Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 4/13 p. 8-11
  • Wakas ng Karahasan sa Tahanan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Wakas ng Karahasan sa Tahanan
  • Gumising!—2013
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • KUNG PAANO MAWAWALA ANG KARAHASAN SA TAHANAN
  • Wakas ng Karahasan sa Pamilya
    Gumising!—1993
  • Posible Ba ang Isang Daigdig na Walang Karahasan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2016
  • Anu-ano ang Dahilan ng Karahasan sa Pamilya?
    Gumising!—1993
  • Mapaglalabanan Mo ang mga Suliraning Pumipinsala sa Pamilya
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
Iba Pa
Gumising!—2013
g 4/13 p. 8-11

TAMPOK NA PAKSA

Wakas ng Karahasan sa Tahanan

Senaryo 1: Dumalaw kay Isabela ang mga magulang niya. Masaya silang nakipagkuwentuhan ng gabing iyon sa kanilang anak at asawa nito. Ipagmamalaki ng sinumang magulang ang lalaking ito na napangasawa ng kanilang anak. Napakabait kasi niya sa kanilang anak.

Senaryo 2: Galít na galít si Frank. Gaya ng dati, ilalabas na naman niya ang kaniyang galit​—sasampalin o susuntukin niya sa mukha ang kaniyang asawa, sisipain ito, sasabunutan, o paulit-ulit na iuuntog sa pader ang ulo nito.

BAKA magulat ka kapag nalaman mong ang dalawang senaryong ito ay nangyari sa iisang mag-asawa.

Ang mga gumagawa ng karahasan sa tahanan ay kadalasang may dalawang personalidad

Gaya ng maraming gumagawa ng karahasan sa tahanan, alam ni Frank kung paano magmumukhang mabait sa harap ng ibang tao o sa harap ng mga biyenan niya. Pero kapag sila na lang mag-asawa, napakalupit ni Frank.

Maraming lalaking gaya ni Frank ang lumaki sa isang marahas na pamilya, na nang maging adulto na, iniisip nilang okey lang ang ginagawa nila​—o normal pa nga. Pero hindi normal ang karahasan sa tahanan. Kaya marami ang kinikilabutan kapag nalaman nilang sinasaktan ng isang lalaki ang kaniyang asawa.

Sa kabila nito, nakababahala na nagiging karaniwan na lang ang karahasan sa tahanan. Halimbawa, ipinakikita ng isang surbey sa Estados Unidos na sa loob ng isang araw, may average na mahigit 16 na tawag kada minuto ang natanggap ng mga hotline para sa karahasan sa tahanan. Ang karahasan sa tahanan ay problema sa buong daigdig, anuman ang kultura, kabuhayan, at katayuan sa lipunan ng isang pamilya. Dahil maraming insidente ang hindi inirereport, siguradong mas malala pa ang sitwasyon kaysa sa ipinakikita ng estadistika.b

Dahil sa mga report ng karahasan sa tahanan, ang tanong ng marami ay: Paano magagawa ng isang lalaki na pagmalupitan ang sinuman—lalo na ang kaniyang asawa? Matutulungan bang magbago ang mga lalaking nambubugbog ng kanilang asawa?

Ang mga Saksi ni Jehova, ang tagapaglathala ng magasing ito, ay naniniwalang ang praktikal na payo ng Bibliya ay makatutulong sa mararahas na asawa na magbago. Madali ba itong gawin? Hindi. Pero posible ba? Oo! Sa tulong ng Bibliya, maraming mararahas na tao ang naging mabait at magalang. (Colosas 3:8-10) Tingnan ang karanasan nina Troy at Valerie.

Kumusta ang pagsasama ninyo noon?

Valerie: Noong gabing nagkasundo kaming magpakasal, sinampal ako nang todo ni Troy kaya isang linggo akong may pasa. Abut-abot ang paghingi niya ng tawad sa akin at nangakong hindi na niya ulit iyon gagawin. Sa mahabang panahon ng pagsasama namin, maraming beses kong narinig ang mga salitang iyan.

Troy: Kahit ano, puwede kong ikagalit​—gaya ng hindi agad paghahanda ni Valerie ng pagkain. Minsan, pinagpapalo ko siya ng baril. May pagkakataon ding binugbog ko siya nang husto at akala ko’y napatay ko siya. Tapos, sinubukan ko siyang takutin—tinutukan ko ng kutsilyo sa leeg ang anak naming lalaki at sinabing papatayin ko ito.

Valerie: Nabuhay ako sa takot. May mga panahong kailangan kong umalis ng bahay hanggang sa kumalma si Troy. Pero mas mahirap tiisin ang masasakit na salitang binibitiwan ni Troy kaysa sa pambubugbog niya.

Troy, dati ka na bang marahas?

Troy: Oo, mula pa sa pagkabata. Lumaki ako sa marahas na pamilya. Madalas bugbugin ng tatay ko ang nanay ko sa harap naming magkakapatid. No’ng umalis ang tatay ko, sumama ang nanay ko sa ibang lalaki, at binubugbog din siya nito. Ni-rape din niya ang ate ko​—pati ako—​kaya nakulong siya. Pero siyempre, alam kong hindi ito dahilan para maging marahas ako.

Valerie, bakit hindi mo siya hiniwalayan?

Valerie: Takót ako. Inisip ko, ‘Paano kung sundan niya ako at patayin ako o ang mga magulang ko? Paano kung isumbong ko siya at lumala ang sitwasyon?’

Kailan nagbago ang sitwasyon ninyo?

Troy: Nagsimulang makipag-aral ng Bibliya ang asawa ko sa mga Saksi ni Jehova. Noong una, nagselos ako sa mga bagong kaibigan niya, at inisip kong dapat ko siyang iligtas mula sa kakaibang “sekta” na ito. Kaya lalo pa akong naging marahas, hindi lang kay Valerie, kundi pati sa mga Saksi. Pero minsan, naospital nang halos tatlong linggo ang apat na taon naming anak na si Daniel, na nagsi-seizure sa pana-panahon. Ang laki ng naitulong ng mga Saksi sa amin nang panahong iyon​—pati nga sa pag-aalaga sa anak naming si Desiree na anim na taon. Isang Saksi, na matapos magtrabaho nang magdamag, ang maghapong nagbantay kay Daniel para makatulog si Valerie. Labis akong naantig sa kabaitan ng mga taong ito na tinrato ko nang masama. Dahil sa ipinakita nila sa akin, naisip kong sila ang tunay na mga Kristiyano, kaya tinanong ko ang mga Saksi kung puwede akong makipag-aral ng Bibliya sa kanila. Sa pag-aaral ko ng Bibliya, natutuhan ko kung paano dapat, at hindi dapat, tratuhin ng isang lalaki ang kaniyang asawa. Inihinto ko na ang pagiging marahas at mapang-abuso. Nang maglaon, naging isang Saksi ni Jehova ako.

Anong mga simulain sa Bibliya ang nakatulong sa iyo?

Troy: Marami. Sa 1 Pedro 3:7, sinasabi ng Bibliya na dapat akong mag-ukol ng ‘karangalan’ sa asawa ko. Sa Galacia 5:23, sinasabi naman na magpakita ng “kahinahunan” at “pagpipigil sa sarili.” Hinahatulan ng Efeso 4:31 ang “mapang-abusong pananalita.” At ayon sa Hebreo 4:13, “ang lahat ng bagay ay . . . hayagang nakalantad” sa Diyos. Kaya nakikita ng Diyos ang paggawi ko, kahit hindi ito nakikita ng iba. Natutuhan ko rin na dapat kong palitan ang mga kaibigan ko, dahil “ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Corinto 15:33) Ang totoo niyan, ang mga dating kaibigan ko ang lalong nagbuyo sa akin na maging marahas. Iniisip nilang dapat lang bugbugin ang isang babae para “makontrol” siya.

Kumusta na ang pagsasama ninyo ngayon?

Valerie: Mula nang maging Saksi ni Jehova si Troy, 25 taon na ang nakararaan, talagang naging mapagmahal, mabait, at makonsiderasyon siya sa akin.

Troy: Hindi ko na mababawi pa ang pasakit na idinulot ko sa pamilya ko, at alam kong hindi ko dapat tinrato nang ganoon ang asawa ko. Pero nasasabik ako sa katuparan ng Isaias 65:17, kung kailan hindi na namin maaalala ang aming malungkot na nakaraan.

Ano ang maipapayo ninyo sa mga pamilya na nagdurusa dahil sa karahasan sa tahanan?

Troy: Kung pisikal o berbal mong sinasaktan ang iyong pamilya, aminin na kailangan mo ng tulong, at humingi ka ng tulong. Maraming makukuhang tulong. Ang pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at ang pakikisama sa kanila ang tumulong sa akin na madaig ang marahas na paggawing naging bahagi na ng pagkatao ko.

Valerie: Huwag agad ikumpara sa iba ang sitwasyon mo o sundin ang payo ng mga taong nag-aakalang alam nila ang pinakamabuti para sa iyo. Hindi man pare-pareho ang kalalabasan para sa lahat, masaya ako na hindi ko iniwan ang asawa ko​—napakaganda na ng pagsasama namin ngayon.

KUNG PAANO MAWAWALA ANG KARAHASAN SA TAHANAN

Ang pag-aaral ng Bibliya ay nakatulong sa maraming lalaki na gumawa ng kinakailangang pagbabago

Sinasabi ng Bibliya: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay.” (2 Timoteo 3:16) Gaya ni Troy, na ang karanasan ay inilahad sa itaas, maraming mapang-abusong asawa ang nagkapit ng payo ng Bibliya at nagbago ng kanilang pag-iisip at paggawi.

Gusto mo bang matuto pa nang higit kung paano makatutulong ang Bibliya sa inyong mag-asawa? Para sa higit pang impormasyon, makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar, o bisitahin ang www.jw.org/tl.

a Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.

b Totoo, may mga lalaki ring binubugbog ng mga babae. Gayunman, ang karamihan sa inirereport na insidente ng karahasan sa tahanan ay ginawa ng mga lalaki.

BAKIT HINDI NILA MAGAWANG HUMIWALAY?

Bakit pinipili ng ilang asawang babae na manatiling kasama ng isang marahas na asawa? Ang isang karaniwang dahilan ay ang takot na lumala ang pang-aabuso kapag umalis sila. May ilang asawang lalaki na nagbantang sasaktan o papatayin pa nga ang kanilang asawa kapag nagtangka itong tumakas. At ginawa nga ng ilan ang kanilang banta.

Ang iba naman ay natatakot na baka kontrahin ng kanilang mga kaibigan at kamag-anak ang kanilang desisyon, anupat hindi naniniwalang ganoon kalala ang sitwasyon nilang mag-asawa. Halimbawa, iniwan ni Isabel, na nabanggit sa simula ng artikulong ito, ang kaniyang asawa. Sinabi niya: “Nagalit sa akin ang ate ko at sinabihan niya akong bumalik sa asawa ko​—hindi kasi siya naniniwalang magiging ganoon kalupit ang isang ‘mabuting’ lalaking tulad ng asawa ko. Iniwasan ako ng mga kapitbahay ko, kaya napilitan akong lumayo kasama ng mga anak ko.”

May mga asawang babae na nagpasiya ring huwag humiwalay dahil:

  • Gusto nilang lumaki ang mga anak nila na buo ang pamilya.

  • Nag-aalala sila kung paano masusuportahan sa pinansiyal ang sarili nila at ang kanilang mga anak.

  • Inaakala nilang sila ang may kasalanan.

  • Nahihiya silang aminin na sila ay sinasaktan.

  • Umaasa silang bubuti ang sitwasyon.

Sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang pamantayan ng Bibliya na ang tanging saligan para sa diborsiyo ay pangangalunya. (Mateo 5:32) Pero may mga kalagayan na maaaring magdesisyon ang ilan na humiwalay, katulad ng matinding pisikal na pananakit ng asawa.

MGA SIMULAIN SA BIBLIYA PARA SA MGA ASAWANG LALAKI

  • Igalang at bigyang-dangal ang iyong asawa.​—1 Pedro 3:7.

  • Ibigin ang iyong asawa gaya ng iyong sariling katawan.​—Efeso 5:28, 29.

  • Patuloy na mahalin ang iyong asawa at pasidhiin pa ito.​—Efeso 5:25.

  • Iwasan ang mapang-abusong pananalita.​—Efeso 4:29, 31.

  • Linangin ang pagpipigil sa sarili.​—Kawikaan 29:11.

  • Tandaan na ang paggalang sa sarili ay nagmumula, hindi sa pagkontrol sa iba, kundi sa pagkontrol sa iyong sarili.​—Kawikaan 16:32.

  • Isipin ang magiging resulta ng iyong pagkilos.​—Galacia 6:7.

  • Kung pakiramdam mo’y hindi ka na makapagpipigil, mas makabubuting umalis ka muna.​—Kawikaan 17:14.

  • Matutong kapootan ang marahas na paggawi.​—Awit 11:5.

  • Ituring ang iyong asawa, hindi bilang nakabababa, kundi bilang may-kakayahang kapareha.​—Genesis 1:31; 2:18.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share