Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • ip-1 kab. 27 p. 356-368
  • Ibinubuhos ni Jehova ang Galit sa mga Bansa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ibinubuhos ni Jehova ang Galit sa mga Bansa
  • Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Magbigay-Pansin, Kayong mga Bansa
  • Isang Araw ng Kagantihan
  • Ang Nakapanlulumong Kinabukasan ng Sangkakristiyanuhan
  • Tiyak na Katuparan ng Salita ni Jehova
  • Aklat ng Bibliya Bilang 31—Obadias
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Edom
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Nilalaman ng Obadias
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
  • Nilalaman ng Obadias
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
Iba Pa
Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I
ip-1 kab. 27 p. 356-368

Ikadalawampu’t Pitong Kabanata

Ibinubuhos ni Jehova ang Galit sa mga Bansa

Isaias 34:1-17

1, 2. (a) Kung tungkol sa paghihiganti ni Jehova, sa ano tayo makatitiyak? (b) Ano ang naisagawa ng Diyos sa pagsasakatuparan ng paghihiganti?

ANG Diyos na Jehova ay matiisin hindi lamang sa kaniyang tapat na mga lingkod kundi, kapag ito’y ayon sa kaniyang layunin, siya’y matiisin din naman sa kaniyang mga kaaway. (1 Pedro 3:19, 20; 2 Pedro 3:15) Maaaring hindi mapahalagahan ng mga kaaway ni Jehova ang kaniyang pagkamatiisin at maaaring malasin nila ito bilang isang kawalan ng kakayahan o kawalan ng pagnanais na kumilos. Gayunman, gaya ng ipinakikita ng ika-34 na kabanata ng Isaias, sa dakong huli ay laging pinagsusulit ni Jehova ang kaniyang mga kaaway. (Zefanias 3:8) Pansamantala, pinahintulutan ng Diyos ang Edom at ang iba pang mga bansa na salansangin ang kaniyang bayan nang walang hadlang. Subalit si Jehova ay may sariling takdang panahon para sa kagantihan. (Deuteronomio 32:35) Kahawig nito, sa kaniyang itinakdang panahon, ipahahayag ni Jehova ang kaniyang paghihiganti sa lahat ng bahagi ng kasalukuyang balakyot na sanlibutan na lumalaban sa kaniyang soberanya.

2 Ang pangunahing layunin ng pagsasakatuparan ng paghihiganti ng Diyos ay upang itanghal ang kaniyang soberanya at luwalhatiin ang kaniyang pangalan. (Awit 83:13-18) Ang kaniyang pagganti ay nagbabangong-puri rin sa kaniyang mga lingkod bilang tunay na mga kinatawan niya at nagliligtas sa kanila mula sa di-kanais-nais na mga kalagayan. Bukod dito, ang paghihiganti ni Jehova ay laging kasuwato ng kaniyang katarungan.​—Awit 58:10, 11.

Magbigay-Pansin, Kayong mga Bansa

3. Anong paanyaya ang ipinaaabot ni Jehova sa mga bansa sa pamamagitan ni Isaias?

3 Bago itinuon ang pansin sa pagganti laban sa Edom, ipinaaabot ni Jehova sa pamamagitan ni Isaias ang isang taimtim na paanyaya sa lahat ng mga bansa: “Lumapit kayong mga bansa upang makinig; at kayong mga liping pambansa ay magbigay-pansin. Makinig ang lupa at ang lahat ng naririto, ang mabungang lupain at lahat ng bunga nito.” (Isaias 34:1) Ang propeta ay paulit-ulit na nagsalita laban sa mga bansang hindi makadiyos. Ngayon ay malapit na niyang ipahayag ang sumaryo ng pagtuligsa ng Diyos laban sa kanila. Ang mga babala bang ito ay may anumang kahulugan para sa ating kaarawan?

4. (a) Ano ang ipinagagawa sa mga bansa, gaya ng nakaulat sa Isaias kabanata 34:1? (b) Ang paghatol ba ni Jehova sa mga bansa ay nagpapakitang siya’y isang malupit na Diyos? (Tingnan ang kahon sa pahina 363.)

4 Oo. Ang Soberano ng sansinukob ay may pakikipagtunggali sa lahat ng bahagi ng napakasamang sistemang ito ng mga bagay. Iyan ang dahilan kung bakit ang “mga liping pambansa” at “ang lupa” ay inaanyayahang makinig sa salig-sa-Bibliyang mensahe na pinangyari ni Jehova na maipahayag sa buong daigdig. Sa mga salitang nagpapaalaala sa Awit 24:1, sinasabi ni Isaias na ang buong lupa ay makaririnig sa mensaheng ito​—isang hula na nangyari sa ating panahon, nang ang mga Saksi ni Jehova ay mangaral “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Gayunman, ang mga bansa ay hindi nakinig. Hindi nila dinibdib ang babala hinggil sa kanilang nalalapit na pagpanaw. Sabihin pa, ito ay hindi hahadlang kay Jehova sa pagtupad sa kaniyang salita.

5, 6. (a) Sa ano pagsusulitin ng Diyos ang mga bansa? (b) Paanong totoo na ang “mga bundok ay matutunaw dahil sa kanilang dugo”?

5 Inilalarawan ngayon ng hula ang madilim na tanawin para sa mga bansang hindi makadiyos​—isang ganap na kabaligtaran ng maliwanag na pag-asa ng bayan ng Diyos na inilarawan sa dakong huli. (Isaias 35:1-10) Ang propeta ay nagpapahayag: “Si Jehova ay may galit laban sa lahat ng mga bansa, at pagngangalit laban sa kanilang buong hukbo. Itatalaga niya sila sa pagkapuksa; ibibigay niya sila sa patayan. At ang mga napatay sa kanila ay itatapon; at kung tungkol sa kanilang mga bangkay, ang kanilang baho ay paiilanlang; at ang mga bundok ay matutunaw dahil sa kanilang dugo.”​—Isaias 34:2, 3.

6 Ang pansin ay inakay sa pagkakasala ng mga bansa sa dugo. Sa ngayon ang mga bansa ng Sangkakristiyanuhan ang may pinakamalaking pagkakasala sa dugo sa kanilang lahat. Sa dalawang digmaang pandaigdig at sa maraming maliliit na paglalaban, kanilang pinadanak ang dugo ng tao sa lupa. Sino ang makatuwirang humingi ng katarungan para sa lahat ng pagkakasalang ito sa dugo? Walang iba kundi ang Maylalang, ang dakilang Tagapagbigay-Buhay. (Awit 36:9) Ang kautusan ni Jehova ay nagtakda ng pamantayan: “Magbabayad ka nga ng kaluluwa para sa kaluluwa.” (Exodo 21:23-25; Genesis 9:4-6) Batay sa kautusang ito, pangyayarihin niyang umagos ang dugo ng mga bansa​—hanggang sa sila’y mamatay. Ang baho ng kanilang di-nailibing na mga bangkay ay aalingasaw​—tunay na isa ngang kahiya-hiyang kamatayan! (Jeremias 25:33) Ang dugong hinihiling bilang kabayaran ay magiging sapat upang tunawin, o lusawin, wika nga, ang mga bundok. (Zefanias 1:17) Sa ganap na pagkapuksa ng kanilang puwersang militar, makikita ng makasanlibutang mga bansa ang pagbagsak ng kanilang mga pamahalaan, na ayon sa hula ng Bibliya ay inilalarawan kung minsan ng mga bundok.​—Daniel 2:35, 44, 45; Apocalipsis 17:9.

7. Ano “ang langit,” at ano ang “hukbo ng langit”?

7 Muli sa pamamagitan ng paggamit ng matingkad na paglalarawan, si Isaias ay patuloy na nagsasabi: “Ang lahat ng nasa hukbo ng langit ay mabubulok. At ang langit ay ilululon, na parang balumbon ng aklat; at ang kanilang hukbo ay mangunguluntoy na lahat, kung paanong ang mga dahon ay nangunguluntoy at nalalagas sa punong ubas at gaya ng igos na nanguluntoy at nalagas sa puno ng igos.” (Isaias 34:4) Ang pananalitang “lahat ng nasa hukbo ng langit” ay hindi nangangahulugan ng literal na mga bituin at mga planeta. Ang mga Isa 34 talatang 5 at 6 ay bumabanggit sa tabak na pamuksa na matitigmak sa dugo ng mga nasa “langit” na yaon. Kaya, ito ay magsisilbing isang sagisag ng isang bagay na nasa sakop ng tao. (1 Corinto 15:50) Dahil sa kanilang pagiging matayog bilang nakatataas na mga awtoridad, ang mga pamahalaan ng sangkatauhan ay inihalintulad sa langit na namamahala sa makalupang lipunan ng tao. (Roma 13:1-4) Kaya “ang hukbo ng langit” ay kumakatawan sa pinagsama-samang mga hukbo ng mga pamahalaang ito ng sangkatauhan.

8. Paanong ang makasagisag na langit ay napatunayang “parang balumbon ng aklat,” at ano ang mangyayari sa kanilang ‘mga hukbo’?

8 Ang ‘hukbong’ ito ay “mabubulok,” aamagin, gaya ng isang bagay na nasisira. (Awit 102:26; Isaias 51:6) Para sa mismong mata, ang literal na langit sa ibabaw natin ay waring nakabalantok, gaya ng sinaunang balumbon ng aklat, na ang sulat ay pangkaraniwang nasa loob na bahagi. Kapag ang materyal na nakasulat sa loob na bahagi ng balumbon ay nabasa na, ang natapos na balumbon ay nilululon at itinatabi. Sa kahawig na paraan, “ang langit ay ilululon, na parang balumbon ng aklat,” sa gayo’y dapat na sumapit sa kanilang katapusan ang mga pamahalaan ng tao. Sa pag-abot sa katapusang pahina ng kanilang kasaysayan, sila’y dapat na wakasan sa Armagedon. Ang kanilang kahanga-hangang ‘mga hukbo’ ay babagsak kung paanong ang tuyong mga dahon ay nalalagas sa puno ng ubas o ang “igos na nanguluntoy” ay nalalagas sa puno ng igos. Lilipas ang kanilang panahon.​—Ihambing ang Apocalipsis 6:12-14.

Isang Araw ng Kagantihan

9. (a) Ano ang pinagmulan ng Edom, at ano ang relasyong nabuo sa pagitan ng Israel at Edom? (b) Ano ang kahatulan ni Jehova hinggil sa Edom?

9 Ngayo’y ibinubukod ng hula ang isang bansa na umiiral noong kaarawan ni Isaias​—ang Edom. Ang mga Edomita ay mga inapo ni Esau (Edom), na nagbili ng kaniyang karapatan sa pagkapanganay sa kaniyang kakambal, si Jacob, kapalit ng tinapay at nilagang lentehas. (Genesis 25:24-34) Dahil sa pinalitan siya ni Jacob sa karapatan ng pagkapanganay, si Esau ay napuno ng pagkapoot sa kaniyang kapatid. Nang maglaon ang bansa ng Edom at ang bansa ng Israel ay naging magkaaway, bagaman sila’y nagmula sa kambal na magkapatid. Dahil sa pagkapoot na ito laban sa bayan ng Diyos, napukaw ng Edom ang galit ni Jehova, na ngayon ay nagsasabi: “Sa langit ay tiyak na matitigmak ang aking tabak. Narito! Sa Edom iyon bababa, at sa bayan na itinalaga ko sa pagkapuksa ayon sa katarungan. Si Jehova ay may tabak; mapupuno iyon ng dugo; iyon ay gagawing malangis sa taba, sa dugo ng mga batang barakong tupa at mga kambing na lalaki, sa taba ng mga bato ng mga barakong tupa. Sapagkat si Jehova ay may hain sa Bozra, at isang lansakang patayan sa lupain ng Edom.”​—Isaias 34:5, 6.

10. (a) Sino ang ibababa ni Jehova kapag ginamit niya ang kaniyang tabak “sa langit”? (b) Anong saloobin ang ipinamalas ng Edom nang salakayin ng Babilonya ang Juda?

10 Ang Edom ay nasa mataas at bulubunduking lugar. (Jeremias 49:16; Obadias 8, 9, 19, 21) Gayunpaman, maging ang likas na mga moog na ito ay hindi makatutulong kapag ginamit na ni Jehova ang kaniyang tabak ng paghatol “sa langit,” na ibinababa ang mga tagapamahala ng Edom mula sa kanilang mataas na kalagayan. Ang Edom ay may malakas na hukbo, at ang kaniyang hukbong sandatahan ay nagmamartsa sa matataas na bundok upang pangalagaan ang bansa. Subalit ang makapangyarihang Edom ay hindi tumulong nang salakayin ang Juda ng mga hukbo ng Babilonya. Sa halip, lubhang ikinagalak ng Edom na makita ang pagbagsak ng kaharian ng Juda at hinimok ang mga manlulupig na magpatuloy. (Awit 137:7) Hinabol pa man din ng Edom ang tumatakas na mga Judio na gustong makaligtas at ibinigay ang mga ito sa mga taga-Babilonya. (Obadias 11-14) Ang mga Edomita ay nagplanong kunin ang lupaing iniwan ng mga Israelita, at sila’y may paghahambog na nagsalita laban kay Jehova.​—Ezekiel 35:10-15.

11. Paano pagbabayarin ni Jehova ang mga Edomita dahil sa kanilang taksil na paggawi?

11 Hindi ba pinansin ni Jehova ang di-mabuting paggawi sa bahagi ng mga Edomita? Hindi. Sa halip, kaniyang inihula ang hinggil sa Edom: “Ang mga torong gubat ay bababang kasama nila, at ang mga guyang toro kasama ng mga makapangyarihan; at ang kanilang lupain ay matitigmak sa dugo, at ang kanila mismong alabok ay gagawing malangis sa taba.” (Isaias 34:7) Tinutukoy ni Jehova ang mga dakila at ang mga nakabababa sa bansa bilang makasagisag na mga torong gubat at mga guyang toro, bilang mga batang barakong tupa at mga kambing na lalaki. Ang lupain ng bansang ito na may pagkakasala sa dugo ay dapat matigmak sa sariling dugo ng bayan sa pamamagitan ng pumapatay na “tabak” ni Jehova.

12. (a) Sino ang gagamitin ni Jehova upang parusahan ang Edom? (b) Ano ang inihula ni propeta Obadias hinggil sa Edom?

12 Nilayon ng Diyos na parusahan ang Edom dahil sa kanilang masamang ginawa sa Kaniyang makalupang organisasyon, na tinatawag na Sion. Sinasabi ng hula: “Si Jehova ay may araw ng paghihiganti, isang taon ng mga kagantihan para sa usapin sa batas tungkol sa Sion.” (Isaias 34:8) Hindi nagtagal pagkatapos mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E., pinasimulang ipahayag ni Jehova ang kaniyang matuwid na paghihiganti sa mga Edomita sa pamamagitan ng hari ng Babilonya, si Nabucodonosor. (Jeremias 25:15-17, 21) Kapag ang mga hukbo ng Babilonya ay kumilos laban sa Edom, walang makapagliligtas sa mga Edomita! Ito ay “isang taon ng mga kagantihan” sa bulubunduking lupaing iyon. Inihula ni Jehova sa pamamagitan ni propeta Obadias: “Dahil sa karahasang ginawa sa kapatid mong si Jacob, kahihiyan ang tatakip sa iyo, at lilipulin ka hanggang sa panahong walang takda. . . . Kung paano mo ginawa, gayon ang gagawin sa iyo. Ang uri ng iyong pakikitungo ay babalik sa iyong sariling ulo.”​—Obadias 10, 15; Ezekiel 25:12-14.

Ang Nakapanlulumong Kinabukasan ng Sangkakristiyanuhan

13. Sino sa ngayon ang gaya ng Edom, at bakit?

13 Sa makabagong panahon, may isang umiiral na organisasyon na ang rekord ay kagaya ng Edom. Anong organisasyon? Buweno, sino sa makabagong panahon ang nanguna sa panlalait at pag-uusig sa mga lingkod ni Jehova? Hindi ba’t ang Sangkakristiyanuhan, sa pamamagitan ng uring klero nito? Oo! Itinaas ng Sangkakristiyanuhan ang kaniyang sarili sa tulad-bundok na kataasan sa mga gawain ng sanlibutang ito. Kaniyang inaangkin ang isang mataas na posisyon sa sistema ng mga bagay ng sangkatauhan, at ang kaniyang mga relihiyon ang bumubuo ng pangunahing bahagi ng Babilonyang Dakila. Subalit iniutos ni Jehova ang “isang taon ng mga kagantihan” laban sa makabagong-panahong Edom na ito dahil sa kaniyang marahas na tiwaling asal sa Kaniyang bayan, ang Kaniyang mga Saksi.

14, 15. (a) Ano ang mangyayari kapuwa sa lupain ng Edom at sa Sangkakristiyanuhan? (b) Ano ang kahulugan ng pagtukoy sa nagniningas na alkitran at pananatili ng usok sa panahong walang takda, at ano ang hindi kahulugan nito?

14 Kaya, habang ating isinasaalang-alang ang iba pang bahagi ng hulang ito ni Isaias, nasa isip natin hindi lamang ang sinaunang Edom kundi ang Sangkakristiyanuhan din: “Ang kaniyang mga ilog ay magiging alkitran, at ang kaniyang alabok ay magiging asupre; at ang kaniyang lupain ay magiging gaya ng nagniningas na alkitran. Sa gabi o sa araw ay hindi ito mamamatay; hanggang sa panahong walang takda ay patuloy na paiilanlang ang usok nito.” (Isaias 34:9, 10a) Ang lupain ng Edom ay naging tigang na tigang anupat ang alabok ay parang asupre at ang libis ng mga ilog ay punô, hindi ng tubig, kundi ng alkitran. Pagkatapos ang madaling magningas na mga sangkap na ito ay sinindihan!​—Ihambing ang Apocalipsis 17:16.

15 Ang pagbanggit ng apoy, alkitran, at asupre ay minamalas ng iba bilang patotoo sa pag-iral ng isang nagniningas na impiyerno. Subalit ang Edom ay hindi ibinulid sa isang malaalamat na apoy ng impiyerno upang masunog magpakailanman. Sa halip, ito ay pinuksa, anupat nawala sa eksena ng daigdig na para bang lubusang nilamon ng apoy at asupre. Gaya ng patuloy na ipinakikita ng hula, ang pangwakas na resulta ay, hindi ang walang-hanggang pagpapahirap, kundi ang “kawalang-laman . . . pagkatiwangwang . . . walang kabuluhan.” (Isaias 34:11, 12) Ang usok na ‘pumapailanlang hanggang sa panahong walang takda’ ay maliwanag na nagpapakita nito. Kapag nasunog ang isang bahay, ang usok ay patuloy na lumalabas mula sa mga abo sa loob ng ilang panahon matapos mamatay ang apoy, na nagbibigay sa mga nagmamasid ng katunayan na nagkaroon ng malaking sunog. Yamang ang mga Kristiyano ngayon ay natututo ng mga leksiyon mula sa pagkawasak ng Edom, ang usok ng pagkasunog ng Edom ay patuloy pa rin, wika nga, na pumapailanlang.

16, 17. Ano ang mangyayari sa Edom, at gaano katagal magpapatuloy ito sa gayong kalagayan?

16 Nagpapatuloy ang hula ni Isaias na patiunang nagsasabi sa atin na ang populasyon ng mga tao sa Edom ay mapapalitan ng mababangis na hayop, na nagpapahiwatig sa dumarating na pagkatiwangwang: “Sa sali’t salinlahi ay magiging tigang siya; walang sinumang daraan sa kaniya magpakailan kailanman. At aariin siya ng pelikano at ng porcupino, at mga kuwagong may mahahabang tainga at mga uwak ang tatahan sa kaniya; at iuunat niya sa kaniya ang pising panukat ng kawalang-laman at ang mga bato ng pagkatiwangwang. Ang kaniyang mga taong mahal​—walang sinuman doon ang tatawagin nila sa pagkahari, at ang kaniya mismong mga prinsipe ay magiging walang kabuluhang lahat. Sa kaniyang mga tirahang tore ay tutubo ang mga tinik, mga kulitis at matitinik na panirang-damo sa kaniyang mga nakukutaang dako; at siya ay magiging dakong tinatahanan ng mga chakal, ang looban ng mga avestruz. At ang mga namamalagi sa mga pook na walang tubig ay makakasalubong ng mga hayop na nagpapalahaw, at maging ang hugis-kambing na demonyo ay tatawag sa kasama nito. Oo, doon nga magpapahingalay ang kandarapa at makasusumpong ng kaniyang pahingahang-dako. Ang ahas-palaso ay doon namumugad at nangingitlog.”​—Isaias 34:10b-15.a

17 Oo, ang Edom ay magiging isang lupaing walang laman. Ito’y magiging isang tiwangwang na lupain na ang naroroon lamang ay mababangis na hayop, mga ibon, at mga ahas. Ang tigang na kalagayan ng lupain ay magpapatuloy, gaya ng sinasabi ng Isa 34 talatang 10, “magpakailan kailanman.” Hindi magkakaroon ng pagsasauli.​—Obadias 18.

Tiyak na Katuparan ng Salita ni Jehova

18, 19. Ano ang “aklat ni Jehova,” at ano ang nakalaan para sa Sangkakristiyanuhan sa “aklat” na ito?

18 Ano ngang kawalang pag-asa sa hinaharap ang inilalarawan nito para sa makabagong-panahong katumbas ng Edom, ang Sangkakristiyanuhan! Pinatunayan niya ang kaniyang sarili bilang pusakal na kaaway ng Diyos na Jehova, na may kalupitan niyang pinag-uusig ang mga Saksi. At walang alinlangan na tutuparin ni Jehova ang kaniyang salita. Kapag pinaghahambing ninuman ang hula sa katuparan nito, ang dalawa ay masusumpungang magkatugma​—kung paanong ang mga nilalang na nanirahan sa tiwangwang na Edom ay ‘nagkaroon ng kani-kanilang kapareha.’ Kinakausap ni Isaias ang panghinaharap na mga estudyante sa hula ng Bibliya, sa pagsasabing: “Saliksikin ninyo sa aklat ni Jehova at basahin nang malakas: walang isa man sa kanila ang nawawala; hindi nga nawawalan ang bawat isa sa kanila ng kaniyang kapareha, sapagkat ang bibig nga ni Jehova ang nagbigay ng utos, at ang kaniyang espiritu ang nagtipon sa kanila. At Siya ang nagpalabunutan para sa kanila, at ang kaniyang sariling kamay ang naghati-hati sa kanila ng dakong iyon ayon sa pising panukat. Hanggang sa panahong walang takda ay aariin nila iyon; sa sali’t salinlahi ay tatahan sila roon.”​—Isaias 34:16, 17.

19 Ang nalalapit na pagkawasak ng Sangkakristiyanuhan ay inihula na sa “aklat ni Jehova.” Ang “aklat [na ito] ni Jehova” ay detalyadong nag-uulat na makikipagtuos si Jehova sa kaniyang matitigas na kaaway na walang pagsisising nang-aapi sa kaniyang bayan. Kung ano ang nasulat hinggil sa sinaunang Edom ay nagkatotoo, at ito’y nagpapatibay sa ating pagtitiwala na ang hulang kumakapit sa Sangkakristiyanuhan, ang makabagong-panahong kaparis ng Edom, ay magkakatotoo rin. Ang “pising panukat,” ang tuntunin ng pagkilos ni Jehova, ay gumagarantiya na ang naghihingalo sa espirituwal na organisasyong ito ay magiging tiwangwang na kaparangan.

20. Kagaya ng sinaunang Edom, ano ang mararanasan ng Sangkakristiyanuhan?

20 Ginagawa ng Sangkakristiyanuhan ang lahat ng kaniyang makakaya upang payapain ang kaniyang pulitikal na mga kaibigan, subalit sa walang kabuluhan! Ayon sa Apocalipsis kabanata 17 at 18, ilalagay ni Jehova, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, sa kanilang puso ang pagkilos laban sa buong Babilonyang Dakila, lakip na ang Sangkakristiyanuhan. Aalisin nito sa buong lupa ang huwad na Kristiyanismo. Ang situwasyon ng Sangkakristiyanuhan ay magiging gaya ng nakapanlulumong kalagayang inilarawan sa Isaias kabanata 34. Ni hindi man siya makaaabot sa pinakasukdulang “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat”! (Apocalipsis 16:14) Kagaya ng sinaunang Edom, ang Sangkakristiyanuhan ay lubusang papalisin sa ibabaw ng lupa, “magpakailan kailanman.”

[Talababa]

a Noong panahon ni Malakias, ang hulang ito ay natupad. (Malakias 1:3) Iniulat ni Malakias na umasa ang mga Edomita na muling matatamo ang kanilang tiwangwang na lupain. (Malakias 1:4) Gayunman, hindi ito ang kalooban ni Jehova, at nang maglaon ibang bayan, ang mga Nabataneo, ang nagmay-ari sa lupain ng Edom.

[Kahon sa pahina 363]

Isang Nagagalit na Diyos?

Ang mga pananalitang kagaya niyaong nasa Isaias 34:2-7 ay nagtutulak sa marami na mag-isip na si Jehova, tulad ng paglalarawan sa Kasulatang Hebreo, ay isang malupit at magagaliting Diyos. Gayon nga ba?

Hindi. Bagaman kung minsan ang Diyos ay nagpapahayag ng kaniyang galit, ang gayong galit ay laging makatuwiran. Iyo’y laging salig sa simulain, hindi sa di-mapigilang damdamin. Bukod dito, iyo’y laging nauudyukan ng karapatan ng Maylalang na tumanggap ng bukod-tanging debosyon at ng kaniyang katatagan sa pagtataguyod ng katotohanan. Ang galit ng Diyos ay inuugitan kapuwa ng pag-ibig ng Diyos sa katuwiran at ng pag-ibig niya sa mga nagsasagawa ng katuwiran. Nakikita ni Jehova ang lahat ng isyung nasasangkot sa isang bagay at mayroon siyang ganap at malawak na kaalaman sa isang situwasyon. (Hebreo 4:13) Kaniyang nababasa ang puso; nababatid niya ang antas ng kawalang-alam, kapabayaan, o kinusang pagkakasala; at siya’y kumikilos nang walang pagtatangi.​—Deuteronomio 10:17, 18; 1 Samuel 16:7; Gawa 10:34, 35.

Gayunpaman, ang Diyos na Jehova ay “mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan.” (Exodo 34:6) Yaong mga natatakot sa kaniya at nagsisikap gumawa ng katuwiran ay kaaawaan, sapagkat kinikilala ng Makapangyarihan-sa-lahat ang minanang di-kasakdalan ng tao at dahil dito ay nagpapakita ng awa sa kaniya. Sa ngayon ginagawa ito ng Diyos salig sa hain ni Jesus. (Awit 103:13, 14) Sa wastong panahon, aalisin ang galit ni Jehova sa mga kumikilala sa kanilang kasalanan, nagsisisi, at tunay na naglilingkod sa kaniya. (Isaias 12:1) Pangunahin na, si Jehova ay hindi magagaliting Diyos kundi isang maligayang Diyos, hindi mahirap lapitan kundi malugod na tumatanggap, mapayapa, at banayad sa mga lumalapit sa kaniya sa wastong paraan. (1 Timoteo 1:11) Ito’y maliwanag na kabaligtaran ng walang-awa, malulupit na katangiang iniuukol sa huwad na mga diyos ng mga pagano at nakikita sa mga imahen ng mga diyos na yaon.

[Mapa sa pahina 362]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Malaking Dagat

Damasco

Sidon

Tiro

ISRAEL

Dan

Dagat ng Galilea

Ilog Jordan

Megido

Ramot-gilead

Samaria

Jerusalem

FILISTIA

JUDA

Jerusalem

Libna

Lakish

Beer-sheba

Kades-barnea

Dagat Asin

AMMON

Raba

MOAB

Kir-hareset

EDOM

Bozra

Teman

[Mga larawan sa pahina 359]

Pinadanak ng Sangkakristiyanuhan ang dugo sa lupa

[Larawan sa pahina 360]

“Ang langit ay ilululon, na parang balumbon ng aklat”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share