Ano ang Nangyayari sa Kaluluwa Pagkamatay?
“Ang doktrina na ang kaluluwa ng tao ay imortal at patuloy na iiral pagkamatay ng tao at pagkaagnas ng kaniyang katawan ay isa sa mga pundasyon ng Kristiyanong pilosopiya at teolohiya.”—“NEW CATHOLIC ENCYCLOPEDIA.”
1. Ano ang inamin ng New Catholic Encyclopedia hinggil sa di-namamatay na kaluluwa?
GAYUNMAN, ang reperensiya ring ito ay umaamin na “ang paniniwala sa di-namamatay na kaluluwa ay hindi makikita sa Bibliya.” Ano, kung gayon, ang talagang itinuturo ng Bibliya hinggil sa nangyayari sa kaluluwa pagkamatay ng tao?
Ang Patay ay Walang Malay
2, 3. Ano ang kalagayan ng patay, at anong mga kasulatan ang nagsisiwalat nito?
2 Ang kalagayan ng patay ay niliwanag sa Eclesiastes 9:5, 10, kung saan ay mababasa natin: “Hindi nalalaman ng patay ang anumang bagay . . . Walang gawa, ni katha man, ni kaalaman man o karunungan, sa libingan.” (Moffatt) Kung gayon, ang kamatayan ay isang kalagayan ng hindi pag-iral. Sumulat ang salmista na kapag ang isang tao ay namatay, “siya’y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding iyon ay nawawala ang kaniyang pag-iisip.”—Awit 146:4.
3 Kaya ang patay ay walang malay at di-aktibo. Nang igawad ang kahatulan kay Adan, sinabi ng Diyos: “Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.” (Genesis 3:19) Bago siya inanyuan ng Diyos mula sa alabok ng lupa at binigyan ng buhay, si Adan ay hindi umiiral. Nang siya’y mamatay, si Adan ay nagbalik sa gayong kalagayan. Ang parusa sa kaniya ay kamatayan—hindi ang paglipat sa ibang dako.
Ang Kaluluwa ay Maaaring Mamatay
4, 5. Magbigay ng mga halimbawa mula sa Bibliya na nagpapakitang ang kaluluwa ay maaaring mamatay.
4 Nang mamatay si Adan, ano ang nangyari sa kaniyang kaluluwa? Buweno, tandaan na sa Bibliya ang salitang “kaluluwa” ay kadalasang tumutukoy lamang sa tao. Kaya kapag ating sinasabi na si Adan ay namatay, ating sinasabing ang kaluluwang nagngangalang Adan ay namatay. Maaaring iba ang dating nito sa isang tao na naniniwala sa imortalidad ng kaluluwa. Gayunman, ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang kaluluwang nagkakasala—ito mismo ay mamamatay.” (Ezekiel 18:4) Ang Levitico 21:1 ay nagsasabi hinggil sa “isang patay na kaluluwa” (isang “bangkay,” Jerusalem Bible). At ang mga Nazareo ay pinagsabihang huwag lumapit sa “anumang patay na kaluluwa” (“isang patay na katawan,” Lamsa).—Bilang 6:6.
5 Ang nakakatulad na pagbanggit sa kaluluwa ay masusumpungan sa 1 Hari 19:4. Dahilan sa matinding pagkabagabag si Elias ay “nagsimulang humiling na ang kaniyang kaluluwa ay mamatay na.” Gayundin, si Jonas ay “patuloy na humiling na mamatay na sana ang kaniyang kaluluwa, at siya’y paulit-ulit na nagsabi: ‘Mabuti sa akin ang mamatay kaysa mabuhay.’ ” (Jonas 4:8) At ginamit ni Jesus ang pariralang “pumatay ng kaluluwa,” na isinalin ng The Bible in Basic English na “upang patayin.” (Marcos 3:4) Kaya ang kamatayan ng kaluluwa ay nangangahulugan lamang ng kamatayan ng tao.
“Naglalaho” at ‘Nagbabalik’
6. Ano ang nais ipakahulugan ng Bibliya nang sabihin nito na ang kaluluwa ni Raquel ay “naglalaho”?
6 Subalit ano naman ang tungkol sa malungkot na kamatayan ni Raquel, na naganap nang isilang niya ang kaniyang ikalawang anak na lalaki? Sa Genesis 35:18, ating mababasa: “Habang naglalaho ang kaniyang kaluluwa (sapagkat namatay siya) ay tinawag niyang Benoni ang pangalan nito; ngunit tinawag itong Benjamin ng kaniyang ama.” Ipinahihiwatig ba ng talatang ito na si Raquel ay may panloob na katauhan na humiwalay nang siya ay mamatay? Tunay na hindi. Tandaan, ang salitang “kaluluwa” ay maaari ring tumukoy sa buhay na taglay ng isang tao. Kaya sa kasong ito ang “kaluluwa” ni Raquel ay nangangahulugan lamang ng kaniyang “buhay.” Kaya isinalin ng ibang Bibliya ang pariralang “naglalaho ang kaniyang kaluluwa” na “ang kaniyang buhay ay pumapanaw” (Knox), “nalagot ang kaniyang hininga” (Jerusalem Bible), at “ang kaniyang buhay ay nawala sa kaniya” (Bible in Basic English). Walang pahiwatig na ang isang misteryosong bahagi ni Raquel ay nanatiling buhay pagkamatay niya.
7. Sa anong paraan na ang kaluluwa ng binuhay muling anak ng balo ay “bumalik sa loob niya”?
7 Ito’y nakakatulad ng pagkabuhay-muli ng anak na lalaki ng isang babaing balo, na nakaulat sa 1 Hari kabanatang 17. Sa 1Ha 17 talatang 22, ating mababasang nanalangin si Elias para sa batang lalaki, “si Jehova ay nakinig sa tinig ni Elias, anupat ang kaluluwa ng bata ay bumalik sa loob niya at siya ay nabuhay.” Muli, ang salitang “kaluluwa” ay nangangahulugang “buhay.” Kaya, ang New American Standard Bible ay kababasahan: “Ang buhay ng bata ay bumalik sa kaniya at siya’y nabuhay.” Oo, iyo’y buhay, hindi parang anino, na bumalik sa bata. Ito’y kasuwato ng sinabi ni Elias sa ina ng bata: “Tingnan mo, ang iyong anak [ang buong persona] ay buháy.”—1 Hari 17:23.
Ang Suliranin ng “Intermediate State”
8. Ano ang pinaniniwalaang mangyayari ng maraming nag-aangking Kristiyano sa pagkabuhay muli?
8 Maraming nag-aangking Kristiyano ang naniniwala na magkakaroon ng pagkabuhay-muli sa hinaharap na sa panahong iyon ang mga katawan ay sasanib sa imortal na mga kaluluwa. Pagkatapos, ang mga nabuhay na mag-uli ay dadalhin sa kanilang pangwakas na hantungan—alinman sa gantimpala para roon sa may matuwid na buhay o kaparusahan para sa balakyot.
9. Ano ang kahulugan ng terminong “intermediate state,” at ano ang sinasabi ng ilan na nangyayari sa kaluluwa sa yugtong ito?
9 Ang paniniwalang ito ay parang simple. Subalit hindi maipaliwanag niyaong mga nanghahawakan sa paniniwala hinggil sa imortalidad ng kaluluwa kung ano ang nangyayari sa kaluluwa sa pagitan ng panahon ng kamatayan at sa panahon ng pagkabuhay-muli. Tunay, ang “intermediate state” na ito, gaya ng kadalasang tawag dito, ay lumikha ng mga haka-haka sa loob ng daan-daang taon. Ang ilan ay nagsasabi na sa panahong iyon ang kaluluwa ay nagtutungo sa purgatoryo, kung saan ito maaaring dalisayin mula sa hindi mabibigat na kasalanan upang maging karapat-dapat sa langit.a
10. Bakit hindi makakasulatang paniwalaan na ang mga kaluluwa ay pansamantalang namamalagi sa purgatoryo pagkatapos ng kamatayan, at paano pinatutunayan ito ng karanasan ni Lazaro?
10 Gayunman, gaya ng nakita na natin, ang kaluluwa ay ang tao lamang. Kapag ang tao ay namatay, ang kaluluwa ay patay rin. Kaya, walang may kamalayang pag-iral pagkatapos na mamatay. Tunay, nang si Lazaro ay mamatay, hindi sinabi ni Jesu-Kristo na siya’y nasa purgatoryo, Limbo, o alinmang iba pang “intermediate state.” Sa halip, sinabi lamang ni Jesus: “Si Lazaro ay natutulog.” (Juan 11:11, New English Bible) Maliwanag, si Jesus, na nakaaalam ng katotohanan hinggil sa nangyayari sa kaluluwa pagkamatay ng tao, ay naniniwala na si Lazaro ay walang malay at hindi umiiral.
Ano ang Espiritu?
11. Bakit ang salitang “espiritu” ay hindi tumutukoy sa isang humiwalay na bahagi ng tao na patuloy na nabubuhay pagkamatay niya?
11 Ang Bibliya ay nagsasabi na kapag ang isang tao ay namatay, “ang espiritu niya ay pumapanaw, siya’y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa.” (Awit 146:4) Ito ba’y nangangahulugang ang isang espiritu ay literal na humihiwalay sa katawan at patuloy na nabubuhay pagkatapos na mamatay ang isang tao? Hindi maaaring magkagayon, sapagkat ang sumunod na sinabi ng salmista ay: “Sa araw ring iyon ay nawawala ang kaniyang pag-iisip” (“nagwawakas ang lahat niyang pag-iisip,” NEB). Ano, kung gayon, ang espiritu, at paano ito ‘naglalaho’ sa isang tao sa panahon ng kaniyang kamatayan?
12. Ano ang ipinahihiwatig ng mga salitang Hebreo at Griego na isinaling “espiritu” sa Bibliya?
12 Sa Bibliya ang mga salitang isinaling “espiritu” (Hebreo, ruʹach; Griego, pneuʹma) ay karaniwang nangangahulugang “hininga.” Kaya, sa halip na “ang espiritu niya ay pumapanaw,” ang salin ni R. A. Knox ay gumagamit ng pariralang “ang hininga ay umaalis sa kaniyang katawan.” (Awit 145:4, Knox) Subalit ang salitang “espiritu” ay nagpapahiwatig ng higit pa kaysa basta paghinga. Halimbawa, sa paglalarawan sa pagkapuksa ng buhay ng tao at hayop noong panahon ng pangglobong Delubyo, ang Genesis 7:22 ay nagsasabi: “Ang lahat ng may hininga ng puwersa [o, espiritu; Hebreo, ruʹach] ng buhay sa mga butas ng kaniyang ilong, samakatuwid ay lahat ng nasa tuyong lupa, ay namatay.” Kaya ang “espiritu” ay maaaring tumukoy sa puwersa ng buhay na aktibo sa lahat ng nabubuhay na nilalang, kapuwa sa mga tao at sa mga hayop, at nananatiling buháy sa pamamagitan ng paghinga.
13. Sa anong paraan maihahalintulad ang espiritu sa kuryente?
13 Upang ilarawan: Ang kuryente ay nagpapaandar sa isang kasangkapan. Kapag tumigil ang kuryente, humihinto rin ang pag-andar ng kasangkapan. Ang kuryente ay hindi nagiging isang hiwalay na bahagi ng kasangkapan. Katulad nito, kapag ang isang tao ay namatay, ang kaniyang espiritu ay tumitigil na sa pagbibigay ng buhay sa mga selula ng katawan. Hindi ito umaalis sa katawan at nagtutungo sa ibang dako.—Awit 104:29.
14, 15. Paano bumabalik ang espiritu sa Diyos pagkamatay ng tao?
14 Bakit, kung gayon, sinabi ng Eclesiastes 12:7 na kapag ang isang tao ay namatay, “ang espiritu mismo ay bumabalik sa tunay na Diyos na nagbigay nito”? Ito ba’y nangangahulugan na ang espiritu ay literal na naglalakbay sa kalawakan patungo sa presensiya ng Diyos? Walang ipinahihiwatig na ganitong bagay. Tandaan, ang espiritu ay puwersa ng buhay. Minsang ang puwersa ng buhay ay nawala, ang Diyos lamang ang may kakayahang magbalik niyaon. Kaya ang espiritu ay “bumabalik sa tunay na Diyos” sa diwa na anumang pag-asa para sa panghinaharap na buhay ng taong iyon ay lubusang nakasalalay sa Diyos.
15 Ang Diyos lamang ang makapagbabalik ng espiritu, o puwersa ng buhay, upang ang isang tao ay muling mabuhay. (Awit 104:30) Subalit gagawin ba iyon ng Diyos?
[Talababa]
a Ayon sa New Catholic Encyclopedia, “sa pangkalahatan ay naging maliwanag para sa mga Ama [ng Simbahan] ang kanilang paninindigan sa pag-iral ng purgatoryo.” Subalit ang reperensiyang ito ay umaamin din na “ang doktrinang Katoliko tungkol sa purgatoryo ay salig sa tradisyon, hindi sa Banal na Kasulatan.”
[Kahon sa pahina 23]
Mga Alaala ng Nakaraang Buhay
KUNG walang patuloy na nabubuhay pagkamatay ng katawan, ano kung gayon yaong mga alaala ng nakaraang buhay na di-umano’y taglay ng ilang tao?
Ang iskolar na Hindu na si Nikhilananda ay nagsasabing ‘ang mga naging karanasan pagkaraan ng kamatayan ay hindi mapatutunayan salig sa katuwiran.’ Sa pahayag na “Mga Halimbawa ng Paniniwala ng mga Relihiyon sa Kawalang-Hanggan,” ipinakita ng teologong si Hans Küng: “Walang mga ulat—na karaniwan ay galing sa mga bata o sa mga bansang may paniniwala sa reinkarnasyon—hinggil sa alaala ng nakaraang buhay ang maaaring mapatunayan.” Dagdag pa niya: “Ang karamihan [sa mga mananaliksik na taimtim at makasiyensiya na nagtatrabaho sa larangan] ay umaamin na ang mga karanasang sinuri nila ay hindi naglalaan ng saligan para sa isang tunay na kapani-paniwalang katibayan sa pagkakaroong muli ng makalupang buhay.”
Ano kung nadarama mong may personal kang mga alaala hinggil sa isang nakaraang buhay? Ang gayong damdamin ay maaaring udyok ng ilang salik. Ang karamihan sa impormasyong ating tinatanggap ay nakaimbak sa natatagong sulok ng ating di-namamalayang kaisipan yamang hindi pa natin tuwiran o karaka-rakang kailangan ito. Kapag ang nalimutang mga alaala ay gumitaw, ipinalalagay ng ilang tao na ang mga ito ay katunayan ng isang naunang buhay. Gayunpaman, ang katotohanan ay wala tayong totoong mga karanasan sa buhay kundi ang nararanasan natin sa ngayon. Ang karamihan ng tao na nabubuhay sa lupa ay walang maalaalang sila’y nabuhay na noon; ni kanilang iniisip na maaaring sila’y nagkaroon ng mas naunang mga buhay.