May Nagdisenyo ba Nito?
Ang Makulay na Pakpak ng Paruparo
● Ang makintab na pakpak ng ilang paruparo ay nag-iiba-iba ng kulay depende sa kung saang anggulo ito titingnan. Napakatingkad ng kulay ng pakpak ng isang uri ng paruparo kung kaya makikita pa rin ito sa layong 805 metro. Bakit kahanga-hanga ang pakpak ng paruparo?
Pag-isipan ito: Ang mga hanay ng pagkaliliit na uka sa pinakaibabaw ng pakpak ng paruparong green swallowtail (Papilio blumei) ay nagre-reflect ng liwanag sa iba’t ibang paraan. Halimbawa, ang pinakagitna ng bawat uka ay nagre-reflect ng yellow-green na liwanag, at ang mga gilid naman ay asul na liwanag. Bukod diyan, direktang nare-reflect ang liwanag kapag tumama ito sa pinakagitna ng uka, pero kapag tumama ito sa gilid ng uka na may mga layer, tumatalbog muna ang liwanag sa mga layer na iyon, na siyang lalong nagpapatingkad at bahagyang nagpo-polarize, o nagpapaikot, sa liwanag. Ang resulta ay tinatawag na structural color dahil sa masalimuot na paraan ng paglikha sa kulay na iyon.
Inabot ng sampung taon bago nakagawa ang mga mananaliksik ng simpleng modelo ng pinakaibabaw ng pakpak ng paruparo. Umaasa sila na sa tulong ng gayong teknolohiya, posibleng makagawa ng mga perang papel at credit card na mahirap palsipikahin at mga solar cell na mas magaling mag-ipon ng enerhiya mula sa araw. Pero hindi madaling gayahin ang pinakaibabaw ng pakpak ng paruparo. “Sa kabila ng detalyado at makasiyentipikong kaalaman sa optika,” ang isinulat ni Propesor Ullrich Steiner ng Nanoscience Centre sa Cambridge University, “ang napakaraming iba’t ibang kulay na makikita sa kalikasan ay kadalasan nang nakahihigit sa kayang gawin ng teknolohiya sa larangan ng optika.”
Ano sa palagay mo? Nagkataon lang ba ang makulay na pakpak ng paruparo? O may nagdisenyo nito?
[Larawan sa pahina 24]
Paruparong green swallowtail
[Larawan sa pahina 24]
Hitsura ng pakpak ng paruparo kapag tiningnan sa mikroskopyo
[Picture Credit Lines sa pahina 24]
Butterfly: Faunia, Madrid; microscopic view: © Eye of Science/Photo Researchers, Inc.