Kung Paano Tutulungan ang mga May Anxiety Disorder
“Madalas na kumakabog ang dibdib ko, pinagpapawisan ako nang malamig, at kinakapos ang hininga ko. Kabadung-kabado ako, balisa, at litung-lito.”—Isabella, mahigit 40 anyos at may panic disorder.
ANG anxiety, o pagkabalisa, ay mailalarawan na “pagkadama ng nerbiyos o pag-aalala.” Halimbawa, ninerbiyos ka na ba nang makakita ka ng isang galít na aso sa harap mo? Ano ang nangyari nang umalis na ito? Nawala na rin ang kaba at nerbiyos mo, hindi ba? Pero ano ang tinatawag na anxiety disorder?
Kapag lumala ang pagkabalisa, anupat hindi ito naaalis kahit wala nang dahilan, maaari itong maging sakit. Ayon sa U.S. National Institute of Mental Health (NIMH), “ang anxiety disorder ay nararanasan ng mga 40 milyong Amerikano na edad 18 pataas . . . taun-taon.” Kuning halimbawa si Isabella, na binanggit sa itaas. Ang nagtatagal na pagkabalisa, gaya ng nararanasan niya, ay maaaring magdulot ng malulubhang problema sa isa.
Bukod diyan, maaari din nitong maapektuhan ang pamilya ng isa. Pero may magandang balita. Isang literatura ng NIMH ang nagsabi: “May mga epektibong terapi para sa mga may anxiety disorder, at may natutuklasang mga bagong paraan ng paggamot na makatutulong sa maraming may anxiety disorder na magkaroon ng makabuluhan at masayang buhay.”
Makatutulong din sa isang may anxiety disorder ang mga kapamilya at kaibigan. Paano?
Kung Paano Tutulong
Maging handang sumuporta: Ipinaliwanag ni Monica, na may generalized anxiety disorder at post-traumatic stress disorder, ang isang problema niya: “Hindi naiintindihan ng marami ang hirap ng damdamin na nararanasan ko.”
Dahil dito, ang mga may anxiety disorder ay kadalasan nang takót na takót na baka hindi sila maintindihan ng iba kaya hindi na lang nila sinasabi ang kanilang problema. Pero posibleng maging dahilan ito para makonsiyensiya sila, na lalo lang magpapalala sa nadarama nila. Kaya naman napakahalaga na laging handang sumuporta ang mga kapamilya at kaibigan.
Magsaliksik tungkol sa ganitong sakit: Partikular na angkop ang payong ito sa mga madalas kasama ng isang may anxiety disorder, gaya ng isang kapamilya o matalik na kaibigan.
Patuloy na aliwin ang isa’t isa: Si Pablo, isang misyonero noong unang siglo, ay nagpayo sa mga kaibigan niya sa Griegong lunsod ng Tesalonica na “patuloy [na] aliwin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa.” (1 Tesalonica 5:11) Maipakikita natin ito sa ating pananalita at tono ng boses. Kailangan nating ipakita na talagang nagmamalasakit tayo sa ating mga kaibigan, at dapat nating iwasan ang nakasasakit o mapanghusgang pananalita.
Pag-isipan ang ginawa ng tatlong diumano’y kaibigan ng lalaking si Job. Sa aklat ng Bibliya na isinunod sa pangalan niya, ipinahiwatig ng tatlong iyon na may mga kasalanang inililihim si Job kaya siya nagdurusa.
Kaya maging sensitibo sa nadarama ng isang may anxiety disorder. Pakinggan siyang mabuti. Sikaping tingnan ang mga bagay-bagay ayon sa pananaw niya at hindi sa pananaw mo. Huwag agad bumuo ng konklusyon habang nakikinig sa kaniya. Ganiyan ang ginawa ng mga diumano’y kaibigan ni Job, kaya naman tinawag silang “mapanligalig na mga mang-aaliw.” Lalo lang nilang pinabigat ang nadarama niya!—Job 16:2.
Tandaan na mahalagang makinig na mabuti sa mga may anxiety disorder. Hayaan silang sabihin ang kanilang nadarama. Makatutulong ito para mas maunawaan mo ang pinagdaraanan nila. At isipin ang magiging resulta nito! Baka matulungan mo silang magkaroon ng mas makabuluhan at masayang buhay.
[Kahon/Larawan sa pahina 27]
Iba’t Ibang Uri ng Anxiety Disorder
Mahalagang maging pamilyar sa mga anxiety disorder, lalo na kung ang mayroon nito ay kapamilya o matalik na kaibigan. Narito ang limang uri ng sakit na ito.
Panic Disorder Balikan natin si Isabella, na binanggit sa pasimula ng artikulong ito. Hindi lang ang mismong pag-atake ang nakapagpapahina sa kaniya. “Kapag hindi ako sinusumpong ng nerbiyos, nandiyan naman ang takot ko na baka ako sumpungin,” ang sabi niya. Kaya karaniwan nang iniiwasan ng mga may panic disorder ang mga lugar kung saan sila inatake ng nerbiyos. Ang ilan ay halos hindi na umaalis ng bahay o nagkakalakas lang ng loob na harapin ang kinatatakutang sitwasyon kapag kasama ang isa na pinagkakatiwalaan nila. Sinabi ni Isabella: “Huwag na huwag akong magsosolo dahil susumpong ang nerbiyos ko. Panatag ako kapag kasama ko si Inay; hindi ko kaya kapag malayo siya sa akin.”
Obsessive-Compulsive Disorder Ang isang taong takót na takót sa germs o dumi ay baka makadama na kailangan niyang paulit-ulit na maghugas ng kamay. Parang ganiyan ang nadarama ni Renan. Ang sabi niya: “Balisang-balisa ako habang paulit-ulit kong binabalikan ang mga nagawa kong pagkakamali, anupat sinusuri ang bawat anggulo.” Dahil dito, baka palaging nadarama ng isa na dapat niyang ipagtapat ang mga pagkakamaling matagal na niyang nagawa. Kailangan ni Renan na laging ipaalaala sa kaniya na wala siyang dapat ikabahala. Pero nakatulong din ang gamot para makontrol niya ang kaniyang damdamin.a
Post-Traumatic Stress Disorder (PTSD) Hindi pa natatagalan, ang terminong ito ay ginamit para sa iba’t ibang sikolohikal na sintomas na posibleng maranasan ng ilan pagkatapos ng isang matinding trauma dahil sa dinanas na pananakit o pagbabanta. Ang mga may PTSD ay nagiging magugulatin, mainisin, walang emosyon, at walang interes sa mga bagay na dati’y gusto nila. Nahihirapan din silang magmahal—lalo na sa mga dating malapít sa kanila. Ang ilan ay nagiging agresibo, nananakit pa nga, at may tendensiyang umiwas sa mga sitwasyong nagpapaalala ng sanhi ng kanilang trauma.
Social Phobia, o Social Anxiety Disorder Ang terminong ito ay tumutukoy sa mga tao na labis ang pagkabalisa at masyadong conscious sa sarili kapag kahalubilo ang iba. Ang ilang dumaranas nito ay laging takót na takót na baka pinagmamasdan sila at hinuhusgahan ng iba. Maaari nilang ikabalisa nang ilang araw o linggo ang isang dadaluhang okasyon. Puwedeng maging napakatindi ng takot nila anupat hindi na sila makapagpokus sa trabaho, pag-aaral, o sa iba pang gawain, at nahihirapan din silang makipagkaibigan.
Generalized Anxiety Disorder Ganito ang sakit ni Monica, na binanggit sa pasimula. Buong maghapon siyang “labis na nag-aalala” kahit sa maliliit na bagay o kahit walang dahilan. Ang mga may ganitong sakit ay may tendensiyang mag-isip na may masamang mangyayari at labis-labis na nababahala sa kalusugan, pera, o problema sa pamilya o trabaho. Ang pag-iisip pa lang ng mangyayari sa maghapon ay maaari nang maging dahilan ng pagkabalisa.b
[Mga talababa]
a Ang Gumising! ay hindi nagrerekomenda ng anumang partikular na paraan ng paggamot.
b Ang impormasyon sa itaas ay batay sa isang publikasyon ng National Institute of Mental Health ng U.S. Department of Health and Human Services.
[Larawan sa pahina 26]
“Patuloy ninyong aliwin ang isa’t isa”