Tulong Para sa mga Batang Nagdadalamhati
Napakahirap sabihin sa isang adulto na namatay na ang kaniyang mahal sa buhay. Pero isipin na lang kung sasabihin mo iyan sa isang bata.
PARA sa maraming bata, ang mamatayan ng isang kapamilya o kaibigan ay mahirap maintindihan—baka nakakatakot pa nga. Isang hamon na tulungan ang isang bata na maharap ito, lalo na para sa mga magulang na nagdadalamhati rin at nangangailangan ng emosyonal na tulong.
Inaaliw ng ilang magulang ang bata sa pagsasabing iniwan na sila ng namatay o kaya’y umalis na ito. Pero ang gayong pananalita ay nakalilito at mapandaya. Kaya paano mo ipakikipag-usap sa isang bata ang tungkol sa kamatayan?
Napaharap sina Renato at Isabelle sa gayong hamon. Nang mamatay ang tatlo-at-kalahating-taóng-gulang nilang anak na si Nicolle, kinailangan nilang tulungan ang kanilang anak na si Felipe, na noo’y limang taon, para makayanan ang pagkamatay ng kaniyang kapatid.
Gumising!: Paano ninyo ipinaliwanag kay Felipe na namatay na si Nicolle?
Isabelle: Sinabi namin sa kaniya kung ano ang totoo. Pinasigla namin siyang magtanong, at sinasagot namin siya gamit ang mga salitang maiintindihan ng isang bata. Namatay si Nicolle dahil sa impeksiyong dulot ng baktirya, kaya sinabi namin sa kaniya na isang mikrobyo ang nakapasok sa katawan ni Nicolle at hindi iyon nakayang patayin ng mga doktor.
Gumising!: Sinabi ba ninyo kay Felipe ang paniniwala ng inyong relihiyon tungkol sa kamatayan?
Renato: Mga Saksi ni Jehova kami, at alam naming makakatulong kay Felipe kung ipapaliwanag namin sa kaniya ang tungkol sa kamatayan batay sa sinasabi ng Bibliya. Maliwanag ang turo ng Bibliya—ang patay ay wala nang malay. (Eclesiastes 9:5) Naisip namin na kung sasabihin namin ito kay Felipe, mawawala ang anumang takot niya—halimbawa, kapag wala siyang kasama sa gabi.
Isabelle: Itinuturo din ng Bibliya na ang mga patay ay bubuhaying muli sa paraisong lupa. Iyan ang paniniwala namin, at alam naming makakatulong din iyan kay Felipe. Kaya sinabi namin sa kaniya ang turo ng Bibliya. Ikinuwento namin sa kaniya ang ulat sa Bibliya tungkol sa pagbuhay-muli ni Jesus sa 12-anyos na anak na babae ni Jairo. Saka namin ipinaliwanag na bubuhayin ding muli si Nicolle. Iyan ang itinuturo ng Bibliya.—Marcos 5:22-24, 35-42; Juan 5:28, 29.
Gumising!: Maiintindihan na kaya ni Felipe ang lahat ng iyon?
Renato: Oo naman. Napakalaking tulong sa mga bata kapag binigyan sila ng simple, malinaw, at tumpak na paliwanag. Hindi kailangang maglihim sa kanila tungkol dito. Dumarating talaga ang kamatayan. Ang malungkot niyan, bahagi pa rin ito ng buhay ng tao. Kaya kailangang ipakipag-usap ng mga magulang sa kanilang mga anak kung paano haharapin ang pagkamatay ng isang mahal sa buhay, na ginawa rin namin nang maglaon sa bunso naming si Vinicius.a
Gumising!: Dinala ba ninyo si Felipe sa libing?
Renato: Pinag-isipan namin itong mabuti at ipinasiya namin na huwag na siyang isama. Madaling tumatak sa isip ng bata na nasa ganiyang edad ang mga bagay-bagay. Y’ong ibang magulang, isinasama nila ang kanilang anak. Depende iyan kung kaya ng bata, iba-iba naman kasi sila. Kung dadalhin ang bata sa libing, makabubuting sabihin sa kaniya kung ano ang makikita roon.
Gumising!: Tiyak na namighati rin kayo nang mamatay si Nicolle. Itinago ba ninyo sa inyong anak ang inyong pag-iyak?
Isabelle: Hindi namin kailanman itinago kay Felipe ang aming nadarama. Si Jesus mismo ay “lumuha” nang mamatay ang isang kaibigan, kaya walang masama kung umiyak din kami. (Juan 11:35, 36) Okey lang na makita iyon ni Felipe. Kung makikita niyang nagdadalamhati kami, maiintindihan niya na hindi mali ang pag-iyak. Isang paraan lang iyon para ipakita ang nadarama ng isa. Gusto naming ipadama kay Felipe na puwede rin niyang ilabas ang kaniyang nadarama sa halip na kimkimin iyon.
Renato: Kapag nakaranas ng trahedya ang pamilya, maaaring mabalisa ang mga bata. Kung ipinakikita at sinasabi ng mga magulang ang kanilang nadarama, gagayahin iyon ng mga bata. Kapag sinabi na nila ang kanilang ikinababalisa, malalaman natin kung paano sila aaliwin at kung paano mababawasan ang takot nila.
Gumising!: May tumulong ba sa inyo?
Renato: Oo, todo ang suporta ng mga kakongregasyon namin. Napakaraming kapatid na dumalaw, tumawag sa telepono, at nagbigay ng card, kaya nakita ni Felipe kung gaano kalaki ang pagmamahal at pagmamalasakit nila sa amin.
Isabelle: Tinulungan din kami nang husto ng mga kapamilya namin. Pagkamatay ni Nicolle, dumadalaw ang tatay ko tuwing umaga para saluhan kami sa almusal. Ganito niya ipinakita ang kaniyang pagmamahal at suporta. At nakapagpasaya rin kay Felipe na kasama niya ang kaniyang lolo.
Renato: Napakahalaga ng espirituwal na pampatibay na nakukuha namin sa mga Kristiyanong pagpupulong. Sinikap naming huwag lumiban sa mga pulong, kahit kung minsan ay hindi namin mapigilang umiyak. Marami kasi kaming naaalala tungkol kay Nicolle kapag nasa pulong kami. Pero dapat kaming maging malakas, lalo na para kay Felipe.
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Tulungan ang Iyong Anak na Makayanan ang Pamimighati,” sa pahina 18-20 ng Hulyo 1, 2008 ng Ang Bantayan, at ang brosyur na Kapag Namatay ang Iyong Minamahal, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 14]
Ang mga aklat na ito, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova, ay makapagbibigay ng kaaliwan sa mga namatayan ng mahal sa buhay.
PARA SA MGA ADULTO:
Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
Kabanata 6: Nasaan ang mga Patay?
Kabanata 7: Ang Tunay na Pag-asa Para sa Iyong Namatay na mga Mahal sa Buhay
PARA SA MALILIIT NA BATA:
Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya
Kuwento 92: Ibinangon ni Jesus ang mga Patay
PARA SA MGA BATA:
Matuto Mula sa Dakilang Guro
Kabanata 34: Ano ang Mangyayari Kapag Namatay Tayo?
Kabanata 35: Puwede Tayong Magising Mula sa Kamatayan!
Kabanata 36: Sino ang Bubuhaying Muli? Saan Sila Titira?
PARA SA MGA TIN-EDYER:
Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1
Kabanata 16: Normal ba na Magdalamhati Tulad ng Nadarama Ko?
[Kahon/Larawan sa pahina 15]
KUNG PAANO TUTULONG
● Pasiglahin ang iyong anak na magtanong. Maging handang makipag-usap tungkol sa kamatayan at sa kahulugan nito kapag gusto niyang makipag-usap.
● Iwasang gumamit ng malabo at nakalilitong pananalita, gaya ng “iniwan na niya tayo” o “nagpunta siya sa malayo.”
● Ipaliwanag ang kamatayan sa simple at literal na pananalita. Basta sinasabi ng ilan na ang katawan ng namatay ay “huminto na sa paggana” at “hindi na mapagaling ng doktor.”
● Sabihin sa bata kung ano ang makikita sa libing; ipaliwanag na hindi na nakikita o naririnig ng namatay ang nangyayari sa paligid.
● Huwag itago ang iyong nadarama. Sa gayon, makikita ng bata na natural lang na magdalamhati.
● Tandaan, iba-iba ang paraan ng pagdadalamhati. Hindi pare-pareho ang mga bata at ang mga sitwasyon.
[Credit Line]
Pinagkunan: www.kidshealth.org
[Larawan sa pahina 15]
Paikot mula sa kaliwa: Felipe, Renato, Isabelle, at Vinicius