Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • dg bahagi 5 p. 10-12
  • Ang Kamangha-manghang Kaloob na Malayang Kalooban

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Kamangha-manghang Kaloob na Malayang Kalooban
  • Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos?
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Papaano Tayo Ginawa
  • Ang Pinakamagaling na Pasimula
  • Kalayaan na May Hangganan
  • Kaninong mga Batas?
  • Ang Kahanga-hangang Kaloob na Kalayaang Magpasiya
    Gumising!—1990
  • Pahalagahan ang Bigay-Diyos na Malayang Kalooban
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2017
  • Kalayaan na Tinatamasa ng mga Mananamba ni Jehova
    Sambahin ang Tanging Tunay na Diyos
  • Kung Paano Makakamit ang Tunay na Kalayaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
Iba Pa
Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos?
dg bahagi 5 p. 10-12

Bahagi 5

Ang Kamangha-manghang Kaloob na Malayang Kalooban

1, 2. Anong kamangha-manghang kaloob ang bahagi ng ating kayarian?

UPANG maunawaan kung bakit pinayagan ng Diyos ang paghihirap at kung ano ang kaniyang gagawin tungkol dito, kailangang maunawaan natin kung papaano niya tayo ginawa. Tayo’y hindi lamang niya nilalang na may isang katawan at isang utak. Tayo’y nilalang din niya na may pantanging mga katangian ng isip at damdamin.

2 Ang isang pangunahing bahagi ng kayarian ng ating isip at damdamin ay ang malayang kalooban. Oo, isinangkap sa atin ng Diyos ang kalayaang pumili. Tunay na ito’y isang kamangha-manghang kaloob buhat sa kaniya.

Kung Papaano Tayo Ginawa

3-5. Bakit pinahahalagahan natin ang malayang kalooban?

3 Isaalang-alang natin kung papaanong ang malayang kalooban ay kasangkot sa pagpapahintulot ng Diyos sa paghihirap. Unang-una, pag-isipan ito: Iyo bang pinahahalagahan ang kalayaang pumili kung ano ang iyong gagawin at sasabihin, ano ang iyong kakanin at isusuot, anong uri ng trabaho ang iyong gagawin, at saan at kung papaano ka mamumuhay? O ibig mo ba na may magdikta sa iyo ng bawat salita at kilos sa bawat saglit ng iyong buhay?

4 Walang normal na taong may ibig na lubusang alisan siya ng kapangyarihan sa kaniyang buhay. Bakit wala? Dahilan sa ayos ng pagkagawa sa atin ng Diyos. Sinasabi sa atin ng Bibliya na nilalang ng Diyos ang tao ayon sa kaniyang ‘larawan at wangis,’ at isa sa pakultad na taglay ng Diyos sa kaniyang sarili ay ang kalayaang pumili. (Genesis 1:​26; Deuteronomio 7:6) Nang kaniyang lalangin ang mga tao, kaniyang binigyan sila ng gayunding kamangha-manghang pakultad​—ang kaloob na malayang kalooban. Iyan ay isang dahilan kung bakit isang malaking pagkasiphayo ang tayo’y maging alipin ng mapang-aping mga pinunò.

5 Samakatuwid ang paghahangad ng kalayaan ay hindi nagkataon lamang, sapagkat ang Diyos ay isang Diyos ng kalayaan. Sinasabi ng Bibliya: “Kung saan naroroon ang espiritu ni Jehova, doon ay may kalayaan.” (2 Corinto 3:17) Samakatuwid, tayo’y binigyan ng Diyos ng malayang kalooban bilang bahagi ng atin mismong kayarian. Yamang alam niya ang paraan ng pagkilos ng ating mga isip at damdamin, alam niya na tayo’y magiging pinakamaligaya kung may malayang kalooban.

6. Papaano nilalang ng Diyos ang ating utak upang gumawa na kaayon ng malayang kalooban?

6 Kasama ng ipinagkaloob na malayang kalooban, tayo’y binigyan ng Diyos ng kakayahang umisip, magtimbang-timbang ng mga bagay, magpasiya, at makilala ang pagkakaiba ng tama sa mali. (Hebreo 5:14) Sa gayon, ang malayang kalooban ay kailangang nakasalig sa matalinong pagpapasiya. Tayo’y hindi ginawa na mistulang mga robot na walang isip at walang sariling kalooban. Hindi tayo mga nilalang na pinakikilos ng katutubong gawi na gaya ng mga hayop. Sa halip, ang ating kamangha-manghang utak ay dinisenyo na gumawa na kaayon ng ating kalayaang pumili.

Ang Pinakamagaling na Pasimula

7, 8. Anong mainam na pasimula ang ibinigay ng Diyos sa ating unang mga magulang?

7 Upang ipakita kung gaano kalaki ang pagmamahal ng Diyos, kasama ang kaloob na malayang kalooban, ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eva, ay binigyan ng lahat na makatuwirang gugustuhin ng sinuman. Sila’y inilagay sa isang malaki, tulad-harding paraiso. Sila’y may kasaganaan sa materyal na mga bagay. Sila’y may sakdal na mga isip at katawan, kaya hindi sila kailangang tumanda o magkasakit o mamatay​—sila’y maaaring mabuhay nang walang-hanggan. Sila’y maaaring magkaroon ng sakdal na mga anak na maaari ring magkaroon ng maligaya, walang-hanggang kinabukasan. At ang dumaraming mga tao ay nagkaroon sana ng kasiya-siyang gawain upang sa wakas maging paraiso ang buong lupa.​—Genesis 1:​26-30; 2:15.

8 Tungkol sa mga bagay na inilaan, ang Bibliya ay nagsasabi: “Nakita ng Diyos ang lahat ng kaniyang ginawa at, narito! napakabuti.” (Genesis 1:31) Sinasabi rin ng Bibliya tungkol sa Diyos: “Sakdal ang kaniyang gawa.” (Deuteronomio 32:4) Oo, ang sangkatauhan ay binigyan ng Maylikha ng isang sakdal na pasimula. Wala nang iinam pa roon. Siya nga’y napatunayang isang Diyos na mapagmahal!

Kalayaan na May Hangganan

9, 10. Bakit kailangang ang malayang kalooban ay wastong maisaayos?

9 Gayunman, nilayon ba ng Diyos na ang malayang kalooban ay maging walang hangganan? Gunigunihin ang isang mataong lunsod na walang anumang mga batas sa trapiko, kung saan lahat ay makapagmamaneho sa anumang direksiyon at bilis. Nanaisin mo ba na magmaneho sa ilalim ng gayong mga kalagayan? Hindi, iyon ay magiging anarkiya sa trapiko at tiyak na magbubunga ng maraming aksidente.

10 Ganiyan din naman kung tungkol sa kaloob ng Diyos na malayang kalooban. Ang walang hangganang kalayaan ay mangangahulugan ng anarkiya sa lipunan. Kailangang magkaroon ng mga batas na papatnubay sa mga gawain ng mga tao. Ang Salita ng Diyos ay nagsasabi: “Gumawi kayo na gaya ng mga taong malaya, at huwag ninyong gamitin ang inyong kalayaan na isang dahilan para sa kasamaan.” (1 Pedro 2:​16, JB) Ibig ng Diyos na ang malayang kalooban ay wastong maisaayos para sa ikabubuti ng karamihan. Nilayon niya na tayo’y magkaroon, hindi ng lubos na kalayaan, kundi ng may hangganang kalayaan, na napasasakop sa paghahari ng batas.

Kaninong mga Batas?

11. Tayo’y dinisenyong sumunod sa kaninong mga batas?

11 Tayo’y dinisenyong sumunod sa kaninong mga batas? Isa pang bahagi ng talata sa 1 Pedro 2:​16 ( JB) ay nagsasabi: “Kayo’y hindi mga alipin ng sinuman kundi ng Diyos.” Ito’y hindi nangangahulugan ng isang mapaniil na pagkaalipin, kundi, bagkus, ito’y nangangahulugan na tayo’y dinisenyo na maging pinakamaligaya pagka napasasakop sa mga batas ng Diyos. (Mateo 22:​35-40) Ang kaniyang mga batas, higit sa anumang mga batas na binalangkas ng mga tao, ang nagbibigay ng pinakamagaling na patnubay. “Ako, si Jehova, ang inyong Diyos, na Siyang nagtuturo sa inyo ng mapapakinabangan, na Siyang pumapatnubay sa inyo sa daan na inyong dapat lakaran.”​—Isaias 48:17.

12. Anong kalayaang magpasiya mayroon tayo sa loob ng mga hangganan ng batas ng Diyos?

12 Gayundin, ang mga batas ng Diyos ay nagbibigay ng malaking kalayaan na pumili basta nasa loob ng kani-kanilang mga hangganan. Ang resulta nito ay pagkasari-sari at ang sangkatauhan ay ginagawang kahali-halina. Isipin ang iba’t ibang uri ng pagkain, kasuutan, musika, sining, at mga tahanan sa buong daigdig. Tiyak na ibig natin na tayo ang magpasiya sa ganiyang mga bagay imbes na ang ibang tao pa ang magpasiya para sa atin.

13. Anong pisikal na mga batas ang kailangang sundin natin para sa ating sariling ikabubuti?

13 Sa gayo’y nilalang tayo upang maging pinakamaligaya pagka napasasakop sa mga batas ng Diyos ukol sa dapat igawi ng tao. Ito’y nakakatulad ng pagpapasakop sa pisikal na mga batas ng Diyos. Halimbawa, kung tayo’y hindi susunod sa batas ng gravity at lulundag mula sa isang mataas na dako, tayo’y masasaktan o mamamatay. Kung tayo’y hindi susunod sa panloob na mga batas ng ating katawan at tayo’y hihinto ng pagkain, ng pag-inom ng tubig, o paghinga ng hangin, tayo’y mamamatay.

14. Papaano natin nalalaman na ang mga tao ay nilalang na dumidepende sa Diyos?

14 Kung papaano tiyak na tayo’y nilalang na may pangangailangang sumunod sa pisikal na mga batas ng Diyos, tayo’y nilalang na may pangangailangan na sumunod sa moral at sosyal na mga batas ng Diyos. (Mateo 4:4) Ang mga tao ay nilalang na dumidepende sa kanilang Manlilikha at sa gayo’y magtatagumpay. Ang propetang si Jeremias ay nagsasabi: “Wala sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang. Ituwid mo ako, Oh Jehova.” (Jeremias 10:​23, 24) Kaya sa lahat ng paraan ang mga tao ay nilalang upang mamuhay sa ilalim ng pamamahala ng Diyos, hindi ng kanilang sarili.

15. Naging pabigat ba kina Adan at Eva ang mga batas ng Diyos?

15 Ang pagsunod sa mga batas ng Diyos ay hindi sana naging pabigat para sa ating unang mga magulang. Sa halip, nakabuti sana iyon sa kanila at sa buong sangkatauhan. Kung ang unang mag-asawa ay nanatili sa loob ng mga hangganan ng batas ng Diyos, lahat sana ay lumabas na mabuti. Ang totoo, ngayon ay namumuhay na sana tayo sa isang kahanga-​hangang paraiso ng kaligayahan bilang isang nagmamahalan, nagkakaisang sambahayan ng tao! Hindi sana nagkaroon ng kabalakyutan, paghihirap, at kamatayan.

[Larawan sa pahina 11]

Ang mga tao ay binigyan ng Maylikha ng isang sakdal na pasimula

[Larawan sa pahina 12]

Nanaisin mo ba na magmaneho sa masikip na trapiko kung wala ng mga batas sa trapiko?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share