Pagmamasid sa Daigdig
Sa Republika ng Georgia sa timog-silangang Europa, “ang bilang ng diborsiyo ay halos nadoble nitong nakaraang sampung taon.” Ang karamihan sa mga nagdidiborsiyo ay wala pang 20 anyos.—FINANCIAL, GEORGIA.
Sa Ireland, 17 porsiyento ng mga edad 11 hanggang 16 ang “nagbigay ng kanilang buong pangalan sa Internet sa isa na hindi nila kilala.” Ang 10 porsiyento ay nagbigay rin ng kanilang “e-mail address, numero ng cellphone, o picture.”—THE IRISH SOCIETY FOR THE PREVENTION OF CRUELTY TO CHILDREN.
Mga 4 na porsiyento lang ng mga sunog sa kagubatan sa buong daigdig ang gawa ng kalikasan. Ang lahat ng iba pang kaso ay kagagawan ng tao—ito man ay kapabayaan o sinasadya.—PRESSEPORTAL, GERMANY.
“Halos isa sa 10 Amerikano [12 anyos pataas] ang umamin na regular silang nag-aabuso sa droga, kabilang na rito ang marijuana, cocaine, heroin, mga hallucinogen, inhalant, o inireresetang gamot.”—USA TODAY, E.U.A.
Pagpipigil sa Sarili—Kailangan Para Maging Matatag
“Ipinakikita ng isang pagsasaliksik na ang kawalan ng pagpipigil sa sarili ng isang kabataan ay indikasyon na siya’y magkakaproblema sa kalusugan at pera at makagagawa ng krimen kapag adulto na siya,” ang sabi ng Time. Mahigit 1,000 katao ang inobserbahan mula pagsilang hanggang mag-32 anyos. Sa pagkaadulto, “ang mga indibiduwal na [noong bata’y] mas pabigla-bigla at madaling mainis at mainipin o nagagalit kapag hindi agad nakuha ang gusto nila” ay mga tatlong ulit na mas malamang na magsabing sila’y naging sakitin, naghirap sa pinansiyal, naging nagsosolong magulang, o nakagawa ng krimen. Pero “puwedeng matutuhan ang pagpipigil sa sarili,” ayon sa magasin. Sinabi pa nito: “Ang pagtuturo sa mga bata sa iskul at sa bahay na magpigil sa sarili ay makatutulong sa kanila na maging mas malusog at mas matatag na adulto.”
Leksiyon Para sa mga Pasaway na Drayber
Ang pulisya sa India ay may bagong paraan para turuan ng leksiyon ang mga pasaway na drayber—gawin silang mga pulis trapiko. Ito’y para maintindihan nila ang perhuwisyong ginagawa nila. Kaya imbes na parahin lang sila at pagmultahin, inuutusan din sila ng mga pulis sa Gurgaon, sa hilagang-kanluran ng India, na magtrapik nang kalahating oras o higit pa. Inamin ng ilang drayber na natuto sila ng leksiyon. “Araw-araw, sanlibo katao ang natitikitan namin dahil sa paglabag sa batas trapiko sa Gurgaon,” ang sabi ni Bharti Arora, deputy commissioner ng pulisya roon. “Bale 1,000 ekstrang ‘pulis trapiko’ iyan araw-araw.”