Kabanata 2
Relihiyon—Papaano Ito Nagsimula?
1, 2. Ano ang naobserbahan hinggil sa edad at pagkasarisari sa relihiyon?
ANG kasaysayan ng relihiyon ay kasintanda ng tao mismo. Ito ang sinasabi ng mga arkeologo at antropologo. Maging sa gitna ng pinaka-“primitibo,” alalaong baga’y, hindi maunlad, na mga kabihasnan, ay may nasumpungang anyo ng pagsamba. Sa katunayan sinasabi ng The New Encyclopædia Britannica na “batay sa natuklasan ng mga iskolar, wala pang mga tao, saanmang dako, at sa alinmang panahon, na kahit papaano ay hindi naging relihiyoso.”
2 Hindi lamang napakatanda ang relihiyon kundi napakalaki pa ang pagkakaiba ng mga ito. Ang mga mamumugot-ng-ulo sa mga kagubatan ng Borneo, ang mga Eskimo sa eladong Arktiko, ang mga pagalagalang tribo sa Disyerto ng Sahara, ang mga nakatira sa malalaking lunsod—bawat bayan at bawat bansa sa lupa ay may kanikaniyang diyos o mga diyos at sariling paraan ng pagsamba. Kamanghamangha talaga ang pagkakasarisari sa relihiyon.
3. Anong mga tanong hinggil sa mga relihiyon ng daigdig ang dapat isaalang-alang?
3 Makatuwiran lamang na bumangon ang mga tanong sa ating isipan. Saan nagmula ang lahat ng relihiyong ito? Yamang kapansinpansin ang pagkakaiba at pagkakatulad ng mga ito, sila ba’y nagsimula nang magkakahiwalay, o lahat ay galing sa iisang pinagmulan? Maaari pa nga nating itanong: Ano’t nagkaroon ng relihiyon? At papaano? Ang sagot sa mga tanong na ito ay lubhang mahalaga sa lahat ng interesadong makaalam ng katotohanan hinggil sa relihiyon at sa mga paniwalang relihiyoso.
Tanong Hinggil sa Pinagmulan
4. Ano ang alam natin hinggil sa mga tagapagtatag ng maraming relihiyon?
4 Kung tungkol sa pinagmulan, naiisip ng mga tao mula sa iba’t-ibang relihiyon ang mga pangalang gaya ng Muḥammad, ang Budha, Confucio, at Jesus. Sa halos lahat ng relihiyon, isang pangunahing tauhan ang itinuturing na tagapagtayo ng ‘tunay na pananampalataya.’ Ang iba’y mga repormador na di-sumasamba sa larawan. Ang iba’y mga moralistang pilosopo. At ang iba pa’y mga walang pag-iimbot na bayani. Marami sa kanila ang nag-iwan ng mga kasulatan o kasabihan na naging saligan ng isang bagong relihiyon. Nang maglaon ang kanilang sinabi at ginawa ay pinalawak, pinaganda, at binigyan ng mahiwagang anyo. Ang ilan sa kanila ay sinamba pa man din.
5, 6. Papaano nagsimula ang maraming relihiyon?
5 Bagaman sila ang itinuring na tagapagtatag ng mga pangunahing relihiyon na ating nakikilala, dapat pansinin na hindi sila ang aktuwal na nagpasimula ng relihiyon. Sa kalakhan, ang mga turo nila ay nag-ugat sa dati nang mga relihiyosong ideya, bagaman inaangkin ng karamihan ng mga pundador na sila ay may banal na pagkasi. O marahil ay iniba nila at binago ang dati nang mga sistemang relihiyoso na hindi naging kasiyasiya sa iba’t-ibang paraan.
6 Halimbawa, ayon sa pinakawastong ulat ng kasaysayan, ang Budha ay isang dating prinsipe na nanlumo sa paghihirap at kalunuslunos na kalagayang nakapaligid sa kaniya sa isang lipunang pinangibabawan ng Hinduismo. Budhismo ang ibinunga ng paghahanap niya ng lunas sa makirot na mga suliranin sa buhay. Kawangis nito, si Muḥammad ay lubhang nabagabag dahil sa idolatriya at imoralidad sa mga relihiyosong kaugalian na nasaksihan niya sa kaniyang paligid. Nang maglaon ay inangkin niya ang pagtanggap ng pantanging mga kapahayagan mula sa Diyos, na bumuo sa Qur’ān at naging saligan ng isang bagong relihiyon, ang Islām. Ang Protestantismo ay umusbong mula sa Katolisismo bunga ng Repormasyon na nagsimula noong unang bahagi ng ika-16 na siglo, nang tutulan ni Martin Luther ang pagtitinda ng simbahang Katoliko ng mga indulhensiya.
7. Anong tanong hinggil sa relihiyon ang dapat sagutin?
7 Kaya, kung tungkol sa mga relihiyon ngayon, sagana ang impormasyon sa pinagmulan at pag-unlad, mga tagapagtatag, at mga banal na kasulatan nito, at iba pa. Subalit kumusta ang mga relihiyon na nauna pa rito? At maging sa nauna pa sa mga ito? Kung babalik tayo sa pasimula ng kasaysayan, sa malao’t-madali’y mapapaharap tayo sa tanong na: Papaano nagsimula ang relihiyon? Maliwanag, upang malaman ang sagot, dapat tayong tumingin nang mas malayo kaysa nasasakupan lamang ng mga indibiduwal na relihiyong ito.
Maraming Teoriya
8. Sa nakaraang mga dantaon, ano ang saloobin ng mga tao hinggil sa relihiyon?
8 Ang pagsusuri sa pasimula at pag-unlad ng relihiyon ay maituturing na isang bagong larangan. Sa loob ng daandaang taon, basta tinanggap ng mga tao ang relihiyosong tradisyon na kanilang kinamulatan at nilakihan. Karamihan ay kontento na sa mga paliwanag na ipinamana ng kanilang mga ninuno, sa paniwalang ito ang katotohanan. Bihirang makasumpong ng dahilan upang mag-alinlangan, ni ng pangangailangan na suriin kung paano, kailan at bakit nagsimula ang mga bagay-bagay. Sa katunayan, sa loob ng maraming siglo, palibhasa limitado ang paglalakbay at pakikipagtalastasan, iilan ang nakabatid na may iba palang mga sistemang relihiyoso.
9. Mula noong ika-19 na siglo, anong pagsisikap ang ginawa upang tuklasin kung papaano at bakit nagsimula ang relihiyon?
9 Datapwat noong ika-19 na siglo, nagbago ang tanawin. Ang teoriya ng ebolusyon ay lumaganap sa gitna ng mga intelektuwal. Ito, pati na ang paglitaw ng siyentipikong pagsasaliksik, ay nagtulak sa marami na mag-alinlangan sa tatag na mga sistema, pati na sa relihiyon. Sa pagkatanto na limitado ang makikitang palatandaan sa umiiral na mga relihiyon, ang mga iskolar ay bumaling sa mga labî ng sinaunang mga kabihasnan o sa malalayong sulok ng daigdig na kinaroroonan pa ng primitibong mga lipunan. Sinikap nilang ikapit ang mga pamamaraan ng sikolohiya, sosyolohiya, antropolohiya, at iba’t-iba pa, sa pag-asang makasumpong ng palatandaan kung papaano at bakit nagsimula ang relihiyon.
10. Ano ang resulta ng mga pagsusuri sa pasimula ng relihiyon?
10 Ano ang ibinunga? Walang anu-ano, sumambulat ang maraming teoriya—halos kasindami ng mga tagapagsuri—na bawat isa ay sumasalungat sa iba, at nakikipagtagisan sa lakas-ng-loob at pagka-orihinal. Ang ilan sa kanila ay sumapit sa mahahalagang konklusyon; ang mga katha naman ng iba ay basta nakalimutan na lamang. Kapuwa nakapagtuturo at nakapagbibigay-liwanag ang pagsilip sa bunga ng ganitong pagsasaliksik. Tutulong sa atin ito upang higit na maunawaan ang relihiyosong saloobin ng mga taong ating nakakatagpo.
11. Ipaliwanag ang teoriya ng animismo.
11 Isang teoriya, na karaniwang tinutukoy na animismo, ay iniharap ng antropologong Ingles na si Edward Tylor (1832-1917). Iminungkahi niya na ang mga panaginip, pangitain, pagkahibang, at ang pagiging walang-buhay ng mga bangkay ay nag-udyok sa mga sinauna upang maniwala na ang katawan ay tinatahanan ng isang kaluluwa (Latin, anima). Ayon sa teoriyang ito, yamang lagi nilang napapangarap ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay, naniwala sila na ang kaluluwa ay nagpapatuloy pagkalipas ng kamatayan, humihiwalay sa katawan at tumitira sa mga punongkahoy, mga bato, mga ilog, at iba pa. Nang maglaon, ang mga patay at ang mga tirahan di-umano ng mga kaluluwa ay sinamba bilang mga diyos. Kaya, ani Tylor, isinilang ang relihiyon.
12. Ipaliwanag ang teoriya ng animatismo.
12 Isa pang antropologong Ingles, si R. R. Marett (1866-1943), ay nagharap ng binagong anyo ng animismo, na tinukoy niyang animatismo. Matapos pag-aralan ang paniwala ng mga Melanesian sa mga kapuluang Pasipiko at ng mga katutubo sa Aprika at Amerika, ipinasiya ni Marett na sa halip na maniwala sa isang personal na kaluluwa, ang mga sinauna ay naniwala sa isang di-personal na puwersa o kapangyarihang higit-sa-tao na nagbigay-buhay sa lahat ng bagay; ang paniwalang ito ay pumukaw ng paghanga at pagkatakot, at naging saligan ng primitibong relihiyon. Para kay Marett, ang relihiyon ay ang emosyonal na tugon ng tao sa hindi niya nauunawaan. Ang paborito niyang kasabihan ay na ang relihiyon ay “hindi gaanong pinag-iisipan kundi isinasayaw na lamang.”
13. Anong teoriya hinggil sa relihiyon ang iniharap ni James Frazer?
13 Noong 1890, isang taga-Scotland na eksperto sa sinaunang alamat, si James Frazer (1854-1941), ay naglathala ng tanyag na aklat na The Golden Bough, at doo’y nangatuwiran siya na ang relihiyon ay iniluwal ng salamangka. Ayon kay Frazer, sinikap muna ng tao na supilin ang sariling buhay at kapaligiran sa pamamagitan ng pagtulad sa nakikita niya sa kalikasan. Halimbawa, inakala ng tao na makapagpapaulan siya kung wiwisikan niya ng tubig ang lupa sa saliw ng tulad-kulog na tugtog ng tambol o na maaari niyang saktan ang kaaway kung tuturukan niya ng karayom ang isang manyika. Umakay ito sa paggamit ng rituwal, gayuma, at mahika sa maraming larangan ng buhay. Nang hindi ito umubra na gaya ng inaasahan, sinikap niyang payapain at hilingin ang tulong ng mga kapangyarihang nakahihigit-sa-tao, sa halip na supilin ang mga ito. Ang mga rituwal at mga orasyon ay naging mga sakripisyo at mga panalangin, at doon nagsimula ang relihiyon. Ayon kay Frazer, ang relihiyon ay “pakikipagpayapaan o pakikipagkasundo sa mga puwersang nakahihigit-sa-tao.”
14. Papaano ipinaliwanag ni Sigmund Freud ang pasimula ng relihiyon?
14 Ang pinagmulan ng relihiyon ay sinikap ding ipaliwanag ng tanyag na Austriyanong siko-analista na si Sigmund Freud (1856-1939), sa kaniyang aklat na Totem and Taboo. Tapat sa kaniyang propesyon, ipinaliwanag ni Freud na ang pinakamaagang relihiyon ay nagmula sa tinatawag niyang father-figure neurosis (pagkatakot sa ama). Nagpaliwanag siya na, gaya sa maiilap na kabayo at baka, ang ama ang nangibabaw sa tribo sa primitibong lipunan. Ang mga anak na lalaki, na kapuwa namuhi at nagmahal sa ama, ay naghimagsik at pumatay sa ama. Upang makamit ang kapangyarihan ng ama, ayon kay Freud, “ang kanilang biktima ay kinain ng mga kanibalistikong barbarong yaon.” Nang maglaon, bunga ng pagsisisi, umimbento sila ng mga seremonya at rituwal upang matubos ang kanilang pagkakasala. Ayon sa teoriya ni Freud, ang ama ay naging Diyos, at ang mga seremonya at rituwal ay naging kaunaunahang relihiyon, at ang pagkain ng pinaslang na ama ay ang tradisyon ng komunyon na nakaugalian sa maraming relihiyon.
15. Ano ang nangyari sa karamihan ng mga inialok na teoriya hinggil sa pasimula ng relihiyon?
15 Marami pang ibang teoriya na pawang nagpapaliwanag sa pinagmulan ng relihiyon. Gayumpaman, karamihan ay nakalimutan na, at isa man sa mga ito ay hindi naging mas kapanipaniwala kaysa iba. Bakit? Pagkat wala naman talagang makasaysayang ebidensiya o patotoo na ang mga teoriya ay totoo nga. Ang mga ito’y pawang kathang-isip o palapalagay ng tagasuri, na hindi natatagala’t nahahalinhan agad ng iba.
Isang Mabuway na Saligan
16. Bakit nabigo ang maraming taon ng pagsusuri na ipaliwanag kung papaano nagsimula ang relihiyon?
16 Pagkaraan ng maraming taon ng pagtatalo, marami ang nagpasiya na malamang na hindi na makakasumpong ng sagot hinggil sa kung papaano nagsimula ang relihiyon. Una sa lahat, sapagkat ang mga buto at labî ng sinaunang mga tao ay hindi nagsasabi kung ano ang nasa isip ng mga taong yaon, ano ang kanilang mga pangamba, o kung bakit sila sumamba. Ang alinmang konklusyon na maaaring mahalaw sa mga relikyang ito ay karaniwan nang mga pinag-aralang panghihinuha lamang. Pangalawa, ang relihiyosong mga kaugalian ng di-umano’y mga primitibong tao ngayon, gaya ng mga Aborigine ng Australya, ay hindi laging maaasahang sukatan ng ginawa o inisip ng mga sinauna. Walang sinomang nakatitiyak kung nagbago o papaano nagbago ang kanilang kultura sa paglipas ng mga dantaon.
17. (a) Ano ang alam ng makabagong mananalaysay ng relihiyon? (b) Ano ang wari’y pangunahing suliranin sa pagsusuri sa relihiyon?
17 Dahil sa lahat ng kawalang-katiyakang ito, ang aklat na World Religions—From Ancient History to the Present ay nagpasiya na “alam ng makabagong mananalaysay ng relihiyon na imposibleng marating ang mga ugat ng relihiyon.” Gayumpaman, sinabi ng aklat hinggil sa pagsisikap ng mga mananalaysay: “Noong una nag-atubili ang maraming teorista na ilarawan o ipaliwanag ang relihiyon at lalo na ang waling-halaga ito, sa paniwala na kung matutuklasan na guni-guni lamang pala ang sinaunang mga anyo nito baka lalong mapasamâ ang mga kasunod at mas matayog na relihiyon.”
18. (a) Bakit nabigo ang maraming tagasuri na ipaliwanag ang pinagmulan ng relihiyon? (b) Ano, sa malas, ang tunay na intensiyon ng “makasiyentipkong” mga tagasuri ng relihiyon?
18 Nasa huling komentong yaon ang dahilan kung bakit hindi nakapagbigay ng kapanipaniwalang paliwanag ang iba’t-ibang “makasiyentipikong” tagasuri sa pasimula ng relihiyon. Ayon sa lohika ang wastong konklusyon ay mararating lamang salig sa wastong saligan. Kung ang isa ay magsisimula sa mabuway na saligan, malamang na hindi niya mararating ang makatuwirang pasiya. Ang paulit-ulit na pagkabigo ng “makasiyentipikong” mga tagasuri sa paghaharap ng makatuwirang paliwanag ay nagbunga ng malulubhang pag-aalinlangan sa saligan ng kanilang mga pangmalas. Sa pagtataguyod ng kanilang patiunang palapalagay, sa pagsisikap na ‘waling-halaga ang relihiyon’ ay sinikap nilang waling-halaga ang Diyos.
19. Ano ang saligang simulain sa likod ng matagumpay na makasiyentipikong mga pagsusuri? Pakisuyong ilarawan.
19 Ang situwasyon ay maaaring ihambing sa maraming paraan ng pagpapaliwanag na ginawa ng mga astronomo bago ang ika-16 na siglo hinggil sa paglalakbay ng mga planeta. Napakaraming teoriya, subalit wala isa man ang naging tunay na kasiyasiya. Bakit? Sapagkat lahat ay nakasalig sa palagay na ang lupa ang siyang sentro ng sansinukob at na sa palibot nito umiinog ang mga bituin at planeta. Hindi talaga nagkaroon ng tunay na pagsulong hangga’t ang mga siyentista—at ang Iglesiya Katolika—ay hindi sumang-ayon na hindi lupa ang sentro ng sansinukob kundi ito ay umiikot sa palibot ng araw, na siyang sentro ng solar system. Ang kabiguan na ipaliwanag ang katotohanan ay umakay sa mga palaisip, hindi upang magharap ng bagong mga teoriya, kundi upang suriing muli ang saligan ng kanilang mga imbestigasyon. At ito ang umakay sa tagumpay.
20. (a) Anong maling palagay ang saligan ng “makasiyentipikong” pagsusuri sa pasimula ng relihiyon? (b) Anong saligang pangangailangan ang tinukoy ni Voltaire?
20 Ang simulain ding ito ay maikakapit sa pagsusuri sa pasimula ng relihiyon. Dahil sa pag-unlad ng ateyismo at ng laganap na pagtanggap sa teoriya ng ebolusyon, marami ang naniniwala na ang Diyos ay hindi umiiral. Salig sa palagaying ito, inaakala nila na ang paliwanag hinggil sa pag-iral ng relihiyon ay masusumpungan sa tao mismo—sa kaniyang mga pag-iisip, pangangailangan, pangamba, sa kaniyang mga “kinatatakutan.” Sabi ni Voltaire, “Kung hindi umiiral ang Diyos, kailangan siyang imbentuhin”; kaya nangatuwiran sila na tao ang umimbento sa Diyos.—Tingnan ang kahon, pahina 28.
21. Anong makatuwirang konklusyon ang makukuha mula sa kabiguan ng maraming teoriya sa pinagmulan ng relihiyon?
21 Yamang ang napakaraming teoriya ay hindi naglaan ng tunay na kasiyasiyang sagot, hindi ba panahon na upang suriin ang saligan ng mga pagsusuring ito? Sa halip na magpaikot-ikot na lamang sa iyo’t-iyon ding mga teoriya, hindi ba magiging makatuwiran na bumaling sa ibang dako ukol sa sagot? Kung tayo’y magiging bukas-ang-isip, sasang-ayon tayo na ito ay kapuwa makatuwiran at makasiyentipiko. At may halimbawa na tutulong upang makita ang lohika nito.
Isang Sinaunang Pag-uusisa
22. Papaanong ang mga teoriya hinggil sa kanilang mga diyos ay nakaapekto sa pagsamba ng mga taga-Atenas?
22 Noong unang dantaon ng ating Kasalukuyang Panahon (Common Era, C.E.), ang Atenas, Gresya, ay naging tanyag na sentro ng karunungan. Gayumpaman, sa gitna ng mga taga-Atenas ay umiral ang sarisaring takbo ng kaisipan, gaya ng mga Epicureano at mga Stoic, na may kanikaniyang paniwala hinggil sa mga diyos. Salig sa iba’t-ibang ideyang ito, iba’t-ibang diyos din ang kanilang sinamba, at lumitaw ang sarisaring paraan ng pagsamba. Bunga nito, ang lunsod ay nagsiksikan sa gawang-taong mga idolo at templo.—Tingnan ang Gawa 17:16.
23. Anong lubhang naiibang pangmalas hinggil sa Diyos ang iniharap ni apostol Pablo sa mga taga-Atenas?
23 Noong mga taóng 50 C.E., dumalaw sa Atenas ang Kristiyanong apostol na si Pablo at iniharap niya sa mga taga-Atenas ang isang lubhang naiibang pangmalas. Sinabi niya: “Ang Diyos na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng naririto, palibhasa Siya ay Panginoon ng langit at ng lupa, ay hindi tumatahan sa mga templong ginawa ng kamay, ni pinaglilingkuran man siya ng mga kamay ng tao na waring siya’y nangangailangan ng anoman, yamang siya rin ang nagbibigay sa lahat ng tao ng buhay at ng hininga at ng lahat ng bagay.”—Gawa 17:24, 25.
24. Sa katunayan, ano ang sinasabi ni Pablo sa mga taga-Atenas hinggil sa tunay na pagsamba?
24 Sa ibang salita, sinasabi ni Pablo sa mga taga-Atenas na ang tunay na Diyos, na “gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng naririto,” ay hindi kathang-isip lamang ng tao, ni pinaglilingkuran siya ayon sa mga paraan na kinatha ng tao. Ang tunay na relihiyon ay hindi basta pansarilinang pagsisikap ng tao na sapatan ang isang sikolohikal na pangangailangan o upang maibsan ang isang partikular na pangamba. Sa halip, palibhasa ang tunay na Diyos ang siyang Maylikha, na nagkaloob sa tao ng kakayahang mag-isip at ng kapangyarihang mangatuwiran, lohikal lamang na Siya ay gumawa ng paraan upang ang tao ay magkaroon ng kasiyasiyang pakikipag-ugnayan sa Kaniya. Ito, ayon kay Pablo, ang ginawa ng Diyos. “Ginawa niya mula sa isang tao ang lahat ng bansa, upang sila’y magsitahan sa ibabaw ng buong lupa, . . . upang kanilang hanapin ang Diyos, baka sakaling siya’y maapuhap nila at tunay na masumpungan siya, bagaman ang totoo’y hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.”—Gawa 17:26, 27.
25. Ipaliwanag ang pangunahing punto ng pangangatuwiran ni Pablo sa pasimula ng tao.
25 Pansinin ang pangunahing punto ni Pablo: “Ginawa [ng Diyos] mula sa isang tao ang lahat ng bansa.” Bagaman sa ngayon ay maraming mga bansa ng tao, na nabubuhay sa buong lupa, alam ng mga siyentipiko na ang buong sangkatauhan ay iisa ngang lahi. Ang paniwalang ito ay lubhang makahulugan sapagkat kapag sinasabi natin na lahat ng tao ay iisang lahi, higit ito kaysa pagiging magkamag-anak lamang salig sa bayolohika at henetika. Sila’y magkaugnay sa iba pang paraan.
26. Anong katotohanan hinggil sa wika ang umaalalay sa pangunahing punto ni Pablo?
26 Halimbawa, pansinin ang sinasabi ng aklat na Story of the World’s Worship hinggil sa wika ng tao. “Iisa ang masasabi niyaong mga nag-aral at naghambing ng mga wika ng daigdig: Lahat ng wika ay maaaring pagpangkatpangkatin sa mga pamilya o uri ng pananalita, at matutuklasan na lahat ay may iisang karaniwang pinagmulan.” Sa ibang salita, ang mga wika ng daigdig ay hindi nagsimula nang hiwalay at magkakabukod, gaya ng gustong palabasin ng mga ebolusyonista. Ayon sa teoriya ng ebolusyon ang mga nakatira sa mga kuweba sa Aprika, Europa, at Asya ay nagsimula sa pag-ungol at pag-igik at nang maglaon ay umunlad ang sarili nilang wika. Hindi ganito ang nangyari. Ipinakikita ng ebidensiya na sila ay “nagbuhat sa iisang karaniwang pinagmulan.”
27. Bakit makatuwirang isipin na ang mga ideya ng tao hinggil sa Diyos at relihiyon ay may iisang pinagmulan?
27 Kung totoo ito tungkol sa wika, isang bagay na personal at pantanging nauukol sa tao, hindi ba makatuwiran ding isipin na ang mga ideya tungkol sa Diyos at sa relihiyon ay dapat ding magbuhat sa iisang karaniwang pinagmulan? Ang totoo’y magkaugnay ang relihiyon at ang isip, at ang isip ay kaugnay ng kakayahan ng tao na gumamit ng wika. Hindi ibig sabihin na lahat ng relihiyon ay aktuwal na nagbuhat sa iisang relihiyon, kundi ang mga ideya at paniwala ay dapat matunton sa iisang karaniwang pinagmulan o kalipunan ng mga relihiyosong ideya. May ebidensiya bang aalalay dito? At kung totoo nga na lahat ng relihiyon ay nagbuhat sa iisang pinagmulan, ano iyon? Papaano natin matutuklasan?
Magkaiba Ngunit Magkahawig
28. Papaano natin malalaman kung mayroon ngang pinagmulan ang mga relihiyon ng daigdig?
28 Makakamit natin ang sagot kung papaano rin nakamit ng mga dalubhasa sa wika ang mga sagot hinggil sa pinagmulan ng wika. Sa paghahambing sa mga wika at pagpansin sa mga pagkakahawig nito, matutunton ng etimolohista ang pinagmulan ng iba’t-ibang wika. Kahawig nito, sa paghahambing sa mga relihiyon, masusuri natin ang kanilang mga doktrina, alamat, rituwal, seremonya, institusyon, at iba pa, at makikita natin kung may iisa ngang hibla ng pagkakahawig at, kung mayroon, saan tayo aakayin ng hiblang ito.
29. Ano ang sanhi ng maraming pagkakaiba sa gitna ng mga relihiyon?
29 Sa panlabas, ang maraming relihiyon sa ngayon ay waring naiiba sa isa’t-isa. Gayumpaman, kung huhubarin ang mga panlabas na anyo o kung aalisin ang mga pagkakaiba na resulta lamang ng klima, wika, pantanging kalagayan sa kanilang lupang tinubuan, at iba pang mga salik, nakagugulat ang pagkakahawig ng karamihan sa mga ito.
30. Anong mga pagkakahawig ang nakikita ninyo sa pagitan ng Romano Katolisismo at ng Budhismo?
30 Halimbawa, karamihan ay mag-aakala na marahil ay wala nang dalawang relihiyon na magkaibang-magkaiba na gaya ng Iglesiya Katolika Romana sa Kanluran at ng Budhismo sa Silangan. Gayunman, ano ang makikita kapag inalis ang mga pagkakaiba sa wika at kultura? Kung magiging tapat tayo, aaminin natin na napakaraming pagkakahawig ang dalawa. Kapuwa talamak sa rituwal at seremonya ang Katolisismo at Budhismo. Kalakip na rito ang paggamit ng mga kandila, insenso, agwa bendita, rosaryo, imahen ng mga santo, orasyon at mga aklat-dasalan, at maging ang tanda ng krus. Ang dalawang ito ay kapuwa nagtatag ng institusyon ng mga monghe at madre at kilala sa di-pag-aasawa ng mga pari, mga pantanging kasuotan, araw ng pangilin, at mga pantanging pagkain. Ang talaang ito ay hindi pa kumpleto, subalit sapat na upang idiin ang punto. Ang tanong ay, Bakit kaya ang dalawang relihiyon na tila magkaibang-magkaiba ay napakarami palang pagkakahawig?
31. Anong mga pagkakahawig ang nakikita ninyo sa ibang relihiyon?
31 Kung papaano tayo naliwanagan ng paghahambing sa dalawang relihiyong ito, ganoon din ang maaaring gawin sa ibang relihiyon. Kapag ginawa ito, matutuklasan natin na may ilang turo at paniwala na umiiral sa halos lahat ng ito. Marami ang pamilyar sa mga doktrina ng kawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao, makalangit na gantimpala para sa mabubuti, walang-hanggang pahirap sa masasama sa impiyerno, purgatoryo, isang diyos na trinidad o maramihang pagka-diyos, at ina-ng-diyos o diyosang reyna-ng-langit. Gayumpaman, bukod dito ay marami ding alamat at mitolohiya na masusumpungan sa lahat. Halimbawa, may mga alamat hinggil sa pagkawala ng grasya ng Diyos sa tao dahil sa sakim na paghahangad ng kawalang-kamatayan, ng pangangailangan na maghandog ng mga hain upang matubos sa kasalanan, ng paghahanap sa punongkahoy ng buhay o ng bukal ng kabataan, mga diyos at mga bayani na nanirahan sa gitna ng tao at nagluwal ng mga higante, at ng nagpapahamak na baha na lumipol sa halos buong sangkatauhan.a
32, 33. (a) Ano ang mauunawaan natin sa kapunapunang mga pagkakahawig sa mga relihiyon ng daigdig? (b) Anong tanong ang nangangailangan ng sagot?
32 Ano ang mauunawaan natin mula sa lahat ng ito? Mapapansin natin na ang mga naniwala sa mga alamat at kathang-isip na ito ay namuhay nang layu-layo sa isa’t-isa. Ang kanilang kultura at tradisyon ay naiiba at natatangi. Ang kanilang kaugaliang sosyal ay walang kaugnayan sa isa’t-isa. Subalit, pagdating sa relihiyon, magkakahawig ang kanilang mga ideya. Bagaman hindi lahat ay naniwala sa mga bagay na nabanggit, lahat sila ay naniwala kahit na sa ilan lamang rito. Kaya ang tanong ay, Bakit? Waring may iisang karaniwang balon na doo’y sumalok ang bawat relihiyon ng kanikanilang saligang paniwala, ang iba’y mas marami, ang iba’y mas kaunti. Sa paglipas ng panahon, ang saligang mga ideya ay ginayakan at binago, at nabuo mula rito ang iba pang mga turo. Subalit hindi mapagkakamalan ang saligang balangkas.
33 Makatuwiran lamang na ang pagkakahawig sa saligang paniwala ng maraming relihiyon ay matibay na ebidensiya na ang mga ito ay hindi nagsimula sa hiwalay at independiyenteng paraan. Sa halip, kung babalik tayo sa pasimula, maliwanag na ang kanilang mga ideya ay may iisang pinagmulan. Ano ito?
Isang Sinaunang Ginintuang Panahon
34. Anong alamat hinggil sa pasimula ng tao ang karaniwan sa maraming relihiyon?
34 Kapansinpansin, sa mga alamat na karaniwan sa maraming relihiyon ay ang isa na nagsasabing ang sangkatauhan ay nagsimula sa isang ginintuang panahon na doon ang tao’y walang kasalanan, namuhay nang maligaya at mapayapa sa matalik na pakikipagtalamitam sa Diyos, at malaya sa sakit at kamatayan. Bagaman nagkakaiba ang detalye, nasa mga kasulatan at alamat ng maraming relihiyon ang gayon ding ideya ng isang sakdal na paraiso na umiral sa pasimula.
35. Ilarawan ang sinaunang paniwalang Zoroastriyano hinggil sa isang ginintuang panahon noong pasimula.
35 Ang Avesta, banal na aklat ng sinaunang relihiyong Zoroastriyano ng Persya, ay bumabanggit sa “makisig na si Yima, ang mabuting pastol,” unang mortal na nakausap ni Ahura Mazda (ang maylikha). Inutusan siya ni Ahura Mazda “na pakainin, pamahalaan, at alagaan ang aking daigdig.” Upang magawa ito, dapat siyang magtayo ng “Vara,” isang tahanan sa ilalim ng lupa, para sa lahat ng nilikha. Doon ay “walang panunupil ni pagmamalupit, walang kamangmangan ni karahasan, walang karalitaan ni pandaraya, walang kahinaan ni kapansanan, walang malalaking ngipin ni mga katawang sobra sa laki. Ang mga mamamayan ay hindi napasamâ ng balakyot na espiritu. Napapaligiran sila ng mababangong punongkahoy at ginintuang haligi; sila ang pinakamalaki, pinakamabuti at pinakamaganda sa buong lupa; isang matangkad at kahalihalinang lahi.”
36. Papaano inilarawan ng makatang Griyegong si Hesiod ang isang “Ginintuang Panahon”?
36 Sa sinaunang mga Griyego, ang tula ni Hesiod na Works and Days ay may binabanggit na “Limang Yugto ng Tao,” na ang una ay ang “Ginintuang Panahon” na kung saan ang mga tao ay nagtamasa ng ganap na kaligayahan. Isinulat niya:
“Ang di-namamatay na mga diyos, na yumayapak sa makalangit na mga patyo,
Unang lumikha ng isang ginintuang lahi ng mga tao.
Namuhay silang gaya ng mga diyos, maligaya, mga kaluluwang walang inaalumana,
Ligtas sa hirap at sakit; hindi sila dumanas
Ng kahabag-habag na pagtanda, kundi buong buhay nila’y tinamasa
Sa pagkakainan, at hindi nagbago ang kanilang mga bisig.”
Ayon sa mitolohiyang Griyego, nawala ang makaalamat na ginintuang panahong ito nang mapangasawa ni Epimeteo ang magandang si Pandora, kaloob ni Zeus, diyos na taga-Olimpiya. Isang araw ay binuksan ni Pandora ang kaniyang malaking kaban, at biglang lumabas ang mga ligalig, siphayo, at sakit na mula roo’y hindi na nakaraos ang tao kailanpaman.
37. Ilarawan ang sinaunang alamat-Intsik hinggil sa “paraiso” sa pasimula ng kasaysayan.
37 Binabanggit din ng sinaunang mga alamat-Intsik ang isang ginintuang panahon noong mga kaarawan ni Huang-Ti (Dilaw na Emperador), na di-umano’y naghari ng isandaang taon noong ika-26 na siglo B.C.E. Ipinalalagay na siya ang lumikha ng lahat ng may kinalaman sa kabihasnan—damit at tahanan, mga sasakyan, sandata at digmaan, pangangasiwa sa lupa, pabrika, pagyari ng seda, tugtugin, wika, matematika, ang kalendaryo, at iba pa. Noong namamahala siya, anila, “walang magnanakaw ni pag-aawayan sa Tsina, at ang tao ay namuhay sa kaamuan at kapayapaan. Ang napapanahong ulan at klima ay nagbunga ng masaganang ani sa bawat taon. Ang higit na katakataka ay na hindi pumapatay ang mababangis na hayop, at ang mga ibong mandaragit ay hindi nananakit. Sa madali’t sabi, ang Tsina ay nagsimula sa isang paraiso.” Hanggang ngayon, ang mga Intsik ay nag-aangkin na sila’y inapo ng Dilaw na Emperador.
38. Anong konklusyon ang makukuha mula sa lahat ng magkakahawig na alamat hinggil sa pasimula ng tao?
38 Ang ganitong mga alamat ng kaligayahan at kasakdalan sa pasimula ng kasaysayan ay masusumpungan sa mga relihiyon ng marami pang ibang bayan—mga Ehipsiyo, taga-Tibet, Peruviano, Mexikano, at iba pa. Nagkataon lamang ba na ang mga taong ito, na namumuhay nang magkakalayo sa isa’t-isa at na may lubhang magkakaibang kultura, wika, at kaugalian, ay nagkaparepareho ng ideya hinggil sa kanilang pinagmulan? Nagkataon lamang ba na silang lahat ay nagpaliwanag sa kanilang pasimula sa magkakahawig na paraan? Ang lohika at karanasan ay nagsasabi na imposible ito. Bagkus, tiyak na may magkakahawig na elemento ng katotohanan hinggil sa pasimula ng tao at ng kaniyang relihiyon na nakahabi sa lahat ng ito.
39. Anong pinagsamang larawan ang mabubuo sa magkakatulad na elemento ng mga alamat sa pasimula ng tao?
39 Sa katunayan, maaaninaw ang maraming nagkakatulad na elemento sa sarisaring alamat hinggil sa pinagmulan ng tao. Kung pagsasamasamahin, nagiging mas malinaw ang larawan. Ipinakikita nito na nilikha ng Diyos ang unang lalaki at babae at inilagay sila sa paraiso. Nasisiyahan sila at masayang-masaya sa pasimula, subalit di-nagtagal at sila’y naging mapaghimagsik. Naiwala nila ang sakdal na paraiso, at ang pumalit ay hirap at pagpapagal, kirot at pagdurusa. Nang maglaon naging ubod-samâ ang tao kaya pinarusahan sila ng Diyos nang ibuhos niya ang isang malaking delubyo ng tubig na pumuksa sa lahat maliban sa isang sambahayan. Habang dumarami sila, ang ilan sa mga supling ay nagpangkatpangkat at nagtayo ng isang dambuhalang tore bilang paglaban sa Diyos. Binigo ng Diyos ang pakanang ito nang lituhin niya ang kanilang wika at pangalatin sila sa mga kasuluksulukan ng lupa.
40. Ipaliwanag ang kaugnayan ng Bibliya sa mga alamat hinggil sa pinagmulan ng mga relihiyon ng tao.
40 Ang pinagsamasama bang larawang ito ay kathang-isip lamang? Hindi. Pangunahin na, ito ang larawan na inihaharap sa Bibliya, sa unang 11 kabanata ng aklat ng Genesis 1-11. Bagaman hindi na tatalakayin dito ang pagiging-tunay ng Bibliya, pansinin na ang ulat nito hinggil sa sinaunang kasaysayan ng tao ay maaaninaw sa mga saligang elemento na masusumpungan sa maraming alamat.b Ipinakikita ng ulat na nang magsimulang mangalat ang lahi ng tao mula sa Mesopotamya, dala nila ang kanilang mga alaala, karanasan, at paniwala saanman sila pumaroon. Nang maglaon ang mga ito ay pinalawak at binago at naging mga himaymay ng relihiyon sa bawat bahagi ng daigdig. Sa ibang salita, kung babalikan ang paghahalintulad na ginamit kanina, ang ulat sa Genesis ay bumubuo ng orihinal, tulad-kristal na balon na naging ugat ng saligang mga ideya hinggil sa pasimula ng tao at ng pagsamba na masusumpungan sa sarisaring mga relihiyon ng daigdig. Dito’y idinagdag na lamang nila ang kanilang partikular na mga doktrina at kaugalian, subali’t ang kawing ay hindi mapagkakamalan.
41. Ano ang dapat isipin habang pinag-aaralan ang kasunod na mga kabanata ng aklat na ito?
41 Sa kasunod na mga kabanata ng aklat na ito, tatalakayin nang mas detalyado kung papaano nagsimula at umunlad ang ilang relihiyon. Mauunawaan ninyo hindi lamang ang pagkakaiba ang bawat relihiyon kundi maging ang kanilang pagkakahawig. Malalaman din ninyo kung sa anong panahon sa kasaysayan lumitaw ang bawat isa, kung papaano nauugnay sa iba ang banal na mga aklat o kasulatan nito, kung papaanong ang tagapagtatag o pinuno nito ay naimpluwensiyahan ng ibang relihiyosong ideya, at papaano ito nakaimpluwensiya sa paggawi at kasaysayan ng tao. Habang sinusuri natin ang mahabang paghahanap ng tao sa Diyos, ang pagsasa-isip ng mga puntong ito ay tutulong upang higit pang maliwanagan ang katotohanan hinggil sa relihiyon at mga relihiyosong turo.
[Mga talababa]
a Para sa detalyadong paghahambing ng sarisaring alamat ng baha na masusumpungan sa iba’t-ibang bayan, pakisuyong tingnan ang aklat na Insight on the Scriptures, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society ng Nueba York, Inc., 1988, Tomo 1, pahina 328, 610, at 611.
b Para sa detalyadong impormasyon sa paksang ito, pakisuyong basahin ang aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., 1989.
[Blurb sa pahina 23]
Ang paglitaw ng makasiyentipikong pagsusuri at ang teoriya ng ebolusyon ay nag-udyok sa marami na mag-alinlangan sa relihiyon
[Blurb sa pahina 34]
Waring iisa ang balon na doon umiigib ang bawat relihiyon ng kanikaniyang saligang paniwala
[Kahon sa pahina 28]
Bakit Relihiyoso ang Tao?
▪ Ipinaliliwanag ni John B. Noss sa kaniyang aklat na Man’s Religions: “Sa iba’t-ibang paraan ay sinasabi ng lahat ng relihiyon na ang tao ay hindi nag-iisa at hindi makatatayo nang mag-isa. Siya ay lubhang nauugnay at talagang umaasa sa mga puwersa ng Kalikasan at Lipunan na hiwalay sa kaniyang sarili. Sa malabo o maliwanag, batid niya na siya ay hindi isang malasariling sentro ng puwersa na may kakayahang manindigan nang hiwalay sa daigdig.”
Kaayon nito, ang aklat na World Religions—From Ancient History to the Present ay nagsasabi: “Isinisiwalat ng pag-aaral ng relihiyon na ang isang mahalagang bahagi nito ay ang paghahangad ng pinamagaling sa buhay, isang paniwala na ang buhay ay hindi isang sakuna at walang kahulugan. Ang paghahanap ng kahulugan ay umaakay sa pananampalataya sa isang puwersa na nakahihigit-sa-tao, at sa wakas ay sa isang pansansinukob o nakahihigit-sa-tao na kaisipan na ang layunin at kalooban ay ang panatilihin ang pinakamataas na kagalingan sa buhay ng tao.”
Kaya ang relihiyon ay sumasapat sa isang saligang pangangailangan ng tao, kung papaanong ang pagkain ay sumasapat sa gutom. Alam natin na ang walang-taros na pagkain kapag tayo’y nagugutom ay maaaring makapagpahinto sa pagkahilab ng sikmura; subalit sa katagalan, pipinsala ito sa ating kalusugan. Upang magkaroon ng malusog na pamumuhay, kailangan natin ang pagkain na nakalulusog at masustansiya. Gayon din naman, kailangan natin ang masustansiyang espirituwal na pagkain upang panatilihin ang ating espirituwal na kalusugan. Kaya nga sinasabi sa atin ng Bibliya: “Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao kundi sa bawat kapahayagan mula sa bibig ni Jehova.”—Deuteronomio 8:3.
[Mapa sa pahina 39]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Nang mangalat ang lahi ng tao mula sa Mesopotamya, ang kanilang mga relihiyosong paniwala at alaala ay dala nila
BABILONYA
LYDIA
SIRYA
EHIPTO
ASIRYA
MEDYA
ELAM
PERSYA
[Mga larawan sa pahina 21]
Ang mga umiiral na sistemang relihiyoso ay binago nina Budha, Confucio, at Luther; hindi sila ang nagpasimula ng relihiyon
[Larawan sa pahina 25]
Ang relihiyon ay iniugnay ng siko-analistang Austriyano na si Sigmund Freud sa pagkatakot sa ama
[Larawan sa pahina 27]
Ang palagay na ang lupa ay sentro ng sansinukob ay umakay sa maling mga konklusyon hinggil sa paglalakbay ng mga planeta
[Mga larawan sa pahina 33]
Budhismo at Romano Katolisismo—bakit waring nagkakatulad sa maraming bagay?
Diyosa ng awa at sanggol ng mga Budhistang Intsik
Katolikong Madonna at ang sanggol na si Jesus
Budhista sa Tibet na gumagamit ng gulong ng panalangin at rosaryo
Katoliko na gumagamit ng rosaryo
[Larawan sa pahina 36]
Ang mga alamat-Intsik ay bumabanggit ng ginintuang panahon sa pamamahala ni Huang-Ti (Dilaw na Emperador) noong mga panahong maka-alamat