ARALIN 1
Tumpak na Pagbabasa
ANG Kasulatan ay nagsasabi na kalooban ng Diyos na ang lahat ng uri ng mga tao ay “sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:4) Kasuwato nito, kapag tayo ay bumabasa nang malakas mula sa Bibliya, ang ating pagnanais na maitawid ang tumpak na kaalaman ay dapat na makaimpluwensiya sa kung paano tayo nagbabasa.
Ang kakayahang bumasa nang malakas mula sa Bibliya at mula sa mga publikasyong nagpapaliwanag sa Bibliya ay mahalaga kapuwa sa mga kabataan at sa mga nakatatanda. Bilang mga Saksi ni Jehova, tayo ay may pananagutang ibahagi sa iba ang kaalaman ni Jehova at ang kaniyang mga daan. Iyan ay kadalasang nagsasangkot sa pagbabasa sa isang tao o sa isang maliit na grupo. Ginagawa rin natin ang gayong pagbabasa sa loob ng pamilya. Sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, may angkop na mga pagkakataon para sa mga kapatid na lalaki at babae, bata at matanda, na tumanggap ng payo hinggil sa pagpapasulong sa kanilang pagbasa nang malakas.
Ang pagbabasa ng Bibliya sa madla, maging sa mga indibiduwal o sa kongregasyon, ay isang bagay na dapat na ituring na mahalaga. Ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos. Bukod dito, “ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas . . . at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” (Heb. 4:12) Ang Salita ng Diyos ay naglalaman ng napakahalagang kaalaman na hindi makukuha sa iba. Ito ay makatutulong sa isang tao upang makilala ang tanging tunay na Diyos at malinang ang isang mainam na kaugnayan sa kaniya at mapagtagumpayan din ang mga suliranin sa buhay. Ipinaliliwanag nito ang daan tungo sa buhay na walang hanggan sa bagong sanlibutan ng Diyos. Dapat na tunguhin nating mabasa ang Bibliya sa pinakamabuting paraan na magagawa natin.—Awit 119:140; Jer. 26:2.
Kung Paano Magbabasa Nang May Katumpakan. Marami ang pitak para sa mabisang pagbabasa, subalit ang pagkakaroon ng katumpakan ang siyang unang hakbang. Ito ay nangangahulugan ng pagsisikap na basahin nang eksakto kung ano ang nakasulat sa pahina. Mag-ingat na huwag lalaktawan ang mga salita, huwag puputulin ang mga dulo ng salita, o babasahin nang mali ang mga salita dahil sa pagkakatulad nito sa ibang mga salita.
Upang mabasa nang tama ang mga salita, kailangan mong maunawaan ang konteksto. Mangangailangan iyan ng maingat na paghahanda. Sa takdang panahon, habang nagkakaroon ka ng kakayahang makita nang patiuna at maunawaan ang daloy ng diwa, ang iyong pagbabasa nang may katumpakan ay susulong.
Ang bantas at mga tuldik ay mahahalagang bahagi ng nasusulat na wika. Maipakikita ng bantas kung saan ka panandaliang hihinto, gaano katagal ang paghinto, at marahil maging ang pangangailangang baguhin ang tono. Sa ilang wika, ang hindi pagbabago ng tono kapag hinihiling ng bantas ay maaaring bumago sa isang katanungan tungo sa isang paglalahad, o maaaring bumago sa kahulugan nito sa kabuuan. Sabihin pa, manaka-naka ang bantas ay may malaking kaugnayan sa balarila. Sa maraming wika hindi posibleng bumasa nang may katumpakan kung hindi bibigyan ng maingat na pansin ang mga tuldik—kapuwa yaong sa mga nakasulat at yaong mga nauunawaan mula sa konteksto. Naiimpluwensiyahan ng mga ito ang tunog ng mga letra na kaugnay ng mga ito. Tiyakin mong maging pamilyar ka sa paraan ng paggamit ng bantas at mga tuldik sa iyong wika. Ito ang susi sa makabuluhang paraan ng pagbabasa. Tandaan na ang iyong tunguhin ay ang magtawid ng mga diwa, hindi lamang ang bumigkas ng mga salita.
Kinakailangan ang pag-iinsayo upang malinang mo ang kakayahang bumasa nang may katumpakan. Bumasa lamang ng isang parapo, at pagkatapos ay ulit-ulitin iyon hanggang sa mabasa mo iyon nang walang anumang pagkakamali. Pagkatapos ay magpatuloy ka sa susunod na parapo. Sa bandang huli, pagsikapang basahin ang ilang pahina ng materyal nang hindi nilalaktawan, inuulit, o binabasa nang mali ang anumang salita. Pagkatapos mong gawin ang gayong mga hakbang, hilingin sa isang tao na subaybayan ang iyong pagbabasa at ipakita ang anumang pagkakamali mo.
Sa ilang panig ng daigdig, ang mahinang paningin at di-sapat na liwanag ay nagpapahirap sa pagbabasa. Kung posibleng malunasan ang ganitong mga kalagayan, walang pagsalang magkakaroon ng pagsulong ang pagbabasa.
Sa takdang panahon, ang mga kapatid na lalaki na mahusay bumasa ay maaaring anyayahang makibahagi sa pangmadlang pagbabasa ng pinag-aaralang materyal sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat at sa Pag-aaral sa Bantayan. Subalit upang magampanang mabuti ang gayong pribilehiyo, higit pa ang kailangan kaysa sa pagbigkas lamang nang may kawastuan sa mga salita. Upang maging isang mabisang pangmadlang tagapagbasa sa kongregasyon, kailangang magkaroon ka ng mabuting kaugalian sa personal na pagbabasa. Sangkot dito ang pagkaalam na ang bawat salita sa isang pangungusap ay may ginagampanang papel. Hindi mo maaaring laktawan ang ilan sa mga ito at pagkatapos ay magkaroon ka pa rin ng isang malinaw na pagkaunawa sa ibig sabihin nito. Kung nagkamali ka sa pagbasa sa mga salita, kahit na sa personal mong pagbabasa, mapipilipit ang kahulugan ng pangungusap. Ang maling pagbabasa ay maaaring dahil sa hindi pagbibigay-pansin sa mga tuldik o sa konteksto ng ginamit na mga salita. Pagsikapang unawain kung ano ang kahulugan ng bawat salita ayon sa konteksto nang paglitaw nito. Isaalang-alang din kung paanong ang bantas ay nakaaapekto sa kahulugan ng pangungusap. Tandaan na ang diwa ay kadalasang itinatawid sa pamamagitan ng grupo ng mga salita. Bigyang-pansin ang mga ito upang sa pagbabasa nang malakas, ang binabasa mo ay grupo ng mga salita—mga parirala at mga sugnay—sa halip na mga salita lamang. Ang maliwanag na pagkaunawa sa iyong binabasa ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagtatawid ng tumpak na kaalaman sa iba sa pamamagitan ng pangmadlang pagbabasa.
Sa isang makaranasang Kristiyanong matanda ay sumulat si apostol Pablo: “Magsikap ka sa pangmadlang pagbabasa.” (1 Tim. 4:13) Maliwanag na ito’y isang larangan na doo’y makagagawa tayong lahat ng pagsulong.