Maging Progresibo—Gumawa ng Pagsulong
NANG una mong matutuhan ang pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya, ang kinagawiang takbo ng iyong pag-iisip, pananalita, at paggawi ay unti-unting nagbago. Ang karamihan sa mga ito ay nangyari kahit bago ka pa magpatala sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Ngayon marahil ay sumulong ka na hanggang sa punto na ikaw ay nag-alay na ng iyong buhay kay Jehova. Nangangahulugan ba ito na maaari ka nang huminto sa pagsulong? Hindi naman. Ang iyong bautismo ay isa lamang pasimula.
Ang alagad na si Timoteo ay naglilingkod na noon bilang isang Kristiyanong matanda nang sabihin sa kaniya ni Pablo na “magmuni-muni” kapuwa sa payong ibinigay sa kaniya at sa mga pribilehiyo ng paglilingkod na ipinagkatiwala sa kaniya—na ‘magbuhos ng pansin’ sa mga bagay na ito—upang ang kaniyang “pagsulong ay mahayag sa lahat ng mga tao.” (1 Tim. 4:12-15) Maging ikaw man ay nagpapasimula pa lamang sa daan ng katotohanan o marami nang karanasan sa Kristiyanong pamumuhay, dapat na maging interesado ka na sumulong.
Kaalaman at Pagbabago
Sa Efeso 3:14-19, ating mababasa na si apostol Pablo ay nanalangin upang “lubos na maintindihan [ng kaniyang mga kapananampalataya] . . . ang lapad at haba at taas at lalim” ng katotohanan. Dahil dito, ibinigay ni Jesus ang mga kaloob na mga tao upang magturo, magbalik sa ayos, at magpatibay sa kongregasyon. Ang regular na pagbubulay-bulay sa kinasihang Salita ng Diyos, lakip na ang patnubay mula sa makaranasang mga guro, ay makatutulong sa atin upang “lumaki” sa espirituwal.—Efe. 4:11-15.
Ang paglaking ito ay naglalakip sa ‘pagbabago sa puwersa na nagpapakilos sa inyong pag-iisip.’ Nasasangkot dito ang pagkakaroon ng matinding hilig ng kaisipan na kasuwato ng sa Diyos at ng kay Kristo. Humihiling ito ng patuloy na pagkakalantad sa kanilang kaisipan, upang ‘makapagbihis ng bagong personalidad.’ (Efe. 4:23, 24) Kapag pinag-aaralan mo ang mga Ebanghelyo, minamalas mo ba ang mga ulat na ito ng buhay ni Kristo bilang isang parisan upang masundan mo? Sinisikap mo bang alamin ang espesipikong mga katangian na ipinakita ni Jesus at pagkatapos ay gumawa ka ng tunay na pagsisikap upang tularan ang mga ito sa iyong sariling buhay?—1 Ped. 2:21.
Ang mga paksa na iyong isinasama sa pag-uusap ay maaaring magpakita kung gaano na kalawak ang nagawa mong pagsulong. Yaong mga nagbihis na ng bagong personalidad ay hindi gumagamit ng mapandaya, mapang-abuso, mahalay, o negatibong pananalita. Sa halip, ang kanilang pananalita ay “mabuti sa ikatitibay . . . upang maibahagi nito ang kaayaaya sa mga nakikinig.” (Efe. 4:25, 26, 29, 31; 5:3, 4; Jud. 16) Ang kanilang mga komento at mga kapahayagan sa pribado at sa mga pulong ng kongregasyon ay nagsisiwalat na ang katotohanan ay nagpapabago sa kanilang buhay.
Kung ikaw ay hindi na “sinisiklut-siklot ng mga alon at dinadalang paroo’t parito ng bawat hangin ng turo,” ito man ay katunayan ng pagsulong. (Efe. 4:14) Halimbawa, ano ang nagiging reaksiyon mo kapag ipinagpipilitan sa iyo ng sanlibutan ang maraming bagong ideya, mga kilusan, o mga anyo ng paglilibang? Natutukso ka bang kumuha ng panahon mula sa espirituwal na mga pananagutan upang itaguyod ang gayong mga bagay? Ang paggawa nito ay lubhang makahahadlang sa espirituwal na pagsulong. Higit ngang katalinuhan na bumili ng panahon para sa espirituwal na mga tunguhin!—Efe. 5:15, 16.
Kung paano ka nakikitungo sa ibang tao ay maaari ring maging palatandaan ng espirituwal na pagsulong. Natutuhan mo na ba na maging ‘mahabagin na may paggiliw, lubusang nagpapatawad’ sa iyong mga kapatid na lalaki at babae?—Efe. 4:32.
Ang iyong pagsulong sa paggawa ng mga bagay-bagay ayon sa paraan ni Jehova ay dapat na mahayag sa kongregasyon at sa tahanan. Ito ay dapat ding makita sa paaralan, sa pampublikong mga lugar, at sa lugar ng iyong sekular na trabaho. (Efe. 5:21–6:9) Kung sa lahat ng gayong kalagayan ikaw ay lubos na nagpapamalas ng makadiyos na mga katangian, kung gayon ang iyong pagsulong mismo ay nahahayag.
Gamitin ang Iyong Kaloob
Si Jehova ay nagkaloob sa bawat isa sa atin ng mga kakayahan at talino. Inaasahan niyang gagamitin natin ang mga ito sa kapakanan ng iba anupat sa pamamagitan natin ay maipahahayag niya ang kaniyang di-sana nararapat na kabaitan. Hinggil dito, si apostol Pedro ay sumulat: “Ayon sa kaloob na tinanggap ng bawat isa, gamitin ito sa paglilingkod sa isa’t isa bilang mabubuting katiwala ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.” (1 Ped. 4:10) Paano mo ginagampanan ang ipinagkatiwala sa iyo?
Si Pedro ay nagpatuloy: “Kung ang sinuman ay nagsasalita, salitain niya iyon na gaya ng mga sagradong kapahayagan ng Diyos.” (1 Ped. 4:11) Ang talatang ito ay nagdiriin sa pananagutang magsalita na lubusang kasuwato ng Salita ng Diyos, upang maluwalhati ang Diyos. Ang gayong paraan ng pagsasalita ay dapat ding lumuwalhati kay Jehova. Ang ipinagkakaloob na pagsasanay sa pamamagitan ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo ay makatutulong sa iyo na gamitin ang iyong kaloob sa gayong paraan—na lumuluwalhati sa Diyos sa pamamagitan ng pagtulong mo sa iba. Sa pagkakaroon mo ng gayong tunguhin, paano mo nararapat sukatin ang iyong pagsulong sa paaralan?
Sa halip na isipin kung gaano karaming punto na ang nasaklaw mo sa iyong talaan ng payo sa pagsasalita o ang uri ng mga atas na naibigay na sa iyo, isipin kung gaano na kalawak ang isinulong ng kalidad ng iyong hain ng papuri dahil sa pagsasanay. Inihahanda tayo ng paaralan upang maging higit na mabisa sa ministeryo sa larangan. Kaya itanong mo sa sarili: ‘Talaga bang inihahanda ko kung ano ang aking sasabihin sa paglilingkod sa larangan? Ako ba ay natutong magpakita ng personal na interes sa mga binibigyan ko ng patotoo? Naglalatag ba ako ng saligan para sa mga pagdalaw-muli sa pamamagitan ng pag-iiwan sa mga tao ng isang tanong na mapag-uusapan sa susunod na pagkakataon? Kung may inaaralan ako sa Bibliya, ako ba ay nagsisikap na sumulong bilang isang guro na inaabot ang puso?’
Huwag malasin ang pagsulong sa pamamagitan lamang ng mga pribilehiyo ng paglilingkod na ipinagkaloob sa iyo. Ang pagsulong mo ay nakikita, hindi sa atas, kundi sa kung ano ang ginagawa mo rito. Kapag binigyan ka ng isang atas na nagsasangkot sa pagtuturo, itanong mo sa sarili: ‘Talaga bang ginamit ko ang sining ng pagtuturo? Ginampanan ko ba ang materyal sa paraang ito’y nagdudulot ng malaking epekto sa buhay ng mga nakapakinig nito?’
Ang payo na gamitin ang iyong kaloob ay nagpapahiwatig ng pagkukusa. Nagkukusa ka bang gumawang kasama ng iba sa ministeryo sa larangan? Humahanap ka ba ng mga pagkakataon upang tulungan ang mga baguhan, kabataan, o may-kapansanang miyembro ng inyong kongregasyon? Ikaw ba ay nagboboluntaryo upang maglinis ng Kingdom Hall o tumutulong sa iba’t ibang paraan sa mga kombensiyon at mga asamblea? Maaari ka bang magpatala sa pana-panahon bilang isang auxiliary pioneer? Makapaglilingkod ka ba bilang isang regular pioneer o makatutulong sa isang kongregasyon kung saan mas malaki ang pangangailangan? Kung ikaw ay isang kapatid na lalaki, sinisikap mo bang abutin ang mga maka-Kasulatang kuwalipikasyon para sa mga ministeryal na lingkod at matatanda? Ang pagnanais mong mag-alok ng tulong at tumanggap ng pananagutan ay isang tanda ng pagsulong.—Awit 110:3.
Ang Papel na Ginagampanan ng Karanasan
Kung sa palagay mo’y kaunti ang iyong nagagawa dahil sa kakulangan ng karanasan sa Kristiyanong pamumuhay, huwag masiraan ng loob. Ang Salita ng Diyos ay “nagpaparunong sa walang-karanasan.” (Awit 19:7; 119:130; Kaw. 1:1-4) Ang pagkakapit sa payo ng Bibliya ay tumutulong sa atin na makinabang mula sa sakdal na karunungan ni Jehova, na mas mahalaga kaysa alinmang natututuhan sa pamamagitan lamang ng karanasan. Subalit, habang tayo ay sumusulong sa ating paglilingkod kay Jehova, tayo ay nagtatamo nga ng kapaki-pakinabang na karanasan. Paano natin magagamit ito sa ikabubuti?
Dahil sa pagkalantad sa iba’t ibang kalagayan sa buhay, ang isang tao ay maaaring mahikayat na mangatuwiran: ‘Napaharap na ako noon sa kalagayang ito. Alam ko na kung ano ang dapat gawin.’ Ito ba ang landas ng karunungan? Ang Kawikaan 3:7 ay nagbababala: “Huwag kang magpakarunong sa iyong sariling paningin.” Dapat lamang na mapalawak ng karanasan ang ating pangmalas sa mga salik na kailangang maisaalang-alang kapag humaharap sa mga kalagayan sa buhay. Subalit kung tayo ay gumagawa ng pagsulong sa espirituwal, dapat ding ikintal ng karanasan sa ating isip at puso na kailangan natin ang pagpapala ni Jehova upang magtagumpay. Kung gayon, ang ating pagsulong ay mahahayag, hindi dahil sa pagharap natin sa mga suliranin taglay ang pagtitiwala sa sarili, kundi sa pagbaling natin kaagad kay Jehova para sa patnubay sa ating buhay. Ito’y makikita sa ating pagtitiwala na walang anumang mangyayari kung wala siyang kapahintulutan at sa laging pagkakaroon natin ng isang may-pagtitiwala at maibiging kaugnayan sa ating makalangit na Ama.
Patuloy na Abutin ang Nasa Unahan
Kinilala ni apostol Pablo na sa kabila ng pagiging isang maygulang sa espirituwal at isang pinahirang Kristiyano, kailangang patuloy niyang ‘abutin ang nasa unahan’ upang tamuhin ang tunguhin ng buhay. (Fil. 3:13-16) Taglay mo ba ang gayon ding pangmalas?
Hanggang saan na ang nagawa mong pagsulong? Sukatin ang iyong pagsulong sa pamamagitan ng kung gaano mo lubusang binihisan ang iyong sarili ng bagong personalidad, kung gaano ka lubos na nagpasakop sa soberanya ni Jehova, at kung gaano mo ginagamit nang buong sigasig ang iyong mga kaloob upang parangalan si Jehova. Habang nakikinabang ka sa edukasyon mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, ang mga katangiang itinampok sa Salita ng Diyos ay dapat na progresibong makita sa iyong paraan ng pagsasalita at pagtuturo. Ingatang nakatutok ang pansin sa mga aspektong ito ng iyong pagsulong. Oo, ikagalak ang mga ito, at ang iyong pagsulong ay madaling mahahayag.