Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 7/12 p. 16-19
  • Magkaibigan Lang ba Kami—O Higit Pa Do’n?, Bahagi 2

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Magkaibigan Lang ba Kami—O Higit Pa Do’n?, Bahagi 2
  • Gumising!—2012
  • Kaparehong Materyal
  • Magkaibigan Lang ba Kami—O Higit Pa Do’n?, Bahagi 1
    Gumising!—2012
  • Magkaibigan o Nagkakáibigán?—Bahagi 2: Anong mga Senyales ang Ibinibigay Ko?
    Tanong ng mga Kabataan
  • Anong Masama sa Pagiging ‘Magkaibigan Lamang’?
    Gumising!—1985
  • Bakit Ayaw sa Akin ng mga Babae?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1
Iba Pa
Gumising!—2012
g 7/12 p. 16-19

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong

Magkaibigan Lang ba Kami​—O Higit Pa Do’n?, Bahagi 2

SA NAKARAANG ISYU, tinalakay natin ang dalawang bagay na dapat tandaan.

● Kung mahuhulog ang loob mo sa isa nang hindi ka pa handa sa seryosong relasyon, tiyak na may masasaktan.​—Kawikaan 6:27.

● Kung mahuhulog ang loob mo sa isa nang hindi ka pa handa sa seryosong relasyon, posibleng mawalan ka ng isang kaibigan.a​—Kawikaan 18:24.

SA ISYUNG ITO, tatalakayin natin

● Ang ikatlong bagay na dapat tandaan kung mahuhulog ang loob mo sa isang di-kasekso

● Kung paano mo malalaman na lumampas ka na sa hangganan ng pakikipagkaibigan sa isang di-kasekso

TANDAAN: Kung mahuhulog ang loob mo sa isa nang hindi ka pa handa sa seryosong relasyon, puwede mong masira ang iyong reputasyon. Sinabi ni Mia:b “May mga lalaki na masyadong malapít sa maraming babae. Para sa akin, playboy ang mga iyon. Iniisip ng mga babae na may gusto sa kanila ang lalaki, pero ang totoo, nag-e-enjoy lang ito sa atensiyong ipinapakita sa kaniya.”

Pag-isipan:

● Babae ka man o lalaki, paano makaaapekto sa reputasyon mo ang pagiging masyadong malapít sa mga di-kasekso?

“Ang pakikipag-text sa di-kasekso ay puwedeng magpahamak sa isa. Sa simula, pa-text-text ka lang sa isang tao, tapos, lagi ka nang nagte-text at dumadami pa ang mga tine-text mo. ’Di mo namamalayan, para ka nang nakikipag-date sa tatlong lalaki, na bawat isa ay nag-iisip na ‘siya na’ ang gusto mong makilala nang husto. Kapag nalaman nila ang totoo, masasaktan sila​—at iisipin nilang flirt ka.”​—Lara.

Sabi ng Bibliya: “Sa pamamagitan nga ng kaniyang mga gawa ay ipinakikilala ng isang [kabataan] kung ang kaniyang gawain ay dalisay at matuwid.”​—Kawikaan 20:11.

Mahalagang tandaan: Hindi maling makipagkaibigan sa mga di-kasekso. Pero kung hindi ka maglalagay ng limitasyon, puwede kang masaktan o makasakit, mawalan ng kaibigan, at puwede mong masira ang iyong reputasyon.

Paano mo masasabing lumampas ka na sa hangganan ng pakikipagkaibigan sa isang di-kasekso? Puwede mong itanong sa iyong sarili, ‘Sa kaniya ko lang ba ipinagtatapat ang mga niloloob ko?’ “Kung kaibigan mo lang talaga ang isang lalaki,” ang sabi ng kabataang si Erin, “hindi siya ang una mong lalapitan araw-araw para kausapin o kaya’y balitaan ng mahahalagang bagay. Hinding-hindi rin siya ang lalapitan mo kapag masama ang loob mo.”

Pag-isipan:

● Bakit maaaring mas gusto ng isang kabataan na sa isang di-kasekso ipagtapat ang kaniyang niloloob? Pero ano ang mga panganib nito?

“May mga kakilala akong lalaki pero hindi sila ang pinaka-close kong kaibigan. Hindi ako nakikipagtelebabad sa kanila gaya ng ginagawa ko sa mga kaibigan kong babae. At may mga bagay na hindi ko talaga sasabihin sa kanila.”​—Rianne.

Sabi ng Bibliya: “Mag-ingat ka sa sinasabi mo . . . Ang di-maingat sa pagsasalita ay pumipinsala sa sarili niya.”​—Kawikaan 13:3, Good News Translation.

Isaalang-alang: May panganib ba sa pagsasabi sa isang di-kasekso ng mga personal na bagay? Paano kung dumating ang panahon na hindi na kayo magkaibigan? Pagsisisihan mo bang naikuwento mo sa kaniya ang mga iyon?

Maganda ang sinabi ng kabataang babaing si Alexis tungkol dito: “Huwag mong iwasan ang isang tao dahil lang sa hindi mo siya kasekso. Pero huwag mo ring dayain ang sarili mo sa pagsasabing magkaibigan lang kayo kung hindi naman talaga. Bantayan mo ang iyong damdamin at makakaiwas ka sa maraming problema.”

Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype

[Mga talababa]

a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Gumising! ng Hunyo 2012, pahina 15-17.

b Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.

[Kahon sa pahina 17]

KARANASAN: “May kaibigan akong lalaki, at magkasundung-magkasundo kami. Pero bandang huli, napapansin kong tumatagal at nagiging mas personal ang pag-uusap namin. Parang nagiging masyado na kaming malapít sa isa’t isa dahil sinasabi na niya sa akin ang lahat ng ikinababahala niya. Tapos minsan, nag-e-mail siya at sinabing may gusto siya sa akin. Hindi ko alam ang sasabihin ko! Kahit paano natuwa ako​—ang sarap kasing isipin na espesyal ka sa isang tao. Pero nag-alala rin ako. Alam kong hindi na kami puwedeng maging ‘magkaibigan lang’ dahil obvious namang higit pa do’n ang gusto niya. Alam ko rin na masasaktan siya kung sasabihin kong napakabata pa namin para sa isang relasyon. Ikinuwento ko iyon sa mga magulang ko, at sinabi nila sa akin na makakabuti kung lilimitahan namin ang aming komunikasyon. Dahil sa nangyaring iyon, nakita kong napakabilis pala talagang maging gano’n kaseryoso ang isang bagay na akala mo’y wala lang. Mula noon, nilimitahan ko na ang pakikipagsamahan sa mga di-kasekso, lalo na sa text. Mas mabuti ring sumama sa grupo kesa dalawa lang kayo, para hindi gaanong maging personal ang usapan at hindi kayo maging masyadong malapít sa isa’t isa.”​—Elena.

[Kahon sa pahina 18]

TANUNGIN ANG MGA MAGULANG MO

Tanungin sila kung ano ang masasabi nila sa mga tanong sa ilalim ng “Pag-isipan” sa artikulong ito. Magkaiba ba kayo ng pananaw? Kung oo, ano ang pagkakaiba? Ano ang nakikita mong pakinabang sa pananaw nila?​—Kawikaan 1:8.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 18]

ANG SINASABI NG IBANG KABATAAN

Andre​—Kapag madalas mong kasama ang isang babae, madaling mahuhulog ang loob mo sa kaniya at malamang na iisipin niyang may gusto ka sa kaniya. Kung wala ka pang planong makipagkasintahan, huwag kang kumilos na parang nanliligaw ka.

Cassidy​—Palakaibigan ako, at dahil lumaki ako na may mga lalaki sa bahay, hindi ako naiilang sa kanila​—na hindi rin laging maganda. Hindi mabuti kung tatratuhin ko ang isang lalaki gaya ng trato ko sa kaibigang babae, dahil baka iba ang isipin niya. Mas maganda kung ituturing ko siyang parang kapatid ko lang.

[Kahon sa pahina 19]

MENSAHE SA MGA MAGULANG

Sa angkop na mga sitwasyon, hindi masamang maging magkakaibigan ang mga kabataang babae at lalaki. Pero ang mga indibiduwal na hindi pa handa sa isang relasyon na puwedeng mauwi sa pag-aasawa ay kailangang magtakda ng mga hangganan.c Para sa kanila, ang pakikipagkaibigan sa di-kasekso ay dapat na hanggang doon lang​—hindi na lalampas pa roon.

Ano ang resulta kapag nahulog ang loob ng dalawang tao sa isa’t isa nang hindi pa sila handa sa seryosong relasyon? Sa simula, maaaring napakasaya, pero nauuwi ito sa pagkabigo. Para itong pagsakay sa kotse na walang gulong. Di-magtatagal, madarama nilang walang patutunguhan ang kanilang relasyon. Ang ilan ay baka nagde-date nang palihim​—na puwedeng mauwi sa pagsisinungaling o sa imoralidad. Ang ilan ay nagbe-break​—isang sitwasyong puwedeng maka-depress sa kanilang dalawa, o kaya’y madama nilang sila’y niloko at sinaktan. Paano mo matutulungan ang iyong anak na tin-edyer na iwasan ang maagang pakikipagkasintahan?​—Eclesiastes 11:10.

Ang susi ay malayang komunikasyon; pag-usapan ninyo ng anak mong tin-edyer ang tungkol sa pakikipagkaibigan sa di-kasekso. Sa gayo’y malalaman mo​—at makakatulong ka​—kung ang pakikipagkaibigan niya ay lumalampas na sa hangganan.

Hindi namamalayan ng ilang magulang na nahahadlangan pala nila ang kanilang anak sa pagkukuwento tungkol sa pakikipagkaibigan sa mga di-kasekso. Pansinin ang sinabi ng ilang kabataan sa Gumising!

“Gusto ko sanang magkuwento kay Mommy tungkol sa kung sino ang nagugustuhan ko, pero hindi ko magawa dahil baka kung ano ang maging reaksiyon niya.”​—Cara.

“Kapag sinasabi ko kay Mommy na may nagugustuhan ako, sasabihin niya, ‘Huwag kang umasang pupunta ako sa kasal n’yo!’ sa halip na sabihing ‘Sige nga, magkuwento ka tungkol sa kaibigan mo. Ano’ng nagustuhan mo sa kaniya?’ Kung ganiyan sana si Mommy, baka mas makinig ako sa mga payo niya.”​—Nadeine.

Pansinin ang kaibahan kapag ang mga magulang ay makikinig muna at saka magbibigay ng praktikal na payo.

“Nang ikuwento ko sa mga magulang ko ang tungkol sa lalaking nagugustuhan ko, hindi sila nag-overreact. Sinabi nila ang kailangan kong marinig, pero isinaalang-alang din nila ang damdamin ko. Kaya naging mas madali sa akin na sumunod sa payo nila at magkuwento pa sa kanila.”​—Corrina.

“Nang magkuwento ang mga magulang ko kung sino ang nagustuhan nila noong bata sila​—pati na rin kung bakit hindi nila nakatuluyan ang mga iyon​—naisip kong okey lang na sabihin sa kanila na may nagugustuhan ako.”​—Linette.

Tandaan din na kung minsan, may ibang mga dahilan kung bakit nakikipagkasintahan agad ang isang tin-edyer.

“Lihim akong nakikipag-date noon sa isang lalaki kasi napapasaya niya ako at nakikinig siya sa akin.”​—Annette.

“May isang lalaki na gustung-gusto kong kasama. Lagi niya kasi akong binibigyan ng atensiyon​—’yon pa naman ang kahinaan ko. Gustung-gusto ko ang atensiyon, negatibo man o positibo.”​—Amy.

“Kapag sinasabi ng mga magulang ko na maganda ako o bagay na bagay sa akin ang suot ko, hindi na ako interesadong marinig iyon sa isang lalaki.”​—Karen.

Tanungin ang sarili:

Ano ang puwede kong gawin para maging mas madali sa aking anak na makipag-usap sa akin?​—Filipos 4:5.

Ako ba ay “matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita”?​—Santiago 1:19.

Ano ang gagawin ko para ang anak kong tin-edyer ay hindi na maghanap ng pagmamahal at papuri mula sa iba?​—Colosas 3:21.

Mahalagang tandaan: Turuan ang iyong anak na tin-edyer kung paano pananatilihing nasa lugar ang pakikipagkaibigan sa di-kasekso para makaiwas siya sa problema. Malaki ang maitutulong nito sa kaniya hanggang sa maging adulto na siya.​—Colosas 3:5; 1 Tesalonica 4:3-6.

[Talababa]

c Tingnan ang naunang artikulo pati na ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong” sa Gumising! ng Hunyo 2012.

[Chart sa pahina 17]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

LIMITASYON

OKEY

✔ sumama sa grupo

✔ makipagkilala

✔ makipagkuwentuhan

HINDI OKEY

X kayong dalawa lang ang magkasama

X magsabi ng niloloob

X mag-flirt

[Dayagram sa pahina 18]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

PAKIKIPAGKAIBIGAN

PAGPI-FLIRT

PAGHAWAK-HAWAK

PAGHO-HOLDING HANDS

PAGHAHALIKAN

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share