Kabanata 6
Si Jesu-Kristo—Isinugo ng Diyos?
1, 2. (a) Ano ang katibayan na si Jesu-Kristo ay isang tunay na persona? (b) Anong mga tanong ang ibinabangon tungkol kay Jesus?
HALOS lahat ngayon ay nakarinig na tungkol kay Jesu-Kristo. Mas malaki ang naging impluwensiya niya sa kasaysayan kaysa kanino pa mang tao. Sa katunayan, ang kalendaryo na gamit sa kalakhang bahagi ng daigdig ay batay sa taon di-umano ng kaniyang pagsilang! Sabi ng The World Book Encyclopedia: “Ang mga petsa bago ng taong yaon ay itinatala na B.C. o bago kay Cristo. Ang mga petsa pagkaraan nito ay itinatala na A.D., o anno Domini (taon ng ating Panginoon).”
2 Kaya si Jesus ay hindi kathang-isip lamang. Nabuhay talaga siya bilang tao sa lupa. “Noong sinauna ang [aktuwal na pag-iral] ni Jesus ay hindi kailanman pinag-alinlanganan maging ng mga kaaway ng Kristiyanismo,” sabi ng Encyclopædia Britannica. Kaya sino nga ba si Jesus? Talaga bang sugo siya ng Diyos? Bakit napakabantog niya?
DATI NA SIYANG NABUBUHAY
3. (a) Ayon sa mga salita ng anghel, isisilang ni Maria ang anak nino? (b) Papaano madadala si Jesus ng birheng si Maria?
3 Di-tulad ng ibang tao, si Jesus ay anak ng isang birhen. Ang pangalan nito ay Maria. Sinabi ng anghel tungkol sa kaniyang anak: “Siya’y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataastaasan.” (Lucas 1:28-33; Mateo 1:20-25) Pero papaano magkakaanak ang isang babaeng hindi pa nasisipingan ng lalaki? Ito’y sa pamamagitan ng banal na espiritu ng Diyos. Mula sa langit ang buhay ng kaniyang makapangyarihang espiritung Anak ay inilipat ni Jehova sa bahay-bata ni Maria. Yao’y isang himala! Tiyak na ang Isa na nagkaloob sa unang babae ng kakayahang mag-anak ay maaari ring magpangyari sa isang babae na magkaanak kahit walang amang tao. Ganito ang paliwanag ng Bibliya: “Pagsapit ng kapanahunan, isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak, na ipinanganak ng isang babae.”—Galacia 4:4.
4. (a) Anong buhay ang tinamasa ni Jesus bago isinilang na sanggol? (b) Ano ang sinabi ni Jesus upang ipakita na nabuhay siya sa langit bago nito?
4 Kaya bago isilang na tao sa lupa nasa langit na si Jesus bilang isang makapangyarihang espiritung persona. May katawan siyang espiritu na hindi nakikita ng tao, gaya din ng Diyos. (Juan 4:24) Madalas na binanggit ni Jesus ang mataas niyang tungkulin sa langit. Minsa’y nanalangin siya: “Ama, luwalhatiin mo akong kasama mo ng kaluwalhatiang taglay ko bago lalangin ang sanlibutan.” (Juan 17:5) Sinabi din niya sa tagapakinig niya: “Kayo’y taga ibaba, ako’y taga itaas.” “Ano nga kung inyong makita ang Anak ng tao na papaakyat sa dati niyang kinaroroonan?” “Bago ipinanganak si Abraham, ay umiiral na ako.”—Juan 8:23; 6:62; 8:58; 3:13; 6:51.
5. (a) Bakit tinawag si Jesus na “Salita,” “Panganay,” at “bugtong”? (b) Anong gawain ang tinamasa ni Jesus kasama ng Diyos?
5 Bago manaog sa lupa si Jesus ay tinawag na Salita ng Diyos. Ipinakikita ng titulong ito na naglingkod siya sa langit bilang tagapagsalita ng Diyos. Siya rin ang “Panganay” ng Diyos, at ang kaniyang “bugtong” na Anak. (Juan 1:14; 3:16; Hebreo 1:6) Nangangahulugan ito na nilalang siya bago pa ang lahat ng ibang espiritung anak ng Diyos, at na siya lamang ang tuwirang nilalang ng Diyos. Ipinaliliwanag ng Bibliya na ang “panganay” na ito ay nakibahagi sa paglikha sa lahat ng iba pang bagay. (Colosas 1:15, 16) Kaya nang sabihin ng Diyos, “Lalangin natin ang tao sa ating larawan,” kausap niya ang kaniyang Anak. Oo, siya na nanaog sa lupa at isinilang ng isang babae ay nakibahagi mismo sa paglalang sa lahat ng bagay! Nabuhay na siya sa langit sa piling ng kaniyang Ama sa loob ng di-mabilang na mga taon!—Genesis 1:26; Kawikaan 8:22, 30; Juan 1:3.
ANG BUHAY NIYA SA LUPA
6. (a) Anong mga pangyayari ang naganap karakaraka bago at pagkatapos ng pagsilang ni Jesus? (b) Saan isinilang si Jesus at saan siya lumaki?
6 Si Maria ay katipan ni Jose. Nguni’t nang malaman ni Jose na ito’y nagdadalang-tao inakala niya na ito’y napasiping sa ibang lalaki, kaya ayaw na niyang pakasalan ito. Subali’t, nang sabihan siya ni Jehova na ang bata ay ipinaglihi dahil sa Kaniyang banal na espiritu, pinakasalan na rin ni Jose si Maria. (Mateo 1:18-20, 24, 25) Di nagtagal, nang sila’y nasa Bethlehem, si Jesus ay isinilang. (Lucas 2:1-7; Mikas 5:2) Nang sanggol pa si Jesus, pinagtangkaan siyang patayin ni Haring Herodes. Nguni’t binalaan ni Jehova si Jose kaya inilikas niya ang kaniyang pamilya tungo sa Ehipto. Nang mamatay na si Haring Herodes, nagbalik sina Jose at Maria sa lunsod ng Nazaret sa Galilea kasama ni Jesus. Doon siya lumaki.—Mateo 2:13-15, 19-23.
7. (a) Ano ang nangyari nang si Jesus ay 12 anyos? (b) Anong trabaho ang natutuhan ni Jesus habang lumalaki?
7 Nang si Jesus ay 12 anyos naglakbay siya kasama ng buong pamilya tungo sa Jerusalem para daluhan ang pantanging pagdiriwang ng Paskuwa. Doo’y tatlong araw siyang nakinig at nagtanong sa mga guro sa loob ng templo. Lahat ng nakarinig sa kaniya ay namangha sa dami ng alam niya. (Lucas 2:41-52) Habang lumalaki si Jesus sa Nazaret, natuto siya ng pag-aanluwagi. Tiyak na ang kaniyang amain, si Jose, na isa ring anluwagi, ang nagsanay sa kaniya sa trabahong ito.—Marcos 6:3; Mateo 13:55.
8. Ano ang nangyari nang si Jesus ay 30 anyos?
8 Sa edad na 30 malaking pagbabago ang naganap sa buhay ni Jesus. Lumapit siya kay Juan Bautista at nagpabautismo, upang lubusang palubog sa tubig ng Ilog Jordan. Ganito ang ulat ng Bibliya: “Karakaraka matapos bautismuhan ay umahon si Jesus mula sa tubig; at, narito! nabuksan ang mga langit, at nakita niyang nananaog sa kaniya ang espiritu ng Diyos sa anyong kalapati. At narito! Mayroon pang tinig mula sa langit na nagsabi: ‘Ito’y aking Anak, ang sinisinta, na aking sinasang-ayunan.’” (Mateo 3:16, 17) Natiyak dito ni Juan na si Jesus nga’y isinugo ng Diyos.
9. (a) Kailan, sa katunayan, naging Kristo si Jesus, at bakit noon? (b) Sa kaniyang bautismo, sa ano iniharap ni Jesus ang sarili upang gawin?
9 Sa pagbubuhos ng Kaniyang espiritu kay Jesus, siya’y pinahiran o hinirang ni Jehova bilang hari sa Kaniyang darating na kaharian. Bilang pinahiran ng espiritu, si Jesus ay naging “Mesiyas,” o “Kristo,” na siyang mga salitang Hebreo at Griyego na nangangahulugang “Pinahiran.” Dahil dito, siya’y naging Jesu-Kristo, o Jesus na Pinahiran. Kaya nagsalita si apostol Pedro tungkol kay “Jesus na taga-Nazaret, kung papaano siya pinahiran ng Diyos ng banal na espiritu at kapangyarihan.” (Gawa 10:38) Sa pamamagitan ng bautismo sa tubig, iniharap din ni Jesus ang sarili sa Diyos upang tuparin ang gawain na pinagsuguan sa kaniya sa lupa. Ano ang mahalagang gawaing ito?
KUNG BAKIT SIYA NAPARITO SA LUPA
10. Anong mga katotohanan ang ipinarito ni Jesus sa lupa upang sabihin?
10 Nang nagpapaliwanag kung bakit siya naparito sa lupa, sinabi ni Jesus sa Romanong gobernador na si Poncio Pilato: “Dahil dito ako ipinanganak, at dahil dito [sa layuning ito] ako naparito sa sanlibutan, upang bigyang patotoo ang katotohanan.” (Juan 18:37) Nguni’t anong mga katotohanan ang ituturo ni Jesus? Una, ang katotohanan tungkol sa kaniyang makalangit na Ama. Tinuruan niya ang kaniyang mga alagad na “sambahin” ang pangalan ng kaniyang Ama, o pakabanalin ito. (Mateo 6:9, King James Version) Nanalangin din siya: “Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin.” (Juan 17:6) At sinabi niya: “Dapat kong ipangaral ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagka’t dahil dito kung kaya’t ako’y sinugo.”—Lucas 4:43.
11. (a) Bakit itinuring ni Jesus ang kaniyang gawain na napakahalaga? (b) Ano ang kailanman ay hindi nag-atubili si Jesus na gawin? Kaya ano ang dapat nating gawin?
11 Gaano kahalaga kay Jesus ang pagpapakilala sa pangalan at kaharian ng kaniyang Ama? Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Ang pagkain ko’y ang gawin ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawa.” (Juan 4:34) Bakit itinuring ni Jesus ang gawain ng Diyos na singhalaga ng pagkain? Sapagka’t ang Kaharian ay siyang paraan na gagamitin ng Diyos sa pagtupad sa kaniyang kamanghamanghang layunin para sa tao. Ito ang lilipol sa lahat ng kasamaan at mag-aalis ng lahat ng upasala na naidulot nito sa pangalan ni Jehova. (Daniel 2:44; Apocalipsis 21:3, 4) Kaya hindi nag-atubili si Jesus sa pagtuturo sa pangalan at kaharian ng Diyos. (Mateo 4:17; Lucas 8:1; Juan 17:26; Hebreo 2:12) Lagi niyang sinasalita ang katotohanan, tanggapin man yaon o hindi. Kaya naglaan siya ng halimbawa na dapat tularan kung gusto nating makalugod sa Diyos.—1 Pedro 2:21.
12. Sa ano pang ibang dahilan naparito si Jesus sa lupa?
12 Subali’t upang magkamit tayo ng buhay na walang-hanggan sa ilalim ng kaharian ng Diyos, kinailangang ibuhos ni Jesus ang kaniyang dugo sa kamatayan. Sinabi ng dalawang apostol ni Jesus: “Tayo’y inaring-matuwid ngayon ng kaniyang dugo.” “Nililinis tayo ng dugo ni Jesus na Anak [ng Diyos] mula sa lahat ng kasalanan.” (Roma 5:9; 1 Juan 1:7) Kaya ang isang mahalagang dahilan ng pagparito ni Jesus sa lupa ay upang mamatay alang-alang sa atin. Sinabi niya: “Ang Anak ng tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ibigay ang kaniyang kaluluwa [o, buhay] bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Ano ang ibig sabihin ng pagbibigay ni Kristo ng kaniyang buhay bilang “pantubos”? Bakit mahalaga sa ating kaligtasan ang pagbubuhos ng kaniyang dugo sa kamatayan?
IBINIGAY ANG BUHAY NIYA BILANG PANTUBOS
13. (a) Ano ang isang pantubos? (b) Ano ang halagang pantubos na ibinayad ni Jesus upang palayain tayo sa kasalanan at kamatayan?
13 Ang salitang “pantubos” ay madalas gamitin kapag may taong dinudukot. Matapos dukutin ang isa, maaaring sabihin ng kidnaper na isasauli ang biktima kung babayaran siya ng isang halaga bilang pantubos. Kaya ang pantubos ay isang bagay na nagpapalaya sa isang taong binihag. Yao’y ibinabayad upang huwag siyang mamatay. Ang sakdal na buhay-tao ni Jesus ay ibinigay upang mapalaya ang tao sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan. (1 Pedro 1:18, 19; Efeso 1:7) Bakit kinailangan ang ganitong paglaya?
14. Bakit kinailangan ang pantubos na inilaan ni Jesus?
14 Sapagka’t si Adan, na ninuno nating lahat, ay naghimagsik laban sa Diyos. Dahil sa pagsalansang niya, siya’y naging makasalanan, sapagka’t sinasabi ng Bibliya na “ang kasalanan ay pagsalansang sa kautusan.” (1 Juan 3:4; 5:17) Bunga nito, hindi siya naging karapatdapat sa kaloob ng Diyos na buhay na walang-hanggan. (Roma 6:23) Kaya naiwala ni Adan ang kaniyang sakdal na buhay-tao sa lupang paraiso. Ipinagkait din niya ang kagilagilalas na pag-asang ito sa lahat ng kaniyang magiging supling. Baka itatanong ninyo, ‘Bakit kailangang mamatay ang lahat ng kaniyang anak, gayong si Adan lamang ang nagkasala?’
15. Yamang si Adan ang nagkasala, bakit kinailangang magdusa at mamatay ang kaniyang mga anak?
15 Sapagka’t si Adan, nang magkasala, ay ipinamana ang kasalanan at kamatayan sa kaniyang mga anak, pati na sa lahat ng taong nabubuhay ngayon. (Job 14:4; Roma 5:12) “Lahat ay nangagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos,” sabi ng Bibliya. (Roma 3:23; 1 Hari 8:46) Maging ang maka-diyos na si David ay nagsabi: “Sa pagkakasala ay iniluwal ako na may kahirapan, at sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina.” (Awit 51:5) Kaya ang mga tao ay nangamamatay dahil sa kasalanang minana kay Adan. Papaano kung gayon mapalalaya ng pagsasakripisyo ng buhay ni Jesus ang lahat ng taong alipin ng kasalanan at kamatayan?
16. (a) Sa paglalaan ng pantubos, papaano pinahalagahan ng Diyos ang kaniyang batas na ‘buhay ay dapat na maging kapalit ng buhay’? (b) Bakit si Jesus lamang ang taong makapaglalaan ng pantubos?
16 Isang legal na simulain sa batas ng Diyos para sa Israel ang nasasangkot. Sinasabi nito na ‘ang buhay ay dapat maging kapalit ng buhay.’ (Exodo 21:23; Deuteronomio 19:21) Dahil sa pagsuway naiwala ni Adan ang sakdal na buhay sa lupang paraiso para sa kaniya at lahat ng kaniyang supling. Ibinigay ni Jesu-Kristo ang sarili niyang sakdal na buhay upang tubusin ang naiwala ni Adan. Oo, “ibinigay” ni Jesus “ang sarili bilang pantubos sa lahat.” (1 Timoteo 2:5, 6) Dahil sa siya’y sakdal na tao, gaya ni Adan noong una, si Jesus ay tinatawag na “huling Adan.” (1 Corinto 15:45) Walang ibang tao liban kay Jesus ang makapaglalaan ng pantubos. Ito’y sapagka’t si Jesus lamang ang taong nabuhay na naging katimbang ni Adan bilang sakdal na anak ng Diyos.—Awit 49:7; Lucas 1:32; 3:38.
17. Kailan binayaran sa Diyos ang pantubos?
17 Namatay si Jesus sa edad na 331⁄2. Subali’t sa ikatlong araw pagkaraan ng kaniyang kamatayan siya’y binuhay-muli. Apatnapung araw pa at siya’y bumalik sa langit. (Gawa 1:3, 9-11) Doon, bilang isa na namang espiritung persona, siya ay lumapit “sa harapan mismo ng Diyos ukol sa atin,” taglay ang halaga ng kaniyang haing pantubos. (Hebreo 9:12, 24) Nang panahong yaon ang pantubos ay binayaran sa Diyos sa langit. May paraan na ngayon upang maligtas ang mga tao. Subali’t kailan makakamit ang mga kapakinabangan nito?
18. (a) Papaanong ngayon pa’y makikinabang na tayo sa pantubos? (b) Ano ang pangyayarihin ng pantubos sa hinaharap?
18 Ngayon pa lamang ay maaari tayong makinabang sa haing pantubos ni Jesus. Papaano? Kung sasampalataya dito tayo ay makapagtatamasa ng malinis na katayuan sa harap ng Diyos at mapapailalim tayo sa kaniyang maibiging pangangalaga. (Apocalipsis 7:9, 10, 13-15) Marami sa atin ang nakagawa ng napakabigat na mga kasalanan bago tayo natuto hinggil sa Diyos. At kahit ngayon ay nakakagawa tayo ng mga pagkakamali, kung minsa’y malulubha. Subali’t malaya tayong makakahingi ng kapatawaran sa Diyos salig sa pantubos, taglay ang pagtitiwalang didinggin niya tayo. (1 Juan 2:1, 2; 1 Corinto 6:9-11) At sa hinaharap, ang pantubos ay magbubukas ng daan upang makamit natin ang walang-hanggang buhay sa kaniyang matuwid na bagong sanlibutan. (2 Pedro 3:13) Sa panahong yaon lahat ng nananampalataya sa pantubos ay lubusang palalayain sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan. Maaari nilang asam-asamin ang buhay sa kasakdalan magpakailanman!
19. (a) Ano ang epekto sa inyo ng paglalaan ng pantubos? (b) Papaano sinabi ni apostol Pablo na maipakikita natin ang ating utang-na-loob ukol sa pantubos?
19 Ano ang nadadama ninyo ngayong maunawaan ninyo ang pantubos? Hindi ba inaantig ang inyong puso sa Diyos na Jehova sa pagkaalam na gayon na lamang ang pagmamahal niya sa inyo anupa’t kaniyang ibinigay ang pinakaiibig niyang Anak alang-alang sa inyo? (Juan 3:16; 1 Juan 4:9, 10) Subali’t isipin din ang pag-ibig ni Kristo. Siya’y kusang naparito sa lupa upang mamatay alang-alang sa atin. Hindi ba tayo dapat magpasalamat? Ipinaliwanag ni apostol Pablo kung papaano tayo maaaring tumanaw ng utang-na-loob: “Namatay siya para sa lahat, upang sila na nabubuhay ay huwag nang mabuhay pa ukol sa sarili, kundi ukol sa kaniya na namatay alang-alang sa kanila at muling nabuhay.” (2 Corinto 5:14, 15) Magpapakita ba kayo ng utang-na-loob sa pamamagitan ng paggamit ng inyong buhay sa paglilingkod sa Diyos at sa makalangit niyang Anak na si Jesu-Kristo?
KUNG BAKIT GUMAWA SI JESUS NG MGA HIMALA
20. Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jesus nang pagalingin niya ang ketongin?
20 Napabantog si Jesus dahil sa kaniyang mga himala. May matindi siyang pagmamalasakit para sa mga taong nagigipit, at sabik siya sa paggamit ng kaniyang bigay-Diyos na kapangyarihan upang tulungan sila. Halimbawa, nilapitan siya ng isang tao na dinapuan ng nakapandidiring sakit na ketong at sinabi nito sa kaniya: “Kung talagang ibig mo, mapalilinis mo ako.” Si Jesus ay “pinakilos ng awa, at iniunat niya ang kaniyang kamay at hinipo siya, na sinasabi sa kaniya, ‘Ibig ko. Luminis ka.’” At napagaling ang maysakit!—Marcos 1:40-42.
21. Papaano tinulungan ni Jesus ang karamihan?
21 Narito pa ang isang tagpo sa Bibliya, at gunigunihin ang maawaing saloobin ni Jesus ukol sa mga taong binabanggit: “Nilapitan siya ng lubhang maraming tao, na daladala ang mga pilay, lumpo, bulag, pipi, at maraming tulad nito, at halos ay ipagtulakan na ang mga ito sa kaniyang paanan, at pinagaling niya sila; kaya namangha ang karamihan nang makitang nagsasalita ang mga pipi, ang pilay ay lumalakad at ang mga bulag ay nakakakita, kaya’t niluwalhati nila ang Diyos ng Israel.”—Mateo 15:30, 31.
22. Ano ang nagpapakita na si Jesus ay talagang nagmamalasakit sa mga tao na kaniyang tinulungan?
22 Na si Jesus ay talagang nagmamalasakit sa mga naghihirap na ito at talagang nagnanais tumulong sa kanila ay makikita sa sinabi niya sa kaniyang mga alagad pagkatapos. Aniya: “Nahahabag ako sa karamihan, sapagka’t tatlong araw na silang sumasama sa akin at wala na silang makain; hindi ko gustong paalisin sila nang gutom. Baka hindi sila makatagal sa daan.” Kaya si Jesus, sa pamamagitan lamang ng pitong tinapay at ilang maliliit na isda, ay makahimalang nagpakain sa “apat na libong lalaki, bukod pa sa mga babae at mga bata.”—Mateo 15:32-38.
23. Ano ang nagpakilos kay Jesus upang buhayin ang patay na anak ng isang balo?
23 Sa isa pang pagkakataon ay nasalubong ni Jesus ang isang libing na lumalabas sa lunsod ng Nain. Ganito ang paglalarawan sa Bibliya: “Isang patay na lalaki ang kanilang inilalabas, ang bugtong na anak ng kaniyang ina. Bukod dito, ang ina niya’y balo. . . . Nang matanaw ng Panginoon ang ina, siya’y nagdalang-habag sa kaniya.” Damang-dama niya ang pagdadalamhati nito. Kaya, pinatutungkol ang kaniyang mga salita sa bangkay, nag-utos si Jesus: “Binata, sinasabi ko sa iyo, Bumangon ka!” At himala ng mga himala! “Naupo ang patay at nagsimulang magsalita, kaya’t inilapit niya ito sa kaniyang ina.” Isip-isipin na lamang kung ano ang nadama ng ina! Ano kaya ang madadama ninyo? Agad lumaganap ang balita hinggil sa kamanghamanghang pangyayaring ito. Hindi katakataka na si Jesus ay mapabantog.—Lucas 7:11-17.
24. Ano ang ipinakita ng mga himala ni Jesus hinggil sa hinaharap?
24 Gayunma’y pansamantala lamang ang idinulot na pakinabang ng mga himala ni Jesus. Yaong mga pinagaling niya’y muling nagkasakit. At yaong mga binuhay niya’y muling nangamatay. Subali’t ang mga himala ni Jesus ay maliwanag na nagpatotoo na siya’y isinugo ng Diyos, na talagang siya’y Anak ng Diyos. At pinatunayan nito na, sa kapangyarihan ng Diyos, malulutas ang lahat ng problema ng tao. Oo, sa maliit na antas ay ipinakikita ng mga ito kung ano ang magaganap sa lupa sa ilalim ng kaharian ng Diyos. Sa panahong yaon ang mga nagugutom ay pakakanin, pagagalingin ang mga maysakit, at maging ang mga patay ay bubuhayin! At hindi na muling magdudulot ng kalungkutan ang sakit, kamatayan o iba pang suliranin. Kay laking pagpapala nito!—Apocalipsis 21:3, 4; Mateo 11:4, 5.
TAGAPAMAHALA SA KAHARIAN NG DIYOS
25. Sa anong tatlong yugto maaaring hatiin ang buhay ni Jesus?
25 May tatlong yugto sa buhay ng Anak ng Diyos. Una, nariyan ang di-mabilang na mga taon na ginugol niya sa piling ng kaniyang Ama sa langit bago naging tao. Pagkatapos, ang 331⁄2 taon na ipinamuhay niya sa lupa pagkaraang isilang. At ngayon ay ang buhay niya sa langit bilang espiritung persona. Anong posisyon ang hawak niya sa langit mula nang siya’y buhaying-muli?
26. Dahil sa katapatan niya nang nasa lupa, si Jesus ay naging karapatdapat sa ano?
26 Maliwanag, si Jesus ay magiging hari. Maging ang anghel ay nagsabi kay Maria: “Magpupuno siya bilang hari . . . magpakailanman, at hindi magwawakas ang kaniyang kaharian.” (Lucas 1:33) Sa panahon ng kaniyang makalupang ministeryo lagi niyang binabanggit ang tungkol sa kaharian ng Diyos. Tinuruan niya ang kaniyang mga alagad na manalangin: “Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din sa lupa.” At hinimok niya sila na “patuloy na hanapin muna ang kaharian.” (Mateo 6:10, 33) Sa pananatili niyang tapat sa lupa, pinatunayan ni Jesus na siya’y karapatdapat maging hari ng kaharian ng Diyos. Agad ba siyang naghari pag-akyat niya sa langit?
27. (a) Ano ang ginawa ni Jesus pagbabalik niya sa langit? (b) Ano ang unang hakbang na ginawa ni Jesus bilang hari sa kaharian ng Diyos?
27 Hindi pa. Sinipi ni apostol Pablo ang Awit 110:1, at nagpaliwanag: “Ang taong ito [si Jesus] ay naghandog ng isang hain ukol sa mga kasalanan magpakailanman at naupo sa kanan ng Diyos, at mula noon ay naghihintay hanggang ang kaniyang mga kaaway ay gawing tuntungan ng kaniyang mga paa.” (Hebreo 10:12, 13) Hinihintay ni Jesus ang utos ng Diyos: “Magpuno ka sa gitna ng iyong mga kaaway.” (Awit 110:2) Nang dumating ang panahong ito, sinimulan niyang palayasin sa langit si Satanas at ang mga anghel nito. Ang resulta ng digmaang iyon sa langit ay isinasaad sa mga salitang ito: “Ngayo’y dumating ang kaligtasan at ang kapangyarihan at ang kaharian ng ating Diyos at ang kapamahalaan ng kaniyang Kristo, sapagka’t naibulid na ang tagapagsumbong ng ating mga kapatid, na nagsusumbong sa kanila araw at gabi.” (Apocalipsis 12:10) Gaya ng nakita natin sa isang naunang kabanata ng aklat na ito, ipinakikita ng mga katibayan na ang digmaang ito sa langit ay naganap na, at nagpupuno na ngayon si Jesu-Kristo sa gitna ng kaniyang mga kaaway.
28. (a) Ano ang malapit nang gawin ni Kristo? (b) Ano ang dapat nating gawin upang tamasahin ang kaniyang proteksiyon?
28 Di na magtatagal at kikilos si Kristo at ang makalangit niyang mga anghel upang alisin sa lupa ang lahat ng kasalukuyang makasanlibutang pamahalaan. (Daniel 2:44; Apocalipsis 17:14) Sinasabi ng Bibliya na siya ay may “isang mahabang tabak, na kaniyang ipanghahampas sa mga bansa, at kaniyang papastulin sila ng tungkod na bakal.” (Apocalipsis 19:11-16) Upang maging karapatdapat sa kaligtasan sa dumarating na pagpuksang ito, kailangan tayong manampalataya kay Jesu-Kristo. (Juan 3:36) Dapat tayong maging kaniyang mga alagad at pasakop sa kaniya bilang ating makalangit na Hari. Gagawin ba ninyo ito?
[Larawan sa pahina 58]
Iniwan ni Jesus ang pag-aanlwagi upang mabautismuhan at maging pinahiran ni Jehova
[Larawan sa pahina 63]
Si Jesus ay katimbang ng sakdal na taong si Adan
[Mga larawan sa pahina 64]
Pinakilos ng awa si Jesus upang tulungan ang maysakit at nagugutom
[Larawan sa pahina 67]
Sa pagbuhay niya sa mga patay, ipinakita ni Jesus na lalong higit pa ang kaniyang gagawin kapag namahala na ang kaharian ng Diyos