Aborsiyon
Kahulugan: Ang aborsiyon ay ang pagkalaglag ng isang binhi o kaya’y fetus na karaniwan na’y hindi maaaring mabuhay sa labas ng bahay-bata. Ang likas na pagkalaglag o pagkaagas ay maaaring maging bunga ng di-kasakdalan ng tao o dahil sa sakuna. Ang kusa at sinasadyang pagpapalaglag sa layuning hadlangan ang pagsilang ng isang di-kinakailangang sanggol ay isang tahasang pagkitil sa buhay ng tao.
Papaanong ang pagsasaalang-alang sa Bukal ng buhay ng tao ay makakaapekto sa ating pangmalas sa bagay na ito?
Gawa 17:28: “Sa kaniya [sa Diyos] tayo’y nangabubuhay at nagsisikilos at umiiral.”
Awit 36:9: “Nasa iyo [sa Diyos na Jehova] ang bukal ng buhay.”
Roma 14:12: “Bawa’t isa sa atin ay magbibigay-sulit ng kaniyang sarili sa Diyos.”
Minamahalaga ba ni Jehova ang buhay ng isang sanggol maging sa maagang yugto pa lamang ng paglilihi?
Awit 139:13-16: “Ako ay tinakpan mo [ni Jehova] sa bahay-bata ng aking ina. . . . Nakita ng iyong mga mata maging ang aking binhi at sa iyong aklat ay pawang nangasulat.”
Sinabi ba ng Diyos na ang isa ay papagsusulitin dahil sa pananakit sa isang di-pa-naisisilang na sanggol?
Exo. 21:22, 23: “At kung may magbabag at makasakit ng isang babaing nagdadalang-tao anupa’t ito’y makunan subali’t hindi naman ito magbunga ng kamatayan, ay walang pagsalang papagbabayarin siya ayon sa iatang sa kaniya ng asawa ng babae; at siya’y magbabayad nang ayon sa ipasiya ng mga hukom. Datapuwa’t kung magbubunga ng kamatayan, magbabayad ka ng buhay kung buhay.” (Ipinakikita ng ibang salin na sa batas na ito sa Israel, ang nagpapasiya ay kung ano ang mangyayari sa ina, hindi sa fetus. Gayumpaman, ang orihinal na tekstong Hebreo ay tumutukoy sa pagkamatay ng alinman sa ina o sanggol.)
Gaano kalubha ang kusang pagkitil sa buhay ng tao sa dahilang hindi sinasang-ayunan ng Diyos?
Gen. 9:6: “Sinomang magbubo ng dugo ng tao, sa pamamagitan ng tao ay mabububo ang kaniyang dugo, sapagka’t sa larawan ng Diyos nilalang ang tao.”
1 Juan 3:15: “Sinomang mamamatay-tao ay hindi pinananahanan ng buhay na walang hanggan.”
Exo. 20:13: “Huwag kang papatay.”
Ang aborsiyon ba ay maipagmamatuwid dahil sa palagay ng doktor na ang kalusugan ng ina ay manganganib kapag ipagpapatuloy ang pagdadalang-tao sa buong siyam na buwan?
Madalas magkamali ang opinyon ng mga doktor. Matuwid bang patayin ang iyong kapuwa dahil sa baka siya manakit sa iba? Kung sa oras mismo ng panganganak ay dapat gumawa ng pagpili sa pagitan ng buhay ng ina at ng sanggol, ang mga nasasangkot ang may pananagutang gumawa ng gayong pasiya. Gayumpaman, dahil sa pagsulong sa paraan ng panggagamot sa maraming lupain, ay napakadalang na ngayon ang ganitong mga situwasyon.
Kung May Magsasabi—
‘Subali’t karapatan kong magpasiya sa mga bagay na may kinalaman sa sarili kong katawan.’
Maaari kayong sumagot: ‘Nauunawaan ko ang damdamin ninyo. Napakadalas yurakan ng iba ang ating mga karapatan; marami ngayon ang talagang walang pakialam kung anoman ang mangyari sa iba. Subali’t ang Bibliya ay naglalaan ng mga gabay na magsasanggalang sa atin. Gayumpaman, upang makinabang dito, dapat din nating tanggapin ang mga pananagutan.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Napakaraming ina ang pinabayaan ng mga lalake na naging ama ng kanilang anak. Subali’t sa isang tahanan na kung saan kapuwa ang lalake at babae ay namumuhay ayon sa pamantayan ng Bibliya, ang asawa ay talagang magmamahal sa kaniyang asawa at mga anak at tapat na makikisama sa kanila at maglalaan sa kanila. (1 Tim. 5:8; Efe. 5:28-31)’ (2) ‘Upang personal nating matanggap ang ganitong pag-ibig at paggalang dapat din nating ikapit ang mga pamantayan ng Bibliya sa saloobin natin sa ating mga kasambahay. Ayon sa Bibliya papaano ba natin dapat malasin ang mga anak na ating iniluluwal? (Awit 127:3; ihambing ang Isaias 49:15.)’