May Nagdisenyo ba Nito?
Ang Shell ng Clusterwink Snail
● Maraming hayop-dagat ang bioluminescent, ibig sabihin, nakapaglalabas ng liwanag. Ginagamit ng clusterwink snail ang kakayahang ito sa kakaibang paraan. Kapag sinasalakay ng alimasag, ang clusterwink ay nagtatago sa shell nito at walang-tigil na nagpa-flash ng liwanag, na ikinatatakot ng alimasag. Pero paano nakakatagos ang liwanag mula sa shell ng susóng ito?
Pag-isipan ito: Sa halip na harangan ang liwanag, ikinakalat ito ng shell ng clusterwink snail. Natuklasan nina Dimitri Deheyn at Nerida Wilson, mga siyentipiko sa Scripps Institution of Oceanography sa San Diego, California, E.U.A., na ang liwanag na nagmumula sa susô ay pantay na nakakalat sa buong shell, at ang pagkakakalat ng liwanag ay sampung beses na mas mahusay kaysa sa nagagawa ng mga nabibiling diffuser na singkapal ng shell (0.5 milimetro). Isa pa, ang shell ng clusterwink ay walong beses na mas mahusay magkálat ng liwanag sa paligid kaysa sa mga diffuser na gawa ng tao. Ang pambihirang kakayahang ito na magkálat ng liwanag ay hindi kayang gawin ng shell ng mga susóng-dagat na hindi bioluminescent. Kapansin-pansin, ang kulay ng liwanag na ikinakalat ng clusterwink ang siyang kulay na may pinakamalayong nararating sa tubig-dagat.
Ayon kay Dr. Deheyn, ang pagsasaliksik tungkol sa clusterwink snail ay “mapapakinabangan sa paggawa ng mga materyales na mahusay magkálat ng liwanag.” Ang larangan ng biophotonics, na gumagamit ng liwanag sa medikal na pagsusuri at paggamot, ay makikinabang din sa gayong pagsasaliksik. At dahil uso na ngayon ang mga light-emitting diode (LED), ang mga diffuser na mas mahusay magpatingkad ng liwanag mula sa maliliit na ilaw ay tiyak na makakatulong sa pagtitipid ng enerhiya.
Ano sa palagay mo? Ang shell ba ng clusterwink snail ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?
[Larawan sa pahina 18]
Pinalaking larawan ng shell sa normal na liwanag
[Larawan sa pahina 18]
Pinalaking larawan ng shell na nagkakálat ng liwanag
[Picture Credit Lines sa pahina 18]
Left: www.robastra.com; center and right: Courtesy of Dr. D. Deheyn, Scripps Institution of Oceanography, UC San Diego