Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 6/12 p. 26-27
  • Nakakaing mga Insekto—Pagkaing Hindi Namin Malilimutan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nakakaing mga Insekto—Pagkaing Hindi Namin Malilimutan
  • Gumising!—2012
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Maraming Makakain sa Kagubatan
  • Ligtas Kainin at Masustansiya
  • Ang Ulam Namin
  • Insekto, Mga
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Ang Kagila-gilalas na Daigdig ng mga Insekto
    Gumising!—2000
  • Pananghaliang Uod
    Gumising!—2007
  • Ang Magandang Mariposa
    Gumising!—2001
Iba Pa
Gumising!—2012
g 6/12 p. 26-27

Nakakaing mga Insekto​—Pagkaing Hindi Namin Malilimutan

INIMBITAHAN kaming mag-asawa ng ilang kaibigan sa isang salu-salo na idinaos sa isang bahay sa Bangui, kabisera ng Central African Republic.

“Tuloy! Sana gutom kayo!” ang sabi nila pagdating namin. Bago pa kami pumasok sa bahay, naaamoy na namin ang sibuyas, bawang, at iba pang pampalasa, at naririnig namin ang masayang kuwentuhan ng mga kaibigan namin. Ang host namin ay si Ella, at kinuwentuhan niya kami tungkol sa ihahaing pagkain.

“Ang mga insekto ay isa sa mga pinagkukunan ng protina ng marami sa mga taga-Sentral Aprika,” ang paliwanag ni Ella. “Pero hindi namin ito kinakain dahil napipilitan lang kami kundi talagang napakasarap nito.” Ang sabi pa niya, “Ang kakainin natin ngayon ay makongo​—higad.”

Hindi na kami dapat magulat sa sinabi niya. Bagaman ang mga insekto ay hindi katakam-takam sa marami, may mga insekto na itinuturing na espesyal na pagkain sa mahigit sandaang bansa.

Maraming Makakain sa Kagubatan

Sari-saring insekto ang kinakain sa Central African Republic. Kapag tag-ulan, ang mga anay na tinatawag na bobo ay nagkukulumpon sa kanilang punso o, kung sa mga lunsod, sa mga ilaw. Pagkatapos ng malakas na ulan sa hapon, nagtatakbuhan ang mga bata para manguha ng bobo at basket-basket ang nakukuha nila. Kadalasan, tuwang-tuwa sila na basta na lang isubo ang mga ito. Ang mga anay ay kinakain matapos ibilad, ibusa sa asin, at lagyan ng sili, o maaaring iluto nang may sarsa o gawing dumpling.

Ang kindagozo naman ay mga berdeng tipaklong na dumaragsa sa Sentral Aprika kapag tag-araw. Ang mga ito ay ibinubusa o kaya’y pinakukuluan matapos alisan ng paa at pakpak.

May iba pang uri ng higad na kinakain sa bansang iyon. Minsan, may nagpakain sa amin ng uod ng Imbrasia. Ang malaking brown na mariposang ito ay nangingitlog sa mga puno ng sapelli. Kapag naging higad na ang mga itlog, kinukuha iyon ng mga taganayon at hinuhugasan. Pagkatapos, pinakukuluan iyon nang may kasamang kamatis, sibuyas, at iba pang sahog ayon sa resipi ng pamilya. Ang iba ay maaaring ibilad o pausukan para mapreserba at maaari itong tumagal nang hanggang tatlong buwan.

Ligtas Kainin at Masustansiya

Bagaman may mga insektong hindi nakakain, ang marami ay ligtas kainin kapag nanggaling sa mga lugar na walang pesticide at fertilizer at nalinis na mabuti. Siyempre pa, hindi ito dapat kainin ng mga may alerdyi sa shellfish dahil ang mga insekto, gaya ng shellfish, ay arthropod din. Di-gaya ng maraming shellfish, na kumakain ng nabubulok na mga bagay, ang karamihan sa nakakaing mga insekto ay kumakain lang ng malilinis na dahon at mga halaman na hindi kaya ng panunaw ng tao.

Ang mga higad ay siksik sa sustansiya kahit maliliit lang ang mga ito. Ayon sa Food and Agriculture Organization ng United Nations, ang protina ng pinatuyong higad ay mahigit doble sa protina ng karne ng baka. Sa ngayon, muling nakikita ng mga eksperto sa pagkain na ang mga insekto ay puwedeng magsilbing masustansiyang pagkain para sa papaunlad na mga bansa.

Depende sa uri ng nakakaing higad, ang 100 gramo lang nito ay makapaglalaan na ng malaking porsiyento ng sustansiyang kailangan ng tao sa isang araw, gaya ng kalsyum, iron, magnesium, phosphorus, potasyum, at zinc, bukod pa sa maraming bitamina. Isa pa, ang harinang gawa sa higad ay puwedeng lutuin at ipakain sa mga batang kulang sa nutrisyon.

Bukod sa sustansiyang nakukuha sa mga insekto, may iba pang pakinabang sa pagkain nito. Hindi ito nakasisira sa kapaligiran. Hindi ito makonsumo sa tubig at kaunting-kaunti lang ang inilalabas nitong greenhouse gas. Bukod diyan, ang pangunguha ng mga insekto para kainin ay isang natural na paraan ng pagkontrol sa mga peste.

Ang Ulam Namin

Habang hinihintay namin ang espesyal na pagkaing ito, naalala namin na ayon sa tipang Kautusan na ibinigay sa sinaunang bansang Israel, ang mga balang ay malinis. Kumain ng balang ang ilang lingkod ng Diyos, gaya ni Juan Bautista. (Levitico 11:22; Mateo 3:4; Marcos 1:6) Pero baka sa simula, mag-atubili tayong kumain ng pagkaing hindi natin nakasanayan.

Nang lumabas si Ella sa kusina, napalingon ang lahat sa umuusuk-usok na ulam na dala niya. Nakangiti ang walong taga-Sentral Aprika na kasama namin, at dalawang malalaking mangkok ng higad ang inihain sa amin. Dahil kami ang bisita, kami ang unang ipinagsandok, at ang daming ibinigay sa amin!

Ito ang masasabi namin: “Kung magkakaroon ka ng pagkakataong kumain ng gayong pagkain na mura lang pero masarap at masustansiya, subukan mo! Iyon ay pagkaing hinding-hindi mo malilimutan.”

[Larawan sa pahina 27]

Hindi pa nalulutong “makongo”​—higad

[Larawan sa pahina 27]

Nilutong “kindagozo”​—tipaklong

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share