Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 8/12 p. 10-12
  • Perang May Apat na Paa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Perang May Apat na Paa
  • Gumising!—2012
  • Kaparehong Materyal
  • Baboy
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Tayo Nang Mag-Hawaiian Luau
    Gumising!—2002
  • Mga Leksiyon Ko sa Bibliya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Aralin 2
    Mga Leksiyon Ko sa Bibliya
Iba Pa
Gumising!—2012
g 8/12 p. 10-12

Perang May Apat na Paa

“SA LUGAR namin, ang baboy ay isang kayamanan ng pamilya, kaya malaking pananagutan ang mag-alaga nito,” ang sabi ni Enmarie Kani, isang 17 anyos na nakatira sa kabundukan ng Papua New Guinea. “Nang paalagaan sa akin ni Itay ang isang biik, tuwang-tuwa ako. Pero nag-alala rin ako dahil ang liit-liit nito at baka mamatay.”

Paano inalagaan ni Enmarie ang kaniyang biik? At bakit kasinghalaga ng pera ang baboy para sa mga nakatira sa mga nayon ng Papua New Guinea? Narito ang sinabi niya sa Gumising!

Puwede bang ikuwento mo kung saan ka nakatira?

Kami ng mga magulang ko at apat na nakababatang kapatid​—dalawang babae at dalawang lalaki​—ay nakatira sa isang kubo na kugon ang bubong sa isang liblib na nayon sa Western Highlands. Mga 50 ang naninirahan sa nayon, na puro kamag-anak namin. Ang aming bahay ay katabi ng isang maliit na ilog na bumabagtas sa magubat na mga burol.

Pagtatanim ang ikinabubuhay ng maraming tao sa aming nayon. Meron kaming malawak na taniman ng gulay​—may kamote, kalabasa, pipino, kape, at iba pang pananim. Gustung-gusto ko ang pisikal na trabaho gaya ng pagtatanim. Naglilinis din ako ng bahay, naglalaba, at siyempre, nag-aalaga ng baboy.

Paano mo inaalagaan ang inyong baboy?

Nang bilhin ni Itay ang baboy namin noong nakaraang taon, ang liit-liit nito​—nabubuhat ko nga siya sa mga palad ko. Araw-araw, pinakakain ko ito ng pinulbos na isda na hinaluan ng minasang kamote, tubig, asin, at katas ng tubó. Sa gabi, dahil napakalamig sa kabundukan, pinatutulog ko ito sa isang duyang sako na nakabitin malapit sa apuyan namin. Natutulog ako sa sahig malapit dito. Kaya lumaki naman siya​—at ang lusog pa!

Hindi ko binigyan ng kakaibang pangalan ang baboy namin. Baboy lang ang tawag ko sa kaniya, at iyon ang naging pangalan niya. Inalagaan ko si Baboy na parang baby ko​—pinakakain ko ito, pinaliliguan, at nakikipaglaro ako sa kaniya nang matagal. Nasanay si Baboy na lagi akong kasama kaya sinusundan niya ako kahit saan ako magpunta.

Nang lumaki-laki na si Baboy, tinuruan ko siya ng isang bagong rutin na ginagawa pa rin namin ngayon. Tatalian ko siya ng lubid sa paa at aakayin papunta sa taniman namin ng gulay, na 15-minutong lakarín. Doon, itatali ko ang lubid sa isang puno at hahayaan ko siyang magkalkal sa lupa buong maghapon. Dahil matibay ang leeg at nguso niya, nakakahukay siya ng mga ugat at mga uod​—nabubungkal pa niya ang lupa at nalalagyan ng pataba! Sa hapon, pag-uwi namin, pakakainin ko siya ng hilaw at lutong kamote bago siya matulog sa kaniyang kural na kahoy.

Bakit napakahalaga ng baboy para sa inyo na nakatira sa kabundukan?

May kasabihan kami, Pera ang baboy at ang baboy ay pera. Bago pa gumamit ng pera ang mga tagarito, baboy ang ginagamit na pera​—na ginagawa pa rin hanggang ngayon. Minsan nga, isang bilihan ng kotse ang namigay ng baboy sa mga kostumer na bumili ng sasakyan. Kapag may alitan naman ang mga tribo, karaniwan nang pera at baboy ang ginagamit nila para lutasin iyon. At kasali ang baboy sa dote na ibinibigay ng maraming lalaki sa mga magulang o angkan ng kanilang mapapangasawa.

Para palang inuubos mo ang kabuhayan ninyo kapag kumain ka ng baboy!

Oo! At dahil parang kayamanan ang baboy, kumakain lang kami nito kapag may okasyon gaya ng libing at iba pang mahalagang pagtitipon. Pero may mga tribo rito na nagkakatay ng daan-daang baboy sa mga importanteng okasyon para ipagmalaki ang kanilang kayamanan o tumanaw ng utang na loob.

Ano ang gagawin ninyo sa inyong mga baboy?

Tama ang sinabi mo na “mga baboy.” Marami na kasing naging anak si Baboy. Y’ong isa nga, kabebenta lang namin sa halagang 100 kina (halos $40 U.S.). Ang pera ay ginamit naming pamasahe sa bus nang dumalo kami sa pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa kalapít na bayan ng Banz. Malamang na ibenta rin ni Itay ang iba pang anak ni Baboy para may panggastos kami sa araw-araw.

Bakit hindi kayo mag-alaga ng maraming baboy para mas marami kayong pera?

Wala sa isip namin ang magpayaman. Gusto lang naming magkaroon ng mga kailangan namin gaya ng pagkain, damit, at tirahan. Mas mahalaga sa amin ang mga bagay na may kaugnayan sa pagsamba​—ang paglilingkod sa Diyos na Jehova, pagdalo sa Kristiyanong pagpupulong, pagtulong sa ibang tao sa materyal o espirituwal na paraan, at ang paggawang magkakasama bilang pamilya. Simple lang ang buhay namin, pero masaya kami at malapít sa isa’t isa.

Sa ngayon, may part-time na trabaho ako​—pagtatanim at pag-aalaga ng baboy. Pero mas malaki ang panahon ko sa ministeryong Kristiyano, ang pangangaral ng katotohanan ng Bibliya. Ilang araw ang ginugugol ko linggu-linggo sa gawaing ito na iniutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod. (Mateo 28:19, 20) Pangarap kong makapagboluntaryo sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Port Moresby, kung saan ang mga publikasyon sa Bibliya ay isinasalin sa mga wikang ginagamit dito. Pero kung hindi man mangyari iyon, alam kong magiging maligaya pa rin ako hangga’t naglilingkod ako kay Jehova at inuuna ang espirituwal na mga bagay. Salamat sa pinansiyal na suporta mula sa perang may apat na paa!

[Kahon/Larawan sa pahina 12]

ALAM MO BA?

● Di-kukulangin sa dalawang milyong baboy ang inaalagaan sa isla ng New Guinea, halos 1 baboy sa bawat 3 katao.

● Mahigit kalahati ng mga nakatira sa mga nayon ang may alagang baboy.

[Mga mapa sa pahina 10]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

INDONESIA

PAPUA NEW GUINEA

AUSTRALIA

INDONESIA

PAPUA NEW GUINEA

PORT MORESBY

WESTERN HIGHLANDS

AUSTRALIA

[Larawan sa pahina 10, 11]

Papunta sa taniman

[Larawan sa pahina 11]

Oras ng paliligo

[Larawan sa pahina 11]

Oras ng paglalaro

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share