Ikalabing-apat na Kabanata
Dinakila ni Jehova ang Kaniyang Mesiyanikong Lingkod
1, 2. (a) Ilarawan ang situwasyong napaharap sa maraming Judio noong maagang bahagi ng unang siglo C.E. (b) Anong paglalaan ang ginawa ni Jehova upang tulungan ang tapat na mga Judio na makilala ang Mesiyas?
IPAGPALAGAY nang makikipagkita ka sa isang importanteng dignitaryo. Nakatakda na ang oras at lugar ng inyong pagkikita. Subalit may problema: Hindi mo alam ang hitsura niya, at siya’y maglalakbay nang tahimik at walang pagpaparangya. Paano mo siya makikilala? Makatutulong kung mayroon kang detalyadong pagkakakilanlan sa kaniya.
2 Noong maagang bahagi ng unang siglo C.E., maraming Judio ang napaharap sa ganitong situwasyon. Hinihintay nila ang Mesiyas—ang pinakaimportanteng tao na mabubuhay kailanman. (Daniel 9:24-27; Lucas 3:15) Subalit paano kaya siya makikilala ng tapat na mga Judio? Gumuhit si Jehova, sa pamamagitan ng mga propetang Hebreo, ng isang detalyadong nasusulat na larawan ng mga pangyayaring nakapalibot sa Mesiyas upang madali siyang makilala ng mga taong may unawa.
3. Anong paglalarawan tungkol sa Mesiyas ang inilalaan ng Isaias 52:13–53:12?
3 Sa mga hula sa Hebreo tungkol sa Mesiyas, marahil ay wala nang lilinaw pa sa larawang nakaulat sa Isaias 52:13–53:12. Mahigit na 700 taon patiuna, inilarawan ni Isaias, hindi ang pisikal na anyo ng Mesiyas, kundi ang mga detalyeng mas mahalaga—ang layunin at paraan ng kaniyang pagdurusa at mga espesipikong detalye tungkol sa kaniyang kamatayan, libing, at pagkakataas. Ang pagsasaalang-alang sa hulang ito at sa katuparan nito ay magpapasigla sa ating puso at magpapalakas sa ating pananampalataya.
“Aking Lingkod”—Sino Siya?
4. Anong mga opinyon tungkol sa pagkakakilanlan sa “lingkod” ang ibinigay ng ilang iskolar na Judio, subalit bakit hindi tumutugma ang mga ito sa hula ni Isaias?
4 Kasasabi pa lamang ni Isaias ng tungkol sa paglaya ng mga Judio mula sa pagiging tapon sa Babilonya. Sa pagtanaw ngayon sa isang lubhang nakahihigit na pangyayari, isinulat niya ang mga salita ni Jehova: “Narito! Ang aking lingkod ay kikilos nang may kaunawaan. Siya ay mapapasa mataas na katayuan at tiyak na itataas at dadakilain nang lubha.” (Isaias 52:13) Sino nga ba ang “lingkod” na ito? Sa nakalipas na mga siglo, ang mga iskolar na Judio ay nagbigay ng iba’t ibang opinyon. Sinasabi ng ilan na siya’y kumakatawan sa buong bansang Israel noong panahon ng pagiging tapon nito sa Babilonya. Subalit ang ganiyang paliwanag ay hindi tumutugma sa hula. Ang Lingkod ng Diyos ay kusang-loob na nagdusa. Bagaman walang kasalanan, nagdusa siya dahil sa kasalanan ng iba. Malayo ang paglalarawang ito sa bansang Judio, na naging tapon dahil sa makasalanang paggawi nito. (2 Hari 21:11-15; Jeremias 25:8-11) Sinasabi naman ng iba na ang Lingkod daw ay kumakatawan sa relihiyosong mga piling tao sa Israel at na ang mga ito’y nagdusa alang-alang sa makasalanang mga Israelita. Gayunman, noong mga panahon ng kapighatian sa Israel, walang isang espesipikong grupo ang nagdusa para sa iba.
5. (a) Anong pagkakapit sa hula ni Isaias ang ginawa ng ilang iskolar na Judio? (Tingnan ang talababa.) (b) Anong maliwanag na pagkakakilanlan sa Lingkod ang ibinibigay sa aklat ng Mga Gawa sa Bibliya?
5 Bago dumating ang Kristiyanismo at bahagya noong unang mga siglo ng Karaniwang Panahon, ilang iskolar na Judio ang nagkapit ng hulang ito sa Mesiyas. Makikita sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na ito nga ang tamang pagkakakapit. Iniulat ng aklat ng Mga Gawa na nang sabihin ng bating na Etiope na hindi niya kilala ang Lingkod sa hula ni Isaias, “ipinahayag [ni Felipe] sa kaniya ang mabuting balita tungkol kay Jesus.” (Gawa 8:26-40; Isaias 53:7, 8) Ipinakilala rin ng ibang mga aklat ng Bibliya si Jesu-Kristo bilang ang Mesiyanikong Lingkod sa hula ni Isaias.a Habang tinatalakay natin ang hulang ito, makikita natin ang di-maitatangging pagkakatulad ng isa na tinawag ni Jehova na “aking lingkod” at ni Jesus ng Nazaret.
6. Paano ipinahihiwatig ng hula ni Isaias na matagumpay na maisasagawa ng Mesiyas ang kalooban ng Diyos?
6 Nagsimula ang hula sa pamamagitan ng paglalarawan sa pangkasukdulang tagumpay ng Mesiyas sa pagsasagawa ng kalooban ng Diyos. Ang salitang “lingkod” ay nagpapahiwatig na siya’y magpapasakop sa kalooban ng Diyos, gaya ng ginagawa ng isang lingkod sa kaniyang panginoon. Sa paggawa nito, siya’y “kikilos nang may kaunawaan.” Ang kaunawaan ay ang kakayahang mapagwari ang situwasyon. Ang pagkilos nang may kaunawaan ay pagkilos nang maingat. Hinggil sa pandiwang Hebreo na ginamit dito, ang isang reperensiyang akda ay nagsasabi: “Ang pinakadiwa nito ay ang maingat at matalinong pakikitungo. Siya na nakikitungo nang may katalinuhan ay magtatagumpay.” Na ang Mesiyas ay talagang magtatagumpay ay makikita nang sabihin sa hula na siya’y “itataas at dadakilain nang lubha.”
7. Paano ‘kumilos nang may kaunawaan’ si Jesu-Kristo, at paano siya ‘itinaas at dinakila nang lubha’?
7 Si Jesus ay talagang ‘kumilos nang may kaunawaan,’ na nagpapakitang nauunawaan niya ang mga hula sa Bibliya na kumakapit at gumagabay sa kaniya upang gawin ang kalooban ng kaniyang Ama. (Juan 17:4; 19:30) Ano ang naging resulta? Kasunod ng pagkabuhay-muli at pag-akyat ni Jesus sa langit, “dinakila siya ng Diyos sa isang nakatataas na posisyon at may-kabaitang ibinigay sa kaniya ang pangalang nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan.” (Filipos 2:9; Gawa 2:34-36) Pagkatapos, noong 1914, ang niluwalhating si Jesus ay higit pang itinaas. Dinakila siya ni Jehova sa trono ng Mesiyanikong Kaharian. (Apocalipsis 12:1-5) Oo, siya’y ‘itinaas at dinakila nang lubha.’
Ang ‘Pagtitig sa Kaniya sa Pagkamangha’
8, 9. Kapag ang dinakilang si Jesus ay dumating na upang magsakatuparan ng hatol, ano ang magiging reaksiyon ng makalupang mga pinuno, at bakit?
8 Ano ang magiging reaksiyon ng mga bansa at ng mga pinuno ng mga ito sa dinakilang Mesiyas? Kung lalaktawan natin sandali ang paningit na komento sa ikalawang bahagi ng talatang 14, ang hula ay kababasahan ng ganito: “Kung paanong marami ang tumitig sa kaniya sa pagkamangha . . . sa gayunding paraan ay gugulatin niya ang maraming bansa. Sa kaniya ay ititikom ng mga hari ang kanilang bibig, sapagkat ang hindi pa naisasalaysay sa kanila ay makikita nga nila, at ang hindi pa nila naririnig ay pag-iisipan nila.” (Isaias 52:14a, 15) Sa pananalitang ito ay inilalarawan ni Isaias, hindi ang unang paglitaw ng Mesiyas, kundi ang kaniyang huling pakikipagtuos sa makalupang mga pinuno.
9 Kapag ang dinakilang si Jesus ay dumating na upang isakatuparan ang hatol sa di-makadiyos na sistemang ito ng mga bagay, ang makalupang mga pinuno ay ‘tititig sa kaniya sa pagkamangha.’ Totoo naman, hindi literal na makikita ng mga taong pinuno ang niluwalhating si Jesus. Subalit mamamasdan nila ang nakikitang mga ebidensiya ng kaniyang kapangyarihan bilang isang makalangit na Mandirigma para kay Jehova. (Mateo 24:30) Mapipilitan silang ibaling ang kanilang pansin sa isang bagay na hindi pa nila narinig na binanggit ng mga relihiyosong lider—na si Jesus ang Tagapagpatupad ng mga kahatulan ng Diyos! Ang dinakilang Lingkod na kanilang makakasagupa ay kikilos sa isang paraang hindi nila inaasahan.
10, 11. Sa anong paraan masasabing sinira ang kaanyuan ni Jesus noong unang siglo, at paano ito ginagawa sa ngayon?
10 Ayon sa paningit na komento sa talatang 14, sinabi ni Isaias: “Gayon na lamang ang pagkasira kung tungkol sa kaniyang kaanyuan na higit kaysa kanino pa mang lalaki at kung tungkol sa kaniyang matikas na anyo na higit kaysa roon sa mga anak ng sangkatauhan.” (Isaias 52:14b) May kasiraan ba sa pisikal si Jesus sa anumang paraan? Wala. Bagaman walang ibinibigay na detalye ang Bibliya tungkol sa hitsura ni Jesus, walang-alinlangan na ang sakdal na Anak ng Diyos ay may kaayaayang kaanyuan at bukás ng mukha. Lumilitaw na ang mga salita ni Isaias ay tumutukoy sa paghamak na dinanas ni Jesus. Buong-tapang niyang ibinunyag ang relihiyosong mga lider noong kapanahunan niya bilang mga mapagpaimbabaw, sinungaling, at mamamaslang; at tumugon sila sa pamamagitan ng panlalait sa kaniya. (1 Pedro 2:22, 23) Pinaratangan nila siya na isang manlalabag-batas, isang mamumusong, isang manlilinlang, isang sedisyonista laban sa Roma. Sa gayon, ang mga bulaang tagapag-akusang ito ay gumuhit ng isang lubhang pinapangit na larawan ni Jesus.
11 Patuloy pa rin ngayon ang maling paglalarawan kay Jesus. Karamihan ng tao ay naglalarawan kay Jesus bilang isang sanggol sa sabsaban o bilang isang kahabag-habag na tao na nakapako sa krus, na nakangiwi ang mukha dahil sa paghihirap habang suot ang koronang tinik. Itinataguyod ng klero ng Sangkakristiyanuhan ang ganiyang mga pangmalas. Hindi nila ipinakilala si Jesus bilang ang makapangyarihang makalangit na Hari na pagsusulitan ng mga bansa. Kapag nakaharap ng mga taong pinuno ang dinakilang si Jesus sa malapit na hinaharap, makikitungo sila sa isang Mesiyas na nagtataglay ng ‘lahat ng awtoridad sa langit at sa lupa’!—Mateo 28:18.
Sino ang Mananampalataya sa Mabuting Balitang Ito?
12. Anong nakapupukaw na mga tanong ang ibinabangon ng mga salita sa Isaias 53:1?
12 Matapos ilarawan ang kagila-gilalas na pagbabago ng Mesiyas—mula sa ‘may kasiraan’ tungo sa ‘dinakila nang lubha’—nagtanong si Isaias: “Sino ang nanampalataya sa bagay na narinig namin? At kung tungkol sa bisig ni Jehova, kanino ito naisiwalat?” (Isaias 53:1) Ang mga salitang ito ni Isaias ay nagbabangon ng nakapupukaw na mga tanong: Matutupad kaya ang hulang ito? Masisiwalat ba ang “bisig ni Jehova,” na kumakatawan sa kaniyang kakayahang gumamit ng kapangyarihan, upang pangyarihing magkatotoo ang mga salitang ito?
13. Paano ipinakita ni Pablo na natupad kay Jesus ang hula ni Isaias, at ano ang naging tugon dito?
13 Walang-pagsalang ang sagot ay oo! Sa kaniyang liham sa mga taga-Roma, sinipi ni Pablo ang mga salita ni Isaias upang ipakita na ang hulang narinig at isinulat ni Isaias ay nagkatotoo nga kay Jesus. Ang pagluwalhati kay Jesus matapos siyang magdusa sa lupa ay isang mabuting balita. “Gayunpaman,” sabi ni Pablo patungkol sa mga di-nananampalatayang mga Judio, “hindi lahat sa kanila ay sumunod sa mabuting balita. Sapagkat sinasabi ni Isaias: ‘Jehova, sino ang nananampalataya sa bagay na narinig mula sa amin?’ Kaya ang pananampalataya ay kasunod ng bagay na narinig. Ang bagay na narinig naman ay sa pamamagitan ng salita tungkol kay Kristo.” (Roma 10:16, 17) Gayunman, nakalulungkot na iilan lamang noong kapanahunan ni Pablo ang sumampalataya sa mabuting balita tungkol sa Lingkod ng Diyos. Bakit?
14, 15. Ano ang magiging kalagayan ng Mesiyas sa pagpasok niya sa makalupang tanawin?
14 Sumunod ay ipinaliwanag ng hula sa mga Israelita ang mga dahilan para sa mga tanong na nakasulat sa talatang 1, at sa paggawa nito, naging maliwanag kung bakit marami ang hindi tatanggap sa Mesiyas: “Siya ay tutubo na gaya ng isang maliit na sanga sa harap ng [isang tagamasid], at gaya ng isang ugat mula sa lupaing walang tubig. Wala siyang matikas na anyo, ni anumang karilagan; at kapag nakita namin siya, wala roon ang kaanyuan anupat siya ay nanasain namin.” (Isaias 53:2) Makikita natin dito ang magiging kalagayan ng Mesiyas sa pagpasok niya sa makalupang tanawin. Magkakaroon siya ng isang hamak na pasimula, at para sa mga tagapagmasid, waring mahirap siyang maging tanyag. Bukod diyan, siya’y magiging gaya lamang ng isang maliit na sanga, isang murang usbong, na tumutubo sa pinakakatawan o sanga ng isang punungkahoy. Magiging gaya rin siya ng isang uhaw-sa-tubig na ugat na nasa tuyo at baog na lupa. At siya’y hindi darating na taglay ang karangyaan at karingalan ng isang hari—walang maharlikang kasuutan ni anumang kumikinang na diadema. Sa halip, ang kaniyang pasimula ay magiging hamak at simple.
15 Tamang-tama ang paglalarawang iyan sa hamak na pasimula ni Jesus bilang isang tao! Isinilang siya ng birheng Judio na si Maria sa isang kuwadra sa isang maliit na bayan na tinatawag na Betlehem.b (Lucas 2:7; Juan 7:42) Mahirap lamang ang mag-asawang Maria at Jose. Mga 40 araw pagkasilang kay Jesus, nagdala sila ng handog ukol sa kasalanan na ipinahihintulot sa mahihirap, “isang pares ng batu-bato o dalawang inakáy na kalapati.” (Lucas 2:24; Levitico 12:6-8) Sa kalaunan, nanirahan sina Maria at Jose sa Nazaret, kung saan lumaki si Jesus sa isang malaking pamilya, na malamang ay may katamtamang uri ng pamumuhay.—Mateo 13:55, 56.
16. Paano naging totoo na si Jesus ay walang “matikas na anyo” o “karilagan”?
16 Bilang isang tao, waring si Jesus ay hindi nag-ugat sa tamang lupa. (Juan 1:46; 7:41, 52) Bagaman siya’y isang taong sakdal at inapo ni Haring David, ang kaniyang hamak na kalagayan ay hindi nagbigay sa kaniya ng anumang “matikas na anyo” o “karilagan”—lalo na sa mga mata niyaong mga umaasang manggagaling ang Mesiyas sa isang mas maringal na pinagmulan. Udyok ng mga Judiong lider ng relihiyon, marami ang naakay na huwag siyang pansinin at hinamak pa nga siya. Nang dakong huli, ang pulutong ay wala nang makitang kanais-nais na bagay sa sakdal na Anak ng Diyos.—Mateo 27:11-26.
“Hinamak at Iniwasan ng mga Tao”
17. (a) Ano naman ang pinasimulang ilarawan ni Isaias, at bakit ang pagkasulat niya ay nasa pamanahong pangnagdaan? (b) Sino ang ‘humamak’ at ‘umiwas’ kay Jesus, at paano nila ito ginawa?
17 Pinasimulan ngayon ni Isaias na ilarawan nang detalyado kung paano mamalasin at pakikitunguhan ang Mesiyas: “Siya ay hinamak at iniwasan ng mga tao, isang taong nauukol sa mga kirot at sa pagkakaroon ng kabatiran sa sakit. At waring may pagkukubli ng mukha ng isa mula sa amin. Siya ay hinamak, at itinuring namin siya bilang walang halaga.” (Isaias 53:3) Palibhasa’y nakatitiyak na magkakatotoo ang kaniyang mga salita, ang sulat ni Isaias ay nasa pamanahong pangnagdaan na para bang nangyari na ang mga ito. Talaga nga bang hinamak at iniwasan ng mga tao si Jesu-Kristo? Talaga nga! Minalas siya ng mapagmatuwid-sa-sariling mga lider ng relihiyon at ng kanilang mga tagasunod bilang ang pinakamasama sa lahat ng tao. Tinawag nila siya na kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga patutot. (Lucas 7:34, 37-39) Dinuraan nila siya sa mukha. Sinuntok nila siya at nilait. Kinutya nila siya at nilibak. (Mateo 26:67) Palibhasa’y naimpluwensiyahan ng mga kaaway na ito ng katotohanan, si Jesus ay “hindi tinanggap ng kaniyang sariling bayan.”—Juan 1:10, 11.
18. Yamang si Jesus ay hindi kailanman nagkasakit, paano siya naging “isang taong nauukol sa mga kirot at sa pagkakaroon ng kabatiran sa sakit”?
18 Bilang isang sakdal na tao, si Jesus ay hindi nagkasakit. Subalit siya’y naging “isang taong nauukol sa mga kirot at sa pagkakaroon ng kabatiran sa sakit.” Ang mga kirot at sakit na iyon ay hindi sa kaniyang sarili. Dumating si Jesus mula sa langit tungo sa isang may-sakit na daigdig. Nabuhay siya sa gitna ng pagdurusa at kirot, subalit hindi niya iniwasan ang mga may karamdaman, sa pisikal o sa espirituwal man. Gaya ng isang nagmamalasakit na doktor, lubos niyang nabatid ang pagdurusa ng mga nakapalibot sa kaniya. Bukod diyan, nagawa niya ang hindi magagawa ng pangkaraniwang doktor na tao.—Lucas 5:27-32.
19. Kaninong mukha ang ‘ikinubli,’ at paano ipinakita ng mga kaaway ni Jesus na “itinuring [nila] siya bilang walang halaga”?
19 Gayunman, sa pangmalas ng mga kaaway ni Jesus, siya ang may-sakit at tumanggi silang pagpakitaan siya ng paglingap. Ang kaniyang mukha ay ‘ikinubli’ sa paningin ngunit hindi dahil sa itinago niya ang kaniyang mukha sa iba. Sa pagsasalin sa Isaias 53:3, ginamit ng The New English Bible ang pariralang “isang bagay na iniiwasang tingnan ng mga tao.” Para sa mga sumasalansang kay Jesus, siya’y lubhang kasuklam-suklam anupat sila, sa diwa, ay umiwas sa pagtingin sa kaniya na para bang siya’y labis na nakapandidiring pagmasdan. Ipinalagay nila na ang kaniyang halaga ay katumbas lamang ng halaga ng isang alipin. (Exodo 21:32; Mateo 26:14-16) Mas mababa pa ang tingin nila sa kaniya kaysa sa mamamaslang na si Barabas. (Lucas 23:18-25) Ano pa kayang mas masahol dito ang magagawa nila upang ipakita ang kanilang mababang pagkakilala kay Jesus?
20. Anong kaaliwan ang ibinibigay ng mga salita ni Isaias sa bayan ni Jehova sa ngayon?
20 Ang mga lingkod ni Jehova sa ngayon ay makapagtatamo ng malaking kaaliwan mula sa mga salita ni Isaias. Paminsan-minsan, maaaring hamakin ng mga salansang ang tapat na mga mananamba ni Jehova o ituring sila na para bang walang halaga. Gayunman, kung paanong totoo kay Jesus, ang importante talaga ay kung paano tayo pinahahalagahan ng Diyos na Jehova. Tutal, kahit na ‘itinuring [ng mga tao] si Jesus bilang walang halaga,’ tiyak na hindi nito nabago ang napakalaking halaga niya sa paningin ng Diyos!
‘Inulos Dahil sa Aming Pagsalansang’
21, 22. (a) Ano ang dinala at pinasan ng Mesiyas alang-alang sa iba? (b) Paano itinuring ng marami ang Mesiyas, at sa ano humantong ang kaniyang pagdurusa?
21 Bakit kailangang magdusa at mamatay ang Mesiyas? Nagpaliwanag si Isaias: “Tunay na ang aming mga sakit ang siyang dinala niya; at kung tungkol sa aming mga kirot, pinasan niya ang mga iyon. Ngunit itinuring namin siya bilang sinalot, sinaktan ng Diyos at pinighati. Ngunit siya ay inuulos dahil sa aming pagsalansang; siya ay sinisiil dahil sa aming mga kamalian. Ang kaparusahang ukol sa aming kapayapaan ay sumasakaniya, at dahil sa kaniyang mga sugat ay nagkaroon ng pagpapagaling para sa amin. Tulad ng mga tupa, kaming lahat ay naligaw; bumaling ang bawat isa sa amin sa kaniyang sariling daan; at pinangyari ni Jehova na ang kamalian naming lahat ay makatagpo ng isang iyon.”—Isaias 53:4-6.
22 Dinala ng Mesiyas ang mga sakit ng iba at pinasan ang kanilang mga kirot. Binuhat niya ang kanilang mga pasanin, wika nga, inilagay sa kaniyang sariling mga balikat, at dinala ang mga ito. At yamang ang sakit at kirot ay mga bunga ng makasalanang kalagayan ng sangkatauhan, dinala ng Mesiyas ang mga kasalanan ng iba. Marami ang hindi nakaunawa sa dahilan ng kaniyang pagdurusa at inakalang siya’y pinarurusahan ng Diyos, anupat sinasalot siya ng nakapandidiring sakit.c Humantong ang pagdurusa ng Mesiyas sa pag-ulos, paniniil, at pagsugat sa kaniya—matitinding salita na nagpapahiwatig ng isang marahas at masakit na kamatayan. Subalit ang kaniyang kamatayan ay may bisa ng pagbabayad-sala; naglalaan ito ng saligan para mabawi ang mga naliligaw sa pagkakamali at kasalanan, anupat tinutulungan silang makasumpong ng kapayapaan sa Diyos.
23. Sa anong paraan pinasan ni Jesus ang pagdurusa ng iba?
23 Paano pinasan ni Jesus ang pagdurusa ng iba? Ang Ebanghelyo ni Mateo, na sumipi sa Isaias 53:4, ay nagsasabi: “Ang mga tao ay nagdala sa kaniya ng maraming tao na inaalihan ng demonyo; at pinalayas niya ang mga espiritu sa pamamagitan ng isang salita, at pinagaling niya ang lahat ng mga nasa masamang kalagayan; upang matupad ang sinalita sa pamamagitan ni Isaias na propeta, na nagsasabi: ‘Siya mismo ang kumuha ng aming mga sakit at nagdala ng aming mga karamdaman.’ ” (Mateo 8:16, 17) Sa pagpapagaling sa mga lumapit sa kaniya na may iba’t ibang sakit, inakò ni Jesus, sa diwa, ang kanilang pagdurusa. At ang gayong mga pagpapagaling ay nakabawas sa kaniyang lakas. (Lucas 8:43-48) Ang kaniyang kakayahang magpagaling ng lahat ng uri ng karamdaman—pisikal at espirituwal—ay nagpatunay na siya’y binigyan ng kapangyarihang linisin ang mga tao mula sa kasalanan.—Mateo 9:2-8.
24. (a) Bakit sa tingin ng marami ay waring “sinalot” ng Diyos si Jesus? (b) Bakit nagdusa at namatay si Jesus?
24 Subalit para sa marami, waring si Jesus ay “sinalot” ng Diyos. Tutal, siya’y nagdusa dahil sa sulsol ng iginagalang na mga lider ng relihiyon. Ngunit tandaan na siya’y hindi nagdusa dahil sa anumang kasalanang nagawa niya. “Si Kristo ay nagdusa para sa inyo,” sabi ni Pedro, “na nag-iwan sa inyo ng huwaran upang maingat ninyong sundan ang kaniyang mga yapak. Hindi siya nakagawa ng kasalanan, ni kinasumpungan man ng panlilinlang ang kaniyang bibig. Siya mismo ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang sariling katawan sa tulos, upang tayo ay matapos na sa mga kasalanan at mabuhay sa katuwiran. At ‘sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay napagaling kayo.’ ” (1 Pedro 2:21, 22, 24) May panahon na tayong lahat ay napalihis dahil sa kasalanan, “tulad ng mga tupa, na naliligaw.” (1 Pedro 2:25) Gayunman, sa pamamagitan ni Jesus, si Jehova ay naglaan ng katubusan mula sa ating makasalanang kalagayan. Pinangyari niya na “makatagpo” ni Jesus ang ating kamalian, upang ito’y mapasakaniya. Kusang pinagdusahan ng walang-kasalanang si Jesus ang parusa sa ating mga kasalanan. Sa pamamagitan ng di-nararapat na pagdanas ng kahiya-hiyang kamatayan sa isang tulos, ginawa niyang posible para sa atin na makipagkasundo sa Diyos.
“Hinayaan Niyang Pighatiin Siya”
25. Paano natin nalalaman na handang magdusa at mamatay ang Mesiyas?
25 Handa bang magdusa at mamatay ang Mesiyas? Sinabi ni Isaias: “Siya ay ginipit, at hinayaan niyang pighatiin siya; gayunma’y hindi niya ibinubuka ang kaniyang bibig. Siya ay dinalang tulad ng isang tupa patungo sa patayan; at tulad ng isang tupang babae na sa harap ng kaniyang mga manggugupit ay napipi, hindi rin niya ibinubuka ang kaniyang bibig.” (Isaias 53:7) Noong huling gabi ng kaniyang buhay, maaari sanang tawagan ni Jesus ang “mahigit sa labindalawang hukbo ng mga anghel” upang tulungan siya. Subalit sinabi niya: “Kung magkagayon, paano matutupad ang Kasulatan na dapat itong maganap sa ganitong paraan?” (Mateo 26:53, 54) Sa halip, hindi lumaban “ang Kordero ng Diyos.” (Juan 1:29) Nang siya’y may-kabulaanang akusahan ng mga punong saserdote at ng mga nakatatandang lalaki sa harap ni Pilato, si Jesus ay “hindi sumagot.” (Mateo 27:11-14) Ayaw niyang magsalita ng anumang bagay na baka makahadlang sa pagsasagawa ng kalooban ng Diyos para sa kaniya. Handa si Jesus na mamatay bilang isang inihaing Kordero, na lubos na nakababatid na ang kaniyang kamatayan ay tutubos sa masunuring sangkatauhan mula sa kasalanan, sakit, at kamatayan.
26. Sa anong paraan gumamit ng “pagpigil” ang mga salansang kay Jesus?
26 Higit pang mga detalye tungkol sa pagdurusa at paghamak sa Mesiyas ang ibinibigay ngayon ni Isaias. Sumulat ang propeta: “Dahil sa pagpigil at sa paghatol ay inalis siya; at sino ang magtutuon ng pansin sa mga detalye ng kaniyang salinlahi? Sapagkat inihiwalay siya mula sa lupain ng mga buháy. Dahil sa pagsalansang ng aking bayan ay natamo niya ang hampas.” (Isaias 53:8) Nang sa wakas ay dalhin si Jesus ng kaniyang mga kaaway, ang mga relihiyosong salansang na ito ay gumamit ng “pagpigil” sa paraan ng pakikitungo nila sa kaniya. Hindi sa tinimpi nilang ipahayag ang kanilang galit kundi na kanilang pinigilan, o ipinagkait, ang katarungan. Sa pagkakasalin nito sa Isaias 53:8, ang sinabi ng Griegong Septuagint ay “paghamak” sa halip na “pagpigil.” Hinamak si Jesus ng kaniyang mga kaaway sa pamamagitan ng pagkakait ng makatarungang pagtrato na nararapat maging sa isang karaniwang kriminal. Ang paglilitis kay Jesus ay isang pagpapawalang-kabuluhan sa katarungan. Paano nagkagayon?
27. Nang isinasagawa ng mga Judiong lider ng relihiyon ang paglilitis kay Jesus, anong mga alituntunin ang ipinagwalang-bahala nila, at sa anong mga paraan nilabag nila ang Kautusan ng Diyos?
27 Palibhasa’y determinado silang iligpit si Jesus, nilabag ng mga Judiong lider ng relihiyon ang kanilang sariling mga alituntunin. Ayon sa tradisyon, ang isang kasong may parusang kamatayan ay maaaring litisin ng Sanedrin doon lamang sa bulwagan na yari sa tinabas na bato sa loob ng templo, hindi sa bahay ng mataas na saserdote. Ang gayong paglilitis ay dapat na gawin sa araw, hindi sa gabi. At sa kasong may parusang kamatayan, dapat ibaba ang hatol ng pagkakasala kinabukasan pa matapos ang pagdinig. Samakatuwid, hindi dapat gawin ang paglilitis sa bisperas ng isang Sabbath o ng isang kapistahan. Ang mga alituntuning ito ay pawang pinawalang-kabuluhan sa kaso ng paglilitis kay Jesus. (Mateo 26:57-68) Masahol pa riyan, tahasang nilabag ng mga lider ng relihiyon ang Kautusan ng Diyos habang hawak nila ang kaso. Halimbawa, nanuhol sila upang mahuli si Jesus. (Deuteronomio 16:19; Lucas 22:2-6) Pinakinggan nila ang mga nagbibigay ng bulaang patotoo. (Exodo 20:16; Marcos 14:55, 56) At sila’y nagsabuwatan upang palayain ang isang mamamaslang, anupat nagdulot sila ng pagkakasala sa dugo sa kanilang sarili at sa kanilang lupain. (Bilang 35:31-34; Deuteronomio 19:11-13; Lucas 23:16-25) Samakatuwid, walang “paghatol,” walang makatuwirang paglilitis na nagbubunga ng isang tama at walang-pinapanigang desisyon.
28. Ano ang hindi isinaalang-alang ng mga kaaway ni Jesus?
28 Nagsiyasat ba ang mga kaaway ni Jesus upang makilala kung sino nga ba talaga ang lalaking nililitis sa harap nila? Katulad din nito ang itinanong ni Isaias: “Sino ang magtutuon ng pansin sa mga detalye ng kaniyang salinlahi?” Ang salitang “salinlahi” ay maaaring tumukoy sa ninuno, o pinagmulan, ng isang tao. Nang si Jesus ay nililitis sa harap ng Sanedrin, hindi man lamang isinaalang-alang ng mga miyembro nito ang kaniyang pinagmulan—na natupad sa kaniya ang mga kahilingan para sa ipinangakong Mesiyas. Sa halip, siya’y pinaratangan nila ng pamumusong at itinuring na marapat sa kamatayan. (Marcos 14:64) Nang maglaon, nagipit ang Romanong gobernador na si Poncio Pilato at sinentensiyahan si Jesus na ibayubay. (Lucas 23:13-25) Sa gayon, si Jesus, sa edad lamang na 33 1/2, ay “inihiwalay,” o kinitil, sa kalagitnaan ng kaniyang buhay.
29. Paano nangyari na ang libingan ni Jesus ay ‘kasama ng mga balakyot’ at “kasama ng mga uring mayaman”?
29 May kinalaman sa kamatayan at libing ng Mesiyas, sumunod na isinulat ni Isaias: “Ang kaniyang dakong libingan ay gagawin niyang kasama nga ng mga balakyot, at kasama ng mga uring mayaman sa kaniyang kamatayan, bagaman wala siyang ginawang karahasan at walang panlilinlang sa kaniyang bibig.” (Isaias 53:9) Paanong sa kaniyang kamatayan at libing ay nakasama ni Jesus ang mga balakyot at gayundin ang mayayaman? Noong Nisan 14, 33 C.E., siya’y namatay sa isang tulos na bitayan sa labas ng mga pader ng Jerusalem. Yamang siya’y ibinayubay sa pagitan ng dalawang manggagawa ng kasamaan, sa diwa’y kasama niya sa kaniyang dakong libingan ang mga balakyot. (Lucas 23:33) Gayunman, pagkamatay ni Jesus, si Jose, isang taong mayaman mula sa Arimatea, ay naglakas-loob na humingi ng pahintulot kay Pilato na ibaba ang bangkay ni Jesus at ilibing ito. Kasama si Nicodemo, inihanda ni Jose ang bangkay para sa libing at pagkatapos ay inilagay ito sa bagong-hukay na libingan na pag-aari niya. (Mateo 27:57-60; Juan 19:38-42) Kaya ang dakong libingan ni Jesus ay kasama rin ng mga uring mayaman.
“Si Jehova ay Nalugod na Siilin Siya”
30. Sa anong diwa nalugod si Jehova na siilin si Jesus?
30 Sumunod ay may sinabi si Isaias na nakagigitla: “Si Jehova ay nalugod na siilin siya; pinagkasakit niya siya. Kung itatalaga mo ang kaniyang kaluluwa bilang handog ukol sa pagkakasala, makikita niya ang kaniyang supling, palalawigin niya ang kaniyang mga araw, at sa kaniyang kamay ay magtatagumpay ang kinalulugdan ni Jehova. Dahil sa kabagabagan ng kaniyang kaluluwa ay makakakita siya, masisiyahan siya. Sa pamamagitan ng kaniyang kaalaman ang matuwid, ang aking lingkod, ay magdadala ng matuwid na katayuan sa maraming tao; at ang kanilang mga kamalian ay kaniyang papasanin.” (Isaias 53:10, 11) Bakit naman kaya ikalulugod ni Jehova na makitang sinisiil ang tapat na lingkod na ito? Maliwanag, hindi mismong si Jehova ang nagdulot ng pagdurusa sa kaniyang mahal na Anak. Ang mga kaaway ni Jesus ang lubos na may pananagutan sa kanilang ginawa sa kaniya. Subalit pinahintulutan sila ni Jehova na maging malupit. (Juan 19:11) Sa anong dahilan? Tiyak na naging masakit para sa Diyos ng empatiya at magiliw na pagkamahabagin na makitang nagdurusa ang kaniyang walang-kasalanang Anak. (Isaias 63:9; Lucas 1:77, 78) Tiyak na hindi nagagalit si Jehova kay Jesus sa anumang paraan. Magkagayunman, nalugod si Jehova sa pagkukusa ng kaniyang Anak na magdusa dahil sa lahat ng pagpapalang idudulot nito.
31. (a) Sa anong paraan itinalaga ni Jehova ang kaluluwa ni Jesus bilang “handog ukol sa pagkakasala”? (b) Pagkatapos ng lahat ng paghihirap na dinanas ni Jesus bilang isang tao, ano ang naging lubhang kasiya-siya para sa kaniya?
31 Una, itinalaga ni Jehova ang kaluluwa ni Jesus bilang “handog ukol sa pagkakasala.” Samakatuwid, nang bumalik si Jesus sa langit, pumasok siya sa presensiya ni Jehova taglay ang bisa ng kaniyang inihaing buhay-tao bilang isang handog ukol sa pagkakasala, at malugod na tinanggap ito ni Jehova alang-alang sa buong sangkatauhan. (Hebreo 9:24; 10:5-14) Sa pamamagitan ng kaniyang handog ukol sa pagkakasala, si Jesus ay nagkaroon ng “supling.” Bilang “Walang-hanggang Ama,” nagagawa niyang magbigay-buhay—walang-hanggang buhay—sa mga sumasampalataya sa kaniyang itinigis na dugo. (Isaias 9:6) Pagkatapos ng lahat ng paghihirap na dinanas ni Jesus bilang isang kaluluwang tao, tiyak na kasiya-siya para sa kaniya na magkaroon ng pagkakataong iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan! Mangyari pa, tiyak na lalong kasiya-siya para sa kaniya na malaman na ang kaniyang integridad ay naglaan sa kaniyang makalangit na Ama ng sagot sa mga panunuya ng Kaniyang Kalaban, si Satanas na Diyablo.—Kawikaan 27:11.
32. Sa pamamagitan ng anong “kaalaman” dinadala ni Jesus ang “matuwid na katayuan sa marami,” at kanino dumarating ang katayuang ito?
32 Ang isa pang pagpapalang naging resulta ng kamatayan ni Jesus ay ang pagdadala niya ng “matuwid na katayuan sa marami,” maging sa ngayon. Ginagawa niya ito, sabi ni Isaias, “sa pamamagitan ng kaniyang kaalaman.” Maliwanag, ito ay kaalamang natamo ni Jesus sa pagiging isang tao at sa di-makatarungang pagdurusa dahil sa kaniyang pagsunod sa Diyos. (Hebreo 4:15) Dahil sa kaniyang pagdurusa hanggang kamatayan, nailaan ni Jesus ang kinakailangang hain upang matulungan ang iba na magtamo ng matuwid na katayuan. Kanino dumarating ang matuwid na katayuang ito? Una, sa kaniyang pinahirang mga tagasunod. Dahil sa nananampalataya sila sa hain ni Jesus, ipinahayag ni Jehova na sila’y matuwid sa layuning ampunin sila bilang mga anak at gawin silang mga kasamang tagapagmana ni Jesus. (Roma 5:19; 8:16, 17) Pagkatapos, “isang malaking pulutong” ng “ibang mga tupa” ang nananampalataya sa itinigis na dugo ni Jesus at nagtatamasa ng isang matuwid na katayuan sa layuning maging mga kaibigan ng Diyos at makaligtas sa Armagedon.—Apocalipsis 7:9; 16:14, 16; Juan 10:16; Santiago 2:23, 25.
33, 34. (a) Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jehova na magpapasigla sa ating puso? (b) Sino ang “marami” na kasama ng Mesiyanikong Lingkod na tatanggap ng isang “bahagi”?
33 Sa huli, inilarawan ni Isaias ang tagumpay ng Mesiyas: “Sa dahilang iyan ay bibigyan ko siya ng bahagi kasama ng marami, at hahati-hatiin niya ang samsam kasama ng mga makapangyarihan, sa dahilang ibinuhos niya ang kaniyang kaluluwa hanggang sa mismong kamatayan, at ibinilang siyang kasama ng mga mananalansang; at kaniyang dinala ang kasalanan ng maraming tao, at para sa mga mananalansang ay namagitan siya.”—Isaias 53:12.
34 Ang pangwakas na mga salita sa bahagi ng hulang ito ni Isaias ay nagtuturo ng isang bagay na nakapagpapasigla tungkol kay Jehova: Pinahahalagahan niya ang mga nananatiling tapat sa kaniya. Ipinahihiwatig ito ng pangako na ‘magbibigay’ siya sa Mesiyanikong Lingkod ng isang “bahagi kasama ng marami.” Malamang na ang mga salitang ito ay mula sa kaugaliang paghati-hatian ang mga samsam mula sa digmaan. Pinahahalagahan ni Jehova ang pagkamatapat ng “marami[ng]” tapat na tao noong sinaunang panahon, kabilang na sina Noe, Abraham, at Job, at siya’y nagtira ng isang “bahagi” para sa kanila sa kaniyang dumarating na bagong sanlibutan. (Hebreo 11:13-16) Sa katulad na paraan, magbibigay siya ng isang bahagi sa kaniyang Mesiyanikong Lingkod. Tunay na hindi hahayaan ni Jehova na hindi magantimpalaan ang kaniyang integridad. Tayo man ay makatitiyak na hindi ‘lilimutin [ni Jehova] ang ating gawa at ang pag-ibig na ipinakikita natin para sa kaniyang pangalan.’—Hebreo 6:10.
35. Sino ang “mga makapangyarihan” na babahaginan ni Jesus ng mga samsam, at ano ang mga samsam?
35 Ang Lingkod ng Diyos ay magkakaroon din ng mga samsam mula sa digmaan sa pamamagitan ng pananagumpay sa kaniyang mga kaaway. Ibabahagi niya ang mga samsam na ito sa “mga makapangyarihan.” Sa katuparan, sino ang “mga makapangyarihan”? Sila ang unang mga alagad ni Jesus na dumaig sa sanlibutan na gaya ng ginawa niya noon—ang 144,000 mamamayan ng “Israel ng Diyos.” (Galacia 6:16; Juan 16:33; Apocalipsis 3:21; 14:1) Ano naman ang mga samsam? Maliwanag na kasama rito ang “kaloob na mga tao,” na inagaw ni Jesus mula sa kuko ni Satanas, wika nga, at ibinigay sa kongregasyong Kristiyano. (Efeso 4:8-12) Ang 144,000 “mga makapangyarihan” ay binibigyan din ng isang bahagi ng ibang samsam. Dahil sa kanilang tagumpay laban sa sanlibutan, inagaw nila kay Satanas ang anumang saligan para tuyain ang Diyos. Ang kanilang di-masisirang debosyon kay Jehova ay nagpapadakila sa kaniya, anupat nagpapasaya sa kaniyang puso.
36. Batid ba ni Jesus na tinutupad niya ang hula tungkol sa Lingkod ng Diyos? Ipaliwanag.
36 Batid ni Jesus na tinutupad niya ang hula tungkol sa Lingkod ng Diyos. Noong gabing dakpin siya, sinipi niya ang mga salitang nakasulat sa Isaias 53:12 at ikinapit ang mga ito sa kaniyang sarili: “Sinasabi ko sa inyo na itong nakasulat ay kailangang maganap sa akin, samakatuwid nga, ‘At siya ay ibinilang na kasama ng mga tampalasan.’ Sapagkat yaong may kinalaman sa akin ay nagaganap na.” (Lucas 22:36, 37) Nakalulungkot, si Jesus ay pinakitunguhan ngang gaya ng isang tampalasan. Siya’y pinatay bilang isang manlalabag-batas, anupat ipinako sa pagitan ng dalawang magnanakaw. (Marcos 15:27) Gayunman, kusang-loob niyang tiniis ang pagdustang dito, palibhasa’y alam na alam niyang siya’y namamagitan para sa atin. Siya’y nakatayo, wika nga, sa pagitan ng mga makasalanan at ng dagok ng parusang kamatayan, at siya mismo ang tumanggap ng dagok.
37. (a) Ang makasaysayang ulat ng buhay at kamatayan ni Jesus ay nagpapangyari sa atin na makagawa ng anong pagkakilala? (b) Bakit dapat tayong magpasalamat sa Diyos na Jehova at sa kaniyang dinakilang Lingkod, si Jesu-Kristo?
37 Ang makasaysayang ulat ng buhay at kamatayan ni Jesus ay nagpapangyari sa atin na makagawa ng tiyak na pagkakilala: Si Jesu-Kristo nga ang Mesiyanikong Lingkod sa hula ni Isaias. Anong laking pasasalamat natin na hinayaan ni Jehova na tuparin ng kaniyang minamahal na Anak ang makahulang papel ng Lingkod, na nagdusa at namatay upang tayo’y matubos mula sa kasalanan at kamatayan! Sa gayo’y nagpakita si Jehova ng malaking pag-ibig sa atin. Sinasabi sa Roma 5:8: “Inirerekomenda ng Diyos sa atin ang kaniyang sariling pag-ibig anupat, samantalang tayo ay mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay para sa atin.” Anong laking pasasalamat din natin kay Jesu-Kristo, ang dinakilang Lingkod, na kusang-loob na nagbuhos ng kaniyang kaluluwa hanggang sa mismong kamatayan!
[Mga talababa]
a Sa pagkakasalin nito sa Isaias 52:13, ang Targum ni Jonathan ben Uzziel (unang siglo C.E.), ayon sa pagkasalin ni J. F. Stenning, ay nagsasabi: “Masdan, ang aking lingkod, ang Pinahiran (o, ang Mesiyas) ay uunlad.” Sa katulad na paraan, ang Babilonikong Talmud (c. ikatlong siglo C.E.) ay nagsasabi: “Ang Mesiyas—ano ang kaniyang pangalan? . . . [; yaong mga] nasa sambahayan ng Rabbi [halimbawa, Ang maysakit], gaya ng sinabi, ‘Tiyak na pinasan niya ang aming mga sakit.’ ”—Sanedrin 98b; Isaias 53:4.
b Tinukoy ng propetang si Mikas ang Betlehem bilang “napakaliit upang mapabilang sa libu-libo ng Juda.” (Mikas 5:2) Gayunman, ang maliit na Betlehem ay nagkaroon ng natatanging karangalan na maging ang bayan na pinagsilangan ng Mesiyas.
c Ang salitang Hebreo na isinaling “sinalot” ay ginagamit din may kinalaman sa ketong. (2 Hari 15:5) Ayon sa ilang iskolar, kinuha ng ilang Judio sa Isaias 53:4 ang ideya na ang Mesiyas ay magiging isang ketongin. Ikinakapit ng Babilonikong Talmud ang talatang ito sa Mesiyas, anupat tinatawag siyang “ang ketonging iskolar.” Ang Katolikong Douay Version, kasuwato ng Latin Vulgate, ay nagsasalin sa talatang ito: “Itinuring namin siya na parang isang ketongin.”
[Chart sa pahina 212]
LINGKOD NI JEHOVA
Kung Paano Ginampanan ni Jesus ang Papel
HULA
PANGYAYARI
KATUPARAN
Itinaas at dinakila
Gawa 2:34-36; Fil. 2:8-11; 1 Ped. 3:22
Pinasamâ at pinulaan
Mat. 11:19; Mat 27:39-44, 63, 64; Juan 8:48; 10:20
Ginulat ang maraming bansa
Mat. 24:30; 2 Tes. 1:6-10; Apoc. 1:7
Hindi pinaniwalaan
Juan 12:37, 38; Roma 10:11, 16, 17
Hamak at simple ang pasimula bilang tao
Hinamak at itinakwil
Mat. 26:67; Luc. 23: 18-25; Juan 1:10, 11
Dinala ang ating mga sakit
Inulos
Nagdusa dahil sa mga kamalian ng iba
Tahimik at walang tutol sa harap ng mga tagapag-akusa
Mat. 27:11-14; Mar. 14:60, 61; Gawa 8:32, 35
Di-makatarungang nilitis at hinatulan
Mat. 26:57-68; Mat 27:1, 2, 11-26; Juan 18:12-14, 19-24, 28-40
Inilibing kasama ng mayayaman
Itinalaga ang kaluluwa bilang handog ukol sa pagkakasala
Binuksan ang daan para sa marami upang magkamit ng matuwid na katayuan
Roma 5:18, 19; 1 Ped. 2:24; Apoc. 7:14
Ibinilang sa mga makasalanan
Mat. 26:55, 56; Mat 27:38; Luc. 22:36, 37
[Larawan sa pahina 203]
‘Siya ay hinamak ng mga tao’
[Larawan sa pahina 206]
“Hindi niya ibinubuka ang kaniyang bibig”
[Credit Line]
Detalye mula sa “Ecce Homo” ni Antonio Ciseri
[Larawan sa pahina 211]
“Ibinuhos niya ang kaniyang kaluluwa hanggang sa mismong kamatayan”