Bahagi 10
Ang Kahanga-hangang Bagong Sanlibutan na Gawa ng Diyos
1, 2. Ano ang mangyayari pagkatapos ng tagapaglinis na digmaan ng Armagedon?
PAGKATAPOS ng tagapaglinis na digmaan ng Diyos na Armagedon, ano ngayon ang mangyayari? Kung magkagayon ay isang maningning na bagong panahon ang magsisimula. Ang mga makaliligtas sa Armagedon, na ngayo’y nagpatunay na ng kanilang katapatan sa pamamahala ng Diyos, ay papasok sa bagong sanlibutan. Anong pagkaliga-ligayang bagong panahon ng kasaysayan ang iiral samantalang kahanga-hangang mga pagpapala ang aagos sa sangkatauhan buhat sa Diyos!
2 Sa ilalim ng patnubay ng Kaharian ng Diyos, ang mga makaliligtas ay magsisimulang magtayo ng isang paraiso. Ang kanilang lakas ay gagamitin sa mga gawaing walang pag-iimbot na pakikinabangan ng lahat ng nabubuhay sa panahong iyon. Ang lupa ay magsisimulang mabago tungo sa isang maganda, mapayapa, kasiya-siyang tahanan para sa sangkatauhan.
Katuwiran ang Humahalili sa Kabalakyutan
3. Anong agad-agad na kaginhawahan ang madarama mismo pagkatapos ng Armagedon?
3 Lahat na ito ay mangyayari pagkatapos na mapuksa ang sanlibutan ni Satanas. Wala na roon ang tagapagbaha-bahaging huwad na mga relihiyon, mga sistema ng lipunan, o mga pamahalaan. Hindi na magkakaroon doon ng maka-Satanas na propaganda na manlilinlang sa mga tao; lahat ng mga ahensiyang gumagawa nito ay kasamang mapupuksa ng pamamalakad ni Satanas. Isip-isipin: ang buong nakalalasong kapaligiran ng sanlibutan ni Satanas ay mawawala na! Anong laking kaginhawahan iyon!
4. Ilarawan ang magaganap na pagbabago sa turo.
4 Ang nagpapahamak na mga idea ng pamamahala ng tao ay hahalinhan ng nakapagpapatibay na turo na nanggagaling sa Diyos. “Lahat mong mga anak ay mga taong tinuruan ni Jehova.” (Isaias 54:13) Sa pamamagitan ng magaling na pagtuturong ito sa taun-taon, “ang lupa ay tunay ngang mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa mismong dagat.” (Isaias 11:9) Ang mga tao ay hindi na matututo ng masama, kundi “katuwiran ang tiyak na matututuhan ng mga nananahan sa mabungang lupain.” (Isaias 26:9) Nakapagpapatibay na mga kaisipan at mga pagkilos ang kasasanayan ng mga mamamayan.—Gawa 17:31; Filipos 4:8.
5. Ano ang mangyayari sa lahat ng kabalakyutan at sa mga taong balakyot?
5 Sa gayon, mawawala na ang patayan, karahasan, panggagahasa, pagnanakaw, o anumang krimen. Walang sinuman na magdurusa dahilan sa kabalakyutan ng iba. Ang Kawikaan 10:30 ay nagsasabi: “Kung tungkol sa matuwid, siya’y hindi makikilos magpakailanman; ngunit kung para sa mga balakyot, sila’y hindi patuloy na mananahan sa lupa.”
Naisauli ang Sakdal na Kalusugan
6, 7. (a) Anong masaklap na katotohanan ang wawakasan ng pamamahala ng Kaharian? (b) Papaano pinatunayan ito ni Jesus samantalang narito sa lupa?
6 Sa bagong sanlibutan, papawiin ang lahat ng kasamaang nagawa ng unang-unang paghihimagsik. Halimbawa, aalisin ng pamamahala ng Kaharian ang sakit at katandaan. Sa ngayon, kahit na kung ikaw ay nagtatamasa ng katamtamang mabuting kalusugan, ang masaklap na katotohanan ay na tumatanda ka naman, lumalabo ang iyong mga mata, nasisira ang iyong ngipin, pumupurol ang iyong pandinig, nangungulubot ang iyong balat, humihina ang iyong panloob na mga sangkap, hanggang sa wakas ikaw ay namamatay.
7 Gayunman, ang nakapangangambang mga epekto na minana natin sa ating unang mga magulang ay malapit nang lumipas. Natatandaan mo ba kung ano ang pinatunayan ni Jesus tungkol sa kalusugan nang siya’y naririto sa lupa? Ang Bibliya ay naglalahad: “Lumapit sa kaniya ang lubhang maraming tao, na may kasamang mga pilay, baldado, bulag, pipi, at marami pang iba, at sila’y kanilang inilagay sa kaniyang paanan, at sila’y pinagaling niya; kaya nagtaka ang karamihan nang makita nilang nagsasalita ang mga pipi at nagsisilakad ang mga pilay at nakakakita ang mga bulag.”—Mateo 15:30, 31.
8, 9. Ilarawan ang kaligayahan na darating pagka naisauli na ang sakdal na kalusugan sa bagong sanlibutan.
8 Anong laking kaligayahan ang darating sa bagong sanlibutan samantalang napapawi ang lahat nating karamdaman! Ang pagdurusang dala ng pagkamasasakitin ay hindi na muling magpapahirap sa atin. “Walang mamamayan doon ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ ” “Sa panahong iyon ang mga mata ng bulag ay madidilat, at ang mga pakinig ng bingi ay mabubuksan. At ang pilay ay lulukso na parang usa, at ang dila ng pipi ay aawit sa kagalakan.”—Isaias 33:24; 35:5, 6.
9 Hindi ba nakatutuwang gumising tuwing umaga at makita mo na ikaw ngayon ay nagtatamasa ng nagniningning na kalusugan? Hindi ba makapagpapasalamat ang mga taong may edad na, na maalamang sila’y naibalik na sa ganap na kasiglahan ng kabataan at kakamtin ang kasakdalan na tinamasa noong una nina Adan at Eva? Ang pangako ng Bibliya ay: “Ang kaniyang laman ay magiging sariwa kaysa noong kabataan; siya’y bumabalik sa mga kaarawan ng kalakasan ng kaniyang kabataan.” (Job 33:25) Anong laking kagalakan na maitapon na ang mga salamin sa mata, mga hearing aid, saklay, mga silyang de gulong, at mga gamot! Ang mga ospital, mga doktor, at mga dentista ay hindi na kakailanganin pa.
10. Ano ang mangyayari sa kamatayan?
10 Ang mga taong nagtatamasa ng gayong sakdal na kalusugan ay hindi magnanais mamatay. At hindi naman kailangan, sapagkat ang sangkatauhan ay wala na sa ilalim ng minanang di-kasakdalan at kamatayan. Si Kristo ay “kailangang maghari hanggang mailagay ng Diyos ang lahat ng kaniyang kaaway sa ilalim ng kaniyang mga paa. Bilang huling kaaway, ang kamatayan ay lilipulin.” “Ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang-hanggan.”—1 Corinto 15:25, 26; Roma 6:23; tingnan din ang Isaias 25:8.
11. Papaano inilalahad ng Apocalipsis ang sumaryo ng mga pagpapala sa bagong sanlibutan?
11 Bilang sumaryo ng mga pagpapalang manggagaling sa nagmamahal na Diyos at ibibigay sa sangkatauhan sa Paraiso, ang huling aklat ng Bibliya ay nagsasabi: “At papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng panambitan man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.”—Apocalipsis 21:3, 4.
Ang Pagbabalik ng mga Nangamatay
12. Papaano pinatunayan ni Jesus ang kaniyang bigay-Diyos na kapangyarihang bumuhay-muli?
12 Higit pa ang ginawa ni Jesus kaysa pagalingin lamang ang mga may sakit at mga pilay. Siya’y bumuhay rin naman ng mga taong nangamatay. Sa gayo’y kaniyang pinatunayan ang kagila-gilalas na kapangyarihang bumuhay-muli na ibinigay sa kaniya ng Diyos. Naaalaala mo ba nang si Jesus ay pumunta sa bahay ng isang taong namatay ang anak na babae? Sinabi ni Jesus sa namatay na dalagita: “Dalaga, sinasabi ko sa iyo, Magbangon ka!” Ano ang resulta? “Pagdaka’y nagbangon ang dalagita at lumakad.” Nang makita iyan, ang mga tao roon ay “galak na galak sa lubus-lubusang kaligayahan.” Halos hindi nila mapigil ang kanilang kaligayahan!—Marcos 5:41, 42; tingnan din ang Lucas 7:11-16; Juan 11:1-45.
13. Anong uri ng mga tao ang bubuhaying-muli?
13 Sa bagong sanlibutan, “magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ang matuwid at ang di-matuwid.” (Gawa 24:15) Sa panahong iyon ay gagamitin ni Jesus ang kaniyang bigay-Diyos na kapangyarihan upang buhayin ang mga patay sapagkat, gaya ng kaniyang sinabi, “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Ang sumasampalataya sa akin, kahit na siya mamatay, ay mabubuhay.” (Juan 11:25) Sinabi rin niya: “Lahat ng mga nasa alaalang mga libingan [sa alaala ng Diyos] ay makaririnig ng tinig niya [ni Jesus] at magsisilabas.”—Juan 5:28, 29.
14. Yamang mawawala na ang kamatayan, anong mga bagay ang mawawala na rin?
14 Malaking kagalakan ang lalaganap sa buong lupa pagka grupo at grupo ng mga taong nangamatay ang nabuhay-muli upang makasama ng kanilang mga mahal sa buhay! Hindi na magkakaroon sa mga pahayagan ng mga pag-aanunsiyo ng mga namatay at nagdudulot lamang ng kalungkutan sa mga naulila. Sa halip, ang kabaligtaran ang maaaring mangyari: mga patalastas tungkol sa mga taong kabubuhay-muli na magdadala ng kagalakan sa mga taong nagmamahal sa kanila. Kaya wala nang mga libing, pagsunog sa mga patay, crematorio, o mga sementeryo!
Isang Tunay na Mapayapang Sanlibutan
15. Papaano lubusang matutupad ang hula ni Mikas?
15 Ang tunay na kapayapaan sa lahat ng pitak ng buhay ay matatamo. Ang mga digmaan, mga promotor ng digmaan, at ang paggawa ng mga armas ay mga bagay ng nakalipas. Bakit? Sapagkat ang tagapagbaha-bahaging pambansa, pantribo, at panlahi na mga kapakanan ay mawawala na. Kung magkagayon, sa lubusang kahulugan, “sila’y hindi na magtataas ng tabak, ang bansa laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikidigma.”—Mikas 4:3.
16. Papaano pangyayarihin ng Diyos na huwag nang magkaroon ng mga digmaan?
16 Marahil ito ay waring nakapagtataka dahilan sa uhaw-sa-dugong kasaysayan ng tao na laging nakikipagdigma. Subalit iyan ay nagaganap dahil sa ang sangkatauhan ay nasa ilalim ng pamamahala ng mga tao at mga demonyo. Sa bagong sanlibutan, sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian, ganito ang mangyayari: “Halikayo, kayo bayan, tingnan ang mga gawa ni Jehova . . . Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa. Kaniyang binabali ang busog at pinagpuputul-putol ang sibat; ang [pandigmang] mga karo ay kaniyang sinusunog sa apoy.”—Awit 46:8, 9.
17, 18. Sa bagong sanlibutan, anong kaugnayan ang iiral sa pagitan ng tao at ng mga hayop?
17 Sa tao at sa hayop ay mamamagitan na rin ang kapayapaan, gaya noon sa Eden. (Genesis 1:28; 2:19) Sinasabi ng Diyos: “Sa araw na iyon ay tunay na ipakikipagtipan ko sila sa mga hayop sa parang at sa mga ibon sa himpapawid at sa umuusad na bagay sa lupa, at . . . sila’y aking pahihigaing tiwasay.”—Oseas 2:18.
18 Gaano kalaganap ang kapayapaang iyon? “Ang lobo ay aktuwal na tatahang sandali kasama ng lalaking kordero, at ang leopardo ay mahihigang kasiping ng batang kambing, at ang guya at ang batang leon at ang patabaing hayop na magkakasama; at isa lamang munting batang lalaki ang papatnubay sa kanila.” Kailanman ang mga hayop ay hindi na magiging isang panganib sa tao o sa kanilang sarili. Maging “ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka”!—Isaias 11:6-9; 65:25.
Ang Lupa ay Naisauli sa Pagkaparaiso
19. Ang lupa ay babaguhin upang maging ano?
19 Ang buong lupa ay isasauli sa pagkaparaiso na tahanan ng tao. Kaya naman naipangako ni Jesus sa taong sumampalataya sa kaniya: “Ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.” Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang ilang at ang tuyong lupa ay sasaya, at ang disyertong kapatagan ay magagalak at mamumukadkad na gaya ng rosa. . . . Sapagkat sa ilang ay bubukal ang tubig, at magkakailog sa disyertong kapatagan.”—Lucas 23:43; Isaias 35:1, 6.
20. Bakit ang gutom ay hindi na mararanasan ng sangkatauhan?
20 Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, ang gutom ay hindi na mararanasan ng milyun-milyon. “Magkakaroon ng saganang trigo sa lupa; aapawan ang taluktok ng mga bundok.” “Ang punungkahoy sa parang ay magbubunga, at ang lupain ay magbibigay ng kaniyang ani, at sila’y tunay na magiging tiwasay sa kanilang lupain.”—Awit 72:16; Ezekiel 34:27.
21. Ano ang mangyayari sa mga taong walang tahanan, miserableng mga tirahan, at masasamang pamayanan?
21 Wala na ang karalitaan, ang mga taong walang tahanan, ang miserableng mga tirahan, o ang mga pamayanan na may napakaraming krimen. “Sila nga’y magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan; sila nga’y mag-uubasan at magsisikain ng mga bunga niyaon. Sila’y hindi magtatayo at iba ang tatahan; sila’y hindi magtatanim at iba ang kakain.” “Sila’y aktuwal na uupo, bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang punong igos, at walang tatakot sa kanila.”—Isaias 65:21, 22; Mikas 4:4.
22. Papaano inilarawan ng Bibliya ang mga pagpapala ng pamamahala ng Diyos?
22 Ang mga tao ay pagpapalain sa pagkakaloob sa kanila ng lahat ng mga bagay na ito, at higit pa, sa Paraiso. Ang Awit 145:16 ay nagsasabi: “Binubuksan mo [ng Diyos] ang iyong kamay at sinasapatan mo ang nasà ng bawat bagay na may buhay.” Hindi nga kataka-takang ipahayag ng hula sa Bibliya: “Ang maaamo ay magmamana ng lupain, at sila’y lubusang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan. . . . Ang matuwid ang magmamana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.”—Awit 37:11, 29.
Paglimot sa Nakalipas
23. Papaano aalisin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng paghihirap na ating naranasan?
23 Ang pamamahala ng Kaharian ng Diyos ang magpapalimot sa lahat ng pinsalang nagawa sa sangkatauhan noong lumipas na anim na libong taon. Ang kagalakan sa panahong iyon ay totoong labis-labis kaysa anumang paghihirap na naranasan ng mga tao. Ang buhay ay hindi gagambalain ng anumang masasamang alaala ng nakalipas na pagdurusa. Dahilan sa nakapagpapatibay na mga kaisipan at mga gawain na magiging pang-araw-araw na pamumuhay ng mga tao, ang masasaklap na alaala ay unti-unting mapaparam.
24, 25. (a) Ano ang inihula ni Isaias na mangyayari? (b) Bakit matitiyak natin na ang alaala ng nakalipas na kahirapan ay mapaparam?
24 Ang mapagmahal na Diyos ay nagpapahayag: “Ako’y lumilikha ng mga bagong langit [isang bagong makalangit na pamahalaan sa sangkatauhan] at ng isang bagong lupa [isang matuwid na lipunan ng tao]; at ang dating mga bagay ay hindi na maaalaala pa, o mapapasapuso man. Ngunit kayo’y matuwa, kayo bayan, at magalak magpakailanman sa aking lilikhain.” “Ang buong lupa ay nasa katiwasayan, wala nang gulo. Ang mga tao ay naging masayahin at may nakagagalak na awitan.”—Isaias 14:7; 65:17, 18.
25 Kaya sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian, lubusang babaligtarin ng Diyos ang masamang kalagayan na napakatagal nang umiiral. Sa buong panahong walang-hanggan ipakikita niya ang kaniyang malaking pagmamahal sa atin sa pamamagitan ng pagpapaulan ng mga pagpapalang labis-labis kung ihahambing sa anumang pinsala na naranasan natin noong nakaraan. Ang nakalipas na mga kahirapan na ating naranasan ay magiging isang bahagyang-bahagyang alaala na lamang sa panahong iyon, kung sakaling naaalaala pa natin.
26. Bakit tayo gagantihin ng Diyos nang labis-labis sa anumang kahirapang dinanas natin?
26 Ganiyan tayo gagantihin ng Diyos sa kahirapang ating napagtiisan sa sanlibutang ito. Alam niya na hindi natin kasalanan na tayo’y isinilang na di-sakdal, sapagkat tayo’y nagmana ng di-kasakdalan buhat sa ating unang mga magulang. Hindi natin kasalanan na tayo’y isinilang sa isang maka-Satanas na sanlibutan, sapagkat kung sina Adan at Eva ay naging tapat, di sana ay isinilang tayo sa isang paraiso. Kaya sa malaking awa ng Diyos ay gagantihin tayo nang labis-labis sa nakalipas na kahirapang dinanas natin.
27. Anong mga hula ang magkakaroon ng kahanga-hangang katuparan sa bagong sanlibutan?
27 Sa bagong sanlibutan, daranasin ng sangkatauhan ang kalayaang inihula ng Roma 8:21, 22: “Palalayain din ang sangnilalang mula sa pagkaalipin sa kabulukan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ang mga anak ng Diyos. Sapagkat alam natin na ang lahat ng nilalang ay patuloy na sama-samang dumaraing at sama-samang nagdaramdam ng sakit hanggang ngayon.” Sa panahong iyon ay makikita ng mga tao ang lubusang katuparan ng panalangin: “Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang kalooban mo, kung papaano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Ang kahanga-hangang mga kalagayan sa lupang Paraiso ay kasasalaminan ng mga kalagayan sa langit.
[Mga larawan sa pahina 23]
Sa bagong sanlibutan, ang mga may edad ay babalik sa kasiglahan ng kabataan
[Larawan sa pahina 24]
Lahat ng sakit at kapansanan ay aalisin sa bagong sanlibutan
[Larawan sa pahina 25]
Sa bagong sanlibutan, ang mga patay ay bubuhaying-muli sa buhay
[Larawan sa pahina 26]
‘Sila’y hindi na matututo ng pakikidigma’
[Mga larawan sa pahina 27]
Sa gitna ng mga tao at mga hayop ay iiral ang lubos na kapayapaan sa Paraiso
[Larawan sa pahina 27]
‘Bubuksan ng Diyos ang kaniyang kamay at sasapatan ang nasà ng bawat bagay na may buhay’
[Larawan sa pahina 28]
Labis-labis ang gagawin ng Kaharian ng Diyos dahil sa lahat ng kahirapan na ating napagtiisan