Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • ip-1 kab. 19 p. 244-258
  • Ibinaba ni Jehova ang Pagmamapuri ng Tiro

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ibinaba ni Jehova ang Pagmamapuri ng Tiro
  • Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Magpalahaw Kayo, Kayong mga Barko ng Tarsis!”
  • Nagbubunyi “Mula Noong Kaniyang Unang mga Panahon”
  • Ang Kaniyang Pagmamapuri ay Lalapastanganin
  • Nanakawan Siya ng mga Caldeo
  • “Siya’y Magbabalik sa Kaniyang Upa”
  • ‘Dapat na Maging Banal ang Kaniyang Pakinabang’
  • Iwasan ang Materyalismo at Pagmamapuri
  • Tiro
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Isang Hula Laban sa Tiro na Nagpapatibay ng Pagtitiwala sa Salita ni Jehova
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2017
  • Ang Tiro
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Alam Mo Ba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
Iba Pa
Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I
ip-1 kab. 19 p. 244-258

Ikalabinsiyam na Kabanata

Ibinaba ni Jehova ang Pagmamapuri ng Tiro

Isaias 23:1-18

1, 2. (a) Anong uri ng lunsod ang sinaunang Tiro? (b) Ano ang inihula ni Isaias hinggil sa Tiro?

SIYA’Y “sakdal sa kagandahan” at sagana sa “lahat ng uri ng kayamanan.” (Ezekiel 27:4, 12, An American Translation) Ang kaniyang malaking plota ng mga barko ay naglayag sa dagat tungo sa malalayong lugar. Siya’y naging “lubhang maluwalhati sa kalagitnaan ng laot ng dagat,” at sa pamamagitan ng kaniyang “mahahalagang bagay,” kaniyang ‘pinayaman ang mga hari sa lupa.’ (Ezekiel 27:25, 33) Noong ikapitong siglo B.C.E., gayon ang kalagayan ng Tiro​—isang lunsod ng Fenicia sa dulong silangan ng Mediteraneo.

2 Datapuwat, nalalapit na ang pagkawasak ng Tiro. Mga 100 taon bago pa siya inilarawan ni Ezekiel, inihula na ni propeta Isaias ang pagbagsak ng moog na ito ng Fenicia at ang pamimighati ng mga umaasa sa kaniya. Inihula rin ni Isaias na sa paglipas ng ilang panahon, ibabaling ng Diyos ang kaniyang pansin sa lunsod at pagkakalooban siya ng panibagong kasaganaan. Paano natupad ang mga salita ng propeta? At ano ang ating matututuhan mula sa lahat ng nangyari sa Tiro? Ang malinaw na pagkaunawa sa nangyari sa kaniya at kung bakit naganap ang gayong mga bagay ay magpapatibay sa ating pananampalataya kay Jehova at sa kaniyang mga pangako.

“Magpalahaw Kayo, Kayong mga Barko ng Tarsis!”

3, 4. (a) Saan naroroon ang Tarsis, at ano ang naging kaugnayan ng Tiro sa Tarsis? (b) Bakit may dahilang “magpalahaw” ang mga magdaragat na nakikipagkalakalan sa Tarsis?

3 Sa ilalim ng pamagat na, “Ang kapahayagan tungkol sa Tiro,” ipinahayag ni Isaias: “Magpalahaw kayo, kayong mga barko ng Tarsis! sapagkat ito ay sinamsaman upang hindi na maging daungan, upang hindi na maging dakong mapapasukan.” (Isaias 23:1a) Pinaniniwalaang ang Tarsis ay naging bahagi ng Espanya, malayo sa Tiro na nasa silangang Mediteraneo.a Datapuwat, ang mga taga-Fenicia ay mga dalubhasang magdaragat, at ang kanilang mga barko ay malalaki at matitibay. Naniniwala ang ilang istoryador na ang mga taga-Fenicia ang siyang unang nakapansin na may kaugnayan ang buwan sa paglaki at pagliit ng tubig at siyang unang gumamit ng astronomiya bilang pantulong sa paglalayag. Kaya ang malayong distansiya mula sa Tiro hanggang Tarsis ay hindi naging hadlang sa kanila.

4 Noong kaarawan ni Isaias, ang malayong Tarsis ay isang pamilihan ng Tiro, marahil ang siyang pangunahing pinagmumulan ng kaniyang kayamanan sa bahagi ng kaniyang kasaysayan. Ang Espanya ay may mga minahang mayaman sa deposito ng pilak, bakal, lata, at iba pang mga metal. (Ihambing ang Jeremias 10:9; Ezekiel 27:12.) Ang “mga barko ng Tarsis,” na malamang ay mga barko mula sa Tiro na nakikipagkalakalan sa Tarsis, ay may mabuting dahilan upang “magpalahaw,” na nagdadalamhati sa pagkawasak ng kanilang sariling daungan.

5. Saan malalaman ng mga magdaragat buhat sa Tarsis ang pagbagsak ng Tiro?

5 Paano malalaman ng mga magdaragat sa laot ang pagbagsak ng Tiro? Si Isaias ay sumagot: “Mula sa lupain ng Kitim ay isiniwalat iyon sa kanila.” (Isaias 23:1b) Ang “lupain ng Kitim” ay malamang na tumutukoy sa isla ng Ciprus, mga 100 kilometro sa kanlurang baybayin ng Fenicia. Ito ang huling hintuan ng mga barkong patungong silangan mula sa Tarsis bago sila makarating sa Tiro. Kaya, ang mga magdaragat ay makatatanggap ng balita ng pagbagsak ng kanilang sariling daungan kapag dumaong sila sa Ciprus. Anong tinding dagok para sa kanila! Dahil sa pamimighati, sila’y ‘papalahaw’ sa pagkadismaya.

6. Ilarawan ang kaugnayan ng Tiro sa Sidon.

6 Ang pagkadismaya ay madarama rin ng mga tao sa baybaying dagat ng Fenicia. Ang propeta ay nagsabi: “Tumahimik kayo, kayong mga tumatahan sa baybaying lupain. Ang mga mangangalakal mula sa Sidon, yaong mga tumatawid sa dagat​—pinasagana ka nila. At sa maraming tubig ay naroon ang binhi ng Sihor, ang ani ng Nilo, ang kaniyang ganansiya; at iyon ay naging pakinabang ng mga bansa.” (Isaias 23:2, 3) Ang “mga tumatahan sa baybaying lupain”​—ang mga kalapit ng Tiro​—ay tatahimik sa labis na pagkagulat sa kapaha-pahamak na pagbagsak ng Tiro. Sino “ang mga mangangalakal mula sa Sidon” na ‘nagpasagana’ sa mga tumatahang ito, na nagpayaman sa kanila? Ang Tiro ay isang dating kolonya ng daungang-lunsod ng Sidon, 35 kilometro lamang sa hilaga. Sa kaniyang mga barya, inilalarawan ng Sidon ang kaniyang sarili bilang ina ng Tiro. Bagaman nahigitan ng Tiro ang Sidon sa kayamanan, siya’y nananatili pa ring “anak na dalaga ng Sidon,” at tinatawag pa rin ng mga tumatahan sa kaniya ang kanilang sarili na mga Sidonio. (Isaias 23:12) Kaya, ang pananalitang “ang mga mangangalakal mula sa Sidon” ay tumutukoy marahil sa mga tumatahang komersiyante sa Tiro.

7. Paano nagpalaganap ng kayamanan ang mga negosyanteng Sidonio?

7 Dahil sa pakikipagnegosyo, ang mayayamang mangangalakal na Sidonio ay tumatawid sa Dagat Mediteraneo. Dinadala nila sa maraming lugar ang binhi, o butil, ng Sihor, ang pinakasilangang sanga ng Ilog Nilo sa rehiyon ng delta ng Ehipto. (Ihambing ang Jeremias 2:18.) Kasama sa “ani ng Nilo” ang iba pang bunga mula sa Ehipto. Napakalaki ng pakinabang ng pangangalakal at pakikipagpalitan ng gayong mga paninda para sa mga negosyanteng magdaragat na ito at gayundin sa mga bansa na nakikipagkalakalan sa kanila. Maraming ganansiya ang ibinibigay sa Tiro ng mga mangangalakal na Sidonio. Tunay nga, sila’y mamimighati sa kaniyang pagkatiwangwang!

8. Ano ang magiging epekto sa Sidon ng pagkawasak ng Tiro?

8 Pagkatapos ay nagsalita ng ganito si Isaias sa Sidon: “Mahiya ka, O Sidon; sapagkat ang dagat, O ikaw na moog ng dagat, ay nagsabi: ‘Hindi pa ako nagkakaroon ng mga kirot sa panganganak, at hindi pa ako nagsisilang, ni ako man ay nagpalaki na ng mga binata, nag-alaga ng mga dalaga.’” (Isaias 23:4) Pagkatapos na mawasak ang Tiro, ang baybaying dating kinaroroonan ng lunsod ay magmumukhang ilang at tiwangwang. Ang dagat ay mistulang sumisigaw sa panggigipuspos, gaya ng isang ina na nawalan ng mga anak anupat sa lubhang pagkalumbay ay itinatatwa na niya ngayon ang pagkakaroon ng mga ito kailanman. Ang Sidon ay mapapahiya sa nangyari sa kaniyang anak na babae.

9. Ang pamimighati ng mga tao pagkatapos bumagsak ang Tiro ay maihahambing sa pagkagitlang kasunod ng anong iba pang mga pangyayari?

9 Oo, ang balita ng pagkawasak ng Tiro ay magdudulot ng malaganap na pamimighati. Sinabi ni Isaias: “Gaya ng nangyari dahil sa ulat may kinalaman sa Ehipto, ang mga tao rin ay daranas ng matitinding kirot dahil sa ulat tungkol sa Tiro.” (Isaias 23:5) Ang kirot ng mga nagdadalamhati ay maihahambing sa nangyari dahil sa ulat may kinalaman sa Ehipto. Anong ulat ang ibig tukuyin ng propeta? Marahil ay ang katuparan ng kaniyang naunang “kapahayagan laban sa Ehipto.”b (Isaias 19:1-25) O marahil ang nais sabihin ng propeta ay ang ulat ng pagpuksa sa hukbo ni Paraon noong kaarawan ni Moises, na nagdulot ng malaganap na pagkagitla. (Exodo 15:4, 5, 14-16; Josue 2:9-11) Sa anumang kaso, yaong nakabalita tungkol sa pagkawasak ng Tiro ay makararanas ng matitinding kirot. Sila’y inaanyayahang tumakas tungo sa malayong Tarsis para manganlong at pinag-utusang ipagmakaingay ang kanilang kalungkutan: “Tumawid kayo patungong Tarsis; magpalahaw kayo, kayong mga tumatahan sa baybaying lupain.”​—Isaias 23:6.

Nagbubunyi “Mula Noong Kaniyang Unang mga Panahon”

10-12. Ilarawan ang kayamanan, katandaan, at impluwensiya ng Tiro.

10 Ang Tiro ay isang sinaunang lunsod, gaya ng ipinaaalaala sa atin ni Isaias nang siya’y magtanong: “Ito ba ang inyong lunsod na nagbubunyi mula noong mga araw ng sinaunang panahon, mula noong kaniyang unang mga panahon?” (Isaias 23:7a) Ang maunlad na kasaysayan ng Tiro sa paano man ay umaabot noong kaarawan ni Josue. (Josue 19:29) Sa loob ng maraming taon, ang Tiro ay napabantog bilang isang manggagawa ng mga bagay na metal, kagamitang kristal, at tinang purpura. Ang mahahabang damit na kulay-purpura ng Tiro ay napakamahal, at ang mamahaling tela ng Tiro ay minimithi ng mga maharlika. (Ihambing ang Ezekiel 27:7, 24.) Ang Tiro ay sentro rin ng kalakalan para sa pulutong ng mga tao sa katihan at isa ring malaking bodega para sa inaangkat at iniluluwas na mga kalakal.

11 Bukod doon, ang lunsod ay may malakas na hukbo. Si L. Sprague de Camp ay sumulat: “Bagaman hindi mga paladigma​—sila’y mga negosyante, hindi mga sundalo​—ipinagtatanggol ng mga taga-Fenicia ang kanilang mga lunsod taglay ang tibay ng loob at katigasan ng isang panatiko. Ang mga katangiang ito, lakip na ang lakas ng kanilang hukbong-dagat, ang nagpangyaring makatayo ang mga taga-Tiro laban sa hukbo ng Asirya, ang pinakamalakas noong panahong iyon.”

12 Tunay nga, nakilala ang Tiro sa daigdig ng Mediteraneo. “Dinadala siya noon sa malayo ng kaniyang mga paa upang manirahan bilang dayuhan.” (Isaias 23:7b) Ang mga taga-Fenicia ay naglalakbay sa malalayong lugar, nagtatatag ng mga sentro ng kalakalan at mga daungan, na sa ilang pagkakataon ay lumago bilang mga kolonya. Halimbawa, ang Cartago, sa hilagang baybayin ng Aprika, ay isang kolonya ng Tiro. Sa madaling panahon, malalampasan nito ang Tiro at ang karibal na Roma sa pagkakaroon ng impluwensiya sa daigdig ng Mediteraneo.

Ang Kaniyang Pagmamapuri ay Lalapastanganin

13. Bakit ibinangon ang katanungan kung sino ang mangangahas na bumigkas ng kahatulan laban sa Tiro?

13 Sa kabila ng katandaan at kayamanan ng Tiro, ang sumunod na tanong ay angkop: “Sino ang nagbigay ng pasiyang ito laban sa Tiro, ang tagapagputong ng mga korona, na may mga mangangalakal na mga prinsipe, na may mga negosyante na siyang mararangal sa lupa?” (Isaias 23:8) Sino ang mangangahas magsalita laban sa lunsod na nag-atas sa kaniyang mga kolonya at sa ibang dako ng makapangyarihang mga indibiduwal sa posisyon na may malaking awtoridad​—anupat naging “ang tagapagputong ng mga korona”? Sino ang mangangahas magsalita laban sa pangunahing lunsod na ang mga negosyante ay mga prinsipe at ang mga mangangalakal ay mararangal na tao? Sinabi ni Maurice Chehab, dating direktor sa mga relikya ng National Museum ng Beirut, Lebanon: “Mula noong ikasiyam hanggang ikaanim na siglo B.C., napanatili ng Tiro ang mahalagang posisyon na kilala sa London sa pagsisimula ng ikadalawampung siglo.” Kaya sino ang mangangahas na magsalita laban sa lunsod na ito?

14. Sino ang bumigkas ng kahatulan laban sa Tiro, at bakit?

14 Ang kinasihang tugon ay lilikha ng pagkagitla sa Tiro. Sinabi ni Isaias: “Si Jehova ng mga hukbo ang nagbigay ng pasiyang ito, na lapastanganin ang pagmamapuri ng lahat ng kagandahan, na hamakin ang lahat ng mararangal sa lupa.” (Isaias 23:9) Bakit bumigkas si Jehova ng kahatulan laban sa mayaman at sinaunang lunsod na ito? Dahilan ba sa ang mga tumatahan dito ay mga mananamba ng huwad na diyos na si Baal? Dahilan ba sa kaugnayan ng Tiro kay Jezebel​—ang anak na babae ni Haring Ethbaal ng Sidon, gayundin ng Tiro​—na nagpakasal kay Haring Ahab ng Israel at walang-awang nagpapatay sa mga propeta ni Jehova? (1 Hari 16:29, 31; 18:4, 13, 19) Ang sagot sa dalawang tanong na ito ay hindi. Ang Tiro ay hinatulan dahil sa kaniyang mayabang na pagmamapuri​—siya’y nagpayaman sa ikapipinsala ng ibang mga tao, lakip na ang mga Israelita. Noong ikasiyam ng siglo B.C.E., sa pamamagitan ni propeta Joel, sinabi ni Jehova sa Tiro at sa iba pang mga lunsod: “Ang mga anak ng Juda at ang mga anak ng Jerusalem ay ipinagbili ninyo sa mga anak ng mga Griego, sa layuning ilayo sila mula sa kanilang sariling teritoryo.” (Joel 3:6) Maaari bang palampasin ng Diyos ang pakikitungo ng Tiro sa kaniyang tipang bayan na wari bang mga bagay na kinakalakal lamang?

15. Paano tutugon ang Tiro sa pagbagsak ng Jerusalem kay Nabucodonosor?

15 Hindi magbabago ang Tiro kahit lumipas pa ang isang daang taon. Kapag winasak ng hukbo ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya ang Jerusalem sa 607 B.C.E., ang Tiro ay magsasaya: “Aha! Nasira na siya [ang Jerusalem], ang mga pinto ng mga bayan! Ang baling ay tiyak na sa akin. Mapupuno ako​—nawasak na siya.” (Ezekiel 26:2) Magagalak ang Tiro, sa pag-asang siya’y makikinabang mula sa pagkawasak ng Jerusalem. Yamang hindi na niya kakompetensiya ang kabisera ng Juda, aasahan niyang lalo pang lalago ang kaniyang pakikipagkalakalan. Pakikitunguhan ni Jehova nang may paghamak ang mga nagpahayag sa ganang sarili na sila’y “mararangal,” na may pagmamapuring kumakampi sa mga kaaway ng kaniyang bayan.

16, 17. Ano ang mangyayari sa mga tumatahan sa Tiro kapag bumagsak ang lunsod? (Tingnan ang talababa.)

16 Ipinagpatuloy ni Isaias ang paghatol ni Jehova sa Tiro: “Tumawid ka sa iyong lupain na gaya ng Ilog Nilo, O anak na babae ng Tarsis. Wala nang pantalan. Ang kaniyang kamay ay iniunat niya sa ibabaw ng dagat; niligalig niya ang mga kaharian. Si Jehova mismo ay nagbigay ng utos laban sa Fenicia, na gibain ang kaniyang mga moog. At sinasabi niya: ‘Huwag ka nang magbunyi pang muli, O isa na sinisiil, ang anak na dalaga ng Sidon. Bumangon ka, tumawid ka patungong Kitim. Doon man ay hindi ka magkakaroon ng kapahingahan.’”​—Isaias 23:10-12.

17 Bakit tinawag ang Tiro na “anak na babae ng Tarsis”? Marahil ay sapagkat pagkatapos matalo ang Tiro, ang Tarsis ang siyang magiging higit na makapangyarihan sa dalawang ito.c Ang mga tumatahan sa ginibang Tiro ay mangangalat tulad ng isang binabahang ilog na ang mga pampang ay gumuho at ang mga tubig nito ay umaapaw sa lahat ng kalapit na mga kapatagan. Ang mensahe ni Isaias sa “anak na babae ng Tarsis” ay nagdiriin sa tindi ng mangyayari sa Tiro. Si Jehova mismo ang nag-uunat ng kaniyang kamay at nagbibigay ng utos. Hindi mababago ng sinuman ang kahihinatnan nito.

18. Bakit tinawag ang Tiro na “anak na dalaga ng Sidon,” at paano magbabago ang kaniyang kalagayan?

18 Tinutukoy rin ni Isaias ang Tiro bilang “anak na dalaga ng Sidon,” na nagpapakitang siya’y hindi pa nakukubkob at nadarambong ng banyagang mga manlulupig at nagtatamasa pa rin ng kalayaan. (Ihambing ang 2 Hari 19:21; Isaias 47:1; Jeremias 46:11.) Gayunman, ngayon siya’y pupuksain, at gaya ng mga takas, ang ilan sa mga naninirahan sa kaniya ay tatawid patungong Kitim na kolonya ng Fenicia. Gayunpaman, dahil sa pagkawala ng kanilang kapangyarihan sa ekonomiya, sila’y hindi makasusumpong ng kapahingahan doon.

Nanakawan Siya ng mga Caldeo

19, 20. Sino ang inihulang manlulupig ng Tiro, at paano natupad ang hulang iyan?

19 Anong makapulitikang kapangyarihan ang maglalapat ng kahatulan ni Jehova sa Tiro? Si Isaias ay nagpahayag: “Narito! Ang lupain ng mga Caldeo. Ito ang bayan​—hindi ang Asirya​—itinatag nila siya para sa mga namamalagi sa disyerto. Itinayo nila ang kanilang mga toreng pangubkob; inihantad nila ang kaniyang mga tirahang tore; siya ay ginawang isang gumuguhong kagibaan. Magpalahaw kayo, kayong mga barko ng Tarsis, sapagkat ang inyong moog ay sinamsaman.” (Isaias 23:13, 14) Ang mga Caldeo​—hindi ang mga Asiryano​—ang lulupig sa Tiro. Sila’y magtatayo ng kanilang mga toreng pangubkob, papatagin ang mga tirahang-dako ng Tiro, at gagawing isang gumuguhong bunton ang moog na iyon ng mga barko ng Tarsis.

20 Totoo ayon sa hula, hindi nagtagal pagkatapos bumagsak ang Jerusalem, ang Tiro ay naghimagsik laban sa Babilonya, at kinubkob ni Nabucodonosor ang lunsod. Sa paniniwalang siya’y di-magagapi, ang Tiro ay lumaban. Sa panahon ng pagkubkob, “nakalbo” ang mga ulo ng mga sundalo ng Babilonya dahil sa kakukuskos nito sa kanilang mga helmet at “natalupan” ang kanilang mga balikat dahil sa pagpapasan ng mga materyales na ginagamit sa paggawa ng mga istrakturang kinakailangan sa pagkubkob. (Ezekiel 29:18) Ang pagkubkob ay magastos para kay Nabucodonosor. Ang pinakamalaking bahagi ng lupain ng lunsod ng Tiro ay nawasak, subalit ang samsam nito ay nakatalilis sa kaniya. Ang malaking bahagi ng kayamanan ng Tiro ay nailipat sa isang maliit na isla na mga 0.8 kilometro mula sa pampang. Dahil sa wala siyang plota ng mga barko, hindi nasakop ng haring Caldeo ang isla. Paglipas ng 13 taon, sumuko ang Tiro, subalit siya’y makaliligtas at makikita niya ang katuparan ng karagdagan pang mga hula.

“Siya’y Magbabalik sa Kaniyang Upa”

21. Sa anong paraan “malilimutan” ang Tiro, at gaano katagal?

21 Si Isaias ay patuloy na humula: “Mangyayari sa araw na iyon na ang Tiro ay malilimutan nang pitumpung taon, gaya ng mga araw ng isang hari.” (Isaias 23:15a) Pagkatapos wasakin ng mga taga-Babilonya ang pinakamalaking bahagi ng lupain ng lunsod, ang islang-lunsod ng Tiro ay “malilimutan.” Totoo ayon sa hula, sa panahong itinagal ng “isang hari”​—ang Imperyo ng Babilonya​—ang islang-lunsod ng Tiro ay hindi na magiging isang mahalagang kapangyarihan sa pananalapi. Sa pamamagitan ni Jeremias, isinama ni Jehova ang Tiro sa mga bansa na ibubukod upang uminom ng alak ng Kaniyang galit. Sinabi niya: “Ang mga bansang ito ay kailangang maglingkod sa hari ng Babilonya nang pitumpung taon.” (Jeremias 25:8-17, 22, 27) Totoo, ang islang-lunsod ng Tiro ay hindi naman naging sakop ng Babilonya sa buong 70 taon, yamang ang Imperyo ng Babilonya ay bumagsak noong 539 B.C.E. Maliwanag, ang 70 taon ay kumakatawan sa yugto ng pinakadakilang pamamahala ng Babilonya​—nang ipaghambog ng maharlikang dinastiya ng Babilonya na kaniyang naitaas ang trono niya maging sa itaas ng “mga bituin ng Diyos.” (Isaias 14:13) Iba’t ibang mga bansa ang sumailalim ng pamamahalang iyon sa iba’t ibang panahon. Subalit sa pagwawakas ng 70 taon, ang pamamahalang iyon ay guguho. Ano kung gayon ang mangyayari sa Tiro?

22, 23. Ano ang mangyayari sa Tiro kapag nakalabas siya mula sa pamamahala ng Babilonya?

22 Si Isaias ay nagpatuloy: “Sa pagwawakas ng pitumpung taon ay mangyayari sa Tiro ang gaya ng nasa awit ng isang patutot: ‘Kumuha ka ng alpa, lumibot ka sa lunsod, O patutot na nalimutan. Pagbutihin mo ang pagtugtog sa mga de-kuwerdas; paramihin mo ang iyong mga awit, upang ikaw ay maalaala.’ At mangyayari nga na sa pagwawakas ng pitumpung taon ay ibabaling ni Jehova sa Tiro ang kaniyang pansin, at ito ay magbabalik sa kaniyang upa at magpapatutot sa lahat ng mga kaharian sa lupa sa ibabaw ng lupain.”​—Isaias 23:15b-17.

23 Kasunod ng pagbagsak ng Babilonya noong 539 B.C.E., ang Fenicia ay naging isang teritoryo ng Imperyo ng Medo-Persia. Ang monarka ng Persia, si Cirong Dakila, ay mapagparayang tagapamahala. Sa ilalim ng ganitong bagong pamamahala, ipagpapatuloy ng Tiro ang kaniyang dating gawain at pagsisikapang matamong muli ang pagkakilala sa kaniya bilang isang sentro ng pandaigdig na komersiyo​—kung paanong ang isang patutot na nakalimutan at nawalan ng mga kliyente ay nagsisikap na makaakit ng mga bagong kliyente sa pamamagitan ng paglilibot sa lunsod, pagtugtog ng kaniyang alpa at pagkanta ng kaniyang mga awit. Magtagumpay kaya ang Tiro? Oo, ipagkakaloob sa kaniya ni Jehova ang tagumpay. Sa takdang panahon, ang islang-lunsod ay magiging saganang-sagana anupat sa pagtatapos ng ikaanim na siglo B.C.E., ang propetang si Zacarias ay magsasabi: “Ang Tiro ay nagtayo ng muralya para sa kaniyang sarili, at nag-imbak ng pilak na gaya ng alabok at ng ginto na gaya ng lusak sa mga lansangan.”​—Zacarias 9:3.

‘Dapat na Maging Banal ang Kaniyang Pakinabang’

24, 25. (a) Paano magiging isang banal na bagay kay Jehova ang pakinabang ng Tiro? (b) Sa kabila ng pagtulong ng Tiro sa bayan ng Diyos, anong hula ang kinasihan ni Jehova hinggil sa kaniya?

24 Tunay na kamangha-mangha ang sumusunod na makahulang mga salita! “Ang kaniyang pakinabang at ang kaniyang upa ay magiging banal kay Jehova. Hindi iyon iimbakin, ni itatago man, sapagkat ang kaniyang upa ay magiging para roon sa mga nananahanan sa harap ni Jehova, upang makakain hanggang sa mabusog at bilang eleganteng pantakip.” (Isaias 23:18) Paanong ang materyal na pakinabang ng Tiro ay magiging isang bagay na banal? Minamaniobra ni Jehova ang mga bagay-bagay upang gamitin ito ayon sa kaniyang kalooban​—upang makakain hanggang sa mabusog ang kaniyang bayan at bilang kanilang pantakip. Ito’y nangyari pagkatapos na bumalik ang mga Israelita mula sa pagkatapon sa Babilonya. Ang mamamayan ng Tiro ay tumulong sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay ng kahoy na sedro para sa muling pagtatayo ng templo. Sila rin ay muling nakipagkalakalan sa lunsod ng Jerusalem.​—Ezra 3:7; Nehemias 13:16.

25 Sa kabila nito, kinasihan ni Jehova ang karagdagang kapahayagan laban sa Tiro. Si Zacarias ay humula may kinalaman sa ngayo’y mayaman nang islang-lunsod: “Narito! Si Jehova ang magtataboy sa kaniya, at pababagsakin niya sa dagat ang kaniyang hukbong militar; at lalamunin siya ng apoy.” (Zacarias 9:4) Ito’y natupad noong Hulyo 332 B.C.E. nang gibain ni Alejandrong Dakila ang mapagmapuring senyorang iyan ng karagatan.

Iwasan ang Materyalismo at Pagmamapuri

26. Bakit hinatulan ng Diyos ang Tiro?

26 Hinatulan ni Jehova ang Tiro dahil sa kaniyang pagmamapuri, isang ugaling kaniyang kinapopootan. Ang “matayog na mga mata” ay nauuna sa talaan ng pitong bagay na kinapopootan ni Jehova. (Kawikaan 6:16-19) Iniugnay ni Pablo ang pagmamapuri kay Satanas na Diyablo, at ang paglalarawan ni Ezekiel sa mapagmapuring Tiro ay may mga bagay na naglalarawan mismo kay Satanas. (Ezekiel 28:13-15; 1 Timoteo 3:6) Bakit mapagmapuri ang Tiro? Si Ezekiel, sa pagtukoy sa Tiro ay nagsabi: “Ang iyong puso ay nagsimulang magpalalo dahil sa iyong yaman.” (Ezekiel 28:5) Ang lunsod ay nakatalaga sa pakikipagkalakalan at sa pagkakamal ng salapi. Ang tagumpay dito ng Tiro ay nagpangyari sa kaniya na magpalalo nang lubos. Sa pamamagitan ni Ezekiel, sinabi ni Jehova sa “lider ng Tiro”: “Ang iyong puso ay nagpalalo, at palagi mong sinasabi, ‘Ako ay isang diyos. Sa upuan ng diyos ay umupo ako.’”​—Ezekiel 28:2.

27, 28. Sa anong bitag maaaring mahulog ang mga tao, at paano ito inilarawan ni Jesus?

27 Ang mga bansa ay maaaring tubuan ng pagmamapuri at maling pangmalas sa kayamanan​—at gayundin ang mga indibiduwal. Si Jesus ay nagbigay ng isang talinghaga na nagpapakita kung gaano katuso ang silong ito. Binanggit niya ang isang taong mayaman na may lupain na nagbubunga nang mainam. Dahil sa kaniyang tuwa, ang taong ito ay nagplanong magtayo ng mas malalaking imbakan ng kaniyang mga ani at maligayang umaasa sa isang mahabang buhay na maginhawa. Subalit ito’y hindi nangyari. Sinabi sa kaniya ng Diyos: “Ikaw na di-makatuwiran, sa gabing ito ay hihingin nila sa iyo ang iyong kaluluwa. Sino, kung gayon, ang magmamay-ari ng mga bagay na inimbak mo?” Oo, ang tao ay namatay, at ang kaniyang kayamanan ay walang naidulot sa kaniyang kapakinabangan.​—Lucas 12:16-20.

28 Winakasan ni Jesus ang talinghaga sa pagsasabing: “Gayon ang nangyayari sa tao na nag-iimbak ng kayamanan para sa kaniyang sarili ngunit hindi mayaman sa Diyos.” (Lucas 12:21) Ang pagiging mayaman ay hindi naman masama sa ganang sarili, at ang pagkakaroon ng mabuting ani ay hindi kasalanan. Ang pagkakamali ng tao ay nasa paggawa niya sa mga bagay na ito na pangunahin sa kaniyang buhay. Ang kaniyang buong pagtitiwala ay nasa kaniyang kayamanan. Sa pagtingin sa hinaharap, hindi niya isinaalang-alang ang Diyos na Jehova.

29, 30. Paano nagbabala si Santiago laban sa pagkaumaasa sa sarili?

29 Matinding idiniin ni Santiago ang gayunding punto. Sinabi niya: “Halikayo ngayon, kayo na nagsasabi: ‘Ngayon o bukas ay maglalakbay kami patungo sa lunsod na ito at gugugol ng isang taon doon, at kami ay makikipagkalakalan at magtutubo,’ samantalang hindi ninyo nalalaman kung ano ang magiging buhay ninyo bukas. Sapagkat kayo ay isang singaw na lumilitaw nang kaunting panahon at pagkatapos ay naglalaho. Sa halip, ang dapat ninyong sabihin: ‘Kung loloobin ni Jehova, mabubuhay kami at gagawin din ito o iyon.’” (Santiago 4:13-15) Pagkatapos ay ipinakita ni Santiago ang kaugnayan ng kayamanan at ng pagmamapuri nang siya’y magpatuloy sa pagsasabing: “Ipinagmamapuri ninyo ang inyong pangahas na mga pagyayabang. Ang lahat ng gayong pagmamapuri ay balakyot.”​—Santiago 4:16.

30 Muli, ang pagnenegosyo ay hindi kasalanan. Ang kasalanan ay ang pagmamapuri, ang kapalaluan, ang pagtitiwala sa sarili na siyang maaaring ibunga ng pagtatamo ng kayamanan. May katalinuhan, ang sinaunang kawikaan ay nagsabi: “Huwag mo akong bigyan ng karalitaan ni ng kayamanan man.” Maaaring maging mapait ang buhay dahil sa karalitaan. Subalit maaaring akayin ng kayamanan ang isang tao upang ‘ikaila ang Diyos at sabihin: “Sino si Jehova?”’​—Kawikaan 30:8, 9.

31. Anong mga katanungan ang makabubuting itanong ng isang Kristiyano sa kaniyang sarili?

31 Tayo ay nabubuhay sa isang daigdig kung saan marami ang nagiging biktima ng kasakiman at pagkamakasarili. Dahil sa umiiral na kalagayan sa komersiyo, malaking pagdiriin ang inilalagay sa kayamanan. Kaya, dapat suriin ng isang Kristiyano ang kaniyang sarili upang matiyak na hindi siya nahuhulog sa gayunding bitag na sumilo sa komersiyal na lunsod ng Tiro. Ginugugol ba niya ang napakalaking bahagi ng kaniyang panahon at lakas sa pagtataguyod ng materyal anupat siya, sa katunayan, ay alipin na ng kayamanan? (Mateo 6:24) Siya ba’y nananaghili sa ilan na may higit o mas mabubuting tinataglay kaysa sa kaniya? (Galacia 5:26) Kung siya’y nagkataong mayaman, may pagmamapuri ba niyang nadarama na siya’y karapat-dapat sa higit na pansin o mga pribilehiyo kaysa sa iba? (Ihambing ang Santiago 2:1-9.) Kung hindi naman siya mayaman, siya ba’y “determinadong maging mayaman,” anuman ang kahinatnan? (1 Timoteo 6:9) Siya ba’y masyadong okupado sa negosyo anupat maliit na bahagi na lamang ng kaniyang buhay ang nakalaan sa paglilingkod sa Diyos? (2 Timoteo 2:4) Siya ba’y lubhang abala sa pagkakamal ng kayamanan anupat ipinagwawalang-bahala na niya ang mga simulaing Kristiyano sa kaniyang pagnenegosyo?​—1 Timoteo 6:10.

32. Anong babala ang ibinigay ni Juan, at paano natin maikakapit ito?

32 Anuman ang ating kalagayan sa kabuhayan, ang Kaharian ang dapat na laging magkaroon ng pangunahing dako sa ating buhay. Mahalaga na huwag mawala sa ating isipan ang mga salita ni apostol Juan: “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay man na nasa sanlibutan. Kung ang sinuman ay umiibig sa sanlibutan, ang pag-ibig sa Ama ay wala sa kaniya.” (1 Juan 2:15) Totoo, kailangan nating gamitin ang mga kaayusang pang-ekonomiya ng sanlibutan upang mabuhay. (2 Tesalonica 3:10) Kaya naman, ‘ginagamit [natin] ang sanlibutan’​—subalit hindi natin ito ginagamit “nang lubusan.” (1 Corinto 7:31) Kung mayroon tayong labis na pag-ibig sa materyal na mga bagay​—ang mga bagay na nasa sanlibutan​—hindi na natin iniibig si Jehova. Ang paghabol sa ‘pagnanasa ng laman at sa pagnanasa ng mga mata at sa pagpaparangya ng kabuhayan ng isa’ ay hindi kaayon ng paggawa ng kalooban ng Diyos.d At ang paggawa ng kalooban ng Diyos ang siyang umaakay tungo sa buhay na walang hanggan.​—1 Juan 2:16, 17.

33. Paano maiiwasan ng mga Kristiyano ang bitag na sumilo sa Tiro?

33 Ang bitag ng pagtataguyod sa materyal na bagay na una sa lahat ang sumilo sa Tiro. Siya’y naging matagumpay sa materyal na diwa, naging masyadong mapagmataas, at pinarusahan dahil sa kaniyang pagmamapuri. Ang kaniyang halimbawa ay nagsisilbing isang babala sa mga bansa at mga indibiduwal sa ngayon. Gaano kabuti nga na sundin ang payo ni apostol Pablo! Hinihimok niya ang mga Kristiyano na “huwag maging mataas ang pag-iisip, at na ilagak ang kanilang pag-asa, hindi sa walang-katiyakang kayamanan, kundi sa Diyos, na saganang naglalaan sa atin ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan.”​—1 Timoteo 6:17.

[Mga talababa]

a Iniuugnay ng ilang iskolar ang Tarsis sa Sardinia, isang isla sa kanlurang Mediteraneo. Ang Sardinia ay malayo rin sa Tiro.

b Tingnan ang Kabanata 15, pahina 200-207, ng aklat na ito.

c Sa kabilang panig, ang “anak na babae ng Tarsis” ay maaaring tumukoy sa mga tumatahan sa Tarsis. Ang isang akdang reperensiya ay nagsasabi: “Ang mga katutubo ng Tarsis ay malaya na ngayong maglakbay at makipagkalakalan na kasinlaya ng Nilo kapag ito’y umaagos sa lahat ng direksiyon.” Datapuwat, ang pagdiriin ay nasa matitinding resulta ng pagbagsak ng Tiro.

d Ang “pagpaparangya” ay isang salin ng Griegong salitang a·la·zo·niʹa, na inilarawan bilang “isang sapantaha na hindi makadiyos at walang saysay na pagtitiwala sa katatagan ng makalupang mga bagay.”​—The New Thayer’s Greek-English Lexicon.

[Mapa sa pahina 256]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

EUROPA

ESPANYA (Posibleng kinaroroonan ng TARSIS)

DAGAT MEDITERANEO

SARDINIA

CIPRUS

ASIA

SIDON

TIRO

APRIKA

EHIPTO

[Larawan sa pahina 250]

Ang Tiro ay sasailalim ng Babilonya, hindi ng Asirya

[Larawan sa pahina 256]

Barya na naglalarawan kay Melkart, ang pangunahing diyos ng Tiro

[Larawan sa pahina 256]

Modelo ng isang barko ng Fenicia

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share