Ang mga Kabataan ay Nagtatanong
Sino ang mga Tinutularan Ko?
Sa artikulong ito, matututuhan mo
Kung BAKIT kailangan mo ng mabubuting halimbawa
Kung SAAN mo sila mahahanap
Kung PAANO mo sila matutularan
KUNG BAKIT MO SILA KAILANGAN
TANDAAN: Puwede kang matulad sa mga taong hinahangaan mo. Maaari kang mapabuti—o mapasamâ—depende sa napili mong tularan.
Ang kailangan mo: Mabubuting halimbawa na karapat-dapat tularan.—Filipos 3:17.
Ang problema: Marami ang humahanga sa mga taong sikát—musician, manlalaro ng isport, o artista—kahit masama ang reputasyon nila.
Pag-isipan: Sa Bibliya, ang ating mga katangian ay inihahambing sa damit. (Colosas 3:9, 10) Kung bibili ka ng damit, papayag ka ba na isang salesman o saleslady na burarang manamit ang magsabi sa iyo kung ano ang dapat mong isuot? Kaya bakit mo hahayaang diktahan ka ng isang celebrity na may masamang reputasyon kung ano ang magiging personalidad mo? Sa halip na magpadikta o basta makigaya sa karamihan, ang pagkakaroon ng mabubuting halimbawa ay tutulong sa iyo na (1) pumili ng mga katangiang gusto mong malinang at (2) tularan ang mga taong may gayong mga katangian.
KUNG SAAN MO SILA MAHAHANAP
Markahan ng tama o mali.
1. Ang isang huwaran ay dapat na nakita mo na nang personal.
□Tama □Mali
2. Ang isang huwaran ay dapat na perpekto.
□Tama □Mali
3. Puwede kang magkaroon ng maraming huwaran.
□Tama □Mali
Mga Sagot
1. Mali. Puwede mong maging huwaran ang mga tao noong sinaunang panahon. Ang pinakamahuhusay na halimbawa ay nasa Bibliya. Sa Hebreo kabanata 11, binanggit ni apostol Pablo ang 16 na lalaki at babae na huwaran sa pananampalataya. Higit sa lahat, sa sumunod na kabanata, pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano na ‘tuminging mabuti’ kay Jesus at tumulad sa kaniya. (Hebreo 12:2) Si Jesus ang ating pinakamabuting halimbawa.—Juan 13:15.a
2. Mali. Maliban kay Jesus, walang perpektong inapo si Adan. (Roma 3:23) Kahit ang kahanga-hangang propetang si Elias ay isang “taong tulad din natin.” (Santiago 5:17, Magandang Balita Biblia) Ganiyan din sina Miriam, David, Jonas, Marta, at Pedro. Prangkahang sinasabi ng Bibliya ang kanilang mga pagkakamali. Pero huwaran pa rin sila sa maraming bagay, kaya puwede silang maging mabubuting halimbawa.
3. Tama. Puwede kang magkaroon ng maraming huwaran. Baka ang isa ay kilaláng masipag, at ang isa naman ay matiisin. Baka ang isa pa ay laging positibo kahit may mga problema. (1 Corinto 12:28; Efeso 4:11, 12) Hanapin ang mabubuting katangian ng iba at makakakita ka ng mga katangiang karapat-dapat tularan.—Filipos 2:3.
KUNG PAANO MO SILA MATUTULARAN
1. Obserbahan ang iyong mga huwaran. Sinabi ni apostol Pablo sa mga Kristiyano noong unang siglo: “Gawin ninyong huwaran ang mga namumuhay ayon sa halimbawang aming ipinakita sa inyo.”—Filipos 3:17, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
2. Makipagsamahan. Kung posible, makipagsamahan sa mga napili mong huwaran. Sinasabi ng Bibliya: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong.”—Kawikaan 13:20.
3. Ipakita ang kapuri-puring mga katangian ng iyong mga huwaran. Sinasabi sa Hebreo 13:7: “Habang dinidili-dili ninyo ang kinalalabasan ng kanilang paggawi ay tularan ninyo ang kanilang pananampalataya.”
Handa ka na bang magsimula? Punan ang mga patlang sa ibaba.
Ang Plano Kong Gawin
Pumili ng isang katangian na gusto mong malinang. (Gusto mo bang maging mas palakaibigan? bukas-palad? masipag? matatag? maaasahan? mapagkakatiwalaan?)
․․․․․
Pumili ng isang tao na may katangiang gusto mong malinang.b
․․․․․
Sa pagpili ng isang mabuting huwaran, hindi mo tunguhing maging katulad na katulad ng taong iyon. Mayroon ka pa ring sariling magagandang katangian. Pero ang mabubuting huwaran ay makakaimpluwensiya sa iyo na maging mas mabuting tao habang nagiging adulto ka. At sa pagtulad sa kanila, ikaw man ay magiging mabuting halimbawa sa iba.
Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype
[Mga talababa]
a Siyempre pa, puwede ring maging mabubuting halimbawa ang maraming tao sa ngayon, gaya ng magulang, kapatid, isang miyembro ng kongregasyon na may-gulang sa espirituwal, o iba pang huwarang kapananampalataya na kilala mo o nabasa mo.
b Puwede rin namang pumili ka muna ng isang taong hinahangaan mo. Saka mo tanungin ang iyong sarili, ‘Ano ang magandang katangian ng taong ito?’ Pagkatapos, pagsikapang tularan ang katangiang iyon.
[Blurb sa pahina 21]
Bakit mo hahayaang isang celebrity na may masamang reputasyon ang magdikta sa iyo kung ano ang magiging personalidad mo?
[Kahon/Mga larawan sa pahina 22, 23]
ANG SINASABI NG IBANG KABATAAN
Layla—Laging positibo ang kaibigan kong si Sandra. Pamilyar na pamilyar din siya sa Bibliya. Kaya naman parang lagi siyang may solusyon sa mga problema. Nasasabi ko sa kaniya ang mga problema ko, mabigat man o hindi.
Terrence—Hindi binabale-wala ng mga kaibigan kong sina Kyle at David ang damdamin ng iba. Lagi silang handang tumulong kapag may problema ang iba kahit may problema rin sila. Napakahusay nilang halimbawa!
Emmaline—Mabuting halimbawa para sa akin si Mommy. Napakarami niyang alam sa Bibliya, at lagi niyang sinasabi sa iba ang tungkol sa kaniyang pananampalataya. Para sa kaniya, ang ministeryo ay isang malaking karangalan, hindi obligasyon. Hanga ako sa kaniya!
[Kahon sa pahina 23]
MAGBASA PA TUNGKOL DITO!
Nahihirapan ka bang humanap ng mabubuting halimbawa? Kung oo, basahin ang Hebreo kabanata 11 at pumili ng isang lalaki o babae na binanggit doon. Mag-research tungkol sa kaniya at pag-isipan kung paano mo matutularan ang kaniyang magagandang katangian.
Makakahanap ka ng iba pang mabubuting halimbawa sa Bibliya sa Tomo 1 at 2 ng Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Tingnan ang “Indise ng Mabuting Halimbawa” sa likod ng pabalat ng mga aklat.
[Kahon sa pahina 23]
TANUNGIN ANG MGA MAGULANG MO
Itanong sa mga magulang mo kung sino ang kanilang tinutularan noong kabataan pa sila at maging sa ngayon. Paano sila nakinabang sa pagkakaroon ng mabubuting halimbawa?