Mga Santo
Kahulugan: Ayon sa turo ng Romano Katoliko, ang mga santo ay yaong mga namatay at nakasama ni Kristo sa langit na kinikilala ng Iglesiya dahil sa pantangi nilang kabanalan at kabutihan. Ang relihiyosong paniniwala na pinagtibay sa konsilyo ng Trent ay nagsasabi na ang mga santo ay dapat hingan ng tulong bilang mga tagapamagitan sa Diyos at na ang mga relikya at imahen ng mga santo ay dapat ituring na banal. Ang ibang relihiyon din ay humihingi ng tulong sa mga santo. May mga relihiyong nagtuturo na lahat ng kanilang mga miyembro ay mga santo at walang kasalanan. Madalas binabanggit ng Bibliya ang mga santo, o mga banal. Tinutukoy nito bilang mga banal ang 144,000 pinahiran-ng-espiritung mga tagasunod ni Kristo.
Itinuturo ba ng Bibliya na ang isang tao’y dapat na makarating sa makalangit na kaluwalhatian bago siya kikilalaning isang santo?
May binabanggit nga sa Bibliya na mga banal, o santo, na nasa langit. Tinutukoy si Jehova bilang “Banal na Isa [Griyego, haʹgi·on].” (1 Ped. 1:15, 16; tingnan ang Levitico 11:45.) Inilalarawan si Jesu-Kristo bilang “ang Banal [haʹgi·os] ng Diyos” nang siya’y nasa lupa at bilang “banal [haʹgi·os]” nang nasa langit. (Mar. 1:24; Apoc. 3:7, JB) Ang mga anghel din ay “banal.” (Gawa 10:22, JB) Ang termino ding iyon sa orihinal na Griyego ay ikinakapit sa ilang mga tao sa lupa.
Gawa 9:32, 36-41, JB: “Si Pedro ay dumalaw sa iba’t ibang mga dako at siya’y nakarating sa mga santo [ha·giʹous] na nananahan sa Lydda. May isang babaing alagad sa Joppe na nagngangalang Tabita [na namatay] . . . [si Pedro] ay bumaling sa patay na babae at sinabi, ‘Tabita, magbangon ka’. At iminulat niya ang kaniyang mga mata, tumingin kay Pedro at naupo siya. Tinulungan siya ni Pedro na makatayo, saka tinawag ang mga santo at mga babaing balo at ipinakita sa kanila na siya’y buháy.” (Maliwanag na ang mga santong ito ay wala pa sa langit, at na hindi lamang ang mga pantanging indibiduwal tulad ni Pedro ang itinuring na santo.)
2 Cor. 1:1; 13:12, JB: “Mula kay Pablo, na hinirang ng Diyos bilang apostol ni Kristo Jesus, at mula kay Timoteo, isa sa mga kapatid, sa iglesiya ng Diyos sa Corinto at sa lahat ng mga santo [ha·giʹois] na nasa buong Acaya.” “Mangagbatian kayo sa isa’t isa ng banal na halik. Binabati kayo ng lahat ng mga santo.” (Ang lahat ng mga unang Kristiyanong ito na nilinis ng dugo ni Kristo at ibinukod ukol sa paglilingkod sa Diyos upang maging kasamang tagapagmana ni Kristo ay tinutukoy bilang mga santo, o mga banal. Maliwanag na hindi sila kailangang mamatay muna bago sila kikilalaning mga santo.)
Maka-Kasulatan ba ang dumalangin sa mga “santo” upang sila’y magsilbing tagapamagitan sa Diyos?
Sinabi ni Jesu-Kristo: “Dapat kayong manalangin ng ganito: ‘Ama namin na nasa langit ka, . . . ’ ” Kaya ang mga panalangin ay dapat ipatungkol sa Ama. Sinabi rin ni Jesus: “Ako ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay. Walang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung kayo’y magsisihingi ng anoman sa aking pangalan, ay yaon ang aking gagawin.” (Mat. 6:9; Juan 14:6, 14, JB) Kaya hindi inayunan ni Jesus ang ideya na may iba pang magsisilbing mga tagapamagitan bukod sa kaniya. Ganito ang idinagdag ni apostol Pablo tungkol kay Kristo: “Siya’y hindi lamang namatay dahil sa atin—siya’y binuhay-muli, at nakatayo sa kanan ng Diyos upang mamagitan dahil sa atin.” “Lagi siyang nabubuhay upang mamagitan sa lahat ng nagsisilapit sa Diyos sa pamamagitan niya.” (Roma 8:34; Heb. 7:25, JB) Kung talagang ibig natin na ang ating mga pananalangin ay dinggin ng Diyos, hindi ba katalinuhan ang lumapit sa Diyos sa paraang itinatagubilin ng kaniyang Salita? (Tingnan din ang mga pahina 236, 237, sa paksang “Maria.”)
Efe. 6:18, 19, JB: “Mangagpuyat kayo sa panalangin alang-alang sa lahat ng mga santo; at idalangin ninyo ako na ako’y bigyan ng pagkakataong ibuka ang aking bibig upang salitaing walang takot ang hiwaga ng ebanghelyo.” (Idinagdag namin ang mga pahilis.) (Dito sinasabi na dapat idalangin ang mga santo at hindi ang sila’y dalanginan o kaya’y dumalangin sa pamamagitan nila. Inaamin ng New Catholic Encyclopedia, 1967, Tomo XI, p. 670: “Kadalasan sa B[agong] T[ipan], ang lahat ng panalangin, maging sa pribado o sa publikong pagsamba, ay ipinatutungkol sa Diyos Ama sa pamamagitan ni Kristo.”)
Roma 15:30, JB: “Ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo at sa pag-ibig ng Espiritu, na idalangin ninyo ako sa Diyos upang matulungan ako sa aking mga panganib.” (Hiniling ni apostol Pablo, na isang santo, na siya’y idalangin ng kapuwa niya mga Kristiyano na mga santo rin. Nguni’t pansinin na hindi dumalangin si Pablo sa mga santong gaya niya, at maging ang kanilang mga panalangin sa kapakanan niya ay hindi nagsilbing kapalit sa matalik na kaugnayan sa Ama na tinatamasa ni Pablo sa pamamagitan ng panalangin. Ihambing ang Efeso 3:11, 12, 14.)
Papaano dapat malasin ang pag-uukol ng kabanalan sa mga relikya at imahen ng mga santo?
Inaamin ng New Catholic Encyclopedia: “Walang kabuluhan kung gayon na hanapin ang saligan ng kulto ng mga relikya sa Matandang Tipan; ni binibigyan ng malaking pansin ang mga relikya sa Bagong Tipan. . . . Ang kagawiang ito ay tila itinuring [ng “ama” ng Iglesiya na si] Origen bilang paganong tanda ng paggalang sa isang materyal na bagay.”—(1967), Tomo XII, p. 234, 235.
Kapansinpansin na ang Diyos ang naglibing kay Moises, at hindi kailanmang nalaman ng sinomang tao kung nasaan ang libingan niya. (Deut. 34:5, 6) Nguni’t sinasabi sa atin ng Judas 9 na ang arkanghel na si Miguel ay nakipagtalo sa Diyablo tungkol sa katawan ni Moises. Bakit? Maliwanag na sinasabi na ang layunin ng Diyos ay ang iligpit ito upang huwag nang makita ng mga tao. Ibig bang akayin ng Mananalansang ang mga tao sa katawang iyon upang ito’y maitanghal at kaypala’y mapag-uukulan ng kabanalan?
Tungkol sa pag-uukol ng kabanalan sa mga imahen ng mga “santo,” tingnan ang paksang “Mga Imahen.”
Bakit ang mga “santo” ng Katoliko ay inilalarawang may mga sinag sa ulo?
Inaamin ng New Catholic Encyclopedia: “Ang karaniwang katangian, na kapit sa lahat ng mga santo, ay ang nimbus (ulap), isang makislap na sinag na nasa palibot ng ulo ng santo. Ang pinagmulan nito ay bago ang panahong Kristiyano, at ang halimbawa nito ay makikita sa debuhong Helenistiko na may impluwensiya ng mga pagano; ang sinag ay ginamit, gaya ng makikita sa mga mosaik at mga barya, para sa mga diyos katulad nina Neptuno, Jupiter, Bacchus, at lalo na si Apollo (diyos ng araw).”—(1967), Tomo XII, p. 963.
Sinasabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Sa debuhong Helenistiko at Romano ang diyos-araw na si Helios at ang mga Romanong emperador ay madalas na inilalarawan na may isang korona ng mga silahis. Dahil sa paganong pinagmulan nito, iniwasan ito sa sining ng Unang mga Kristiyano, nguni’t isang simpleng bilog na nimbus ang ginamit ng mga Kristiyanong emperador sa kanilang opisyal na mga larawan. Magmula sa kalagitnaan ng ika-4 na siglo, ang mga larawan ni Kristo ay nagtataglay ng katangiang ito ng mga emperador . . . Noon lamang ika-6 na siglo nagsimula ang kaugaliang gamitin ang sinag sa Birheng Maria at sa iba pang mga santo.”—(1976), Micropædia, Tomo IV, p. 864.
Wasto bang paghaluin ang Kristiyanismo at ang mga simbolo ng pagano?
“Hindi maaaring magsama ang liwanag at ang kadiliman. Hindi magkasundo si Kristo at si Beliar [Belial; Satanas], ni walang bahagi ang sumasampalataya sa di-sumasampalataya. Walang pakikipagkaisa ang templo ng Diyos sa mga diyus-diyosan, at tayo ay gayon nga—ang templo ng buháy na Diyos. . . . Kaya’t lumayo kayo sa kanila at humiwalay kayo, sabi ng Panginoon. Huwag kayong humipo ng mga bagay na marumi, at kayo’y aking tatanggapin at ako’y magiging ama ninyo, at kayo’y magiging aking mga anak na lalake at babae, sabi ng Panginoong Makapangyarihan-sa-Lahat.”—2 Cor. 6:14-18, JB.
Maaari bang maging santo ang lahat ng mga miyembro ng isang relihiyon anupa’t sila’y malaya na sa kasalanan?
Totoo na lahat ng bumuo sa Kristiyanong kongregasyon noong unang siglo ay mga santo. (1 Cor. 14:33, 34; 2 Cor. 1:1; 13:13, RS, KJ) Inilalarawan sila bilang mga tumanggap ng “kapatawaran ng mga kasalanan” at “pinapaging banal” ng Diyos. (Gawa 26:18; 1 Cor. 1:2, RS, KJ) Gayumpaman, hindi nila inangkin na wala silang anomang kasalanan. Sila’y mga supling ng makasalanang si Adan. Dahil sa pagmamanang ito kinailangang makipagpunyagi sila sa paggawa ng matuwid, gaya ng may-kapakumbabaang inamin ni apostol Pablo. (Roma 7:21-25) At tuwirang sinabi ni apostol Juan: “Kung sinasabi nating tayo’y walang kasalanan, ay ating dinadaya ang ating sarili, at ang katotohanan ay wala sa atin.” (1 Juan 1:8, RS) Kaya, ang pagiging santo sa diwang ginagamit may kaugnayan sa tunay na mga tagasunod ni Kristo ay hindi nangangahulugan na sila’y walang kasalanan sa laman.
Tungkol sa kung ang lahat ng tunay na mga Kristiyano ay mga santo na may pag-asang mabuhay sa langit, tingnan ang mga pahina 222-227.
Kung May Magsasabi—
‘Naniniwala ba kayo sa mga santo?’
Maaari kayong sumagot: ‘Sinu-sino po ang nasa isip ninyo?’ Kung binanggit ng tao si Maria at/o ang mga apostol, maaari ninyong idagdag: (1) ‘Opo, sila’y binabanggit sa Banal na Kasulatan, at ako’y naniniwala sa nasusulat doon. Nguni’t lalo akong interesado sa ginagawa nila sa ngayon at kung paano ito’y nakakaapekto sa atin, hindi ba gayon din kayo? . . . May maganda akong nakita tungkol sa kanila dito sa Banal na Kasulatan, at nais kong ibahagi ito sa inyo. (Apoc. 5:9, 10)’ [Pansinin, para gamitin kung may bumangong tanong hinggil sa pananalita ng teksto: ang JB ay nagsasabing “magpupuno sa daigdig.” Ang CC ay kababasahan ng “maghahari sa ibabaw ng lupa.” Ang Kx ay nagsasabing “magpupuno bilang hari sa ibabaw ng lupa.” Nguni’t ang NAB at Dy ay kababasahan ng “maghahari sa lupa.” Ukol sa mga komento sa Griyegong balarila, tingnan ang pahina 226, sa ilalim ng “Langit.”] (2) ‘Anong uri ng buhay ang tatamasahin sa ilalim ng pamahalaang ito? (Apoc. 21:2-4)’
O maaari ninyong sabihin: (kung dati kayong Katoliko): ‘Matagal na rin naman akong nakibahagi sa pagdiriwang para sa mga santo at lagi akong dumadalangin sa kanila. Subali’t may nabasa ako sa Banal na Kasulatan na nagpabago sa aking pangmalas. Kung pahihintulutan ninyo, nais kong ipakita ito sa inyo. (Tingnan ang pahina 391.)’