Kabanata 13
Ang Repormasyon—Ang Paghahanap ay Nagbago ng Direksiyon
1, 2. (a) Papaano inilalarawan ng isang aklat ng Repormasyon ang Iglesiya Katolika Romana noong mga Edad Medya? (b) Anong mga tanong ang ibinabangon tungkol sa kalagayan ng Simbahan ng Roma?
ANG tunay na trahedya ng simbahan noong Edad Medya ay ang hindi pag-alinsabay sa panahon. . . . Imbes na sumulong, imbes na manguna sa espirituwal, ito’y naging paurong at mahina, bulok ang lahat ng sangkap.” Ito ang sinabi ng The Story of the Reformation tungkol sa makapangyarihang Iglesiya Katolika Romana, na nangibabaw sa kalakhan ng Europa mula ika-5 hanggang ika-15 siglo C.E.
2 Papaano nahulog ang Simbahan ng Roma mula sa napakatayog na katayuan at naging ‘paurong at bulok’? Papaanong ang papa, na kahalili daw ng mga apostol, ay nabigong “manguna sa espirituwal”? At ano ang resulta ng pagkabigong ito? Upang malaman ang sagot, dapat suriin sa maikli kung ano ang nangyari sa iglesiya at sa papel nito sa paghahanap ng tao sa tunay na Diyos.
Ang Labis na Panghihina ng Simbahan
3. (a) Ano ang materyal na kalagayan ng Simbahang Romano noong katapusan ng ika-15 siglo? (b) Papaano sinikap ng simbahan na mapanatili ang karilagan nito?
3 Noong matapos ang ika-15 siglo, ang pinakamalaking may-ari ng lupa sa buong Europa ay ang Simbahan ng Roma, kabilang ang mga paroko, monasteryo, at kumbento nito. Ayon sa ulat, pag-aari nito ang kalahati ng lupain ng Pransiya at Alemanya at kuwarenta porsiyento o mahigit pa ng sa Sweden at Ingglatiyera. Ang resulta? “Hindi masukat ang pagsulong ng karilagan ng Roma noong katapusan ng mga taon ng 1400 at pasimula ng 1500, at ang kapangyarihan nito sa politika ay pansamantalang umunlad,” sabi ng A History of Civilization. Gayunman, naging magastos ang karangyaan nito, at upang matustusan, ang papa ay napilitang humanap ng ibang mapagkukunan ng salapi. Ganito ang isinulat ng mananalaysay na si Will Durant upang ilarawan ang iba’t-ibang paraan na ginamit:
“Bawat pari ay hinilingang magsulit sa Curia—mga pampangasiwaang kawanihan ng papa—ng kalahati ng kita ng kaniyang simbahan sa unang taon (mga “annate”), at pagkaraan nito ay isang ikapu o ikasampung bahagi bawat taon. Bawat bagong arsobispo ay nagbabayad nang malaki para sa pallium—isang paha ng puting lana na nagsisilbing patotoo at sagisag ng kaniyang autoridad. Kapag namatay ang isang kardinal, arsobispo, obispo, o monghe, ang personal na ari-arian niya’y ibinabalik sa papa. . . . Bawat pasiya o pabor na galing sa Curia ay may katapat na regalo, at ang pasiya ay malimit naaayon sa halaga ng regalo.”
4. Papaano nakaapekto sa papa ang pagpasok ng kayamanan sa simbahan?
4 Ang limpak-limpak na salaping umagos taun-taon sa kabang-yaman ng papa ay umakay sa pang-aabuso at katiwalian. Nasabi pa nga na ‘maging ang papa ay hindi makahihipo ng alkitran nang hindi nadudumhan ang daliri,’ at nang panahong yaon ay nasaksihan ng simbahan ang tinukoy ng isang mananalaysay na “pagkakasunudsunod ng masyadong makamundong mga papa.” Kabilang sa kanila si Sixto IV (papa, 1471-84), na gumugol ng napakaraming pera sa pagtatayo ng Kapilyang Sistine, na ipinangalan sa kaniya, at upang payamanin ang marami niyang pamangkin; si Alejandro VI (papa, 1492-1503), ang pusakal na si Rodrigo Borgia, na hayagang kumilala at nagtaguyod sa kaniyang mga anak-sa-ligaw; at si Julio II (papa, 1503-13), pamangkin ni Sixto IV, na mas mahilig sa digmaan, politika, at sining kaysa sa pagpapari. Kaya nadama ni Erasmo, Katolikong iskolar ng Olandiya, na may katuwiran siya nang sabihin niya noong 1518: “Sobra na ang kawalang-hiyaan ng Romanong Curia.”
5. Ano ang ipinakikita ng kontemporaryong mga ulat hinggil sa moral na paggawi ng klero?
5 Ang katiwalian at imoralidad ay hindi limitado sa tanggapan ng papa. Ang isang tanyag na kasabihan noon ay: “Kung gusto mong masira ang iyong anak, ay gawin mo siyang pari.” Ito ay inaalalayan ng mga ulat nang panahong yaon. Sa Ingglatiyera, ayon kay Durant, sa “mga paratang ng [seksuwal na] kahalayan na naiulat noong 1499, . . . 23 porsiyento ay nagsangkot ng mga pari, bagaman sila ay wala pang 2 porsiyento ng populasyon. Ang ilan ay humingi ng seksuwal na pabor sa mga babaeng nangungumpisal. Libulibong pari ang may kerida; sa Alemanya ay halos lahat. (Ihambing ang 1 Corinto 6:9-11; Efeso 5:5.) Ang pagkabuyo sa kahalayan ay umabot sa iba pang larangan. Isang Kastila noon ang di-umano’y nagreklamo: “Nakikita kong halos wala tayong makukuha sa mga ministro ni Kristo na hindi babayaran ng pera; sa binyag, pera . . . sa kasal, pera; sa kumpisal, pera—oo, walang santo oleo (para sa naghihingalo) kung walang pera! Walang kampana kung walang pera, walang libing sa simbahan kung walang pera; anupat tila napagsarhan na ng Paraiso ang mga walang pera.”—Ihambing ang 1 Timoteo 6:10.
6. Papaano inilarawan ni Machiavelli ang Simbahang Romano? (Roma 2:21-24)
6 Bilang suma sa kalagayan ng Simbahang Romano sa pasimula ng ika-16 na siglo, ay sinisipi namin ang mga salita ni Machiavelli, tanyag na pilosopong Italyano nang panahong yaon:
“Kung sinunod lamang ng Kristiyanismo ang mga ordinansa ng Maytatag nito, disin sana ang kalagayan at karaniwang yaman ng Sangkakristiyanuhan ay mas nagkakaisa at mas maligaya na di gaya sa ngayon. Walang mas matibay na patotoo sa panghihina nito kundi ang bagay na mentras malapit ang tao sa Simbahang Romano, sa pinuno ng kaniyang relihiyon, lalo lamang siyang sumasamâ.”
Maagang Pagsisikap sa Reporma
7. Anong bahagyang pagsisikap ang ginawa ng simbahan upang harapin ang ilan sa mga pang-aabuso?
7 Ang krisis sa simbahan ay napansin hindi lamang ng mga taong gaya nina Erasmo at Machiavelli kundi ng simbahan mismo. Pinulong ang mga konsilyo upang harapin ang ilang reklamo at pang-aabuso, subalit yao’y pawang ningas-kugon lamang. Palibhasa busog-na-busog sa kapangyarihan at kaluwalhatian, hinadlangan ng mga papa ang tunay na mga pagsisikap sa reporma.
8. Ano ang ibinunga ng patuloy na pagpapabaya ng simbahan?
8 Kung dinibdib sana ng simbahan ang paglilinis sa sarili, disi’y hindi nagkaroon ng Repormasyon. Kaya, gaya ng nangyari, ang mga panawagan sa reporma ay nagsimulang marinig sa loob at labas ng simbahan. Sa Kabanata 11 nabanggit ang mga Waldense at Albigense. Bagaman hinatulan bilang mga erehe at walang-awang pinuksa, ginising nila ang damdamin ng mga tao na sawâ na sa pang-aabuso ng Katolikong klero at pinag-alab nila ang pagnanasang manumbalik sa Bibliya. Ang mga damdaming ito ay ipinahayag ng ilang maagang Repormador.
Mga Protesta Mula sa Loob ng Simbahan
9. Sino si John Wycliffe, at ano ang kaniyang tinuligsa?
9 Si John Wycliffe (1330?-84), paring Katoliko at propesor ng teolohiya sa Oxford, Ingglatiyera, ay malimit tukuyin na “tala sa umaga ng Repormasyon.” Lubos na nakababatid sa mga pang-aabuso ng simbahan, siya ay sumulat at tumuligsa sa mga katiwalian sa orden ng mga monghe, pagbubuwis sa papa, sa doktrina ng transubstansasyon (pag-aangkin na ang tinapay at alak sa Misa ay literal na nagiging katawan at dugo ni Jesu-Kristo), sa kumpisal, at pagkasangkot ng simbahan sa kamunduhan.
10 Papaano ipinakita ni Wycliffe ang pagmamahal sa Bibliya?
10 Si Wycliffe ay tahasang magsalita laban sa pagkabigo ng simbahan na ituro ang Bibliya. Minsa’y sinabi niya: “Itulot nawa ng Diyos na bawat parokya sa lupaing ito ay magkaroon ng isang mabuting Bibliya at mabubuting paliwanag sa ebanghelyo, at pag-aralan itong mabuti ng mga pari, at talagang ituro sa tao ang ebanghelyo at mga utos ng Diyos!” Kaya si Wycliffe, sa mga huling taon ng kaniyang buhay, ay nagpasiyang isalin sa Ingles ang Bibliyang Latin Vulgata. Sa tulong ng mga kasamahan, lalo na si Nicolas ng Hereford, ay inilabas niya ang unang kumpletong Bibliya sa wikang Ingles. Tiyak na ito ang pinakamalaking naiabuloy ni Wycliffe sa paghahanap ng tao sa Diyos.
11. (a) Ano ang nagawa ng mga tagasunod ni Wycliffe? (b) Ano ang nangyari sa mga Lollard?
11 Ang mga katha at bahagi ng Bibliya ni Wycliffe ay ipinamahagi sa buong Ingglatiyera ng isang grupo ng mga mangangaral na malimit tukuyin na “Mga Pobreng Pari” sapagkat simple sila kung manamit, nakayapak, at walang materyal na ariarian. Sila ay patuya ring tinawag na mga Lollard, mula sa Gitnang Olandes na salitang Lollaerd, o “isang nagdadasal o umaawit nang pabulong.” (Brewer’s Dictionary of Phrase and Fable) “Sa loob lamang ng ilang taon, ay biglang dumami ang kanilang bilang,” sabi ng aklat na The Lollards. “Sa tantiya, ikaapat na bahagi ng bansa ang taimtim o nag-aangking nahihilig sa kanilang paniwala.” Oo, lahat ng ito ay hindi nalingid sa simbahan. Dahil kilala siya ng mga pinuno at iskolar, si Wycliffe ay hinayaang mamatay nang payapa noong huling araw ng 1384. Ang mga tagasunod niya ay hindi ganoon kapalad. Nang maghari si Henry IV ng Ingglatiyera, sila’y hinatulan bilang mga erehe, at marami ang ibinilanggo, pinahirapan, o sinunog hanggang mamatay.
12. Sino si Jan Hus, at ano ang kaniyang tinuligsa?
12 Isa na lubhang napakilos ni John Wycliffe ay ang taga-Bohemiya (Tsekoslovakya) na si Jan Hus (1369?-1415), paring Katoliko at rektor ng Pamantasan ng Prague. Gaya ni Wycliffe, tinuligsa ni Hus ang katiwalian ng Simbahang Romano at idiniin ang halaga ng pagbabasa ng Bibliya. Agad nagalit ang herarkiya. Noong 1403 pinahinto siya sa pangangaral ng mga ideya ni Wycliffe na laban-sa-papa, na ang mga aklat ay sinunog din sa harapan ng madla. Subalit, nagpatuloy si Hus sa pagsulat ng pinakamatutulis na pagtuligsa sa mga kaugalian ng simbahan, lakip na ang pagbebenta ng indulhensiya.a Siya ay hinatulan at itiniwalag noong 1410.
13. (a) Ayon sa turo ni Hus, alin ang tunay na iglesiya? (b) Ano ang ibinunga ng katatagan ni Hus?
13 Hindi nakipagkompromiso si Hus sa pagtataguyod ng Bibliya. “Ang paghihimagsik sa isang naliligaw na papa ay pagtalima kay Kristo,” isinulat niya. Itinuro din niya na ang tunay na iglesiya, di-gaya ng papa at ng establisimentong Romano, “ay ang bilang ng mga hinirang at ang espirituwal na katawan ni Kristo, na si Kristo ang ulo; at ang kasintahan ni Kristo, na sa laki ng pag-ibig niya ay tinubos ng sarili niyang dugo.” (Ihambing ang Efeso 1:22, 23; 5:25-27.) Dahil dito, nilitis siya sa Konsilyo ng Constancia at hinatulan bilang erehe. Kasabay ng pahayag na “mabuti pa ang mamatay na matuwid kaysa mabuhay na liko,” ay tumanggi siyang bawiin ang sinabi at siya ay sinunog sa tulos noong 1415. Iniutos din ng konsilyo na ang mga buto ni Wycliffe ay ipahukay at sunugin bagaman 30 taon na siyang patay at nakalibing!
14. (a) Sino si Girolamo Savonarola? (b) Ano ang sinikap gawin ni Savonarola, at ano ang kinalabasan?
14 Isa pang maagang Repormador ay ang Dominikanong monghe na si Girolamo Savonarola (1452-98) ng monasteryo ng San Marcos sa Florence, Italya. Dala ng espiritu ng Italyanong Renacimiento, si Savonarola ay nagsalita laban sa katiwalian ng Simbahan at ng Estado. Sa pamamagitan ng pag-aangkin na siya ay sumasalig sa Kasulatan, sa mga pangitain, at mga kapahayagan na di-umano’y tinanggap niya, ay sinikap niyang magtatag ng isang Kristiyanong estado, o teokratikong kaayusan. Noong 1497 ay itiniwalag siya ng papa. Nang sumunod na taon, siya ay dinakip, pinahirapan, at binitay. Ang mga huling salita niya’y: “Ang Panginoon ko ay namatay dahil sa aking mga kasalanan; hindi ko ba maihahandog ang abang buhay ko sa kaniya?” Ang katawan niya ay sinunog at ang mga abo ay inihagis sa ilog ng Arno. Angkop lamang na tukuyin ni Savonarola ang sarili na “isang tagapagpauna at isang hain.” Ilang taon lamang pagkaraan nito, ang Repormasyon ay sumambulat na sa buong Europa.
Isang Bahay na Nababahagi
15. Papaano nahati ng Repormasyon ang Sangkakristiyanuhan sa Kanlurang Europa?
15 Nang sa wakas ay sumalanta ang bagyo ng Repormasyon, winasak nito ang relihiyosong bahay ng Sangkakristiyanuhan sa Kanlurang Europa. Bagaman halos ganap na napananaigan ng Iglesiya Katolika Romana, ito’y naging bahay na nababahagi. Ang timog Europa—Italya, Espanya, Austriya, at bahagi ng Pransya–ay nanatiling Katoliko. Ang ibang bahagi ay nahati sa tatlong pangunahing dibisyon: Luterano sa Alemanya at Scandinavia; Calvinista (o Repormado) sa Switzerland, Olandiya, Scotland, at bahagi ng Pransiya; at Anglikano sa Ingglatiyera. Kalat-kalat sa mga ito ay ang maliliit ngunit mas radikal na grupo, una’y ang mga Anabaptist at nang maglao’y ang mga Mennonite, Hutterite, at mga Puritan, na nang maglao’y nagdala ng kanilang mga paniwala sa Hilagang Amerika.
16. Sa wakas, ano ang nangyari sa bahay ng Sangkakristiyanuhan? (Marcos 3:25)
16 Sa paglipas ng mga taon, ang malalaking mga dibisyong ito ay nagkawatakwatak sa daandaang denominasyon—Presbiteryano, Episcopal, Metodista, Baptist, Congregational, iilan lamang ito. Ang Sangkakristiyanuhan ay tunay na naging isang nababahaging bahay. Papaano naganap ang pagkakabahabahaging ito?
Si Luther at ang Kaniyang mga Tesis
17. Kailan ang opisyal na simula ang Repormasyong Protestante?
17 Kung titiyakin ang petsa ng pasimula ng Protestanteng Repormasyon, ito ay Oktbure 31, 1517, nang si Martin Luther (1483-1546), mongheng Agustiniyano, ay magpaskel ng 95 tesis sa pintuan ng simbahan ng kastilyo sa Wittenberg sa estadong Aleman ng Saxony. Subalit, ano ang nag-udyok sa madulang pangyayaring ito? Sino si Martin Luther? At laban sa ano siya nagprotesta?
18. (a) Sino si Martin Luther? (b) Ano ang nag-udyok kay Luther upang ilathala ang kaniyang tesis?
18 Gaya ni Wycliffe at ni Hus na nauna sa kaniya, si Martin Luther ay isang mongheng iskolar. Siya ay doktor din ng teolohiya at propesor ng pag-aaral ng Bibliya sa Pamantasan ng Wittenberg. Si Luther ay napatanyag dahil sa kaniyang kabatiran sa Bibliya. Bagaman may sariling opinyon hinggil sa kaligtasan, o pag-aaring matuwid, sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi sa gawa, o sa pagpapakasakit, hindi niya binalak makipagkasira sa Simbahan ng Roma. Sa katunayan, ang paglalabas ng mga tesis ay reaksiyon lamang niya sa isang ispesipikong insidente at hindi isang balak na paghihimagsik. Tinututulan niya ang pagbebenta ng mga indulhensiya.
19. Noong panahon ni Luther, papaano kinasangkapan ang mga indulhensiya?
19 Noong panahon ni Luther, ang mga indulhensiya ng papa ay hayagang ipinagbibili hindi lamang para sa mga buhay kundi maging sa mga patay. Naging kasabihan noon na “Kapag sa kaban ay kumalansing ang barya, sa Purgatoryo’y lumalabas ang kaluluwa.” Sa karaniwang tao, ang indulhensiya ay naging seguro laban sa parusa sa kasalanan, at ang pagsisisi ay nakalimutan na. “Kahit saan,” ani Erasmo, “ay itinitinda ang kapatawaran sa purgatoryo; at hindi lamang itinitinda, kundi ipinagpipilitan pa sa mga tumatanggi.”
20. (a) Bakit nagpunta si John Tetzel sa Jüterbog? (b) Ano ang reaksiyon ni Luther sa pagbebenta ni Tetzel ng indulhensiya?
20 Noong 1517, si John Tetzel, paring Dominikano, ay pumunta sa Jüterbog, malapit sa Wittenberg, upang magtinda ng mga indulhensiya. Ang bahagi ng mapagbibilhan ay ipanunustos sa pagpapaayos ng Basilika ng St. Peter sa Roma. Iyon ay itutulong din kay Albert ng Brandenburg sa perang inutang nito upang ibayad sa Romanong Curia para sa posisyon ng arsobispo sa Mainz. Naging mahusay na ahente si Tetzel, at dinagsa siya ng mga tao. Nagalit si Luther, kaya ginamit niya ang pinakamabilis na paraan upang ihayag sa madla ang kaniyang opinyon sa tulad-peryang kaayusan na nagaganap—at ipinako sa pintuan ng simbahan ang 95 punto ng pakikipagtalo.
21. Papaano nangatuwiran si Luther laban sa pagbibili ng indulhensiya?
21 Tinawag ni Luther ang kaniyang 95 tesis na Disputation for Clarification of the Power of Indulgences. Hindi niya layunin na hamunin ang autoridad ng simbahan kundi ipakita lamang ang pagmamalabis at pang-aabuso sa pagtitinda ng mga indulhensiya ng papa. Makikita ito sa sumusunod na mga tesis:
“5. Ang papa ay walang kakayahan ni kapangyarihan na magpatawad, maliban na sa ipinapataw ng sarili niyang autoridad. . . .
20. Kaya ang papa, kapag nagsasalita hinggil sa ganap na pagpapatawad, ay hindi talaga tumutukoy sa lahat, kundi doon lamang sa ipinapataw mismo niya. . . .
36. Bawat Kristiyano na nakadarama ng tunay na pagsisisi ay may karapatan sa ganap na pagpapatawad at pagkakasala kahit walang mga liham ng pagpapatawad.”
22. (a) Ano ang nangyari habang lumalaganap ang mensahe ni Luther? (b) Ano ang nangyari noong 1520 na nagsangkot kay Luther, at ano ang kinalabasan?
22 Sa tulong ng bagong-imbentong palimbagan, ang maapoy na mga ideyang ito ay agad nakarating sa ibang bahagi ng Alemanya—at Roma. Ang sa pasimula’y teoretikal na pakikipagtalo lamang sa pagbebenta ng indulhensiya ay sumiklab nang maglaon bilang alitan sa suliranin ng pananampalataya at autoridad ng papa. Sa pasimula, ang Simbahan ng Roma ay nakipagtalo kay Luther at inutusan siyang bawiin ang mga sinabi. Nang tumanggi si Luther, ang mga puwersa ng simbahan at pamahalaan ay ginamit laban sa kaniya. Noong 1520 ay naglabas ang papa ng isang bull, o utos, na nagbawal kay Luther na mangaral at iniutos na sunugin ang kaniyang mga aklat. Bilang paglaban ay sinunog ni Luther ang utos ng papa sa harap ng madla. Itiniwalag siya ng papa noong 1521.
23. (a) Ano ang Diet ng Worms? (b) Papaano ipinahayag ni Luther sa Worms ang kaniyang katayuan, at ano ang resulta?
23 Nang taon ding yaon, si Luther ay ipinatawag sa diet, o kapulungan, sa Worms. Nilitis siya ng emperador ng Banal na Imperyo ng Roma, si Carlos V, isang masugid na Katoliko, at pati na ng anim na manghahalal ng mga estado ng Alemanya, at ng iba pang pinuno at dignitaryo, kapuwa sa relihiyon at politika. Nang pilitin uli na bawiin ang sinabi, ay binigkas ni Luther ang kaniyang tanyag na kasabihan: “Malibang ako’y hatulan ng Kasulatan at ng payak na katuwiran . . . , Hindi ko magagawa at talagang hindi ko babawiin ang anoman, sapagkat ang pagsalungat sa budhi ay hindi matuwid at hindi ligtas. Tulungan sana ako ng Diyos. Amen.” Kaya, itinuring siya ng emperador na isang salarin. Gayunman, ang pinuno ng sarili niyang estado sa Alemanya, ang Manghahalal na si Frederick ng Saxony, ay sumaklolo at pinatira siya sa kastilyo ng Wartburg.
24. Ano ang nagawa ni Luther nang nasa kastilyo siya ng Wartburg?
24 Gayumpaman, ang mga hakbang na ito ay hindi nakahadlang sa paglaganap ng mga ideya ni Luther. Ang sampung buwang panganganlong niya sa Wartburg ay ginugol ni Luther sa pagsusulat at pagsasalin ng Bibliya. Isinalin niya sa Aleman ang mga Kasulatang Griyego mula sa tekstong Griyego ni Erasmo. Isinunod niya ang mga Hebreong Kasulatan. Napatunayan na ang Bibliya ni Luther ay siyang talagang kailangan ng mga tao. Iniulat na “sa loob ng dalawang buwan limang libong kopya ang naipagbili, at dalawang daang libo sa loob ng labindalawang taon.” Ang impluwensiya nito sa wika at kulturang Aleman ay gaya ng nagawa sa Ingles ng King James Version.
25. (a) Papaano nabuo ang pangalang Protestante? (b) Ano ang Augsburg Confession?
25 Pagkaraan ng Diet ng Worms, lubhang napatanyag ang kilusan ng Repormasyon kaya noong 1526 bawat estadong Aleman ay binigyan ng emperador ng karapatan na pumili ng sariling relihiyon, Luterano o Romano Katoliko. Ngunit, noong 1529, nang baligtarin ng emperador ang desisyon, nagprotesta ang ilan sa mga prinsipeng Aleman; kaya ang pangalang Protestante ay ibinigay sa kilusan ng Repormasyon. Nang sumunod na taon, 1530, sa Diet ng Augsburg, ay sinikap ng emperador na lutasin ang hidwaan. Iniharap ng mga Luterano ang kanilang mga paniwala sa pamamagitan ng isang dokumento, ang Augsburg Confession, na kinatha ni Philipp Melanchthon salig sa mga turo ni Luther. Bagaman ang himig ng dokumento ay may pakikipagpayapaan, tinanggihan ito ng Simbahang Romano, at ang hidwaan ng Protestantismo at ng Katolisismo ay hindi na nalutas. Maraming estadong Aleman ang pumanig kay Luther, at hindi nagtagal ay sumunod na rin ang mga estado sa Scandinavia.
Reporma o Rebolusyon?
26. Ayon kay Luther, anong saligang mga punto ang humahati sa Protestantismo at Katolisismo?
26 Sa anong saligang mga punto nabahagi ang mga Protestante mula sa mga Romano Katoliko? Ayon kay Luther, may tatlo. Una, naniwala siya na ang kaligtasan ay makakamit sa “pag-aaring-matuwid sa pamamagitan lamang ng pananampalataya” (Latin, sola fide)b at hindi sa pagpapatawad ng pari at sa pagpapakasakit. Pangalawa, itinuro niya na ang patawad ay ipinagkakaloob lamang dahil sa biyaya ng Diyos (sola gratia) at hindi sa autoridad ng pari o papa. At pangwakas, iginiit ni Luther na lahat ng suliranin sa doktrina ay matitiyak sa tulong lamang ng Kasulatan (sola scriptura) at hindi ng papa o konsilyo ng simbahan.
27. (a) Anong di-makakasulatang mga turo at kaugaliang Katoliko ang ginaya ng mga Protestante? (b) Anong pagbabago ang iginiit ng mga Protestante?
27 Sa kabila nito, sinabi ng The Catholic Encyclopedia na “kinuha [ni Luther] ang sinaunang mga paniwala at liturhiya na umangkop sa kaniyang kakatwang pangmalas sa kasalanan at pag-aaring-matuwid.” Sinasabi ng Augsburg Confession hinggil sa pananampalatayang Luterano na “ang Simbahan, sa tingin ng mga sumulat, ay hindi salungat sa Kasulatan, sa Iglesiya Katolika, o maging sa Simbahan ng Roma.” Ang totoo, ayon sa Augsburg Confession, sumasampalataya din ang mga Luterano sa di-makakasulatang mga doktrina ng Trinidad, kaluluwang hindi namamatay, at walang-hanggang pahirap, pati na sa pagbibinyag sa sanggol at mga mahal-na-araw at pista ng simbahan. Sa kabilang dako, iginiit ng mga Luterano ang ilang pagbabago, gaya ng pag-aalok kapuwa ng alak at tinapay sa Komunyon at na ang di-pag-aasawa ng pari, panata ng mga monghe, at sapilitang pangungumpisal ay dapat tanggalin.c
28. Sa ano nagtagumpay ang Repormasyon, at saan ito nabigo?
28 Sa kabuuan, ang Repormasyon na itinaguyod ni Luther at ng mga kasama niya ay nagtagumpay sa pag-alpas sa pamatok ng papa. Ngunit, sinabi ni Jesus sa Juan 4:24, “Ang Diyos ay Espiritu, at ang sumasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.” Sa pamamagitan ni Martin Luther, ang paghahanap ng tao sa Diyos ay nagbago lamang ng direksiyon; ang makitid na landas ng katotohanan ay napakalayo pa rin.—Mateo 7:13, 14; Juan 8:31, 32.
Reporma ni Zwingli sa Switzerland
29. (a) Sino si Ulrich Zwingli, at ano ang kaniyang tinuligsa? (b) Papaano naiiba kay Luther ang reporma ni Zwingli?
29 Samantalang abala si Luther sa pakikibaka sa mga sugo ng papa at sibilyang autoridad sa Alemanya, isang paring Katoliko, si Ulrich Zwingli (1484-1531), ay nagsimula ng kaniyang reporma sa Zurich, Switzerland. Palibhasa Aleman ang wika roon, kaya ito ay agad naapektuhan ng daluyong ng reporma mula sa hilaga. Noong mga 1519, sinimulan ni Zwingli na tuligsain ang indulhensiya, pagsamba kay Maria, di-pag-aasawa ng klero, at iba pang doktrina ng Iglesiya Katolika. Bagaman inangkin ni Zwingli na hiwalay siya kay Luther, inayunan niya si Luther sa maraming punto at ipinamahagi ang mga pulyeto nito sa buong bansa. Di gaanong konserbatibo na gaya ni Luther, sinikap ni Zwingli na burahin ang lahat ng bakas ng Simbahang Romano—mga imahen, krusipiho, abito, at maging ang tugtugin ng liturhiya.
30. Anong pangunahing isyu ang bumahagi kina Zwingli at Luther?
30 Gayunman, mas malubha ang alitan ng dalawang Repormador tungkol sa Eukaristiya, o Misa (Komunyon). Bilang paggigiit sa literal na kahulugan ng mga salita ni Jesus, ‘Ito ay aking katawan,’ naniwala si Luther na ang katawan at dugo ni Kristo ay makahimalang napapasa-tinapay at alak na iniaalok sa Komunyon. Sa kabilang dako, sa sanaysay niya na On the Lord’s Supper, nangatuwiran si Zwingli na ang pangungusap ni Jesus “ay dapat unawain sa makasagisag o matalinghagang paraan; ‘Ito ang aking katawan,’ ay nangangahulugan na ‘Ang tinapay ay sumasagisag sa aking katawan,’ o ‘larawan ng aking katawan.’ ” Dahil dito, ang dalawang Repormador ay nagkahiwalay ng landas.
31. Ano ang resulta ng gawain ni Zwingli sa Switzerland?
31 Itinuloy ni Zwingli ang kaniyang reporma sa Zurich at gumawa ng maraming pagbabago roon. Di nagtagal at sumunod din ang ibang lungsod, subalit karamihan ng taga-lalawigan, palibhasa mas konserbatibo, ay nanatiling Katoliko. Sa laki ng alitan ay sumiklab ang giyera-sibil sa pagitan ng mga Swekong Protestante at Romano Katoliko. Si Zwingli, na naging kapelyan ng hukbong sandatahan, ay napatay sa digmaan sa Kappel, malapit sa Lawa ng Zug, noong 1531. Nang tumigil ang digmaan, bawat distrito ay binigyan ng karapatan na pumili ng sariling relihiyon, Protestante o Katoliko.
Ang mga Anabaptist, Mennonite, at Hutterite
32. Sino ang mga Anabaptist, at bakit sila tinawag nang ganito?
32 Gayunman, para sa ibang Protestante ay hindi lubos ang pagtatakwil ng mga Repormador sa mga pagkukulang ng simbahang Katoliko at ng papa. Naniwala sila na ang iglesiya Kristiyana ay dapat buuin lamang ng mga nabautismuhang mananampalataya na talagang gumagawa, at hindi ng isang buong komunidad o bansa. Kaya, tumanggi silang magbinyag ng sanggol at iginiit ang paghihiwalay ng Simbahan at Estado. Lihim nilang binautismuhan uli ang kanilang mga karelihiyon kaya kumapit sa kanila ang pangalang Anabaptist (ana, “muli” sa Griyego). Palibhasa ayaw magsundalo, sumumpa, o manungkulan sa gobyerno, sila ay itinuring na panganib sa lipunan at inusig kapuwa ng mga Katoliko at Protestante.
33. (a) Ano ang umakay sa marahas na pagtrato sa mga Anabaptist? (b) Papaano lumaganap ang impluwensiya ng mga Anabaptist?
33 Sa pasimula ang mga Anabaptist ay napisan sa maliliit at kalat-kalat na grupo sa Switzerland, Alemanya, at sa Olandiya. Palibhasa nangangaral saanman makarating, kaya dumami agad ang bilang nila. Isang grupo ng mga Anabaptist, udyok ng relihiyosong sigasig, ay tumalikod sa kanilang pagtanggi sa digmaan at binihag ang lungsod ng Münster noong 1534 at sinikap na itatag ito bilang isang komunal, nagtataguyod-ng-poligamya na Bagong Jerusalem. Ang kilusan ay nasugpo agad sa marahas na paraan. Pinasamâ nito ang pangalang Anabaptist, at halos ay malipol sila. Ang totoo, karamihan ng mga Anabaptist ay simple at relihiyosong mga tao na nagsisikap mamuhay nang hiwalay at tahimik. Kabilang sa kanilang mas organisadong mga inapo ay ang mga Mennonite, tagasunod ng Repormader na Olandes na si Menno Simons, at ang mga Hutterite, sa ilalim ng taga-Tyrol na si Jacob Hutter. Upang makaiwas sa pag-uusig, ang ilan ay lumikas sa Silangang Europa—sa Polandiya, Hunggriya, at pati na sa Rusya—ang iba’y sa Hilagang Amerika, at nang maglao’y nagtatag doon ng mga pamayanang Hutterite at Amish.
Paglitaw ng Calvinismo
34. (a) Sino si John Calvin? (b) Anong aklat ang sinulat niya?
34 Ang reporma sa Switzerland ay nagpatuloy sa pamumuno ng Pranses na si Jean Cauvin, o John Calvin (1509-64), na tumanggap ng mga turong Protestante bilang estudyante sa Pransiya. Noong 1534 umalis si Calvin sa Paris dahil sa relihiyosong pag-uusig at tumira sa Basel, Switzerland. Inilathala niya ang Institutes of the Christian Religion bilang pagtatanggol sa mga Protestante at doo’y sinuma niya ang mga ideya ng mga unang ama ng simbahan at mga teologo ng Edad Medya, pati na ang kina Luther at Zwingli. Ito ang naging doktrinal na saligan ng lahat ng simbahang Repormado na nang maglaon ay itinatag sa Europa at Amerika.
35. (a) Papaano ipinaliwanag ni Calvin ang kaniyang doktrina ng predestinasyon? (b) Papaanong ang kahigpitan ng doktrinang ito ay naaaninaw sa iba pang aspeto ng turo ni Calvin?
35 Sa Institutes, ay iniharap niya ang kaniyang teolohiya. Para kay Calvin, ang Diyos ay sukdulang soberano, na ang kalooba’y siyang nagpapasiya at nagpupuno sa lahat. Sa kabilang dako, ang tao ay makasalanan at lubusang di-karapadapat. Kung gayon, ang kaligtasan ay hindi salig sa mabuting gawa kundi sa Diyos—ito ang turo ni Calvin na predestinasyon, na tungkol dito’y sumulat siya:
“Ipinapahayag namin na, dahil sa walang-hanggan at di-mababagong pasiya, nilayon ng Diyos minsan at magpakailanman kung sino ang Kaniyang ililigtas at kung sino ang pupuksain Niya. Pinaninindigan namin na ang pasiyang ito sa mga hinirang ay salig sa walang-bayad na awa Niya, hindi kailanman sa grasya ng tao; sa mga itinatalaga Niya sa pagkapuksa, ang pintuan ng buhay ay isinara ng isang hatol na di-maunawaan ngunit matuwid at di-mapipintasan.”
Ang kahigpitan ng turong ito ay maaaninaw din sa ibang larangan. Iginiit ni Calvin ang banal at malinis na buhay-Kristiyano, ang pag-iwas hindi lamang sa kasalanan kundi maging sa kasiyahan at kahangalan. Bukod dito, nangatuwiran siya na ang simbahan, na binubuo ng mga hirang, ay dapat mapalaya sa panunupil ng pamahalaan at na simbahan lamang ang makapagtatatag ng maka-diyos na lipunan.
36. (a) Ano ang sinikap gawin nina Calvin at Farel sa Geneva? (b) Anong mahihigpit na tuntunin ang itinatag? (c) Ano ang isang masamang resulta ng labis na kahigpitan ni Calvin, at papaano niya inaring-matuwid ang kaniyang kilos??
36 Hindi nagtagal matapos ilathala ang Institutes, si William Farel, isa pang Repormador mula sa Pransya, ay humimok kay Calvin na manirahan sa Geneva. Sabay nilang itinaguyod ang Calvinismo. Layunin nila na gawing lungsod ng Diyos ang Geneva, isang teokrasiya ng pamamahala-ng-Diyos na naglalahok sa mga tungkulin ng Simbahan at Estado. Nagtakda sila ng mahihigpit na tuntunin na may katapat na parusa, na sumasaklaw sa relihiyosong turo at serbisyo sa simbahan at pati na ng paggawi sa publiko at maging sa paglilinis at pag-iwas sa sunog. Iniuulat ng isang aklat-kasaysayan na “dalawang araw na nakulong ang isang mangungulot dahil sa masagwang pag-aayos sa buhok ng isang babaeng ikakasal; ang ina at dalawang kaibigang babae na tumulong sa pagkukulot ay nakulong din. Ang pagsasayaw at paglalaro ng baraha ay pinarurusahan.” Marahas ang naging parusa sa mga hindi umayon sa teolohiya ni Calvin, at ang pinaka-pusakal na halimbawa ay ang pagsunog sa Espanyol na si Miguel Serveto, o Michael Servetus.—Tingnan ang kahon, pahina 322.
37. Papaano nakalampas ang impluwensiya ni Calvin sa mga hangganan ng Switzerland?
37 Patuloy na ipinatupad ni Calvin ang kaniyang reporma sa Geneva hanggang sa mamatay siya noong 1564, nang ang simbahang Repormado ay matatag na. Ang mga Protestanteng repormador na umiwas sa pag-uusig sa ibang lupain ay nagpisan sa Geneva, niyakap ang mga ideya ni Calvin, at naging kasangkapan sa pagpapasimula ng reporma sa kanikanilang lupain. Di nagtagal at ang Calvinismo ay lumaganap sa Pransiya, kung saan ang mga Huguenot (ang tawag sa mga Calvinistang Protestanteng Pranses) ay dumanas ng mahigpit na pag-uusig ng mga Katoliko. Sa Olandiya, tumulong ang mga Calvinista na itatag ang Dutch Reformed Church. Sa Scotland, sa ilalim ng masigasig na pamumuno ng dating paring Katoliko na si John Knox, ang Simbahang Presbiteryano ay naitatag ayon sa mga turo ni Calvin. Gumanap din ang Calvinismo ng papel sa Repormasyon sa Ingglatiyera, at mula roon ay dinala ito ng mga Puritan sa Hilagang Amerika. Kaya, bagaman si Luther ang nagpakilos sa Repormasyong Protestante, mas malaki ang impluwensiya ni Calvin sa pagsulong nito.
Repormasyon sa Ingglatiyera
38. Papaano iniluwal ng gawain ni John Wycliffe ang espiritu ng Protestantismo sa Ingglatiyera?
38 Natatangi sa mga kilusan ng reporma sa Alemanya at Switzerland, natutunton ng Repormasyong Ingles ang ugat nito kay John Wycliffe, na ang pagtuligsa sa klero at pagdiriin ng Bibliya ay pumukaw sa espiritu ng Protestantismo sa Ingglatiyera. Ang pagsasalin niya ng Bibliya sa Ingles ay sinundan ng iba. Si William Tyndale, na napilitang tumakas mula sa Ingglatiyera, ay naglathala ng kaniyang Bagong Tipan noong 1526. Nang maglao’y ipinagkanulo siya sa Antwerp, binitay sa tulos, at ang katawan niya ay sinunog. Tinapos ni Miles Coverdale ang pagsasalin ni Tyndale, at ang buong Bibliya’y natapos noong 1535. Tiyak na ang paglalathala ng Bibliya sa karaniwang wika ang naging pinakamakapangyarihang salik na tumulong sa Repormasyon sa Ingglatiyera.
39. Ano ang papel ni Henry VIII sa Repormasyon sa Ingglatiyera?
39 Ang pormal na pagkalas sa Romano Katolisismo ay naganap nang si Henry VIII (1491-1547), tinawag ng papa na Tagapagtanggol ng Pananampalataya, ay magpahayag ng Batas ng Sukdulang Kapangyarihan noong 1534, at itatag ang sarili bilang ulo ng Iglesiya ng Ingglatiyera. Isinara ni Henry ang mga monasteryo at ipinamahagi ang mga ariarian nito sa mga piling tao. Iniutos din niya na ang isang kopya ng Bibliya ay ilagay sa bawat simbahan. Gayunman, ang kilos na ito ni Henry ay maka-politika at hindi talaga relihiyoso. Gusto niyang kumalas sa autoridad ng papa, lalo na sa pag-aasawa.d Liban sa pangalan ay nanatili siyang Katoliko sa lahat ng paraan.
40. (a) Noong namamahala si Elizabeth I, anong pagbabago ang naganap sa Iglesiya ng Ingglatiyera? (b) Nang maglaon, anong tumututol na mga grupo ang lumitaw sa Ingglatiyera, Olandiya at Hilagang Amerika?
40 Sa loob ng mahabang pamamahala (1558-1603) ni Elizabeth I ang Iglesiya ng Ingglatiyera ay nag-ugaling Protestante bagaman ang pangkalahatang balangkas ay nanatiling Katoliko. Pinaram nito ang pagpapasakop sa papa, di-pag-aasawa ng klero, pangungumpisal, at iba pang kaugaliang Katoliko subalit pinanatili nito ang episkopal na balangkas ng iglesiya dahil sa pag-iral ng herarkiya ng mga arsobispo at obispo at pati na ng mga orden ng monghe at madre.e Ang konserbatismong ito ay nagbunga ng kawalang-kasiyahan, at may iba’t-ibang grupo na tumutol. Iginiit ng mga Puritan ang mas puspusang reporma upang dalisayin ang simbahan mula sa lahat ng kaugaliang Romano Katoliko; ipinilit ng mga Separatist at Independent na ang lokal na matatanda (presbitero) ang dapat mangasiwa sa simbahan. Marami sa mga tutol ang nagsilikas sa Olandiya o sa Hilagang Amerika, at doo’y pinasulong nila ang simbahang Congregational at Baptist. Sa Ingglatiyera ay lumitaw din ang Society of Friends (mga Quaker) sa ilalim ni George Fox (1624-91) at ang mga Metodista sa ilalim ni John Wesley (1703-91).—Tingnan ang tsart sa ibaba.
Ano Ang mga Naging Epekto?
41. (a) Sa opinyon ng ilang iskolar, paano naapektuhan ng Repormasyon ang kasaysayan ng tao? (b) Anong mga tanong ang dapat na lubhang ikabahala?
41 Matapos talakayin ang tatlong malalaking sangay ng Repormasyon—Luterano, Calvinista, at Anglikano—huminto muna tayo at suriin ang nagawa ng Repormasyon. Walang alinlangan, binago nito ang takbo ng kasaysayan sa Kanluran. “Pinukaw ng Repormasyon ang pagkauhaw ng tao sa kalayaan at sa mas matayog at dalisay na pagkamamamayan. Saanman makarating ang kilusang Protestante, ang mga tao ay naging mas malakas-ang-loob,” sabi ni John F. Hurst sa kaniyang aklat na Short History of the Reformation. Naniniwala ang maraming iskolar na ang kabihasnan ng Kanluran ay hindi naging gayon kung wala ang Repormasyon. Kung totoo ito o hindi, dapat pa ring itanong: Ano ang nagawa ng Repormasyon sa diwang relihiyoso? Ano ang naitulong nito sa paghahanap ng tao sa tunay na Diyos?
42. (a) Tiyak, ano ang pinakamabuting nagawa ng Repormasyon? (b) Anong tanong ang dapat iharap hinggil sa tunay na nagawa ng Repormasyon?
42 Walang duda, ang pinakamabuting nagawa ng Repormasyon ay ang paratingin ang Bibliya sa karaniwang tao sa sarili niyang wika. Sa wakas, mababasa na niya ang buong Salita ng Diyos, upang siya’y lumusog sa espiritu. Totoo, higit ang kailangan kaysa pagbabasa lamang ng Bibliya. Pinalaya ba ng Repormasyon ang tao hindi lamang sa autoridad ng papa kundi pati na sa maling mga doktrina at dogma na umalipin sa kanila sa loob ng maraming dantaon?—Juan 8:32.
43. (a) Sa anong mga kredo naniniwala ang karamihan ng mga Protestante ngayon, na naglalakip ng anong mga paniwala? (b) Ano ang nagawa ng espiritu ng kalayaan at pagkasarisaring ibinunga ng Repormasyon sa paghahanap ng tao sa tunay na Diyos?
43 Halos lahat ng Protestante ay nanghahawakan pa rin sa mga kredo—ang Nice, Atanasyo, at ang Ako’y Sumasampalataya—at ang mga ito ay naghaharap ng mismong mga doktrina na itinuturo ng Katolisismo sa maraming dantaon, gaya ng Trinidad, kaluluwang hindi namamatay, at apoy-ng-impiyerno. Pinilipit ng di maka-kasulatang mga turong ito ang pangmalas ng mga tao sa Diyos at sa mga layunin niya. Sa halip na tumulong sa paghahanap sa tunay na Diyos, ang napakaraming sekta at denominasyon na ibinunga ng malayang espiritu ng Repormasyong Protestante ay nagbaling lamang sa tao sa napakaraming iba’t-ibang direksiyon. Oo, dahil sa pagkasarisari at kalituhan ay marami ang nag-aalinlangan sa mismong pag-iral ng Diyos. Ang resulta? Noong ika-19 na siglo ay nagkaroon ng tumataas na daluyong ng ateyismo at agnostisismo. Ito ang magiging paksa ng susunod na kabanata.
[Mga talababa]
a Mga liham ng pagpapatawad sa kasalanan mula sa papa.
b Idiniin ni Luther ang ideya ng “pag-aaring-matuwid sa pamamagitan lamang ng pananampalataya” kung kaya sa kaniyang salin ng Bibliya ay idinagdag niya ang salitang “lamang” sa Roma 3:28. Kinukuwestiyon din niya ang aklat ni Santiago dahil sa pangungusap nito na “ang pananampalatayang walang gawa ay patay.” (Santiago 2:17, 26) Hindi niya naunawaan na sa Roma, ang tinutukoy ni Pablo ay mga gawa ng Kautusang Judio.—Roma 3:19, 20, 28.
c Si Martin Luther ay ikinasal noong 1525 kay Katharina von Bora, dating madre na tumakas sa kumbento ng Cistercia. Nagkaanak sila ng anim. Tatlo daw ang dahilan ng pag-aasawa niya: palugdan ang kaniyang ama, tikisin ang papa at ang Diyablo, at tatakan ang kaniyang pagiging-saksi bago mamatay bilang martir.
d Si Henry VIII ay may anim na asawa. Bilang pagsalungat sa papa, pinawalang-bisa niya ang unang kasal, at ang isa pa ay humantong sa diborsiyo. Dalawang asawa ang pinugutan niya ng ulo, at ang dalawa ay namatay sa likas na kadahilanan.
e Ang salitang Griyego na e·piʹsko·pos ay isinasaling “bishop” sa mga Bibliyang Ingles na gaya ng King James Version.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 322]
“Ang mga Kamalian ng Trinidad”
Sa edad na 20, si Michael Servetus (1511-53), isang Espanyol na nagsanay sa batas at medisina, ay naglathala ng De Trinitatis erroribus (Mga Kamalian ng Trinidad), at doo’y sinabi niya na siya “ay hindi gagamit ng salitang Trinidad, palibhasa wala ito sa Kasulatan, at waring ito ay nagtataguyod lamang ng isang pagkakamaling pilosopikal.” Tinuligsa niya ang Trinidad bilang doktrina “na hindi mauunawaan, salungat sa kalikasan, at maituturing pa ngang pamumusong!”
Dahil sa pagiging prangka, si Servetus ay hinatulan ng Iglesiya Katolika. Subalit mga Calvinista ang nagpadakip, naglitis, at naglitson sa kaniya. Ipinagmatuwid ni Calvin ang kaniyang paggawi sa mga salitang ito: “Kapag ang mga papa ay naging lubhang magaspang at marahas sa pagtatanggol ng kanilang mga pamahiin anupat buong kalupitan silang nagbububo ng dugong walang-sala, hindi ba dapat mahiya ang mga Kristiyanong hukom kung sila’y hindi nagiging marubdob sa pagtatanggol ng katotohanan?” Dahil sa relihiyosong panatisismo at personal na poot ay lumabo ang pasiya ni Calvin at natabunan ang mga simulaing Kristiyano.—Ihambing ang Mateo 5:44.
[Mga larawan]
Si Michael Servetus, kanan, ay ipinasunog ni John Calvin, kaliwa, bilang erehe
[Chart sa pahina 327]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Payak na Balangkas ng mga Pangunahing Relihiyon ng Sangkakristiyanuhan
Simula ng Apostasya - Ika-2 Siglo
Iglesiya Katolika Romana
Ika-4 na Siglo (Constantino)
Ika-5 Siglo Coptiko
Jacobita
1054 C.E. Silangang Ortodokso
Ruso
Griyego
Romaniano at iba pa
Ika-16 na Siglo Repormasyon
Luterano
Aleman
Sweko
Amerikano at iba pa
Anglikano
Episcopal
Metodista
Salvation Army
Baptist
Pentecostal
Congregational
Calvinismo
Presbiteryano
Mga Repormadong Iglesiya
[Mga larawan sa pahina 307]
Mga ika-16 na siglong ukit-sa-kahoy na naghahambing sa pagpapalayas ni Kristo sa mga mangangalakal at ng pagtitinda ng papa ng indulhensiya
[Mga larawan sa pahina 311]
Si Jan Hus sa tulos
Si John Wycliffe, Ingles na Repormador at tagapagsalin ng Bibliya
[Mga larawan sa pahina 314]
Si Martin Luther, kanan, ay tumutol sa ginawa ni prayle John Tetzel na pagtitinda ng indulhensiya