May Nagdisenyo ba Nito?
Ang Propulsion System ng Jellyfish
● Ang katawan ng jellyfish ay mga 95 porsiyentong tubig at may diyametro na mula mga tatlong sentimetro hanggang mahigit dalawang metro. Ang maraming species ay nakalalangoy sa pamamagitan ng pagpapaliit at pagrerelaks ng kalamnan ng kanilang korteng-bell na katawan, gaya ng pagbubukas-sara ng payong.
Pag-isipan ito: Natuklasan ng mga siyentipiko sa kanilang pag-aaral ng fluid dynamics na may mga jellyfish na hindi mabilis lumangoy pero napakahusay sumikad sa tubig. Sa tuwing paliliitin nila ang kanilang katawan, nakakalikha sila ng hugis-donut na vortex, gaya ng usok na korteng-singsing, na itinutulak nila palayo sa kanila. Ang puwersa naman ng vortex ring ang magtutulak sa mga jellyfish na umabanteng parang jet, na may malalakas na bugso ng enerhiya sa halip na basta umusad lang. “Parang simple lang,” ang sabi ng magasing New Scientist. “Pero ang paglikha ng vortex ring ay napakahirap ipaliwanag sa pamamagitan ng matematika.”
Pinag-aaralan ng mga mananaliksik ang propulsion system ng jellyfish para makagawa ng mas mahuhusay na sasakyang pang-ilalim ng tubig. Isang mananaliksik ang nakagawa na ng isang submarinong may habang 1.2 metro na nakalilikha ng bakas sa tubig na gaya ng nagagawa ng jellyfish. Ang konsumo nito sa enerhiya ay mas mababa nang 30 porsiyento kumpara sa karaniwang sasakyan na pinatatakbo ng propeler. Bukod diyan, pinag-aaralan din kung ang konsepto ng propulsion system ng jellyfish ay magagamit sa pagsusuri sa puso ng tao. Dahil ang daloy ng dugo sa kaliwang bahagi ng puso ay lumilikha ng mga vortex ring, ang abnormal na mga vortex ay puwedeng magsilbing unang senyales ng sakit sa puso.
Ano sa palagay mo? Ang propulsion system ba ng jellyfish ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?
[Larawan sa pahina 13]
Ang mga jellyfish ay lumilikha ng vortex ring na itinutulak nila palayo para makaabante sila na parang jet
[Picture Credit Lines sa pahina 13]
Photo: © JUNIORS BILDARCHIV/age fotostock; graphic: Courtesy of Sean Colin