Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • be aralin 20 p. 147-p. 149 par. 3
  • Mabisang Pagpapakilala sa Kasulatan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mabisang Pagpapakilala sa Kasulatan
  • Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
  • Kaparehong Materyal
  • Paghimok na Gamitin ang Bibliya
    Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
  • Pumupukaw-Interes na Pambungad
    Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
  • Angkop na Introduksiyon sa Teksto
    Maging Mahusay sa Pagbabasa at Pagtuturo
  • Nakapagtuturo sa Iyong Tagapakinig
    Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
Iba Pa
Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
be aralin 20 p. 147-p. 149 par. 3

ARALIN 20

Mabisang Pagpapakilala sa Kasulatan

Ano ang kailangan mong gawin?

Ihanda ang kaisipan ng iyong mga tagapakinig bago mo basahin ang isang kasulatan.

Bakit ito mahalaga?

Ang mabisang pagpapakilala sa isang kasulatan ay makatutulong sa iyong tagapakinig na maunawaan ang tunay na kahalagahan ng sinasabi ng teksto.

ANG Kasulatan ang naglalaan ng pundasyon para sa pagtuturong ibinibigay sa ating mga pulong ng kongregasyon. Ang mga teksto sa Bibliya ang siyang pinakasentro rin ng ating sinasabi sa ministeryo sa larangan. Gayunman, kung gaano kalaki ang maitutulong nito sa ating pagtalakay ay depende rin sa kung gaano kabisa ang ating pagpapakilala sa mga ito.

Higit pa ang kailangan kaysa basta tukuyin ang kasulatan at anyayahan ang isang tao na basahin iyon kasama mo. Kapag ipinakikilala ang isang kasulatan, pagsikapang maabot ang dalawang tunguhin: (1) Pukawin ang pananabik, at (2) ituon ang pansin sa dahilan ng paggamit sa teksto. Ang mga tunguhing ito ay maaaring maabot sa iba’t ibang paraan.

Magtanong. Ito ang pinakamabisa kung ang sagot ay hindi pa maliwanag sa iyong tagapakinig. Pagsikapang iharap ang tanong sa layuning papag-isipin ang mga tao. Ginawa ito ni Jesus. Nang lumapit sa kaniya sa templo ang mga Pariseo at hayagang sinubok ang kaniyang kaunawaan sa Kasulatan, si Jesus ay nagtanong sa kanila: “Ano ang palagay ninyo tungkol sa Kristo? Kaninong anak siya?” Sila ay sumagot: “Kay David.” Pagkatapos ay nagtanong si Jesus: “Paano nga, kung gayon, na si David sa ilalim ng pagkasi ay tinatawag siyang ‘Panginoon’?” At pagkasabi nito ay saka niya sinipi ang Awit 110:1. Napatahimik ang mga Pariseo. Gayunman, ang pulutong ay malugod na nakinig kay Jesus.​—Mat. 22:41-46.

Sa ministeryo sa larangan, maaaring gamitin mo bilang pambungad ang mga katanungan gaya ng sumusunod: “Ikaw at ako ay may personal na mga pangalan. Ang Diyos ba ay may personal na pangalan? Masusumpungan natin ang kasagutan sa Awit 83:18.” “Magkakaroon ba kailanman ng isang pamahalaan para sa buong sangkatauhan? Pansinin kung paano ito sinasagot sa Daniel 2:44.” “Talaga bang tinatalakay ng Bibliya ang mga kalagayang umiiral sa ating panahon? Ihambing ang sinasabi sa 2 Timoteo 3:1-5 hinggil sa mga kalagayang pamilyar sa iyo.” “Magkakaroon ba kailanman ng wakas ang pagdurusa at kamatayan? Ang sagot ng Bibliya ay masusumpungan sa Apocalipsis 21:4, 5.”

Sa isang pahayag, ang maingat na paggamit ng mga katanungan upang ipakilala ang mga kasulatan ay maaaring gumanyak sa iyong tagapakinig na tingnan ang mga teksto nang may panibagong interes, kahit na yaong mga pamilyar na sa kanila. Subalit gagawin ba nila iyon? Iyon ay maaaring depende sa kung ang mga tanong na ibinangon mo ay tunay na ikinababahala nila o hindi. Kahit na interesado sa paksa ang tagapakinig, maaaring gumala-gala ang kanilang isip kung ang mga tekstong binabasa mo ay narinig na nila nang maraming ulit. Para maiwasan iyon, kailangan mong pag-isipang mabuti ang bagay na ito upang maging kaakit-akit ang iyong presentasyon.

Magharap ng Isang Suliranin. Maaaring magharap ka ng isang suliranin at pagkatapos ay akayin ang pansin sa isang kasulatang may kinalaman sa solusyon. Huwag paasahin ang tagapakinig nang higit kaysa sa tatamuhin nila. Kadalasan ang isang kasulatan ay naglalaan ng bahagi lamang ng solusyon. Gayunman, maaari mong hilingin sa tagapakinig na isaalang-alang, habang binabasa mo ang teksto, kung anong patnubay ang ibinibigay nito upang maharap ang situwasyon.

Sa katulad na paraan, maaari kang bumanggit ng isang simulain ng makadiyos na paggawi at pagkatapos ay gumamit ng isang ulat sa Bibliya upang ilarawan ang karunungan ng pagsunod dito. Kung ang isang kasulatan ay naglalaman ng dalawa (o kaipala’y higit pa) na espesipikong mga puntong kaugnay sa tinatalakay, hinihiling ng ilang tagapagsalita sa tagapakinig na abangan ang mga ito. Kung ang isang problema ay lumilitaw na masyadong mahirap para sa isang partikular na tagapakinig, maaari mong pasiglahin ang pag-iisip sa pamamagitan ng paghaharap ng ilang posibilidad at pagkatapos ay hayaang ang teksto at ang aplikasyon nito ang maglaan ng kasagutan.

Tukuyin ang Bibliya Bilang Awtoridad. Kapag napukaw mo na ang interes para sa iyong paksa at nabanggit na ang isa o higit pang pangmalas sa ilang aspekto nito, maaari mong ipakilala ang isang kasulatan sa pamamagitan ng basta pagsasabing: “Pansinin kung ano ang sinasabi ng Salita ng Diyos sa puntong ito.” Ipinakikita nito kung bakit ang materyal na babasahin mo ay dapat na paniwalaan.

Ginamit ni Jehova ang mga taong gaya nina Juan, Lucas, Pablo, at Pedro upang isulat ang mga bahagi ng Bibliya. Subalit sila ay mga manunulat lamang; si Jehova ang Awtor. Lalo na kapag nagsasalita sa mga tao na hindi mga estudyante ng Banal na Kasulatan, ang pagpapakilala sa isang teksto sa pamamagitan ng pagsasabing “sumulat si Pedro” o “sinabi ni Pablo” ay maaaring hindi magkaroon ng nakakatulad na puwersa kagaya ng isang pambungad na nagpapakilala sa teksto bilang ang salita ng Diyos. Kapansin-pansin na sa ilang kalagayan, si Jeremias ay tinagubilinan ni Jehova na ipakilala ang mga kapahayagan sa pagsasabing: “Dinggin ninyo ang salita ni Jehova.” (Jer. 7:2; 17:20; 19:3; 22:2) Gamitin man natin o hindi ang pangalan ni Jehova sa pagpapakilala sa mga kasulatan, bago natin tapusin ang ating pakikipag-usap, dapat nating pagsikapang ipakita na ang nasa Bibliya ay kaniyang salita.

Isaalang-alang ang Konteksto. Dapat na alisto ka sa konteksto kapag nagpapasiya kung paano ipakikilala ang isang kasulatan. Sa ilang kaso ay tuwiran mong babanggitin ang konteksto; gayunman, maaaring maimpluwensiyahan ng konteksto sa iba pang paraan ang iyong sasabihin. Halimbawa, ipakikilala mo ba ang mga salita ng may-takot sa Diyos na si Job kagaya ng pagpapakilala mo sa pananalita ng isa sa kaniyang mga huwad na mang-aaliw? Ang aklat ng mga Gawa ay isinulat ni Lucas, subalit sinipi niya, kasama ng iba pa, sina Santiago, Pedro, Pablo, Felipe, Esteban, at mga anghel, bukod pa kay Gamaliel at iba pang mga Judio na hindi mga Kristiyano. Kanino mo ipalalagay na galing ang tekstong iyong sinipi? Bilang halimbawa, tandaan na hindi lahat ng mga awit ay kinatha ni David at hindi isinulat ni Solomon ang buong aklat ng Kawikaan. Kapaki-pakinabang ding malaman kung sino ang tinutukoy ng manunulat ng Bibliya at kung ano ang pangkalahatang paksa na tinatalakay.

Gamitin ang Kaugnay na Impormasyon. Ito ay lalo nang mabisa kung maipakikita mo na ang mga kalagayang umiiral sa panahong iniulat ng Bibliya ay katulad niyaong iyong tinatalakay. Sa ibang mga kaso ang kaugnay na impormasyon ay kailangang isaalang-alang upang maunawaan ang isang partikular na teksto. Halimbawa, kung gagamitin mo ang Hebreo 9:12, 24 sa isang pahayag hinggil sa pantubos, marahil ay makikita mong kakailanganin mong simulan ang pagbabasa ng teksto sa pamamagitan ng isang maikling paliwanag hinggil sa kaloob-loobang silid ng tabernakulo, na gaya ng ipinahihiwatig ng kasulatan, ay lumalarawan sa dakong pinasukan ni Jesus nang siya’y umakyat sa langit. Subalit huwag magsama ng masyadong maraming kaugnay na materyal anupat matatabunan na nito ang tekstong iyong ipinakikilala.

Upang mapasulong ang paraan ng pagpapakilala mo sa mga kasulatan, suriin kung ano ang ginagawa ng mga makaranasang tagapagsalita. Pansinin ang iba’t ibang pamamaraan na kanilang ginagamit. Suriin ang bisa ng ganitong mga pamamaraan. Sa paghahanda ng sarili mong mga pahayag, kilalanin ang mga susing kasulatan, at bigyan ng pantanging pansin kung ano ang dapat palitawin sa bawat teksto. Maingat na planuhin ang pagpapakilala ng bawat teksto upang ito ay magamit taglay ang pinakamabuting epekto. Pagkatapos, palawakin pa ito upang maisama ang lahat ng gagamitin mong mga teksto. Habang sumusulong ang aspektong ito ng iyong presentasyon, maitutuon mo ang higit na pansin sa Salita ng Diyos.

KUNG PAANO ITO GAGAWIN

  • Kapag pumipili ng isang paraang pupukaw ng interes, isaalang-alang kung ano ang alam na ng iyong tagapakinig at kung ano ang kanilang nadarama hinggil sa paksa.

  • Tiyaking alam mo kung ano ang dapat na palitawin sa bawat teksto, at hayaang ipakita iyon ng iyong mga komentong nagpapakilala sa teksto.

PAGSASANAY: Pumili ng isang kasulatan na sa paniniwala mo ay magagamit mo nang mabisa sa iyong teritoryo. Planuhin (1) kung anong tanong o suliranin ang ihaharap mo upang pumukaw ng pananabik sa bahagi ng may-bahay at (2) kung paano mo maitutuon ang pansin sa dahilan ng pagbabasa mo ng teksto.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share