ARALIN 10
Kung Paano Masusumpungan ang Tunay na Relihiyon
Kung nais mong maging kaibigan ng Diyos, kailangan mong isagawa ang relihiyon na sinasang-ayunan ng Diyos. Si Jesus ay nagsabi na ang “mga tunay na mananamba” ay sasamba sa Diyos kasuwato ng “katotohanan.” (Juan 4:23, 24) Mayroon lamang iisang tamang paraan ng pagsamba sa Diyos. (Efeso 4:4-6) Ang tunay na relihiyon ay umaakay sa buhay na walang hanggan, at ang huwad na relihiyon ay umaakay sa pagkapuksa.—Mateo 7:13, 14.
Makikilala mo ang tunay na relihiyon sa pagmamasid sa mga taong nagsasagawa nito. Yamang si Jehova ay mabuti, yaong tunay na mga mananamba niya ay kailangang maging mabubuting tao. Kung paanong ang isang mabuting puno ng dalandan ay nagluluwal ng maiinam na dalandan, ang tunay na relihiyon ay nagluluwal ng maiinam na tao.—Mateo 7:15-20.
Ang mga kaibigan ni Jehova ay may taimtim na paggalang sa Bibliya. Alam nila na ang Bibliya ay mula sa Diyos. Hinahayaan nilang ang sinasabi nito ang siyang pumatnubay sa kanilang buhay, lumutas sa kanilang mga suliranin, at tumulong sa kanila na matutuhan ang tungkol sa Diyos. (2 Timoteo 3:16) Sinisikap nilang gawin ang kanilang ipinangangaral.
Ang mga kaibigan ni Jehova ay nagpapakita ng pag-ibig sa isa’t isa. Ipinakita ni Jesus ang pag-ibig sa mga tao sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng tungkol sa Diyos, sa pamamagitan ng pagpapagaling sa mga may sakit. Yaong mga nagsasagawa ng tunay na relihiyon ay nagpapakita rin ng pag-ibig sa iba. Kagaya ni Jesus, hindi nila hinahamak ang mahihirap o ang mga kabilang sa ibang grupong etniko. Si Jesus ay nagsabi na makikilala ng mga tao ang kaniyang mga alagad sa pamamagitan ng pag-ibig na kanilang ipinakikita sa isa’t isa.—Juan 13:35.
Ang mga kaibigan ng Diyos ay nagpaparangal sa pangalan ng Diyos, na Jehova. Kung ayaw gamitin ng isa ang iyong pangalan, magiging matalik na kaibigan mo ba ang taong iyon? Hindi! Kapag may kaibigan tayo, ginagamit natin ang kaniyang pangalan at sinasabi natin sa iba ang mabubuting bagay tungkol sa kaibigang iyon. Kaya ang nagnanais na maging mga kaibigan ng Diyos ay dapat gumamit sa kaniyang pangalan at magsalita sa iba ng tungkol sa kaniya. Nais ni Jehova na gawin natin ang gayon.—Mateo 6:9; Roma 10:13, 14.
Katulad ni Jesus, ang mga kaibigan ng Diyos ay nagtuturo sa mga tao ng tungkol sa Kaharian ng Diyos. Ang Kaharian ng Diyos ay ang makalangit na pamahalaan na siyang magpapangyari na maging paraiso ang lupa. Ibinabahagi ng mga kaibigan ng Diyos ang mabuting balitang ito tungkol sa Kaharian ng Diyos sa iba.—Mateo 24:14.
Ang mga Saksi ni Jehova ay nagsisikap na maging mga kaibigan ng Diyos. Iginagalang nila ang Bibliya at may pag-ibig sila sa isa’t isa. Sila’y gumagamit din at nagpaparangal sa pangalan ng Diyos at nagtuturo sa iba ng tungkol sa Kaharian ng Diyos. Ang mga Saksi ni Jehova ay nagsasagawa ng tunay na relihiyon sa lupa ngayon.