Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g19 Blg. 2 p. 12-13
  • Mahalaga ang Patnubay ng Adulto

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mahalaga ang Patnubay ng Adulto
  • Gumising!—2019
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ANO ANG KASAMA SA PATNUBAY NG ADULTO?
  • BAKIT MAHALAGA ANG PATNUBAY NG ADULTO?
  • KUNG PAANO MAIBIBIGAY ANG PATNUBAY
  • Kung Paano Gagabayan ang mga Anak
    Tulong Para sa Pamilya
  • Pagkatin-edyer—Paghahanda sa Pagiging Adulto
    Gumising!—2011
  • Maaasahang Payo sa Pagpapalaki ng mga Anak
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Apendise—Tanong ng mga Magulang
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1
Iba Pa
Gumising!—2019
g19 Blg. 2 p. 12-13
Ipinapakita ng babae sa bata ang luma niyang litrato

ARAL 5

Mahalaga ang Patnubay ng Adulto

ANO ANG KASAMA SA PATNUBAY NG ADULTO?

Kailangan ng mga bata ng adultong papatnubay at magpapayo sa kanila. Bilang magulang, ikaw talaga ang nasa kalagayang magbigay nito. Ang totoo, pananagutan mo iyan. Pero puwede rin silang matuto sa ibang adulto.

BAKIT MAHALAGA ANG PATNUBAY NG ADULTO?

Sa maraming lupain, ang mga kabataan ay bihirang makisama sa mga adulto. Pansinin ito:

  • Mas maraming oras ang ginugugol ng mga bata sa paaralan, kung saan mas maraming estudyante kaysa sa mga guro at iba pang adulto.

  • Pagkatapos ng klase, mag-isa na lang sa bahay ang ilang kabataan dahil nasa trabaho ang kanilang mga magulang.

  • Ayon sa isang pag-aaral sa United States, ang mga batang edad 8 hanggang 12 ay gumugugol ng mga anim na oras sa panonood ng TV, pakikinig ng musika, at paglalaro ng mga video game.a

Sinasabi ng aklat na Hold On to Your Kids: “Ang mga kabataan ay nagpapaturo, nagpapahubog, at nagpapagabay, hindi sa kanilang nanay, tatay, guro, at iba pang responsableng adulto, kundi sa . . . kanilang mga kaedad.”

KUNG PAANO MAIBIBIGAY ANG PATNUBAY

Maglaan ng panahon sa iyong mga anak.

PRINSIPYO SA BIBLIYA: “Sanayin mo ang bata sa landas na dapat niyang lakaran; kahit tumanda siya, hindi siya lilihis dito.”—Kawikaan 22:6.

Normal sa mga bata na umasa sa patnubay ng kanilang magulang. Ang totoo, sinasabi ng mga eksperto na mas pinahahalagahan pa rin ng mga nagtitin-edyer ang payo ng kanilang mga magulang kaysa sa kanilang mga kaedad. “Mga magulang pa rin ang may pinakamalaking impluwensiya sa ugali at paggawi ng kanilang mga anak hanggang sa maging tin-edyer at adulto ang mga ito,” ang isinulat ni Dr. Laurence Steinberg sa aklat na You and Your Adolescent. Sinabi pa niya: “Gustong malaman ng mga kabataan ang iniisip mo, at nakikinig sila sa sinasabi mo kahit hindi sila laging sang-ayon sa lahat ng iyon.”

Samantalahin ang tendensiya ng iyong anak na umasa sa iyo para sa patnubay. Gumugol ng panahon kasama ng iyong mga anak at sabihin sa kanila ang mga pananaw, pamantayan, at mga karanasan mo.

Bigyan siya ng magtuturo sa kaniya.

PRINSIPYO SA BIBLIYA: “Ang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong.”—Kawikaan 13:20.

May naiisip ka bang huwarang adulto na puwedeng tumulong sa iyong anak na tin-edyer? Puwede mong isaayos na makasama siya ng anak mo. Siyempre, hindi mo dapat talikuran ang pananagutan mo bilang magulang. Pero makakatulong sa pagsasanay mo sa iyong anak ang pampatibay-loob mula sa isang mapagkakatiwalaang adulto na alam mong hindi magpapahamak sa kaniya. Halimbawa, sa Bibliya, kahit ang adultong si Timoteo ay nakinabang nang husto sa pakikisama kay apostol Pablo, at ganoon din naman si Pablo.—Filipos 2:20, 22.

Sa ngayon, maraming pamilya ang nakatira malayo sa kanilang mga lolo’t lola, tiyo, tiya, at iba pang kamag-anak. Kung ganiyan ang pamilya mo, gumawa ng paraan para matuto ang mga anak mong tin-edyer mula sa mga adultong may mga katangian na gusto mong tularan nila.

a Ayon sa pag-aaral, halos siyam na oras ang ginagamit ng mga tin-edyer sa mga gawaing ito araw-araw. Hindi kasama sa estadistikang ito ang oras na ginagamit ng mga bata at kabataan sa pag-i-Internet sa paaralan o sa paggawa ng homework.

Ipinapakita ng babae sa bata ang luma niyang litrato

SANAYIN NA SIYA NGAYON

Ang batang umaasa ng patnubay sa mga adulto ay malamang na maging marunong at may-gulang paglaki niya

Magpakita ng Halimbawa

  • Huwaran ba ako sa mga anak ko?

  • Nakikita ba ng mga anak ko na humihingi ako ng payo sa mga mas makaranasan sa akin?

  • Ipinapakita ko ba sa mga anak ko na mahalaga sila sa akin sa pamamagitan ng paglalaan ng panahon kasama nila?

Ang Sinasabi ng Ilang Magulang

“Minsan, kapag may ginagawa ako, lalapit ang anak ko dahil may gusto siyang sabihin sa akin. Tinitiyak ko na siya ang priyoridad ko, kahit kailangan kong sabihin sa kaniya na maghintay nang ilang minuto para maibigay ko sa kaniya ang buong atensiyon ko. Sinisikap din naming mag-asawa na magpakita ng mabuting halimbawa para makita niya na sinusunod namin ang itinuturo namin sa kaniya.”—David.

“Nang manganak ako, nagdesisyon kaming mag-asawa na hihinto na ako sa trabaho para maalagaan ko ang baby namin. Hindi ko pinagsisisihan iyon. Napakahalaga na lagi tayong kasama ng anak natin hangga’t maaari para mabigyan natin siya ng tamang patnubay. Higit sa lahat, kapag lagi kang kasama ng anak mo, ipinapakita mong mahal mo siya.”—Lisa.

PAKIKISAMA SA MGA ADULTO

“Lumaki ang mga anak ko na may kasamang mga adulto na iba-iba ang edad. Nakatulong ito sa kanila na matuto mula sa iba’t ibang karanasan. Halimbawa, hangang-hanga sila nang ikuwento ng lola ko na noong bata pa siya, pamilya nila ang unang nagkaroon ng kuryente. Ikinuwento niya na pumupunta sa kanila ang mga kapitbahay nila, tatayo sa may kusina para lang makita ang pagpatay-sindi sa ilaw. Dahil sa kuwentong iyon, nakita ng mga anak ko na ibang-iba ang buhay noon. Nakatulong din iyon sa kanila na igalang ang lola nila sa tuhod at ang ibang nakatatanda. Kapag mas madalas kasama ng mga bata ang mga adulto kaysa sa mga kaedad nila, mas natututo sila sa buhay.”—Maranda.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share