Ikawalong Kabanata
Huwad na Relihiyon—Patiunang Nakita ang Madulang Wakas Nito
1, 2. (a) Bakit waring mahirap paniwalaan ng ilan na malapit nang magkaroon ng isang malaking pagbabago sa kalagayan ng relihiyon sa daigdig? (b) Paano natin malalaman na ang mga salita sa Isaias kabanata 47 ay may pagkakapit sa hinaharap? (c) Bakit ang “Babilonyang Dakila” ay isang angkop na katawagan sa lahat ng huwad na relihiyon?
“BUMABALIK na Naman ang Relihiyon.” Iyan ang mensaheng ipinahayag ng isang artikulo sa The New York Times Magazine. Ipinahiwatig ng artikulo na waring mahigpit pa rin ang kapit ng relihiyon sa puso at isip ng milyun-milyong tao. Baka mahirap paniwalaan kung gayon na may malaking pagbabagong magaganap sa kalagayan ng relihiyon sa daigdig. Subalit ang gayong pagbabago ay ipinahihiwatig nga sa ika-47 kabanata ng Isaias.
2 Ang mga salita ni Isaias ay natupad mahigit na 2,500 taon na ang nakalilipas. Gayunman, ang mga salitang nakaulat sa Isaias 47:8 ay sinipi sa aklat ng Apocalipsis at ang pagkakapit nito ay sa hinaharap pa. Doon ay inihula ng Bibliya ang wakas ng tulad-patutot na organisasyong tinatawag na “Babilonyang Dakila”—ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 16:19) Ang katawagang “Babilonya” para sa huwad na mga relihiyon sa daigdig ay angkop, yamang sa sinaunang Babilonya nagsimula ang huwad na relihiyon. Mula roon ay kumalat ito sa apat na sulok ng lupa. (Genesis 11:1-9) Ang mga doktrina ng relihiyon na nagmula sa Babilonya, gaya ng imortalidad ng kaluluwa, apoy ng impiyerno, at pagsamba sa tatluhang diyos, ay pinaniniwalaan ng halos lahat ng relihiyon, kasali na ang Sangkakristiyanuhan.a Nagbibigay ba ng anumang liwanag sa kinabukasan ng relihiyon ang hula ni Isaias?
Ibinaba ang Babilonya Tungo sa Alabok
3. Ilarawan ang kadakilaan ng Kapangyarihang Pandaigdig ng Babilonya.
3 Pakinggan itong nakapupukaw na pahayag ng Diyos: “Bumaba ka at umupo ka sa alabok, O anak na dalaga ng Babilonya. Umupo ka sa lupa kung saan walang trono, O anak na babae ng mga Caldeo. Sapagkat hindi mo na muling mararanasan na maselan at mayumi ang itatawag sa iyo ng mga tao.” (Isaias 47:1) Maraming taon nang nakaluklok sa trono ang Babilonya bilang nangingibabaw na kapangyarihang pandaigdig. Siya “ang kagayakan ng mga kaharian”—isang maunlad na sentro ng relihiyon, komersiyo, at militar. (Isaias 13:19) Sa karurukan ng tagumpay ng Babilonya, ang kaniyang imperyo ay umabot sa gawing timog hanggang sa hangganan ng Ehipto. At nang matalo niya ang Jerusalem noong 607 B.C.E., para bang ang Diyos mismo ay nawalan ng kakayahan na pigilin ang panlulupig nito! Kaya naman, ang tingin niya sa kaniyang sarili ay isang “anak na dalaga,” isa na hindi kailanman daranas ng pagsalakay ng dayuhan.b
4. Ano ang daranasin ng Babilonya?
4 Subalit, ang palalong “dalaga[ng]” ito ay patatalsikin sa kaniyang trono bilang ang kinikilalang kapangyarihang pandaigdig at ‘pauupuin sa alabok’ sa kahihiyan. (Isaias 26:5) Hindi na siya ituturing na “maselan at mayumi,” na gaya ng isang pinamihasang reyna. Kaya naman nag-utos si Jehova: “Kumuha ka ng gilingang pangkamay at maggiling ka ng harina. Alisin mo ang iyong talukbong. Hubarin mo ang mahabang saya. Ilantad mo ang binti. Tawirin mo ang mga ilog.” (Isaias 47:2) Matapos alipinin ang buong bansang Juda, ang Babilonya mismo ay pakikitunguhan ngayon bilang alipin! Pipilitin siya ng mga Medo at Persiano, na nagpatalsik sa kaniya mula sa kaniyang makapangyarihang posisyon, na gumawa ng kahiya-hiyang pagtatrabaho para sa kanila.
5. (a) Paano maaalisan ang Babilonya ng kaniyang ‘talukbong at mahabang saya’? (b) Ano ang maaaring ipinahihiwatig ng utos sa kaniya na “tawirin mo ang mga ilog”?
5 Sa gayon ay maaalisan ang Babilonya ng kaniyang ‘talukbong at mahabang saya,’ anupat mawawala ang lahat ng bakas ng kaniyang dating kadakilaan at dignidad. “Tawirin mo ang mga ilog,” iuutos ng kaniyang mga kapatas. Marahil ay talagang uutusan ang ilang taga-Babilonya na magtrabaho sa labas na parang mga alipin. O ang hula ay maaaring mangahulugan na ang ilan ay literal na kakaladkarin patawid sa ilog habang sila’y dinadala tungo sa pagkatapon. Anuman ang pangyayari, ang Babilonya ay hindi na maglalakbay sa kapita-pitagang paraan ng isang reyna na itinatawid sa isang batis habang nasa isang upuan o isang karuwahe. Sa halip, siya’y magiging gaya ng isang alipin na, mapipilitang isaisantabi ang kahinhinan, anupat itinataas ang kaniyang saya at inilalantad ang kaniyang mga binti upang makatawid sa isang ilog. Kay laking kahihiyan!
6. (a) Sa anong diwa ilalantad ang kahubaran ng Babilonya? (b) Paano “hindi sasalubungin [ng Diyos] ang sinumang tao nang may kabaitan”? (Tingnan ang talababa.)
6 Patuloy pa si Jehova sa panunuya: “Dapat mong ilantad ang iyong kahubaran. Gayundin, ang iyong kadustaan ay dapat na makita. Paghihiganti ang gagawin ko, at hindi ko sasalubungin ang sinumang tao nang may kabaitan.” (Isaias 47:3)c Oo, ang Babilonya ay daranas ng kahihiyan at kasiraang-puri. Ang kabalakyutan at pagmamalupit na ginawa niya laban sa bayan ng Diyos ay hayagang ilalantad. Walang taong makapipigil sa paghihiganti ng Diyos!
7. (a) Paano tutugon ang mga tapong Judio sa balita ng pagbagsak ng Babilonya? (b) Sa anong paraan tutubusin ni Jehova ang kaniyang bayan?
7 Pagkatapos na maging bihag sa makapangyarihang Babilonya sa loob ng 70 taon, ang bayan ng Diyos ay magsasaya nang husto sa pagbagsak niya. Sila’y sisigaw: “May Isa na tumutubos sa atin. Jehova ng mga hukbo ang kaniyang pangalan, ang Banal ng Israel.” (Isaias 47:4) Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, kapag ipinagbili ng isang Israelita ang kaniyang sarili sa pagkaalipin upang mabayaran ang kaniyang pagkakautang, maaari siyang bilhin, o tubusin, ng isang manunubos (isang kamag-anak sa dugo), mula sa pagkaalipin. (Levitico 25:47-54) Yamang ang mga Judio ay naipagbili na sa pagkaalipin sa Babilonya, sila’y kailangang tubusin, o palayain. Para sa mga alipin, ang panlulupig ay karaniwan nang nangangahulugan lamang ng pagpapalit ng panginoon. Subalit uudyukan ni Jehova ang nanlulupig na si Haring Ciro na palayain ang mga Judio mula sa pagkaalipin. Ang Ehipto, Etiopia, at Seba ay ibibigay kay Ciro bilang “isang pantubos” kapalit ng mga Judio. (Isaias 43:3) Angkop lamang na ang Tagatubos ng Israel ay tawaging “Jehova ng mga hukbo.” Ang sa wari’y makapangyarihang puwersang militar ng Babilonya ay mahinang klase kung ihahambing sa di-nakikitang hukbo ng mga anghel ni Jehova.
Ang Kabayaran ng Kalupitan
8. Sa anong diwa ‘papasok sa kadiliman’ ang Babilonya?
8 Ipinagpatuloy ni Jehova ang kaniyang makahulang pagtuligsa sa Babilonya: “Umupo kang tahimik at pumasok ka sa kadiliman, O anak na babae ng mga Caldeo; sapagkat hindi mo na muling mararanasan na Ginang ng mga Kaharian ang itatawag sa iyo ng mga tao.” (Isaias 47:5) Wala kundi kadiliman at kapanglawan para sa Babilonya. Hindi na siya mangingibabaw sa ibang mga kaharian bilang isang malupit na ginang.—Isaias 14:4.
9. Bakit nagalit si Jehova sa mga Judio?
9 Bakit naman kasi pinahintulutang pinsalain ng Babilonya ang bayan ng Diyos? Nagpaliwanag si Jehova: “Nagalit ako sa aking bayan. Nilapastangan ko ang aking mana, at ibinigay ko sila sa iyong kamay.” (Isaias 47:6a) May mabuting dahilan si Jehova para magalit sa mga Judio. Noon pa man, binabalaan na niya sila na ang pagsuway sa kaniyang Kautusan ay magbubunga ng pagpapalayas sa kanila mula sa lupain. (Deuteronomio 28:64) Nang sila’y nahulog sa idolatriya at seksuwal na imoralidad, maibigin pa ring nagsugo si Jehova ng mga propeta upang tulungan silang maisauli sa dalisay na pagsamba. Ngunit “patuloy nilang kinakantiyawan ang mga mensahero ng tunay na Diyos at hinahamak ang kaniyang mga salita at nililibak ang kaniyang mga propeta, hanggang sa ang pagngangalit ni Jehova ay sumiklab laban sa kaniyang bayan, hanggang sa wala nang kagalingan.” (2 Cronica 36:16) Sa gayo’y pinahintulutan ng Diyos na lapastanganin ang kaniyang mana, ang Juda, nang lusubin ng Babilonya ang lupain at dungisan ang Kaniyang banal na templo.—Awit 79:1; Ezekiel 24:21.
10, 11. Bakit galit si Jehova sa Babilonya, gayong kalooban naman niya na lupigin nito ang kaniyang bayan?
10 Dahil dito, hindi ba’t ginagawa lamang ng Babilonya ang kalooban ng Diyos nang alipinin niya ang mga Judio? Hindi, sapagkat sinabi ng Diyos: “Hindi ka nagpakita sa kanila ng kaawaan. Sa matandang lalaki ay ginawa mong napakabigat ng iyong pamatok. At lagi mong sinasabi: ‘Hanggang sa panahong walang takda ay magiging Ginang ako, magpakailanman.’ Hindi mo isinapuso ang mga bagay na ito; hindi mo inalaala ang wakas ng bagay.” (Isaias 47:6b, 7) Hindi iniutos ng Diyos sa Babilonya na maging labis na malupit, anupat hindi sila nagpapakita ng paglingap “kahit sa matatandang lalaki.” (Panaghoy 4:16; 5:12) Ni inudyukan man niya silang magkaroon ng sadistikong kaluguran sa panlilibak sa kanilang bihag na mga Judio.—Awit 137:3.
11 Hindi naunawaan ng Babilonya na ang kaniyang pamamahala sa mga Judio ay pansamantala lamang. Ipinagwalang-bahala niya ang mga babala ni Isaias na, darating ang panahon, palalayain ni Jehova ang kaniyang bayan. Gumawi siya na para bang siya’y binigyan ng karapatan na magkaroon ng permanenteng pamumuno sa mga Judio at manatiling ginang sa kaniyang sakop na mga bansa magpakailanman. Hindi niya pinakinggan ang mensahe na magkakaroon ng “wakas” ang kaniyang mapaniil na pamamahala!
Inihula ang Pagbagsak ng Babilonya
12. Bakit tinawag ang Babilonya na “babaing mahilig sa kaluguran”?
12 Inihayag ni Jehova: “Ngayon ay dinggin mo ito, ikaw na babaing mahilig sa kaluguran, ang isa na nakaupong tiwasay, ang isa na nagsasabi sa kaniyang puso: ‘Ako nga, at wala nang iba pa. Hindi ako uupo bilang balo, at hindi ko mararanasan ang pagkawala ng mga anak.’ ” (Isaias 47:8) Kilalang-kilala ang reputasyon ng Babilonya sa pagiging mahilig sa kaluguran. Binanggit ng istoryador ng ika-5 siglo B.C.E. na si Herodotus ang tungkol sa isang “pinakakahiya-hiyang kaugalian” ng mga taga-Babilonya, alalaong baga’y, lahat ng babae ay kailangang magpatutot bilang pagbibigay-galang sa kanilang diyosa ng pag-ibig. Sinabi rin ng sinaunang istoryador na si Curtius: “Wala nang hihigit pa sa karumihan ng kostumbre ng lunsod; wala nang iba pang isinaplanong katiwalian ang higit na makauudyok at makatutukso tungo sa kabuktutan.”
13. Paanong ang labis na hilig ng Babilonya sa paghahanap ng kaluguran ay magpapadali sa kaniyang pagbagsak?
13 Ang labis na hilig ng Babilonya sa paghahanap ng kaluguran ay lalong magpapadali sa kaniyang pagbagsak. Sa bisperas ng kaniyang pagbagsak, ang kaniyang hari at mga maharlikang tao nito ay magdiriwang, anupat magpapakalango sa alak. Sa gayon, hindi nila papansinin ang mga hukbo ng Medo-Persia na lumulusob sa lunsod. (Daniel 5:1-4) Habang “nakaupong tiwasay,” inaakala ng Babilonya na ang kaniyang waring di-magigibang mga pader at bambang ay makapagsasanggalang sa kaniya mula sa paglusob. Sinasabi niya sa kaniyang sarili na “wala nang iba pa” ang maaaring kumuha kailanman ng kaniyang kataas-taasang dako. Hindi niya naisip na siya’y maaaring maging “balo,” anupat mawawala ang tagapamahala ng kaniyang imperyo at gayundin ang kaniyang “mga anak,” o mga taong-bayan. Subalit, walang pader ang makapagtatanggol sa kaniya mula sa mapaghiganting bisig ng Diyos na Jehova! Sasabihin ni Jehova sa dakong huli: “Ang Babilonya man ay umakyat sa langit at gawin man niyang di-malapitan ang kaitaasan ng kaniyang lakas, mula sa akin ay darating sa kaniya ang mga mananamsam.”—Jeremias 51:53.
14. Sa anong mga paraan daranas ang Babilonya kapuwa ng “pagkawala ng mga anak at pagkabalo”?
14 Ano ang mangyayari sa Babilonya? Nagpatuloy si Jehova: “Ngunit biglang darating sa iyo ang dalawang bagay na ito, sa isang araw: ang pagkawala ng mga anak at ang pagkabalo. Sa kanilang hustong sukat ay darating sa iyo ang mga ito, dahil sa dami ng iyong mga panggagaway, dahil sa buong lakas ng iyong mga engkanto—na labis-labis.” (Isaias 47:9) Oo, ang pangingibabaw ng Babilonya bilang kapangyarihang pandaigdig ay biglang magwawakas. Sa sinaunang mga lupain sa Silangan, ang pagkabalo at pagkawala ng mga anak ang pinakamasaklap na karanasang maaaring danasin ng isang babae. Hindi natin alam kung gaano karaming “mga anak” ang naiwala ng Babilonya noong gabing bumagsak ito.d Gayunman, sa takdang panahon, ang lunsod na iyon ay lubusang pababayaan. (Jeremias 51:29) Daranas din siya ng pagkabalo yamang aalisin sa trono ang kaniyang mga hari.
15. Bukod sa kalupitan ng Babilonya sa mga Judio, ano pa ang dahilan ng pagkagalit ni Jehova sa kaniya?
15 Gayunman, hindi lamang ang masamang pakikitungo ng Babilonya sa mga Judio ang tanging dahilan ng pagkapoot ni Jehova. Ikinagalit din niya ang ‘dami ng kaniyang mga panggagaway.’ Hinahatulan ng Kautusan ng Diyos sa Israel ang pagsasagawa ng espiritismo; subalit masugid na itinataguyod ng Babilonya ang okultismo. (Deuteronomio 18:10-12; Ezekiel 21:21) Sinasabi sa aklat na Social Life Among the Assyrians and Babylonians na ang buhay ng mga taga-Babilonya “ay nakasadlak sa walang-hanggang pagkatakot sa pagkarami-raming demonyo na pinaniniwalaan nilang nakapalibot sa kanila.”
Nagtitiwala sa Kasamaan
16, 17. (a) Paanong ang Babilonya ay ‘nagtitiwala sa kaniyang kasamaan’? (b) Bakit hindi na maiiwasan ang wakas ng Babilonya?
16 Ililigtas kaya siya ng mga manghuhula ng Babilonya? Sumagot si Jehova: “Patuloy kang nagtitiwala sa iyong kasamaan. Sinabi mo: ‘Walang nakakakita sa akin.’ Ang iyong karunungan at ang iyong kaalaman—ito ang naglayo sa iyo; at patuloy mong sinasabi sa iyong puso: ‘Ako nga, at wala nang iba pa.’ ” (Isaias 47:10) Inaakala ng Babilonya na sa pamamagitan ng kaniyang sekular at relihiyosong karunungan, ng kaniyang kapangyarihang militar, at ng kaniyang tusong kalupitan, mapananatili niya ang kaniyang posisyon bilang kapangyarihang pandaigdig. Ang akala niya’y walang “nakakakita” sa kaniya, alalaong baga’y, hindi siya pananagutin sa kaniyang balakyot na mga gawa. Ni nahahalata man niya na may papalapit na palang kalaban. “Ako nga, at wala nang iba pa,” sabi niya sa kaniyang sarili.
17 Gayunman, sa pamamagitan ng isa pa sa kaniyang mga propeta, nagbabala si Jehova: “Maikukubli ba ang sinumang tao sa mga kublihang dako at hindi ko siya makikita?” (Jeremias 23:24; Hebreo 4:13) Sa gayon ay ipinahayag ni Jehova: “Darating sa iyo ang kapahamakan; wala kang engkantong malalaman laban doon. At sasapit sa iyo ang kapighatian; hindi mo iyon maiiwasan. At biglang darating sa iyo ang pagkagiba na hindi mo dating nalalaman.” (Isaias 47:11) Hindi maiiwasan ng mga diyos ng Babilonya ni ng mahiwagang “engkantong” isinasagawa ng kaniyang mga espiritista ang dumarating na kapahamakan—isa na di-gaya ng anumang naranasan na niya!
Bigo ang mga Tagapayo ng Babilonya
18, 19. Paano mapatutunayang kapaha-pahamak ang pagtitiwala ng Babilonya sa kaniyang mga tagapayo?
18 Taglay ang masakit na panunuya, nag-utos si Jehova: “Manatili ka ngayon sa iyong mga engkanto at sa dami ng iyong mga panggagaway, na pinagpapagalan mo mula pa sa iyong pagkabata; upang marahil ay makinabang ka, upang marahil ay masindak mo ang mga tao.” (Isaias 47:12) Ang Babilonya ay hinamon na “manatili,” o magpatuloy na di-nagbabago, sa kaniyang pagtitiwala sa mahika. Tutal, bilang isang bansa ay nagpagal na siya sa pagpapaunlad sa sining ng okultismo mula sa kaniyang “pagkabata.”
19 Subalit kinutya siya ni Jehova, sa pagsasabing: “Nanghimagod ka sa karamihan ng iyong mga tagapayo. Tumayo sila ngayon at iligtas ka, ang mga mananamba ng langit, ang mga tumitingin sa mga bituin, yaong mga naghahayag ng kaalaman sa panahon ng mga bagong buwan may kinalaman sa mga bagay na darating sa iyo.” (Isaias 47:13)e Daranasin ng Babilonya ang lubos na pagkabigo ng kaniyang mga tagapayo. Totoo, ang ilang siglo ng pagmamasid sa astronomiya ay umakay sa pag-unlad ng astrolohiya ng Babilonya. Subalit sa gabi ng kaniyang pagbagsak, malalantad ang kawalang-silbi ng panghuhula dahil sa kaawa-awang pagkabigo ng kaniyang mga astrologo.—Daniel 5:7, 8.
20. Ano ang kahihinatnan ng mga tagapayo ng Babilonya?
20 Tinapos ni Jehova ang bahaging ito ng hula sa pagsasabing: “Narito! Sila ay naging gaya ng pinaggapasan. Isang apoy ang tiyak na susunog sa kanila. Hindi nila maililigtas ang kanilang kaluluwa mula sa kapangyarihan ng liyab. Hindi magkakaroon ng ningas ng mga baga upang makapagpainit ang mga tao, walang liwanag ng apoy na sa harap nito ay makauupo. Tiyak na magiging gayon sila sa iyo, na mga kasama mong nagpagal bilang iyong mga engkantador mula pa sa iyong pagkabata. Magpapagala-gala nga sila, bawat isa ay sa kaniyang sariling pook. Walang sinumang magliligtas sa iyo.” (Isaias 47:14, 15) Oo, malapit nang dumating ang maaapoy na panahon para sa huwad na mga tagapayong ito. Ito’y hindi magiging gaya ng isang maliit na apoy na mapagpapainitan ng mga tao, kundi isang mapamuksa at lumalamong apoy na maglalantad sa huwad na mga tagapayo bilang walang-silbing pinaggapasan. Kung gayon, hindi nga kataka-takang tumakas ang mga tagapayo ng Babilonya dahil sa matinding takot! Yamang wala na ang huling suporta ng Babilonya, wala nang makapagliligtas sa kaniya. Tatanggapin niya ang mismong kinahinatnan na ipinalasap niya sa Jerusalem.—Jeremias 11:12.
21. Paano at kailan napatunayang totoo ang mga makahulang salita ni Isaias?
21 Noong taóng 539 B.C.E., ang kinasihang mga salitang ito ay nagsimula nang matupad. Sinakop ang lunsod ng mga hukbo ng mga Medo at Persiano sa ilalim ng pangunguna ni Ciro, anupat pinatay ang residenteng hari, si Belsasar. (Daniel 5:1-4, 30) Sa isang magdamag ay naibagsak ang Babilonya mula sa kaniyang posisyon ng pangingibabaw sa daigdig. Sa gayon ay nagwakas ang mga siglo ng sukdulang pananaig ng Semitiko, at ang daigdig ay bumagsak ngayon sa kapangyarihan ng Aryano. Ang Babilonya mismo ay humina nang humina sa paglipas ng mga siglo. Pagsapit ng ikaapat na siglo C.E., ito’y isa na lamang “bunton ng mga bato.” (Jeremias 51:37) Sa gayon ay lubusang natupad ang hula ni Isaias.
Isang Makabagong-Panahong Babilonya
22. Anong aral tungkol sa pagmamapuri ang itinuturo sa atin ng pagbagsak ng Babilonya?
22 Ang hula ni Isaias ay naglalaman ng maraming bagay na dapat pag-isipan. Una sa lahat, idiniriin nito ang mga panganib ng pagiging mapagmapuri at palalo. Ang pagbagsak ng palalong Babilonya ay nagpapakitang totoo nga ang kawikaan sa Bibliya: “Ang pagmamapuri ay nauuna sa pagbagsak, at ang palalong espiritu bago ang pagkatisod.” (Kawikaan 16:18) Kung minsan, dahil sa ating di-sakdal na kalagayan, nangingibabaw ang pagmamapuri, ngunit ang ‘pagmamalaki sa pagmamapuri’ ay maaaring humantong sa “kadustaan at sa silo ng Diyablo.” (1 Timoteo 3:6, 7) Kung gayon, makabubuti sa atin na sundin ang payo ni Santiago: “Magpakababa kayo sa paningin ni Jehova at itataas niya kayo.”—Santiago 4:10.
23. Tinutulungan tayo ng hula ni Isaias na magkaroon ng anong pagtitiwala?
23 Ang makahulang mga salitang ito ay tumutulong din sa atin na magtiwala kay Jehova, na siyang higit na makapangyarihan kaysa sa lahat ng mga sumasalansang sa kaniya. (Awit 24:8; 34:7; 50:15; 91:14, 15) Ito’y isang nakaaaliw na paalaala sa mahihirap na panahong ito. Ang pananalig kay Jehova ay nagpapatibay sa ating determinasyon na manatiling walang kapintasan sa kaniyang paningin, sa pagkaalam na “ang kinabukasan ng taong [walang kapintasan] ay magiging mapayapa.” (Awit 37:37, 38) Palaging isang katalinuhan na umasa kay Jehova at huwag manalig sa ating sariling lakas sa harap ng “tusong mga gawa” ni Satanas.—Efeso 6:10-13, talababa sa Ingles.
24, 25. (a) Bakit walang kapararakan ang astrolohiya, ngunit bakit marami ang bumabaling dito? (b) Ano ang ilang dahilan kung bakit iniiwasan ng mga Kristiyano ang mga pamahiin?
24 Kapansin-pansin, tayo’y binababalaan laban sa espiritistikong mga gawa, lalo na sa astrolohiya. (Galacia 5:20, 21) Nang bumagsak ang Babilonya, hindi naglaho ang impluwensiya ng astrolohiya sa mga tao. Kapansin-pansin, sinasabi ng aklat na Great Cities of the Ancient World na ang mga konstelasyon na isinamapa ng mga taga-Babilonya ay “lumipat ng direksiyon” mula sa sinaunang puwesto nito, anupat nawalan ng kabuluhan ang buong ideya [ng astrolohiya].” Gayunman, patuloy na lumalaganap ang astrolohiya, at marami sa mga pahayagan ang may mga tudling na kinalalagyan ng mga horoskopyo para sa kanilang mga mambabasa.
25 Ano ang nag-uudyok sa mga tao—marami sa kanila’y may mataas na pinag-aralan—na kumonsulta sa mga bituin o magsagawa ng iba pang walang-kapararakang mapamahiing mga gawa? Sinabi ng The World Book Encyclopedia: “Mananatiling bahagi ng buhay ang mga pamahiin habang ang mga tao’y natatakot sa isa’t isa at di-nakatitiyak sa kinabukasan.” Ang takot at kawalang-katiyakan ay maaaring mag-udyok sa mga tao na maging mapamahiin. Gayunman, iniiwasan ng mga Kristiyano ang mga pamahiin. Hindi sila natatakot sa tao—si Jehova ang kanilang sandigan. (Awit 6:4-10) At natitiyak nila ang kinabukasan; alam nila ang isiniwalat na mga layunin ni Jehova at wala silang pag-aalinlangan na “hanggang sa panahong walang takda ay tatayo ang layon ni Jehova.” (Awit 33:11) Sa pamumuhay natin na kasuwato ng layon ni Jehova, makatitiyak tayo ng isang maligaya at panghabang-buhay na kinabukasan.
26. Paano napatunayang “walang saysay” ang “mga pangangatuwiran ng mga taong marurunong”?
26 Nitong nakaraang mga taon, sinikap ng ilan na alamin ang kinabukasan sa higit na “makasiyentipikong” paraan. May isang sangay pa nga ng karunungan na tinatawag na futurology, na binigyang-katuturan bilang “isang pag-aaral na may kaugnayan sa panghinaharap na mga posibilidad ayon sa kasalukuyang takbo ng mga pangyayari.” Halimbawa, noong 1972 inihula ng isang grupo ng mga taong edukado at mga negosyante na kilala bilang Club of Rome na pagsapit ng 1992, mauubos daw ang lahat ng suplay ng ginto, asoge, zinc, at petrolyo sa daigdig. Buweno, napaharap nga ang daigdig sa mabibigat na suliranin mula noong 1972, subalit maling-mali ang prediksiyong iyon. Nananatili pa rin sa lupa ang suplay ng ginto, asoge, zinc, at petrolyo. Tunay ngang gayon na lamang ang pagpupunyagi ng tao na mahulaan ang kinabukasan, ngunit ang kaniyang mga prediksiyon ay palagi nang hindi maaasahan. Tunay ngang “ang mga pangangatuwiran ng mga taong marurunong ay walang saysay”!—1 Corinto 3:20.
Ang Nalalapit na Wakas ng Babilonyang Dakila
27. Kailan at sa anong paraan dumanas ng isang pagbagsak ang Babilonyang Dakila na katulad niyaong sa Babilonya noong 539 B.C.E.?
27 Ipinagpatuloy ng makabagong-panahong mga relihiyon ang marami sa mga doktrina ng sinaunang Babilonya. Kaya naman, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon ay angkop na pinanganlang Babilonyang Dakila. (Apocalipsis 17:5) Ang pambuong-daigdig na kalipunang iyon ng mga relihiyon ay dumanas ng isang pagbagsak na katulad ng pagbagsak ng sinaunang Babilonya noong 539 B.C.E. (Apocalipsis 14:8; 18:2) Noong 1919, ang nalabi ng mga kapatid ni Kristo ay lumabas mula sa espirituwal na pagkabihag at napalaya mula sa impluwensiya ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, isang nangingibabaw na bahagi ng Babilonyang Dakila. Mula noon, ang Sangkakristiyanuhan ay nawalan na ng malaking impluwensiya sa maraming bansa kung saan ay dati itong malakas.
28. Ano ang ipinagmamalaki ng Babilonyang Dakila, ngunit ano ang kahihinatnan niya?
28 Gayunpaman, ang pagbagsak na iyon ay isa lamang paghahanda ng daan para sa pangwakas na pagkapuksa ng huwad na relihiyon. Kapuna-puna, ang hula sa Apocalipsis tungkol sa pagkapuksa sa Babilonyang Dakila ay nagpapagunita sa atin ng makahulang mga salitang nakaulat sa Isaias 47:8, 9. Tulad ng sinaunang Babilonya, ang makabagong-panahong Babilonyang Dakila ay nagsasabi: “Ako ay nakaupong isang reyna, at hindi ako balo, at hindi ko kailanman makikita ang pagdadalamhati.” Subalit “sa isang araw ay darating ang kaniyang mga salot, kamatayan at pagdadalamhati at taggutom, at lubusan siyang susunugin sa apoy, sapagkat ang Diyos na Jehova, na humatol sa kaniya, ay malakas.” Kaya ang makahulang mga salitang nakaulat sa Isaias kabanata 47 ay nagsisilbing isang babala sa mga nananatili pa ring kaanib ng huwad na relihiyon. Upang hindi sila madamay sa pagkapuksa nito, hayaang sumunod sila sa kinasihang utos: “Lumabas kayo sa kaniya”!—Apocalipsis 18:4, 7, 8.
[Mga talababa]
a Para sa detalyadong impormasyon sa pag-unlad ng huwad na mga doktrina ng relihiyon, tingnan ang aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Sa Hebreo, ang “anak na dalaga ng Babilonya” ay isang kawikaan na tumutukoy sa Babilonya o sa mga naninirahan sa Babilonya. Siya ay “dalaga” sapagkat wala pang sinumang manlulupig na nakapanamsam sa kaniya mula nang siya’y maging isang kapangyarihang pandaigdig.
c Ang pananalita sa Hebreo na isinaling “Hindi ko sasalubungin ang sinumang tao nang may kabaitan” ay inilarawan ng mga iskolar bilang “isang pariralang pagkahirap-hirap” isalin. Isiningit ng Bagong Sanlibutang Salin ang salitang “nang may kabaitan” upang itawid ang ideya na walang tagalabas ang pahihintulutang magligtas sa Babilonya. Isinalin ng Jewish Publication Society ang sugnay na ito na: “Hindi ko . . . hahayaan ang sinumang tao na makialam.”
d Sinasabi sa aklat na Nabonidus and Belshazzar, ni Raymond Philip Dougherty, na bagaman inaangkin ng Nabonidus Chronicle na pumasok “nang di-nakikipaglaban” ang mga lumusob sa Babilonya, ipinahiwatig naman ng Griegong istoryador na si Xenophon na maaaring nagkaroon ng malawakang pagdanak ng dugo.
e Ginagamit ng ilan ang pananalita sa Hebreo na isinaling “mga mananamba ng langit” bilang “mga tagapaghati ng kalangitan.” Ito’y maaaring tumukoy sa isinasagawang paghahati-hati sa kalangitan sa iba’t ibang seksiyon upang magsagawa ng horoskopyo.
[Mga larawan sa pahina 111]
Ang Babilonya na mahilig sa kaluguran ay ibababa tungo sa alabok
[Larawan sa pahina 114]
Hindi mahuhulaan ng mga astrologo ng Babilonya ang kaniyang pagbagsak
[Larawan sa pahina 116]
Isang Babilonikong astrolohikal na kalendaryo, unang milenyo B.C.E.
[Mga larawan sa pahina 119]
Malapit nang mawala ang makabagong-panahong Babilonya