PAANO KAPAG NAGTAASAN ANG MGA BILIHIN?
Harapin ang Realidad
Kapag unti-unti ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, madalas na hindi natin ito napapansin, lalo na kapag tumataas din ang suweldo natin. Pero kapag biglang tumaas ang presyo ng mga bilihin pero hindi ang suweldo mo, baka ma-stress ka at mag-alala, lalo na kung may pamilya ka.
Hindi natin makokontrol ang pagtaas ng mga bilihin at bayarin. Kung tanggap natin ang realidad na ito, may maitutulong ito sa atin.
KUNG BAKIT ITO MAHALAGA
Kapag tanggap natin ang sitwasyon natin, magiging mas madali na gawin ang mga ito:
Manatiling kalmado. Kapag kalmado tayo, mas nakakapag-isip tayo at nakakagawa ng matatalinong desisyon.
Maiwasang maging magastos at unahin ang mga kailangan natin, gaya ng mga bayarin.
Maiwasang makipagtalo sa mga kapamilya dahil sa pera.
Maging madiskarte at madaling mag-adjust.
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Maging handang mag-adjust. Kapag mataas ang presyo ng mga bilihin, makakabuting magtipid. May mga tao kasing gastos pa rin nang gastos kahit nahihirapan na sila. Para silang swimmer na sinasalubong ang malakas na agos ng ilog nang hindi naman kinakailangan! Pinapahirapan lang nila ang sarili nila. Kung may pamilya ka naman, baka nag-aalala ka rin sa mga pangangailangan nila—at dapat lang! Pero tandaan: Mas kailangan ng pamilya mo ang pag-ibig, panahon, at atensiyon mo kaysa sa anumang bagay.
Kapag pinilit mong gumastos nang higit sa kinikita mo, para kang swimmer na sinasalubong ang malakas na agos ng ilog