Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g21 Blg. 3 p. 10-13
  • Ang Itinuturo ng Bibliya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Itinuturo ng Bibliya
  • Gumising!—2021
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ang Hindi Itinuturo ng Bibliya?
  • Kailan Sinimulang Gawin ng Diyos ang Uniberso?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Salungat ba sa Siyensiya ang Ulat ng Genesis?
    Gumising!—2006
  • Ang Totoong Kuwento Tungkol sa Paglalang
    Gumising!—2014
  • Siyensiya at ang Ulat ng Genesis
    Saan Nagmula ang Buhay?
Iba Pa
Gumising!—2021
g21 Blg. 3 p. 10-13

Ang Itinuturo ng Bibliya

“Ito ang kasaysayan ng langit at lupa noong panahong lalangin ang mga ito.” (Genesis 2:4) Sa pananalitang ito, sinabi ng Bibliya kung paano nagsimula ang ating planeta. Kaayon ba ng siyensiya ang itinuturo ng Bibliya? Tingnan ang ilang halimbawa.

Nang Pasimula: Nilalang ang langit at ang lupa

Wala bang pasimula ang uniberso?

Sinasabi sa Genesis 1:1: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.”

Bago ang mga 1950, maraming kilaláng scientist ang naniniwala na walang pasimula ang uniberso. Pero base sa mga bagong nadiskubre, nakita ng karamihan sa mga scientist na mayroon talagang pasimula ang uniberso.

Ano ang hitsura ng lupa noon?

Sinasabi sa Genesis 1:2, 9 na “walang anyo at walang laman” ang lupa noon, at natatakpan ito ng tubig.

Sang-ayon diyan ang mga scientist. Sinabi ng biologist na si Patrick Shih na ang planeta natin noon ay “walang oxygen . . . at kakaiba ang hitsura at anyo.” Sabi naman ng magasing Astronomy: “Ipinapakita ng mga bagong pag-aaral na ang planetang Lupa noon ay puro tubig at halos walang lupa.”

Paano nagbago ang atmospera sa paglipas ng panahon?

Ipinapakita sa Genesis 1:3-5 na nang magsimulang tumagos ang liwanag sa atmospera, posibleng hindi pa nakikita sa lupa ang pinagmumulan nito. Nang bandang huli lang malinaw na nakita ang araw at buwan mula sa ibabaw ng lupa.​—Genesis 1:14-18.

Hindi itinuturo ng Bibliya na nilalang ng Diyos ang lahat sa loob lang ng anim na araw na may tig-24 na oras

Sinabi ng Smithsonian Environmental Research Center na malabong liwanag lang ang nakikita noon mula sa lupa. Sinabi nito: “Nababalutan ang Lupa noon ng makapal na fog ng methane.” Nang maglaon, “nawala ang fog ng methane at naging asul ang langit.”

Ano ang pagkakasunod-sunod ng mga nilalang ng Diyos?

1​—Unang Araw: Nakatagos ang liwanag sa atmospera ng lupa.​—Genesis 1:3-5

2​—Ikalawang Araw: Ang lupa ay natatakpan ng tubig at nababalutan ng makapal na singaw. Ang dalawang elemento na ito ay pinaghiwalay at nagkaroon ng pagitan.​—Genesis 1:6-8

3​—Ikatlong Araw: Bumaba ang tubig at lumitaw ang tuyong lupa.​—Genesis 1:9-13

4​—Ikaapat na Araw: Nakikita na ang araw at ang buwan mula sa lupa.​—Genesis 1:14-19

5​—Ikalimang Araw: Ginawa ng Diyos ang mga nilalang na nabubuhay sa tubig at ang lumilipad na mga nilalang, at binigyan ang mga ito ng kakayahang magparami ayon sa kanilang uri.​—Genesis 1:20-23

6​—Ikaanim na Araw: Nilalang ang malalaki at maliliit na hayop sa lupa. Natapos ang ikaanim na araw sa paglalang sa unang mag-asawang tao.​—Genesis 1:24-31

Sinasabi sa Genesis 1:20-27 na nilalang muna ang mga isda, sumunod ang mga ibon, mga hayop sa lupa, at huli ang mga tao. Naniniwala ang mga scientist na matagal nang umiiral ang mga isda bago pa nagkaroon ng mga mammal, at lumipas pa ang maraming taon bago nagkaroon ng tao.

Hindi itinuturo ng Bibliya na imposibleng magkaroon ng pagbabago sa mga nilalang sa paglipas ng panahon

“Maikli lang ang sinabi ng Bibliya, pero kapansin-pansin ang pagkakasuwato ng mga pananalita at pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa Genesis 1 at ng mga tuklas ng modernong siyensiya.”​—Gerald L. Schroeder, physicist.

Ano ang Hindi Itinuturo ng Bibliya?

Sinasabi ng ilan na ang Bibliya ay hindi kaayon ng mga natutuklasan ng siyensiya. Pero madalas, nasasabi nila iyon kasi hindi nila naiintindihan kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya.

Hindi itinuturo ng Bibliya na ang uniberso o ang lupa ay 6,000 taon pa lang umiiral. Ang sabi lang ng Bibliya, ang lupa at ang uniberso ay nilalang noong “pasimula.” (Genesis 1:1) Hindi nito espesipikong sinasabi kung kailan ang pasimulang iyon.

Hindi itinuturo ng Bibliya na nilalang ng Diyos ang lahat sa loob lang ng anim na araw na may tig-24 na oras. Ginagamit ng Bibliya ang salitang “araw” para tumukoy sa haba ng panahon. Halimbawa, sinasabi nito na ang paglalang sa ating planeta at sa mga nilikha dito sa loob ng anim na “araw” na binabanggit sa Genesis kabanata 1 ay nangyari “noong araw na gawin ng Diyos na Jehovaa ang lupa at langit.” (Genesis 2:4) Kaya ang bawat “araw” sa anim na araw ng paglalang kung kailan inihanda ng Diyos ang lupa at ginawa ang mga nilalang na may buhay ay posibleng tumagal nang napakahabang panahon.

Hindi itinuturo ng Bibliya na imposibleng magkaroon ng pagbabago sa mga nilalang sa paglipas ng panahon. Sinasabi sa Genesis na nilalang ang mga hayop “ayon sa kani-kanilang uri.” (Genesis 1:24, 25) Ang salitang “uri” na ginamit sa Bibliya ay hindi isang termino sa siyensiya, kundi posibleng tumutukoy ito sa malaking grupo ng nabubuhay na mga nilalang. Kaya puwedeng kasama sa isang “uri” ang maraming species o klase ng nilalang. Ipinapakita nito na sa loob ng isang “uri,” posibleng magkaroon ng pagbabago sa klase at species na nabubuhay sa isang lugar sa paglipas ng panahon.

Ano sa palagay mo?

Gaya ng nakita natin, gamit ang simple at tamang mga termino, inilarawan ng Bibliya ang pasimula ng uniberso, ang hitsura ng lupa noon, at kung paano nagsimula ang buhay. Ipinapakilala rin kaya ng Bibliya kung sino ang Isa na lumalang ng mga bagay na iyon? Sinabi ng Encyclopædia Britannica na ‘ang buhay ay nagmula sa isa na nakakahigit sa tao, at kaayon ito ng mga natuklasan ng siyensiya.’b

Pag-isipan ito:

Basahin ang Genesis 1:1–2:4. Ikumpara ang nabasa mo sa mga alamat tungkol sa pinagmulan ng buhay. Halimbawa, naniniwala ang mga Babilonyo na ginawa ang uniberso at ang mga tao mula sa bangkay ng isang diyosa at dugo ng isang diyos. Naniniwala ang sinaunang mga Ehipsiyo na ang mga tao ay nilalang ng diyos na si Ra gamit ang mga luha. Sa China, iniisip ng ilan na ang bangkay ng isang higante ay naging natural na mga elemento sa lupa at nanggaling ang mga tao sa mga pulgas sa katawan niya. Sa palagay mo, alamat lang din ba ang ulat ng Genesis? O kaayon ito ng sinasabi ng siyensiya?

Panoorin ang apat-na-minutong video na Nilalang Ba ang Uniberso? Hanapin ang video na ito sa jw.org.

a Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.

b Hindi itinataguyod ng Encyclopædia Britannica ang ideya na nilalang ang buhay.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share