Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g16 Blg. 3 p. 10-11
  • Kung Paano Pag-uusapan ang mga Problema

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Paano Pag-uusapan ang mga Problema
  • Gumising!—2016
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ANG HAMON
  • ANG DAPAT MONG MALAMAN
  • ANG PUWEDE MONG GAWIN
  • Magpakita ng Pagpapahalaga
    Gumising!—2017
  • Asawang Lalaki​—Gawing Tiwasay ang Inyong Tahanan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Kung Paano Magpapakita ng Respeto
    Gumising!—2016
  • Pakikitungo sa mga Biyenan
    Gumising!—2015
Iba Pa
Gumising!—2016
g16 Blg. 3 p. 10-11
Asawang lalaki habang nakikinig sa kaniyang misis

TULONG PARA SA PAMILYA | PAG-AASAWA

Kung Paano Pag-uusapan ang mga Problema

ANG HAMON

Kapag nag-uusap kayong mag-asawa tungkol sa isang problema, pakiramdam mo ba’y lalong lumalala ang sitwasyon? Kung oo, may magagawa kayo para maiwasan iyan. Pero dapat mo munang malaman ang ilang pagkakaiba sa paraan ng lalaki’t babae pagdating sa pakikipag-usap.a

ANG DAPAT MONG MALAMAN

Lalaking nag-iisip ng solusyon sa isang problema samantalang ang babae naman ay nag-iisip kung paano sasabihin ang problema

Karaniwan nang mas gusto ng mga babae na pag-usapan muna ang problema bago ang solusyon. Ang totoo, kung minsan, pag-uusap lang pala ang solusyon.

“Masaya na ’ko kapag nasabi ko na ang nasa loob ko at malaman na naiintindihan ako ng aking asawa. Kapag nasabi ko na ang lahat, wala na sa ’kin ’yon—madalas na ilang minuto lang pagkatapos naming mag-usap.”—Sirppa.b

“Hindi nawawala sa isip ko ang problema hangga’t ’di ko naipapaliwanag sa asawa ko ang talagang nararamdaman ko. Kapag nasabi ko na ’yon, okey na ’ko.”—Ae-Jin.

“Para akong detective. Habang ipinakikipag-usap ko ang problema, iniisa-isa ko ang bawat dahilan nito hanggang sa matunton ko ang pinakaugat.”—Lurdes.

Mas nakapokus ang mga lalaki sa pagbibigay ng solusyon. Natural lang iyan, dahil nararamdaman ng mga lalaki na may silbi sila kapag naaayos nila ang mga bagay-bagay. Paraan nila ito para maipakita sa kanilang asawa na maaasahan sila. Kaya nagtataka ang mga lalaki kapag hindi agad tinanggap ang kanilang solusyon. “Bakit pa magsasabi ng problema kung ayaw naman ng solusyon?,” ang sabi ng may-asawang si Kirk.

Pero “ang pag-unawa ay dapat mauna sa payo,” ang sabi ng aklat na The Seven Principles for Making Marriage Work. “Dapat mong ipadama sa iyong asawa na talagang naiintindihan mo ang problema bago ka magbigay ng solusyon. Madalas na hindi naman talaga solusyon ang kailangan ng iyong asawa, kundi isang mabuting tagapakinig.”

ANG PUWEDE MONG GAWIN

Para sa mga asawang lalaki: Makinig na mabuti at magpakita ng empatiya. Sinabi ng may-asawang si Tomás: “Kung minsan, pagkatapos kong makinig, naiisip ko, ‘Parang wala naman akong naitulong.’ Pero madalas na ’yon lang naman ang kailangan ng asawa ko—ang may makinig sa kaniya.” Sang-ayon diyan si Stephen. “Nakita kong mas magandang hayaan ko lang ang asawa ko na masabi ang nasa loob niya nang hindi ako sumasabad,” ang sabi niya. “Madalas, pagkatapos niyang magsalita, sinasabi niya sa akin na gumaan na ang pakiramdam niya.”

Subukan ito: Sa susunod na mag-usap kayong mag-asawa tungkol sa isang problema, iwasang magbigay ng payo kung hindi naman niya ito hinihingi. Tingnan siya sa mata, at pakinggang mabuti ang sinasabi niya. Tumango-tango, at ulitin ang punto ng sinasabi niya para ipakitang naiintindihan mo siya. “Kung minsan, kailangan lang malaman ng misis ko na nauunawaan ko siya at na hindi ko siya pababayaan,” ang sabi ni Charles.—Simulain sa Bibliya: Santiago 1:19.

Para sa mga asawang babae: Sabihin kung ano ang gusto mo. “Baka iniisip natin na alam na ng ating asawa ang gusto natin,” ang sabi ni Eleni, “pero kung minsan, kailangan talaga natin ’tong sabihin.” Ganito ang mungkahi ni Ynez: “Puwede kong sabihin na, ‘May gumugulo sa isip ko, at gusto ko sanang pakinggan mo ang lahat ng sasabihin ko. Hindi mo kailangang solusyunan ’to, basta makinig ka lang at unawain ako.’”

Subukan ito: Kapag nagbigay agad ng solusyon ang asawa mo, huwag mong isiping binabale-wala niya ang damdamin mo. Malamang na gusto ka lang niyang tulungan. “Sa halip na mainis,” ang sabi ni Ester, “iniisip kong talagang nagmamalasakit ang asawa ko at gusto niyang makinig, pero gusto rin niyang makatulong.”—Simulain sa Bibliya: Roma 12:10.

Para sa mga mag-asawa: Pinakikitunguhan natin ang iba sa paraang gusto nating pakitunguhan tayo. Pero para mapag-usapan nang maayos ang mga problema, dapat mong isipin kung anong pakikitungo ang gusto ng asawa mo. (1 Corinto 10:24) Sinabi ni Miguel: “Kung isa kang asawang lalaki, maging handang makinig. Kung isa kang asawang babae, maging handang tumanggap ng solusyon paminsan-minsan. Kapag nagbigayan kayo, pareho kayong makikinabang.” —Simulain sa Bibliya: 1 Pedro 3:8.

a Ang mga paraan ng pakikipag-usap na tatalakayin natin ay maaaring hindi totoo sa lahat ng asawang lalaki at babae. Pero ang mga prinsipyong pag-uusapan sa artikulong ito ay makatutulong sa sinumang may-asawa na maintindihan ang kaniyang kabiyak at maging maganda ang kanilang pag-uusap.

b Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.

MGA SUSING TEKSTO

  • “Maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.” —Santiago 1:19.

  • “Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.” —Roma 12:10.

  • “Magkaroon ng magkakatulad na pag-iisip, na nagpapakita ng pakikipagkapuwa-tao.” —1 Pedro 3:8.

KAILAN ANG TAMANG PANAHON?

Sabi ng Bibliya: “Ang salita sa tamang panahon, O anong buti!” (Kawikaan 15:23) Siyempre pa, totoo rin ang kabaligtaran niyan.

“Kapag wala sa tamang panahon ang pag-uusap, nauuwi ito sa pagtatalo.”—Sirppa.

“Huwag na huwag pag-usapan ang mga seryosong bagay kapag gutóm at pagód.”—Julia.

“Minsan, pagdating pa lang ng asawa ko, naglabas na agad ako ng sama ng loob. ’Tapos bigla akong huminto at na-realize kong nakakainis ang ginawa ko at nakakapagod para sa kaniya! Kaya sinabi ko sa kaniyang maghapunan muna kami bago ko ituloy ang sinasabi ko. Nagpasalamat siya sa ’kin, at nang ituloy namin ang pag-uusap, pareho na kaming makatuwiran at kalmado.”—Lurdes.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share