Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 9/14 p. 12-13
  • Diyabetis​—Maiiwasan Mo ba Ito?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Diyabetis​—Maiiwasan Mo ba Ito?
  • Gumising!—2014
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ba ang Diyabetis?
  • Ang Problema ng Paggamot
    Gumising!—2003
  • Diyabetis—“Ang Di-namamalayang Mamamatay-Tao”
    Gumising!—2003
  • Kung Paano Makatutulong ang Bibliya sa mga May Diyabetis
    Gumising!—2003
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2003
Iba Pa
Gumising!—2014
g 9/14 p. 12-13
Mag-asawang nag-eehersisyo

Diyabetis​—Maiiwasan Mo ba Ito?

NAPAKABILIS ng pagdami ng mga may diabetes mellitus anupat naging pangglobong epidemya na ito. May dalawang pangunahing uri ang diyabetis. Ang type 1 ay kadalasan nang nagsisimula sa pagkabata, at hanggang ngayon, hindi pa alam ng mga doktor kung paano ito maiiwasan. Tatalakayin sa artikulong ito ang type 2, na taglay ng mga 90 porsiyento ng may diyabetis.

Dati, mga adulto lang ang nagkakaroon ng type 2 diabetes, pero ngayon, kahit ang mga bata ay nagkakaroon na rin. Gayunman, ayon sa mga eksperto, maiiwasan naman ito. Puwedeng makatulong sa iyo ang kaunting kaalaman tungkol sa traidor na sakit na ito.a

Ano ba ang Diyabetis?

Ang diyabetis ay isang kondisyon kung saan tumataas nang husto ang blood sugar ng isang tao. Sinisira ng sakit na ito ang normal na proseso ng paglipat ng asukal mula sa dugo patungo sa mga selula na nangangailangan nito para sa enerhiya. Bilang resulta, sinisira nito ang mahahalagang organ at ang sirkulasyon ng dugo, na kung minsan ay nagiging dahilan ng pagkaputol ng daliri sa paa o ng paa mismo, pagkabulag, at sakit sa kidney. Maraming diyabetiko ang namamatay dahil sa atake sa puso o stroke.

Ang sobrang katabaan ay nagiging dahilan ng type 2 diabetes. Naniniwala ang mga eksperto na malaki ang tsansang magkadiyabetis ang isa kapag naipon ang taba sa tiyan at baywang niya. Kasi, ang taba sa lapay at atay ay nakaaapekto sa kakayahan ng katawan na makontrol ang blood sugar. Ano ang puwede mong gawin para maiwasan ito?

Tatlong Hakbang Para Maiwasan ang Diyabetis

1. Ipasuri ang iyong blood sugar kung kabilang ka sa grupo na may malaking tsansang magkaroon nito. Ang tinatawag na prediabetes​—isang kondisyon kung saan ang blood sugar ay mas mataas nang bahagya kaysa sa normal​—ay kadalasang pasimula ng type 2 diabetes. Ang diyabetis at ang prediabetes ay parehong di-mabuti, pero may pagkakaiba ang dalawang ito: Bagaman ang diyabetis ay nakokontrol, wala pang lunas para dito. Sa kabilang banda, naibalik sa normal ng ilang prediabetic ang kanilang blood sugar. Maaaring walang malinaw na sintomas ang prediabetes. Kaya baka hindi napapansin ang kondisyong ito. Ayon sa mga report, mga 316 na milyon katao sa mundo ang may prediabetes; pero marami sa kanila ang di-nakaaalam na mayroon sila nito. Halimbawa, sa Estados Unidos lang, mga 90 porsiyento ng may prediabetes ang di-nakaaalam ng kanilang kondisyon.

Gayunman, delikado pa rin ang prediabetes. Bukod sa ito ang pasimula ng type 2 diabetes, natuklasan kamakailan na mas malaki rin ang tsansang magkaroon ng dementia ang mga prediabetic. Kung sobra ka sa timbang, hindi nag-eehersisyo, o may kapamilyang diyabetiko, baka may prediabetes ka na. Malalaman mo iyan kapag nagpa-blood test ka.

2. Kumain ng masustansiyang pagkain. Kung posible at praktikal, maaaring makatulong sa iyo ang sumusunod: Kumain nang mas kaunti kaysa sa dati. Sa halip na matatamis na fruit juice at softdrinks, uminom ng tubig, tsaa, o kape. Kumain ng tinapay na whole grain, kanin, at pasta​—nang katamtaman​—sa halip na mga pagkaing naproseso. Kumain ng karneng walang taba, isda, nuts, at beans.

1. Masustansiyang salad; 2. Pagsukat sa timbang ng isang tao

3. Mag-ehersisyo. Makatutulong ang pag-eehersisyo para bumaba ang iyong blood sugar at mapanatili ang tamang timbang. Palitan ng pag-eehersisyo ang ilang panahon mo sa panonood ng TV, ang mungkahi ng isang eksperto.

Hindi mo na mababago ang iyong genes, pero mababago mo pa ang istilo ng iyong buhay. Sulit ang anumang pagsisikap natin para mapabuti ang ating kalusugan.

a Ang Gumising! ay hindi nagrerekomenda ng anumang partikular na pagkain o ehersisyo. Dapat suriing mabuti ng bawat indibiduwal ang mga opsyon nila at kung kailangan, kumonsulta muna sa doktor bago magpasiya pagdating sa kalusugan.

‘Kumilos Ako!’​—Interbyu

Paano mo nalamang nanganganib kang magkaroon ng diyabetis?

Nang magpa-medical checkup ako para sa bago kong trabaho, sinabi sa akin ng doktor na kung hindi ako kikilos agad, magkakadiyabetis ako. May apat na dahilan: Kabilang ako sa grupong etniko na may malaking tsansang magkadiyabetis, may kapamilya akong diyabetiko, sobra ang timbang ko, at hindi ako nag-eehersisyo. Yamang hindi ko na mababago ang naunang dalawang dahilan, nagdesisyon akong baguhin ang dalawa pang nabanggit.

Ano ang ginawa mo?

Pumunta ako sa isang diabetes counselor at ipinaliwanag niya sa akin ang kaugnayan ng pagkain, ehersisyo, at timbang ng katawan sa diyabetis. Ipinasiya kong baguhin ang istilo ng buhay ko. Sa ngayon, kapag kumakain ako, inuumpisahan ko sa maraming gulay para kaunti na lang ang makain kong iba pang pagkain, na di-gaanong masustansiya. Nag-ehersisyo na rin ako, na ilang taon ko nang hindi ginagawa.

Nagtagumpay ka ba?

Sa loob ng 18 buwan, nabawasan nang 10 porsiyento ang timbang ko, at gumanda ang pakiramdam ko. Hinding-hindi ko na babalikan ang mga nakagawian ko noon. Talagang hindi dapat bale-walain ang diyabetis!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share