Ang Iyo Bang mga Labi ay “Mahahalagang Sisidlan”?
● “May ginto, at maraming korales; ngunit ang mga labi ng kaalaman ay mahahalagang sisidlan,” ang isinulat ni Haring Solomon. (Kawikaan 20:15) Noon pa man ay itinuturing nang mahalaga ang ginto, at noong panahon ni Solomon, pinahahalagahan din ang mga korales. Pero puwedeng maging mas mahalaga ang ating mga labi kaysa sa mga ito. Paano? Hindi dahil sa hitsura, kundi dahil sa mga salitang namumutawi sa mga ito.
Ang mahahalagang labi ay nagpapahayag ng kabutihan, kabaitan, at pag-ibig. At bilang “mga labi ng kaalaman,” ang mga ito ay nagsasalita ng katotohanan tungkol sa Diyos gaya ng nakaulat sa Bibliya. Ang aklat na ito ay punô ng karunungan at katotohanan tungkol sa ating Maylalang, pati na ng mahuhusay na payo para sa pamumuhay.—Juan 17:17.
Nakalulungkot, ginagamit ng maraming tao ang kanilang mga labi sa maling paraan. Nagsasalita sila ng mga kasinungalingan tungkol sa Diyos. Halimbawa, isinisisi nila sa kaniya ang kawalang-katarungan at pagdurusa sa daigdig, na ang karamihan ay kagagawan ng tao. Kaya naman ganito ang sinasabi sa Kawikaan 19:3: “May mga taong nagpapahamak sa kanilang sarili nang dahil sa kanilang sariling kamangmangan sa pagkilos at pagkatapos ay sinisisi ang Panginoon.”—Today’s English Version.
Pinabababa naman ng iba ang halaga ng kanilang mga labi sa pamamagitan ng paimbabaw na pananalita, tsismis, o paninirang-puri pa nga. Ganito ito inilalarawan sa Kawikaan 26:23: “Gaya ng pampakintab na pilak na ikinakalupkop sa bibingang luwad ang maaalab na labi na may masamang puso.” Kung paanong nababalutan ng “pampakintab na pilak” ang luwad, maaaring naikukubli ng “maaalab na labi,” na nagpapahayag ng masidhing damdamin at kataimtiman pa nga, ang isang “masamang puso.”—Kawikaan 26:24-26.
Siyempre pa, hindi lingid sa Diyos ang gayong kasamaan. Kilalang-kilala niya tayo! Kaya naman sinabi ni Jesu-Kristo: “Linisin mo muna ang loob ng kopa at ng pinggan, upang ang labas nito ay maging malinis din.” (Mateo 23:26) Totoo iyan! Karagdagan pa, kung malinis at dalisay ang ating kalooban at punô ng espirituwal na katotohanan ang ating puso, mahahalata ito sa ating pananalita. Ang resulta? Ang ating mga labi ay magiging “mahahalagang sisidlan,” lalo na sa paningin ng Diyos.
[Larawan sa pahina 19]
Ang mga labi ng marurunong ay “mahahalagang sisidlan”