Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 1/12 p. 7-9
  • Pagiging Tapat—Nagdudulot ng Tunay na Tagumpay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagiging Tapat—Nagdudulot ng Tunay na Tagumpay
  • Gumising!—2012
  • Kaparehong Materyal
  • Maging Tapat sa Lahat ng Bagay
    Kung Paano Mananatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Kung Bakit Sulit na Maging Tapat
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2016
  • Maging Matapat sa Lahat ng Bagay
    Manatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Ano ang Magiging Kapalit ng Negosyo Mo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
Iba Pa
Gumising!—2012
g 1/12 p. 7-9

Pagiging Tapat​—Nagdudulot ng Tunay na Tagumpay

“Kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.”​—Lucas 12:15.

ANG pagkita ng pera ay bahagi ng buhay. May pananagutan tayo sa Diyos na maglaan para sa ating sarili at sa ating pamilya.​—1 Timoteo 5:8.

Pero paano kung hindi ka na kontento sa basta pagkita ng pera at pagbili ng kinakailangang mga bagay? Paano kung ito na ang nagiging pangunahin sa buhay mo? Kung ganiyan ang isa, mas madali siyang matukso na gumawa ng pandaraya. Baka sa bandang huli na lang niya makita na hindi iyon nagdudulot ng tunay na tagumpay. Bukod diyan, gaya ng sinasabi sa Bibliya, ang pag-ibig sa pera ay sanhi ng maraming kirot.​—1 Timoteo 6:9, 10.

Pag-isipan ang karanasan ng apat na indibiduwal na nagsasabing ang tagumpay ay higit pa sa basta pagkakaroon ng kayamanan.

Paggalang sa Sarili

“Mga ilang taon na ang nakalilipas, ininterbyu ko ang isang potensiyal na kliyente na gustong kumuha ng life insurance na milyun-milyong dolyar ang benepisyo. Libu-libong dolyar sana ang komisyon ko. Sinabi niya sa akin na kukuha siya ng insurance kung hahatian ko siya sa komisyon. Ang hinihiling niya ay hindi lang madaya kundi ilegal din, at sinabi ko iyon sa kaniya.

“Sinubukan kong mangatuwiran sa kaniya. Itinanong ko kung magbibigay ba siya ng personal at pinansiyal na impormasyon, na puro kompidensiyal, sa isang taong hindi tapat. Inulit ko sa kaniya ang paninindigan ko at sinabing kontakin niya ako kung gusto niyang ako ang maging ahente niya. Hindi na siya tumawag.

“Kung pumayag ako sa alok niya, nasira ang katapatan ko pati na ang paggalang ko sa sarili bilang isang Kristiyano. At naging alipin pa ako ng isang tao na nagturo sa akin na mandaya.”​—Don, E.U.A.

Kapayapaan ng Isip

Gaya ng nabanggit sa unang artikulo, sinuhulan si Danny ng malaking halaga para magsinungaling tungkol sa kakayahan ng isang pabrika na potensiyal nilang supplier. Ano ang ginawa niya?

“Pinasalamatan ko ang manedyer sa pagti-treat niya sa akin sa hapunan at saka ko isinauli ang sobreng may pera. Nagbaka-sakali pa rin siya at sinabi na kung aaprobahan namin ang kanilang pabrika, dadagdagan pa niya iyon. Tumanggi ako.

“Kung tinanggap ko ang suhol, malamang na lagi akong takót na mabisto. Nalaman din ng boss ko ang tungkol sa insidenteng iyon. Masayang-masaya ako na hindi ako nandaya. Naalala ko tuloy ang sinabi sa Kawikaan 15:27: ‘Ang nagtitipon ng di-tapat na pakinabang ay nagdadala ng sumpa sa kaniyang sariling sambahayan, ngunit ang napopoot sa mga kaloob [o suhol] ang siyang mananatiling buháy.’ ”​—Kawikaan 15:27.​—Danny, Hong Kong.

Kaligayahan sa Pamilya

“May sarili akong construction business. Marami akong oportunidad na mandaya ng kostumer o makaiwas sa pagbabayad ng buwis. Pero ako at ang pamilya ko ay nakikinabang sa determinasyon kong maging tapat.

“Sangkot sa pagiging tapat ang buong buhay ng isa, hindi lang ang trabaho o negosyo. Kapag alam mong hindi lalabagin ng iyong asawa ang mga pamantayan ng Diyos sa katapatan, mas malaki ang tiwala mo sa kaniya. Panatag ang iyong asawa dahil alam niya na palagi kang tapat.

“Kahit ikaw ang may-ari ng pinakamalaking kompanya sa daigdig, hindi mo magagamit ang pera mo para lunasan ang mga problema sa pamilya. Bilang isang Saksi ni Jehova, nakikita kong ang pagsunod sa mga simulain ng Bibliya ay nakakatulong para makapanatiling balanse. May panahon akong mag-enjoy kasama ang pamilya ko, at hindi ko kailangang makipagsabayan sa daigdig na ito na kontrolado ng pera at kasakiman.”​—Durwin, E.U.A.

Malapít na Kaugnayan sa Diyos

“Ako ang tagabili ng mga suplay ng kompanya namin. Kung minsan, sinasabi ng mga ahente na sa halip na ibigay sa kompanya ang buong discount, poporsiyentuhan na lang nila ako mula sa halaga na bibilhin namin. Pero pagnanakaw na rin iyon sa kompanya.

“Katamtaman lang ang suweldo ko, at kailangan ko ang dagdag na kita. Pero wala nang hihigit pa sa pagkakaroon ng malinis na budhi at mabuting katayuan sa harap ng Diyos na Jehova. Kaya sa bawat transaksiyon, sinusunod ko ang simulain sa Hebreo 13:18: ‘Nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.’ ”​—Raquel, Pilipinas.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 9]

Mga Simulain sa Malinis na Paghahanapbuhay

Iba-iba ang pamantayang sinusunod ng mga negosyante depende sa kanilang lugar. Pero ang mga simulain sa Bibliya ay maaaring gamiting basehan sa paggawa ng mga tamang pasiya. Narito ang anim na katangian ng malinis na paghahanapbuhay:

Nagsasabi ng Totoo

Simulain: “Huwag kayong magsisinungaling sa isa’t isa.”​—Colosas 3:9.

Maaasahan

Simulain: “Ang inyo lamang salitang Oo ay mangahulugang Oo, ang inyong Hindi, Hindi.”​—Mateo 5:37.

Mapagkakatiwalaan

Simulain: “Huwag mong isiwalat ang lihim na usapan ng iba.”​—Kawikaan 25:9.

Tapat

Simulain: “Huwag kang tatanggap ng suhol, sapagkat ang suhol ay bumubulag ng mga taong malinaw ang paningin.”​—Exodo 23:8.

Patas Makitungo

Simulain: “Lahat ng mga bagay . . . na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.”​—Mateo 7:12.

Legal

Simulain: “Ibigay sa lahat ang kanilang kaukulan, sa kaniya na humihiling ng buwis, ang buwis.”​—Roma 13:7.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 9]

Kung Paano Mananatiling Tapat sa Paghahanapbuhay

● Alamin ang Iyong Priyoridad. Halimbawa, gaano kahalaga sa iyo ang kayamanan kumpara sa mabuting katayuan sa harap ng Diyos?

● Magpasiya Antimano. Pag-isipan ang mga sitwasyong susubok sa katapatan mo, at planuhin kung paano ka tutugon.

● Sabihin ang Paninindigan Mo. Sa simula pa lang, sabihin na agad sa mataktikang paraan ang iyong mga pamantayan.

● Humingi ng Tulong sa Iba. Kapag napaharap sa tuksong mandaya, humingi ng payo sa isa na kapareho mo ng pamantayan.

[Larawan sa pahina 8]

Kung tapat ka, payapa ang isip mo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share