniel 3:5, 7.
Ang ilang panugtog na ito na binanggit sa Kasulatan ay patunay na ang musika ay bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng sinaunang Israel, at malamang na pati ng iba pang sibilisasyon noon. Ang musika ng mga ito ay narinig sa maharlikang korte at sa mga lugar ng pagsamba, pati na rin sa mga nayon at tahanan.
[Larawan sa pahina 15]
Ang sistro ay inaalog na parang rattle
[Larawan sa pahina 15]
Bihasa si Haring David sa pagtugtog ng alpa
[Larawan sa pahina 15]
Ginagamit na ang tamburin noong panahon ng mga patriyarka
[Larawan sa pahina 15]
Ginagamit ang trumpeta para ipatalastas ang maraming pangyayari
[Larawan sa pahina 16]
Pigurin ng babaing may panugtog na pinupukpok, ikawalong siglo B.C.E.
[Larawan sa pahina 16]
Isang barya na may instrumentong de-kuwerdas, ikalawang siglo C.E.
[Larawan sa pahina 16]
Nakaukit sa batong ito na mula sa bakuran ng templo sa Jerusalem ang mga salitang “sa dako na pinaghihipan ng trumpeta,” unang siglo B.C.E.
[Picture Credit Lines sa pahina 16]
Pottery figurine: Z. Radovan/BPL/Lebrecht; coin: © 2007 by David Hendin. All rights reserved; temple stone: Photograph © Israel Museum, Jerusalem; courtesy of Israel Antiquities Authority