Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 9/15 p. 3-6
  • Balanseng Pananaw sa Pera

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Balanseng Pananaw sa Pera
  • Gumising!—2015
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • PERA AT PAGTATANGI
  • ANG SABI NG BIBLIYA
  • ANO ANG PERA PARA SA IYO?
  • Pera Ba ang Ugat ng Lahat ng Kasamaan?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Pera
    Gumising!—2014
  • Kung Paano Magbabadyet ng Pera
    Puwedeng Maging Masaya ang Iyong Pamilya
  • Ano ang Tamang Pangmalas sa Pera?
    Gumising!—2007
Iba Pa
Gumising!—2015
g 9/15 p. 3-6
Lalaking nakatingala sa napakataas at patong-patong na barya

TAMPOK NA PAKSA

Balanseng Pananaw sa Pera

MAY mga nagsasabing “Pera ang nagpapaikot sa mundo.” Medyo totoo iyan. Kailangan ng pera para makabili ng pagkain at damit, at makapagbayad ng renta o makabili ng bahay. “Talagang napakahalaga ng papel ng pera sa lipunan,” ang isinulat ng isang editor sa pananalapi. “Kung mawawala ang pera bilang pambayad, magkakaroon ng kaguluhan at giyera sa loob lang ng isang buwan.”

Siyempre pa, may mga limitasyon ang pera. Sinabi ng makatang taga-Norway na si Arne Garborg na kung may pera ka, “makabibili ka ng pagkain, pero hindi ng gana; gamot, pero hindi ng kalusugan; malambot na higaan, pero hindi ng tulog; kaalaman, pero hindi ng karunungan; kaningningan, pero hindi ng kagandahan; kasikatan, pero hindi ng pagmamahal; katuwaan, pero hindi ng kagalakan; kakilala, pero hindi ng kaibigan; lingkod, pero hindi ng katapatan.”

Kapag balanse ang pananaw ng isang tao sa pera—na itinuturing itong kasangkapan lang para maabót ang kaniyang tunguhin—magiging kontento na siya. Nagbababala ang Bibliya na “ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay, at sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay . . . napagsasaksak ng maraming kirot ang kanilang sarili.”—1 Timoteo 6:10.

Pansinin na ang pag-ibig sa salapi—hindi ang pera mismo—ang mapanganib. Ang sobrang pagpapahalaga sa pera ay makasisira ng ugnayan sa pagitan ng magkakaibigan at magkakapamilya. Tingnan ang ilang halimbawa.

Naglalaglagang pera

Daniel:a “Akala ko mabait at tapat ang kaibigan kong si Thomas. Hindi ako nagkaproblema sa kaniya hanggang sa bilhin niya ang segunda-mano kong kotse. Sa pagkakaalam ko, wala namang problema ang kotse. Kaya gumawa kami ng kasunduan na bibilhin niya iyon sa gayong kondisyon. Pagkalipas ng tatlong buwan, nasira ang kotse. Nagalit si Thomas dahil pakiramdam niya ay dinaya ko siya, at pinilit niya akong ibalik ang pera niya. Hindi ako makapaniwala! Nang subukan kong magpaliwanag sa kaniya, nagwala siya at inaway ako. Nang maging isyu ang pera, hindi na siya ang mabait na Thomas na nakilala ko.”

Esin: “Nag-iisang kapatid ko si Nesrim. Lagi kaming magkasundo, kaya hindi ko inisip na masisira ang relasyon namin dahil sa pera. Pero iyon nga ang nangyari. Nang mamatay ang mga magulang namin, nag-iwan sila ng maliit na mana at nagbilin na paghatian namin nang patas ang pera. Pero hindi ito sinunod ng kapatid ko at nanghingi siya nang higit sa parte niya. Dahil gusto kong sundin ang bilin ng mga magulang ko, nagalit siya at nagbanta. Hanggang ngayon, galít pa rin siya sa akin.”

PERA AT PAGTATANGI

Ang maling pananaw sa pera ay puwedeng magtulak sa mga tao na maging mapanghusga. Halimbawa, baka isipin ng isang taong mayaman na ang mahihirap ay napakatamad at ayaw magsikap na umasenso. O baka isipin agad ng isang mahirap na ang mayayaman ay materyalistiko o gahaman. Si Leanne, isang kabataang nagmula sa may-kayang pamilya, ay biktima ng gayong uri ng pagtatangi. Ikinuwento niya:

Pagdating sa pera, ang payo ng Bibliya ay praktikal pa rin sa ngayon

“Dati, ang tingin nila sa akin ay anak-mayaman dahil napakalaki raw ng kinikita ng tatay ko. Kaya madalas akong makarinig ng: ‘Kung may gusto ka, hihingi ka lang sa Daddy mo’ o ‘Sayang, hindi lahat tayo ay mayayaman at kayang bumili ng magagarang kotse gaya ng pamilya ninyo.’ Sinabihan ko ang mga kaibigan ko na tigilan na ang pagsasabi ng gayong mga bagay, at na nasasaktan ako sa mga salitang iyon. Gusto kong makilala ako, hindi bilang isang taong may pera, kundi bilang isa na nagpapakita ng kabaitan sa iba.”

ANG SABI NG BIBLIYA

Hindi hinahatulan ng Bibliya ang pera o ang mga mayroon nito—kahit marami pa silang pera. Ang mahalaga ay hindi ang dami ng pera ng isa kundi ang saloobin niya sa mga pag-aari niya o sa mga gusto niyang makamit. Pagdating sa pera, ang payo ng Bibliya ay balanse at praktikal pa rin sa ngayon. Pansinin ang sumusunod na mga halimbawa.

SABI NG BIBLIYA: “Huwag kang [labis na] magpagal upang magtamo ng kayamanan.”—Kawikaan 23:4.

Ayon sa aklat na The Narcissism Epidemic, ang mga nag-aambisyong yumaman ay “nagkakaproblema . . . sa kalusugan ng isip; sinasabi rin nilang mas madalas silang makaranas ng pananakit ng lalamunan, likod, at ulo at mas malamang na maglasing at gumamit ng bawal na gamot. Dahil sa pagsisikap na yumaman, lumilitaw na nagiging miserable ang mga tao.”

SABI NG BIBLIYA: “Maging malaya nawa mula sa pag-ibig sa salapi ang inyong paraan ng pamumuhay, habang kayo ay kontento na sa mga bagay sa kasalukuyan.”—Hebreo 13:5.

Kahit ang taong kontento ay daranas pa rin ng pagkabalisa sa pinansiyal; pero alam niya kung ano ang pinakamahalaga sa buhay kaya hindi siya nadaraig ng pagkabalisa. Halimbawa, ang isang taong kontento ay di-masyadong manlulumo sa pagkalugi. Sa halip, sisikapin niyang tularan ang saloobin ni apostol Pablo, na sumulat: “Alam ko nga kung paano magkaroon ng kakaunting paglalaan, alam ko nga kung paano magkaroon ng kasaganaan. Sa lahat ng bagay at sa lahat ng kalagayan ay natutuhan ko ang lihim kapuwa kung paano mabusog at kung paano magutom, kapuwa kung paano magkaroon ng kasaganaan at kung paano magtiis ng kakapusan.”—Filipos 4:12.

SABI NG BIBLIYA: “Ang nagtitiwala sa kaniyang kayamanan . . . ay mabubuwal.”—Kawikaan 11:28.

Ayon sa mga mananaliksik, pera ang isa sa karaniwang dahilan ng pag-aaway ng mag-asawa na nauuwi sa paghihiwalay. At ang problema sa pera ay isang dahilan ng pagpapakamatay. Para sa ilang tao, mas mahalaga ang pera kaysa sa kanilang pag-aasawa o maging sa buhay nila! Sa kabaligtaran, ang mga taong may balanseng pananaw sa pera ay hindi nagtitiwala rito. Kinikilala nila ang karunungan ng sinabi ni Jesus: “Kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.”—Lucas 12:15.

ANO ANG PERA PARA SA IYO?

Lalaking nakatingin sa salamin at may pera sa harap niya

Ang pagsusuri sa sarili ay makatutulong para magkaroon ka ng balanseng pananaw sa pera. Halimbawa, itanong sa iyong sarili ang mga sumusunod.

  • Natutukso ba ako sa mga alok na biglang-yaman?

  • Maramot ba ako pagdating sa pera?

  • Ang mga kaibigan ko ba ay mga taong bukambibig ang pera at ang mga pag-aari nila?

  • Nagsisinungaling ba ako o nandaraya para magkapera?

  • Pakiramdam ko ba ay importante ako dahil sa pera?

  • Lagi bang pera ang laman ng isip ko?

  • Nakasasamâ ba sa pamilya’t kalusugan ko ang saloobin ko sa pera?

    Maging bukas-palad sa pamamagitan ng pagbibigay sa iba

Kung oo ang sagot mo sa alinman sa mga tanong na iyan, paglabanan mo ang kaisipan at tuksong dala ng materyalismo. Iwasang makipagkaibigan sa mga taong masyadong nagpapahalaga sa pera at mga ari-arian. Sa halip, makisama sa mga taong mas nagpapahalaga sa mga pamantayan ng Bibliya kaysa sa mga pag-aari nila.

Huwag hayaang tumubo sa puso mo ang pag-ibig sa pera. Sa halip, panatilihin ang pera sa tamang lugar—pangalawa sa iyong mga kapamilya at kaibigan, at sa iyong emosyonal at pisikal na kalusugan. Sa paggawa nito, maipakikita mo na mayroon kang balanseng pananaw sa pera.

a Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.

Dalawang babaeng masama ang tingin sa isa’t isa

MAS MAHALAGA ANG PAMILYA KAYSA SA PERA

“Kamakailan, binago ng tatay ko ang testamento niya at binawasan nang husto ang perang mamanahin ko, pero dinagdagan naman ang mapupunta sa mga kapatid ko. Pinag-usapan namin ito. Naintindihan ko kung bakit niya ginawa iyon, at pumayag ako. Hinding-hindi ko hahayaang masira ang pamilya namin dahil lang sa maliliit na bagay gaya ng pera.”—Josué, 55.

PERA AT PABORITISMO

“Ang dukha ay tudlaan ng pagkapoot maging ng kaniyang kapuwa, ngunit marami ang mga kaibigan ng taong mayaman.”—Kawikaan 14:20.

Ipinakikita ng talatang iyan mula sa Bibliya na ang pananaw natin sa pera ay makaaapekto sa pakikitungo natin sa mga tao. Halimbawa, baka hinahamak natin ang mahihirap at walang maitutulong sa atin. O baka naman hinahangaan natin ang mayayaman at sinisikap na mapalapít sa kanila para magustuhan nila tayo—at marahil ay mabigyan ng pera.

Hindi sinasang-ayunan ng Bibliya ang mga taong nagpapakita ng paboritismo, hinahamak man nila ang mahihirap o pinupuri ang iba “alang-alang sa kanilang sariling kapakinabangan.” (Judas 16; Isaias 10:1, 2) Pagsikapan mong pakitunguhan nang patas ang lahat ng tao.

KARUNUNGAN MULA SA BIBLIYA

Kinikilala ng Bibliya . . .

  • “Ang salapi ay pananggalang.”—ECLESIASTES 7:12.

Pero nagbababala ang Bibliya . . .

  • “Siyang nagmamadaling magtamo ng kayamanan ay hindi mananatiling walang-sala.”—KAWIKAAN 28:20.

  • “[Ang] mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming hangal at nakasasakit na mga pagnanasa.”—1 TIMOTEO 6:9.

Kaya ipinapayo ng Bibliya . . .

  • “Maging malaya nawa mula sa pag-ibig sa salapi ang inyong paraan ng pamumuhay.”—HEBREO 13:5.

  • “Magbantay kayo laban sa bawat uri ng kaimbutan, sapagkat kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.”—LUCAS 12:15.

  • “Huwag ninyong kalilimutan ang paggawa ng mabuti at ang pagbabahagi ng mga bagay-bagay sa iba.”—HEBREO 13:16.

Ano ang mga pakinabang?

  • “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—GAWA 20:35.

  • “Ang kaluluwang bukas-palad ay patatabain [o, pauunlarin], at ang saganang dumidilig sa iba ay sagana ring didiligin.”—KAWIKAAN 11:25.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share