Connected Ka Ba?
● Pag-isipan ang eksenang ito. Tinatawag ng mga tao si Sam na makaluma. Ayaw niyang gumamit ng modernong teknolohiya para makausap ang kaniyang mga kapamilya at kaibigan, samantalang ang lahat, kahit ang kaniyang mga anak na tin-edyer, ay gustong gumamit nito. Pabirong sinabi ni Sam sa 16-anyos niyang anak na babae, “Nami-miss ko y’ong panahon na kaharap mo ang kausap mo!”
Nang bandang huli, nag-isip-isip si Sam. Naalala niya ang mga kakilala niya na matagal na niyang hindi nakikita at nakakausap. Naisip niya ang mga kapamilya na napakaabala kaya bihira na niyang makausap. ‘Kung gusto kong nakakausap pa rin silang lahat,’ ang naisip ni Sam, ‘mukhang kailangan ko ngang sumabay sa kalakaran.’ Kalagitnaan noon ng ika-20 siglo sa isang nayon sa Estados Unidos. Sa wakas, ang makalumang si Sam ay nagpaplano nang magpakabit ng telepono.
Tumalon tayo sa taóng 2012. Katatapos lang makipag-usap sa telepono ng apo ni Sam na si Nathan kina Roberto at Angela, malalapít niyang kaibigan na lumipat sa ibang bansa. ‘Sampung taon na pala ang lumipas!’ ang sabi ni Nathan sa sarili. Gulat na gulat siya sa mabilis na paglipas ng panahon.
Sa mga taóng nagdaan, kontento na si Nathan sa paminsan-minsang tawag sa telepono ng mga kapamilya at kaibigan na lumipat sa malalayong lugar. Pero ngayon, parang ang lahat—pati ang mga anak niyang tin-edyer—ay gumagamit ng social network para makipag-ugnayan sa mga kapamilya at kaibigan.
Tinatawag ng mga tao si Nathan na makaluma dahil ayaw niyang gumamit ng makabagong teknolohiya. “Nami-miss ko y’ong panahon na makikipag-usap ka sa telepono at maririnig ang boses ng kausap mo,” ang sabi niya. Pero ngayon, nagbabago na ang isip ni Nathan. ‘Kung gusto ko pa ring may komunikasyon sa kanilang lahat,’ ang sabi niya sa sarili, ‘mukhang kailangan ko ngang sumabay sa kalakaran.’
Ganiyan din ba ang nadarama mo? Likas sa tao ang makipag-usap. (Genesis 2:18; Kawikaan 17:17) Yamang napakarami ang gumagawa nito sa pamamagitan ng mga social network, ano ang dapat mong malaman tungkol sa teknolohiyang ito?