Kabanata 1
Bakit Babasahin ang Bibliya?
Nabubuhay tayo sa isang daigdig na kung saan napakarami ang mga suliranin subali’t kakaunti lamang ang mga kasagutan. Milyun-milyon ang palagiang nagugutom. Tumataas ang bilang ng mga nagiging sugapa sa droga. Parami nang parami ang mga pamilyang nagkakawatakwatak. Ang insesto at karahasan sa pamilya ay palaging laman ng mga balita. Unti-unting nalalason ang hangin na ating nilalanghap at ang tubig na ating iniinom. Samantala, parami nang parami sa atin ang nagiging biktima ng krimen. Sa palagay kaya ninyo’y may kalutasan pa ang ganitong mga problema?
1. (Ilakip ang pambungad.) Anong makabagong mga suliranin ang nagpapakita na kailangan ng tao ang patnubay?
KARAGDAGAN pa, sa panahong ito ay napakahirap gumawa ng wastong pagpili. Bilang halimbawa, marami ang matatag na naninindigan laban sa aborsiyon, at ito raw ay pagpaslang sa di pa naisisilang. Ang iba naman ay matatag din sa kanilang paniwala na ang mga babae ang may karapatan sa kanilang sariling katawan at na sila ang dapat magpasiya para sa sarili. Marami ang humahatol sa homoseksuwalidad, pangangalunya, at pagsisiping ng mga di-kasal bilang sukdulan ng kahalayan. Naniniwala naman ang iba na ito ay sariling pasiya ng may katawan. May makapagsasabi ba kung sino ang tama at kung sino naman ang mali?
2, 3. Papaano minamalas ng marami sa ngayon ang Bibliya?
2 Ang Bibliya ay nag-aalok ng patnubay tungkol sa kalinisang-asal, at inilalarawan nito ang mabibisang solusyon sa mga suliranin ng krimen, gutom, at polusyon. Ang problema lamang, ay hindi na itinuturing ng marami ang Bibliya bilang autoridad sa mga bagay na ito. Noong araw, pinakikinggan pa ito nang may pagpipitagan—kahit man lamang sa Kanluran. Bagaman ang Bibliya ay isinulat ng mga tao, noong nakaraan tinanggap ito ng nakararami sa Sangkakristiyanuhan bilang Salita ng Diyos at naniwala sila na Diyos mismo ang kumasi sa nilalaman nito.
3 Subali’t sa ngayon, ay popular ang mag-alinlangan sa lahat ng bagay: sa mga kaugalian, mga ideya, mga asal, at pati na hinggil sa pag-iral ng Diyos. Lalung-lalo na, ang halaga ng Bibliya ay pinag-aalinlanganan ng mga tao. Waring sa palagay ng iba ito ay lipas na sa panahon at wala nang kabuluhan. Iilan lamang sa makabagong intelektuwal ang nagtuturing dito bilang Salita ng Diyos. Subali’t marami ay pipiliin pang sumang-ayon sa isinulat ng iskolar na si James Barr: “Ang paniwala ko hinggil sa pagkabuo ng maka-biblikong tradisyon ay na ito ay gawa ng tao. Ito’y kapahayagan ng tao hinggil sa kaniyang mga paniwala.”1
4, 5. Bakit mahalagang malaman kung ang Bibliya ay kinasihan nga ng Diyos o hindi? Ano ang layunin ng publikasyong ito?
4 Ganito ba ang inyong paniwala? Naniniwala ba kayo na ang Bibliya ay salita ng Diyos, o ng tao? Anoman ang inyong sagot, dapat ninyong isaalang-alang ang puntong ito: Kung ang Bibliya ay salita lamang ng tao, makatuwiran lamang na walang malinaw na sagot sa mga suliranin ng tao. Bahala na kung mataranta siya sa dami nito, at umasang huwag sana niyang malason ang sarili at mamatay o huwag sana niyang mapasabog ang sarili sa isang nukleyar na digmaan. Subali’t kung ang Bibliya ay Salita ng Diyos, ito na nga ang mismong kailangan natin upang makaahon sa napakagipit na panahong ito.
5 Ang publikasyong ito ay maghaharap ng ebidensiya na ang Bibliya ay tunay ngang Salita ng Diyos. At umaasa ang mga tagapaglathala na matapos ninyong isaalang-alang ang ebidensiya, ay matatalos ninyo na ang Bibliya ay naglalaman ng tanging mapananaligang sagot sa mga suliranin ng tao. Subali’t, bago ang lahat, nais naming akayin ang inyong pansin sa ilang katotohanan na, sa ganang sarili’y, magpapaging-karapatdapat sa Bibliya ukol sa inyong pagsasaalang-alang.
Ang Pinakamabiling Aklat Kailanman
6, 7. Anong kapansinpansing mga bagay tungkol sa Bibliya ang humihiling ng ating atensiyon?
6 Una sa lahat, ito ang pinakamabiling aklat, ang aklat na may pinakamalawak na pamamahagi sa buong kasaysayan. Ayon sa l988 edisyon ng Guinness Book of World Records, tinataya na mga 2,500,000,000 sipi ang nailimbag sa pagitan ng 1815 at 1975. Napakalaking bilang nito. Walang ibang aklat sa kasaysayan ang kailanma’y nakalapit sa Bibliya sa laki ng sirkulasyon.
7 Bukod dito, walang ibang aklat ang naisalin sa napakaraming wika. Sa kabuuan o bahabahagi, ang Bibliya ay mababasa ngayon sa mahigit na 1,800 iba’t-ibang wika. Iniuulat ng American Bible Society na ito ngayon ay maaari nang basahin ng 98 porsiyento ng populasyon ng ating planeta. Gunigunihin ang napakalaking trabaho na kinailangan upang mailathala ang gayon karaming salin! May iba pa bang aklat na tumanggap ng ganito kalaking pansin?
Isang Maimpluwensiyang Aklat
8, 9. Ano ang sinabi ng iba na nagpapakita kung gaano kalaki ang naging impluwensiya ng Bibliya?
8 Ang Bibliya ay tinutukoy ng The Encyclopædia Britannica bilang ang “marahil ay pinakamaimpluwensiyang koleksiyon ng mga aklat sa kasaysayan ng tao.”2 Ganito ang naging pag-amin ng ika-19 na siglong makatang Aleman na si Heinrich Heine: “Ang pang-unawa ko ay utang ko sa basta pagbabasa lamang ng isang aklat . . . ang Bibliya. Angkop ang pagtukoy rito bilang ang mga Banal na Kasulatan. Ang isang taong napalayo sa kaniyang Diyos ay muling makasusumpong sa Kaniya sa aklat na ito.”3 Noong siglo ring yaon, ganito ang ipinahayag ng aktibistang si William H. Seward: “Ang buong pag-asa ng pagsulong ng tao ay nasasalalay sa patuloy-na-lumalagong impluwensiya ng Bibliya.”4
9 Ang Bibliya ay tinukoy ni Abraham Lincoln, ang ika-16 na pangulo ng Estados Unidos, bilang “ang pinakamahalagang kaloob na naibigay ng Diyos sa tao . . . Kundi dahil dito ay hindi natin matatalos ang kaibahan ng wasto sa di-wasto.”5 Ang impluwensiya ng Bibliya ay itinampok ng mambabatas na Ingles na si Sir William Blackstone nang sabihin niya ang ganito: “Sa ibabaw ng dalawang saligang ito, ang batas ng kalikasan at ang batas ng kapahayagan [ang Bibliya], ay nasasalalay ang lahat ng batas ng tao, alalaong baga, na walang batas ng tao ang dapat pahintulutang sumalungat sa mga ito.”6
Kinapootan at Minahal
10. Papaano ipinahayag ang pagsalansang sa Bibliya?
10 Kasabay nito, dapat nating tandaan na walang ibang aklat ang naging tudlaan ng lubhang napakarahas na pagsalansang at pagkapoot sa buong kasaysayan ng tao. Ang mga Bibliya ay pinagsusunog sa harapan ng madla, magmula noong mga Edad Medya magpahanggang sa ating ika-20 siglo. At maging sa makabagong panahong ito ang pagbabasa o pamamahagi ng Bibliya ay pinarurusahan sa pamamagitan ng pagmumulta at pagkabilanggo. Noong mga nakaraang siglo, ang ganitong “krimen” ay malimit humantong sa pagpapahirap at kamatayan.
11, 12. Papaano ipinamalas ni Tyndale ang pag-ibig niya sa Bibliya?
11 Kaagapay naman nito ay ang debosyon na pinukaw ng Bibliya. Marami ang nagtitiyaga sa pagbabasa nito sa kabila ng walang-humpay na pag-uusig. Isaalang-alang natin si William Tyndale, isang taga-Inglatiyera noong ika-16 na siglo na nakapag-aral sa Oxford University at naging isang pinagpipitaganang guro sa Cambridge University.
12 Mahal-na-mahal ni Tyndale ang Bibliya. Subali’t noong mga kaarawan niya, sinikap ng mga pinuno ng relihiyon na mapanatili ito sa Latin, isang patay na wika. Kaya, upang madali itong maunawaan ng kaniyang mga kababayan, ipinasiya ni Tyndale na isalin ang Bibliya sa Ingles. Palibhasa’y labag ito sa batas, kinailangan ni Tyndale na talikdan ang kaniyang maalwang karera sa pagtuturo at lumikas patungong Europa. Sinuong niya ang gipit na pamumuhay ng isang takas hanggang sa maisalin niya sa sariling wika ang mga Griyegong Kasulatan (ang “Bagong Tipan”) at ilang bahagi ng mga Hebreong Kasulatan (ang “Matandang Tipan”), subali’t sa wakas ay nadakip siya, hinatulan bilang isang erehes, binitay, at sinunog ang kaniyang katawan.
13. Ano ang isang bagay na lubhang nagtatangi sa Bibliya?
13 Si Tyndale ay isa lamang sa napakalaking bilang ng mga tao na nagtakwil sa lahat ng tinatangkilik upang mabasa lamang ang Bibliya o maipamahagi ito sa iba. Walang ibang aklat ang nakapagpakilos sa napakaraming pangkaraniwang lalaki at babae sa gayong katayog na antas ng tibay-loob. Sa paraang ito, ang Bibliya ay talagang walang kaparis.
Pag-aangkin na Ito’y Salita ng Diyos
14, 15. Anong pag-aangkin ang malimit gawin ng mga manunulat ng Bibliya?
14 Natatangi rin ang Bibliya dahil sa pag-aangkin ng marami sa mga manunulat nito. Mga 40 tao, na binubuo ng mga hari, mga pastol, mga mangingisda, mga empleyado sa gobyerno, mga saserdote, at maging ng isang heneral sa hukbo, at isang manggagamot, ang nakibahagi sa pagsulat ng iba’t-ibang bahagi ng Bibliya. Subali’t paulit-ulit, ay iisa lamang ang naging pag-aangkin ng mga manunulat na ito: na ang isinusulat nila’y hindi nila sariling kaisipan kundi niyaong sa Diyos.
15 Kaya, sa Bibliya ay malimit tayong makabasa ng ganitong mga pangungusap: “Ang espiritu ni Jehova ay nagsalita sa pamamagitan ko, at ang kaniyang salita ay suma aking dila” o, “Ganito ang sinabi ng Soberanong Panginoon, si Jehova ng mga hukbo.” (2 Samuel 23:2; Isaias 22:15) Sa isang liham na ipinadala niya sa kaniyang kapuwa ebanghelisador, ay ganito ang isinulat ni apostol Pablo: “Ang lahat ng mga Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapakipakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay magkaroon ng ganap na kakayahan, lubos na nasasangkapan sa lahat ng mga gawang mabuti.”—2 Timoteo 3:16, 17.
16. Anong mga tanong ang tinatalakay ng Bibliya?
16 Kasuwato ng pag-aangkin na ito ay salita ng Diyos, hindi ng tao, ang Bibliya ay sumasagot sa mga tanong na tanging Diyos ang makatutugon. Halimbawa, ipinaliliwanag nito kung bakit ang mga pamahalaan ng tao ay hindi nakapagdudulot ng namamalaging kapayapaan, kung papaano makasusumpong ang mga tao ng lubos na kasiyahan sa buhay, at kung anong kinabukasan ang naghihintay sa lupa at sa sangkatauhang narito. Kaya, bilang isang taong palaisip, tiyak na malimit na ninyong napagmunimuni ang mga bagay na ito at marami pang nakakahawig na tanong. Bakit hindi muna isaalang-alang ang posibilidad na ang Bibliya ay Salita nga ng Diyos at sa gayo’y tanging makapagdudulot ng mapanghahawakang mga katugunan?
17, 18. (a) Ano ang ilan sa mga paratang laban sa Bibliya na tinatalakay sa publikasyong ito? (b) Ano pang karagdagang mga paksa ang sasaklawin?
17 Pinasisigla namin kayo na suriing mabuti ang ebidensiya na inihaharap sa aklat na ito. Ang ilan sa mga kabanata nito ay tatalakay sa malimit marinig na mga pagpuna sa Bibliya. Ang Bibliya ba ay di makasiyentipiko? Sinasalungat ba nito ang sarili? Naglalaman ba ito ng tunay na kasaysayan o pawang alamat lamang? Talaga bang naganap ang mga himala na nakaulat sa Bibliya? Ang makatuwirang ebidensiya ay inihaharap upang masagot ang mga tanong na ito. Pagkatapos, ay tatalakayin ang matitibay na mga patotoo hinggil sa banal na pagkasi sa Bibliya: ang mga hula nito, ang malalim na karunungan nito, at ang kapansinpansing epekto nito sa buhay ng mga tao. Sa dakong huli, ay makikita natin ang maaaring maging epekto ng Bibliya sa inyong sariling buhay.
18 Subali’t, bago ang lahat, tatalakayin natin kung papaano natin nakamit ang Bibliya. Maging ang kasaysayan ng kagilagilalas na aklat na ito ay naghaharap ng katibayan na ito ay hindi lamang sa tao nagmula.
[Buong-pahinang larawan sa pahina 4]
[Larawan sa pahina 6]
Ang Bibliya ang aklat na nagkaroon ng pinakamalawak na pamamahagi at pagkakasalin sa buong kasaysayan
[Larawan sa pahina 9]
Gaya ng ipinakikita ng inukit-sa-kahoy na larawang ito noong ika-15 siglo, marami ang sinunog nang buháy dahil sa “krimen” ng pagbabasa sa Bibliya
[Larawan sa pahina 11]
Inangkin ng mga manunulat ng Bibliya na sila’y kinasihan ng Diyos