Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • be aralin 12 p. 121-p. 123 par. 2
  • Pagkumpas at Ekspresyon ng Mukha

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagkumpas at Ekspresyon ng Mukha
  • Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
  • Kaparehong Materyal
  • Kilos ng Katawan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Pagbati
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Pagyukod
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Pagpapatirapa
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
be aralin 12 p. 121-p. 123 par. 2

ARALIN 12

Pagkumpas at Ekspresyon ng Mukha

Ano ang kailangan mong gawin?

Gamitin ang pagkilos ng mga kamay, ng mga balikat, o ng buong katawan upang ipahayag ang mga ideya, damdamin, o mga saloobin.

Gamitin ang mga mata at bibig at pati na ang posisyon ng ulo upang pagtibayin ang binigkas na salita at upang ipahayag ang damdamin.

Bakit ito mahalaga?

Idinaragdag ng pagkumpas at ekspresyon ng mukha ang nakikita at madamdaming pagdiriin sa iyong pahayag. Maaaring antigin ng mga ito ang iyong damdamin anupat mapasisigla ang iyong boses.

ANG mga tao ng ilang kultura ay mas madalas na kumukumpas kaysa roon sa mga iba ang pinagmulan. Subalit, halos lahat ay nagsasalita taglay ang pagbabago sa ekspresyon ng mukha at ilang anyo ng pagkumpas. Ito ay totoo kapuwa sa personal na pag-uusap at sa pagsasalita sa madla.

Ang pagkumpas ay likas kay Jesus at sa kaniyang sinaunang mga alagad. Sa isang pagkakataon, may nagsabi kay Jesus na ang kaniyang ina at ang kaniyang mga kapatid ay gustong makipag-usap sa kaniya. Si Jesus ay sumagot: “Sino ang aking ina, at sino ang aking mga kapatid?” Pagkatapos ay idinagdag ng Bibliya: “Iniuunat ang kaniyang kamay tungo sa kaniyang mga alagad, sinabi niya: ‘Narito! Ang aking ina at ang aking mga kapatid!’ ” (Mat. 12:48, 49) Bukod sa iba pang mga reperensiya, ipinakikita ng Bibliya sa Gawa 12:17 at 13:16 na sina apostol Pedro at Pablo ay kusa ring kumumpas.

Ang mga ideya at mga damdamin ay ipinahahayag hindi lamang sa pamamagitan ng boses kundi sa pamamagitan din ng pagkumpas at ekspresyon ng mukha. Ang hindi paggamit na mabuti sa mga ito ay makapagbibigay ng impresyon ng kawalang-interes sa bahagi ng nagsasalita. Subalit kapag angkop na pinagsama ang mga paraang ito ng pakikipagtalastasan, lalong nagiging mabisa ang pagpapahayag. Kahit na sa pakikipag-usap mo sa telepono, kung gagamit ka ng angkop na pagkumpas at ekspresyon ng mukha, mas madaling maihahatid ng iyong boses ang kahalagahan ng iyong mensahe at maging ang personal mong nadarama hinggil sa iyong sinasabi. Kaya, nagsasalita ka man nang ekstemporanyo o nagbabasa, nakatingin man sa iyo ang iyong tagapakinig o sa kanilang sariling sipi ng Bibliya, ang pagkumpas at ekspresyon ng mukha ay mahalaga.

Ang iyong pagkumpas at ang ekspresyon ng iyong mukha ay hindi dapat na maging artipisyal. Hindi mo kailanman pinag-aralan kung paano tatawa o kung paano magagalit. Ang pagkumpas ay dapat ding magpahayag ng iyong damdamin. Habang nagiging higit na natural ang iyong pagkumpas, lalong mabuti.

Ang pagkumpas ay nahahati sa dalawang pangkalahatang kategorya: deskriptibo at empatiko. Ang pagkumpas na deskriptibo ay nagpapahayag ng aksiyon o nagpapakita ng sukat at lugar. Sa paaralan, kapag pinasusulong mo ang pagkumpas, huwag maging kontento sa paggamit ng isa o dalawa lamang nito. Sikaping kumumpas sa natural na paraan sa buong pahayag mo. Kung nahihirapan ka sa paggawa nito, baka makatulong sa iyo ang paghanap ng mga salita na nagpapakita ng direksiyon, distansiya, sukat, lugar, o mga relatibong posisyon. Gayunman, sa maraming kaso, ang kakailanganin mo lamang gawin ay ang magbuhos ng pansin sa iyong pahayag, na hindi nag-aalala tungkol sa naibibigay mong impresyon, kundi nagsasabi at gumagawa ng mga bagay kagaya ng gagawin mo sa pang-araw-araw na pamumuhay. Kapag ang isang tao ay panatag, ang pagkumpas ay lumalabas nang natural.

Ang pagkumpas na empatiko ay nagpapahayag ng damdamin at ng kombiksiyon. Pinatitingkad, pinasisigla, at pinatitibay ng mga ito ang mga ideya. Ang pagkumpas na empatiko ay mahalaga. Subalit mag-ingat! Ang pagkumpas na empatiko ay maaaring madaling maging pinagkagawian. Kapag ginagamit mo nang paulit-ulit ang gayunding pagkumpas, maaaring ito na ang kumuha ng atensiyon sa halip na maging pantulong sa iyong pahayag. Kapag ipinakita ng iyong tagapangasiwa sa paaralan na problema mo ito, limitahan mo muna ang iyong sarili sa pagkumpas na deskriptibo sa loob ng ilang panahon. Pagkatapos ng ilang panahon, magpasimulang gamitin muli ang pagkumpas na empatiko.

Sa pagtiyak kung hanggang saan ka dapat gumamit ng pagkumpas na empatiko at ang uri ng pagkumpas na naaangkop, isaalang-alang ang nadarama niyaong mga pinagpapahayagan mo. Kapag itinuturo ang tagapakinig maaaring maasiwa sila. Kapag ang isang lalaki sa ilang kultura ay kumukumpas, tulad ng paglalagay ng kaniyang kamay sa bibig upang ipahayag ang pagkagulat, ito ay mamalasin bilang kilos-babae. Sa ilang panig ng daigdig, itinuturing na hindi kahinhinan para sa mga babae na malayang ikinukumpas ang mga kamay. Kaya sa gayong mga lugar, kailangang gamiting mabuti lalo na ng mga kapatid na babae ang mga ekspresyon ng mukha. At sa harapan ng isang maliit na grupo, ang sobrang pagkumpas ay maaaring malasin na katawa-tawa sa halos lahat ng panig ng daigdig.

Habang nagtatamo ka ng karanasan at nagiging higit na palagay sa pagsasalita, anumang pagkumpas na empatiko na ginagamit mo ay magpapahayag ng inyong panloob na nadarama sa natural na paraan, anupat nagpapakita ng iyong kombiksiyon at kataimtiman. Magdaragdag ito ng kahulugan sa iyong pagsasalita.

Ang Ekspresyon sa Iyong Mukha. Higit sa alinmang bahagi ng katawan, ang iyong mukha ang kadalasang nagpapahayag sa talagang nadarama mo. Ang mga mata mo, ang hugis ng bibig mo, ang pagkiling ng ulo mo ay pawang may ginagampanang bahagi. Kahit na walang binibigkas na salita, makikita sa iyong mukha ang kawalang-interes, pagkasuya, kalituhan, panggigilalas, o katuwaan. Kapag ang gayong ekspresyon ng mukha ay sumasabay sa binigkas na salita, pinag-iibayo ng mga ito ang nakikita at nadaramang epekto. Naglagay ang Maylalang ng napakaraming kalamnan sa iyong mukha​—mahigit sa 30 lahat-lahat. Halos kalahati ng mga ito ang ginagamit kapag ngumingiti ka.

Nasa plataporma ka man o nakikibahagi sa ministeryo sa larangan, pinagsisikapan mong ibahagi sa mga tao ang isang mensaheng kasiya-siya, isa na magpapagalak sa kanilang puso. Ang isang masayang mukha ay nagpapatunay nito. Sa kabilang panig, kung ang mukha mo ay walang ekspresyon, maaaring magbangon ito ng mga pag-aalinlangan sa iyong kataimtiman.

Higit pa riyan, ang isang ngiti ay nagsasabi sa iba na mayroon kang mabuting damdamin para sa kanila. Iyon ay mahalaga lalo na sa mga panahong ito na ang mga tao ay kadalasang natatakot sa mga estranghero. Ang iyong ngiti ay makatutulong sa mga tao na maging palagay at maging higit na handang tumanggap sa sasabihin mo.

MGA PUNTONG DAPAT TANDAAN

  • Ang pinakamabisang pagkumpas at ekspresyon ng mukha ay nagmumula sa panloob na pagkatao ng isa. Magmasid sa ginagawa ng iba, subalit huwag subukin na gayahin sila sa bawat detalye.

  • Pag-aralan ang materyal ng iyong mga pahayag hanggang sa malaman mong mabuti iyon. Damhin ito, ilarawan ito sa isip, at pagkatapos ay gamitin ang iyong tinig, ang iyong mga kamay, at ang iyong mukha upang ipahayag ito.

MGA PAGSASANAY: (1) Basahin ang Genesis 6:13-22. Sa iyong sariling pananalita, ilarawan ang paggawa ng arka at ang pagtitipon ng mga hayop. Huwag mag-alala sa mga detalye; basta sabihin lamang kung ano ang iyong natatandaan. Gumamit ng pagkumpas na deskriptibo habang ginagawa iyon. Hilingin sa iba na magmasid sa iyo at magbigay ng mga komento. (2) Magsalita na para bang nagpapatotoo ka sa iba tungkol sa Kaharian ng Diyos at sa mga pagpapala na idudulot nito. Tiyaking ang ekspresyon ng iyong mukha ay nagpapakita kung ano talaga ang nadarama mo tungkol sa iyong inilalarawan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share