KABANATA 4
Si Jehova—Ang Diyos na Humuhula at Tumutupad ng mga Hula
1, 2. (a) Bakit inaakala ng ilan na wala silang kontrol sa kanilang buhay? (b) Paano inilalarawan ng 12 propeta ang personalidad ni Jehova?
INAAKALA ng maraming tao na wala silang kontrol sa kanilang buhay. At mula sa mga balitang nababasa nila, iniisip nila na wala nang kapag-a-pag-asa ang sangkatauhan. Ang mga pagsisikap na lunasan ang mga problema ng daigdig ay tila nagpapalubha lamang sa mga bagay-bagay. Kapansin-pansin, napaharap sa katulad na mga kalagayan ang ilan sa 12 propeta na isinasaalang-alang natin, at nagbigay sila ng mga mensahe ng pag-asa na maaari nating mapakinabangan at magamit upang aliwin ang iba.—Mikas 3:1-3; Habakuk 1:1-4.
2 Ang mahalagang punto na masusumpungan mo sa makahulang mga aklat na ito ay na si Jehova, ang Soberano ng sansinukob, ang may ganap na kontrol sa mga gawain ng tao at siya’y lubhang interesado sa ating kapakanan. Sa katunayan, masasabi ng bawat isa sa atin, “Interesado siya sa aking kapakanan.” Kawili-wili ang pagkakalarawan ng 12 propetang ito hinggil kay “Jehova ng mga hukbo.” Maaaring ‘hipuin ng Diyos ang lupain, anupat iyon ay matutunaw,’ gayunma’y tinitiyak niya sa kaniyang bayan: “Siya na humihipo sa inyo ay humihipo sa itim ng aking mata.” (Zacarias 2:8; Amos 4:13; 9:5) Hindi ba nakapagpapasigla sa iyong puso na mabasa ang mga talata sa Kasulatan na naglalarawan kung paanong ang mga pakikitungo ng Diyos ay inuugitan ng pag-ibig at kung paano siya nagpapakita ng awa at kapatawaran? (Oseas 6:1-3; Joel 2:12-14) Sabihin pa, hindi sinusuri ng mga akda ng mga propetang ito ang lahat ng aspekto ng personalidad ng Diyos; kailangan ang lahat ng 66 na aklat ng Bibliya upang magawa iyan. Gayunman, binibigyan tayo ng mahusay na kaunawaan ng mga akdang ito ng 12 propeta hinggil sa kaakit-akit na katangian at mga pakikitungo ng Diyos.
3. Paano ipinakikita ng 12 propeta na si Jehova ay isang Diyos ng layunin?
3 Mapatitibay ng mga akda ng 12 propeta ang ating pagtitiwala kay Jehova bilang ang Isa na humuhula ng mangyayari sa hinaharap at ang Isa na walang pagsalang tumutupad ng kaniyang layunin. Pinatutunayan ng mga ito na sa dakong huli, gagawin niyang paraiso ang lupa sa ilalim ng kaniyang pamamahala. (Mikas 4:1-4) Inilalarawan ng ilan sa mga propetang iyon kung paano inihanda ni Jehova ang daan para sa pagdating ng Mesiyas at ang pantubos na magpapalaya sa sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan. (Malakias 3:1; 4:5) Bakit napakahalagang malaman ang lahat ng ito?
ISANG MAIBIGING SOBERANO NA MAY GANAP NA KONTROL
4, 5. (a) Anong napakahalagang katotohanan tungkol sa Diyos ang malimit banggitin ng 12 propeta? (b) Ano ang epekto sa iyo ng pagiging makapangyarihan-sa-lahat ni Jehova?
4 Alalahanin ang paratang laban sa Diyos hinggil sa kaniyang karapatang mamahala, gaya ng tinalakay sa naunang kabanata. Ang paghihimagsik laban sa awtoridad ni Jehova—at ang paghihinala sa kaniyang mga motibo—ay umakay sa ilang nilalang sa langit na sumuway sa Diyos at magdulot ng malubhang kaguluhan at karahasan sa lupa. Kaya maliwanag na mahalaga ang paggalang at pagpapasakop sa soberanya ni Jehova upang magkaroon ng ganap na kaayusan sa sansinukob at ng kapayapaan sa mga tao. Samakatuwid, nararapat lamang ang pagiging determinado ni Jehova na ipagbangong-puri ang kaniyang soberanya. Repasuhin natin kung paano makatutulong sa atin ang 12 makahulang aklat upang maunawaan ito nang mas maliwanag.
5 Bilang mga mensahero ni Jehova, malimit banggitin ng mga propeta ang hinggil sa kaniyang mataas na posisyon. Halimbawa, sa pagdakila sa pangalan at soberanya ng Makapangyarihan-sa-lahat, 21 ulit na ginamit ni Amos ang titulong “Soberanong Panginoon.” Ipinakikita nito na walang hangganan ang kadakilaan ng tunay na Diyos at naaabot ng kaniyang kapangyarihan ang lahat ng bagay. (Amos 9:2-5; tingnan ang kahon na “Si Jehova na Makapangyarihan-sa-Lahat.”) Si Jehova lamang ang karapat-dapat na Soberano ng sansinukob, di-hamak na nakahihigit sa walang-buhay na mga idolo. (Mikas 1:7; Habakuk 2:18-20; Zefanias 2:11) Dahil si Jehova ang Maylikha ng lahat ng bagay, taglay niya ang karapatang maging soberano ng lahat. (Amos 4:13; 5:8, 9; 9:6) Bakit mahalaga iyan sa iyo?
6. Paano nasasangkot ang bawat tao sa katuparan ng layunin ng Diyos?
6 Kung nakaranas ka ng diskriminasyon, kawalang-katarungan, o pagtatangi, maaaliw kang malaman na ang maibiging Soberano ay nagmamalasakit sa lahat. May pantanging kaugnayan si Jehova sa isang sinaunang bansa, gayunma’y ipinabatid niya ang kaniyang kapasiyahang pagpalain ang mga tao ng lahat ng mga bansa at mga wika. Siya ang “tunay na Panginoon ng buong lupa.” (Mikas 4:13) Ipinangako ng Diyos na ang kaniyang pangalan ay “magiging dakila sa gitna ng mga bansa.” (Malakias 1:11) Yamang ipinakikilala ng ating makalangit na Ama ang kaniyang sarili nang walang pagtatangi, may-pananabik na tumutugon sa kaniyang paanyaya ang mga tao “mula sa lahat ng wika ng mga bansa” upang maging mga mananamba niya.—Zacarias 8:23.
7. Bakit mahalaga ang kahulugan ng pangalan ni Jehova?
7 Ang kaalaman hinggil sa personalidad ng Diyos at sa gagawin niya ay nauugnay sa kahulugan ng kaniyang pangalan. (Awit 9:10) Noong panahon ni Mikas, ang pangalan ni Jehova ay dinusta dahil lubhang masuwayin ang marami na nagtataglay ng Kaniyang pangalan. Ang propeta ay kinasihang idiin ang “kadakilaan ng pangalan ni Jehova” at ipakita na “ang taong may praktikal na karunungan ay matatakot sa . . . pangalan [ng Diyos].” (Mikas 5:4; 6:9) Bakit? Anumang mapananaligang pag-asa na taglay mo para sa isang namamalaging kinabukasan ay may kaugnayan sa napakahalagang kahulugan ng pangalang iyan: “Kaniyang Pinangyayaring Magkagayon.” Bakit hindi basahin ang Joel 2:26 at pag-isipan kung paano ka magiging maligaya sa pagtataglay ng pangalan ni Jehova at sa pagsasabi sa iba ng tungkol sa isang Diyos na maaaring maging anuman ang kailangan para sa ikabubuti ng lahat ng kaniyang nilalang? Napatunayang kayang gawin ng Diyos ang lahat ng bagay. Makikita mo ang katibayan niyan sa katuparan ng maraming hula na ipinahayag ng 12 propeta.
8. Sa anu-anong paraan nakapagpapatibay sa iyo ang pangalan ni Jehova?
8 Milyun-milyon ang nakinabang sa pagkaalam na magagawa o matutupad ni Jehova ang anumang ibig niya. Ipinahiwatig iyan ni Joel sa kaniyang kilalang pananalita na sinipi ng Kristiyanong mga manunulat: “Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay makaliligtas.” (Joel 2:32; Gawa 2:21; Roma 10:13) Nakikiisa ba tayo sa determinasyon ni Mikas, samakatuwid nga, na “tayo, sa ganang atin, ay lalakad sa pangalan ni Jehova na ating Diyos hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman”? (Mikas 4:5) Oo, sa mga panahon ng pag-uusig o personal na kabagabagan, may-pagtitiwala tayong ‘makapanganganlong sa pangalan ni Jehova.’—Zefanias 3:9, 12; Nahum 1:7.
9. Gaano kalawak ang kontrol ng Diyos sa mga tagapamahalang tao?
9 Habang binabasa mo ang makahulang mga aklat na ito, lalong mapatitibay ang iyong pagtitiwala na kayang kontrolin ni Jehova kahit ang mga tagapamahalang tao at makapangyarihang mga tagapagpasiya. Kayang-kaya niya silang pakilusin kasuwato ng kaniyang kalooban. (Kawikaan 21:1) Isaalang-alang ang kaso ni Dariong Dakila ng Persia. Humingi ng tulong sa kaniya ang mga kaaway ng tunay na pagsamba upang pahintuin ang muling pagtatayo ng templo ni Jehova sa Jerusalem. Ang kabaligtaran ang siya mismong nangyari! Noong mga 520 B.C.E., muling pinagtibay ni Dario ang utos ni Ciro at sinuportahan ang mga Judio sa pagtatayo ng templo. Nang magkaroon pa ng mga balakid, ang mensahe ng Diyos sa Judiong gobernador na si Zerubabel ay: “‘Hindi sa pamamagitan ng hukbong militar, ni sa pamamagitan man ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng aking espiritu,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo. Sino ka, O malaking bundok? Sa harap ni Zerubabel ay magiging patag na lupain ka.” (Zacarias 4:6, 7) Walang makahahadlang sa pagpuksa ni Jehova sa balakyot na sistemang ito ng mga bagay at sa pagtatatag niya ng paraiso para tamasahin ng kaniyang mga mananamba.—Isaias 65:21-23.
10. Ano pa ang kayang kontrolin ng Diyos, at bakit ito kapansin-pansin?
10 Isaalang-alang din na kayang kontrolin ni Jehova ang mga puwersa ng kalikasan, na magagamit niya upang puksain ang kaniyang mga kaaway kung nanaisin niyang gawin iyon. (Nahum 1:3-6) Bilang pagdiriin sa kung paano maipagsasanggalang ni Jehova ang kaniyang bayan, ginamit ni Zacarias ang makasagisag na pananalita: “Si Jehova ay makikita sa itaas nila, at ang kaniyang palaso ay lalabas na parang kidlat. At sa tambuli ay hihihip ang Soberanong Panginoong Jehova, at tiyak na yayaon siyang kasama ng mga buhawi ng timog.” (Zacarias 9:14) Kaya magiging mahirap ba para sa Diyos na patunayan ang kaniyang pagiging kataas-taasan sa di-makadiyos na mga bansa sa ating panahon? Talagang hindi!—Amos 1:3-5; 2:1-3.
MAAASAHANG TAGATUPAD NG MGA PANGAKO
11, 12. (a) Bakit itinuturing na di-malulupig ang Nineve noon? (b) Ano ang nangyari sa Nineve alinsunod sa makahulang salita ng Diyos?
11 Gunigunihing nabuhay ka noong ikasiyam na siglo B.C.E. sa isang lugar na sa ngayon ay kilala bilang Gitnang Silangan. Anong dakilang lunsod kaya ang malamang na bantog noon? Siyempre, ang Nineve. Ito ay isang kilalang lunsod ng Asirya sa silangang pampang ng Ilog Tigris, mga 900 kilometro sa hilagang-silangan ng Jerusalem. Malamang na mababalitaan mo ang kahanga-hangang laki nito—mga 100 kilometro ang sirkumperensiya nito! Sinasabi ng mga taong nakarating na sa Nineve na ang karingalan nito ay katulad ng sa Babilonya, na may mga palasyo ng maharlika, mga templo, maluluwang na lansangan, pampublikong mga hardin, at isang kahanga-hangang aklatan. Karagdagan pa, binanggit ng mga gumagawa ng estratehiya sa digmaan ang napakalaki at di-mapasok na panlabas at panloob na mga pader nito.
12 “Di-malulupig!” Malamang na ganiyan inilalarawan ng maraming tao ang Nineve noon. Ngunit sinabi ng ilang propeta mula sa maliit na bansa ng Juda na hinatulan na ni Jehova ng pagkapuksa ang “lunsod [na iyon] ng pagbububo ng dugo.” Dahil sa pagtugon ng bayan sa mensahe ni Jonas, hindi inilapat ng Diyos ang hatol sa lunsod sa loob ng ilang panahon. Gayunman, nagbalik ang mga Ninevita sa kanilang dating napakasamang landasin. Inihula ni Nahum: “Nineve . . . , lilipulin ka ng tabak . . . Walang kaginhawahan sa iyong kasakunaan.” (Nahum 3:1, 7, 15, 19; Jonas 3:5-10) Nang mga panahon ding iyon, ginamit ng Diyos si Zefanias upang ihula na ang Nineve ay magiging tiwangwang na kaguhuan. (Zefanias 2:13) Magagapi kaya ang di-malulupig na pulitikal na kapangyarihan ng panahong iyon bilang katuparan ng salita ni Jehova? Dumating ang kasagutan noong mga 632 B.C.E., nang kubkubin ng mga Babilonyo, Scita, at mga Medo ang Nineve. Gumuho ang mga pader nito dahil sa biglang mga pagbaha, at pinasok ng mga mananalakay ang mga depensa nito. (Nahum 2:6-8) Biglang naging isang bunton ng kaguhuan ang dating makapangyarihang lunsod. Hanggang sa araw na ito, ang Nineve ay nananatiling tiwangwang.a Hindi nahadlangan ng “nagbubunying lunsod” na ito ang katuparan ng salita ng Diyos!—Zefanias 2:15.
13. Anong ebidensiya ng natupad na mga hula ang makikita mo sa mga isinulat ng 12 propeta?
13 Ang nangyari sa Nineve ay isa lamang halimbawa ng natupad na hula. Suriin mo ang isang makabagong mapa ng Gitnang Silangan. Nakikita mo ba ang Ammon, Asirya, Babilonya, Edom, o Moab? Tiyak na hindi! Bagaman prominente noon ang mga bansang iyon, inihula ng 12 propeta ang kanilang pagbagsak. (Amos 2:1-3; Obadias 1, 8; Nahum 3:18; Zefanias 2:8-11; Zacarias 2:7-9) Isa-isang naglaho ang mga bansang iyon. Sinabi ni Jehova na hindi na sila iiral pa, at gayon nga ang nangyari! At ang inihula ng mga propetang ito hinggil sa pagbabalik ng nalabi ng mga Judio mula sa pagkabihag sa Babilonya ay natupad—naganap ito!
14. Bakit ka makapagtitiwala na magagawa mong sentro ng iyong buhay ang mga pangako ni Jehova?
14 Paano nakaaapekto sa pagtitiwala mo ang gayong katibayan ng kakayahan ni Jehova na humula hinggil sa hinaharap? Makatitiyak ka na tutuparin ni Jehova ang kaniyang mga pangako; siya ang Diyos na “hindi makapagsisinungaling.” (Tito 1:2) Karagdagan pa, sa pamamagitan ng kaniyang Salita, sinasabi sa atin ng Diyos ang kailangan nating malaman. Maaari mong gawing sentro ng iyong buhay ang paggawa ng kalooban ni Jehova at ang katiyakan ng kaniyang makahulang mga salita. Ang mga hula sa 12 aklat ay hindi basta mga halimbawa ng mga hulang natupad noon. Marami sa mga hula ang natutupad na ngayon o malapit nang matupad. Sa gayon, mapatitibay ng ulat sa 12 aklat na ito ang iyong pagtitiwala na matutupad ang mga hula tungkol sa ating panahon at sa hinaharap. Magbigay-pansin sa mga ito.
Waring di-malulupig ang Nineve, subalit paano natupad ang hula ni Jehova?
NAGMAMALASAKIT NA AMA
15. Kung nahihirapan kang lutasin ang personal na mga problema, paano makatutulong sa iyo ang mga karanasan ni Mikas?
15 Ang pagiging mapagkakatiwalaan ng Diyos ay hindi lamang nakikita sa mga bagay na mangyayari sa mga bansa o sa pangkalahatang kalagayan ng daigdig. Humuhula si Jehova at tinutupad niya ito sa mga paraang personal na makaaapekto sa iyo. Paano maaaring mangyari iyon? Halimbawa, kung minsan baka nahihirapan kang lutasin ang personal na mga problema. Natanto mo na hindi sapat ang paghanap ng isa na makauunawa sa iyo—kailangan mo ng isa na mapagkakatiwalaan mong tutulong sa iyo. Noong ikawalong siglo B.C.E., malamang na lubhang nalungkot si Mikas nang makaharap niya ang mapagmapuring bayan ng Juda. Waring siya na lamang ang huling tapat na tao sa lupa, anupat hindi niya mapagkatiwalaan maging ang kaniya mismong pamilya. Saanman siya tumingin, laganap ang mga taong uhaw sa dugo, mapanlinlang, at tiwali. Gayunpaman, napatibay si Mikas ng mga pangako ng Diyos na iingatan Niya ang mga tapat sa Kaniya anuman ang maaaring gawin ng iba. Makasusumpong ka rin ng kaaliwan sa pangakong iyan, lalo na kung bilang mananamba ni Jehova, nadarama mong iilan lamang kayo o nag-iisa ka at napalilibutan ng mga taong hindi nagpaparangal sa Diyos.—Mikas 7:2-9.
16. Bakit ka nakatitiyak na nakikita ng Diyos ang katiwalian at paniniil at na ililigtas niya ang mga matuwid?
16 Gaya ng kadalasang nangyayari sa ngayon, ang mayayaman at makapangyarihan sa Juda at Israel ay naging sakim at hindi makatarungan. Dahil sa labis-labis na buwis at pangangamkam ng lupain, nagkaroon ng ilegal na pang-aalipin. Walang pagmamalasakit sa mahihirap, at pinakitunguhan pa nga sila nang may kalupitan. (Amos 2:6; 5:11, 12; Mikas 2:1, 2; 3:9-12; Habakuk 1:4) Sa pamamagitan ng kaniyang mga mensahero, niliwanag ng Diyos na hindi niya pahihintulutan ang katiwalian at paniniil at na parurusahan niya ang mga paulit-ulit na gumagawa ng kamalian. (Habakuk 2:3, 6-16) Inihula niyang siya ang “magtutuwid ng mga bagay-bagay may kinalaman sa makapangyarihang mga bansa” at na ang kaniyang sinang-ayunang mga lingkod ay “uupo . . . , bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila.” (Mikas 4:3, 4) Kaylaking ginhawa nga ang idudulot nito! Humula ang Diyos at pagkatapos ay tinupad ang maraming iba pang bagay. Mag-aalinlangan ka pa ba na matutupad din ang pangakong ito?
17, 18. (a) Bakit nagbibigay ng pag-asa ang Diyos sa mga tao? (b) Ano ang dapat na maging pangmalas natin sa disiplina ni Jehova?
17 Tinutupad ni Jehova ang kaniyang mga pangako hindi lamang upang ipakita ang kaniyang kakayahang humula, na para bang gusto niyang pahangain ang mga tao. Ang kaniyang pagkilos ay udyok ng pag-ibig na may simulain, sapagkat ang “Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Alalahanin ang kaso ni Oseas, na nabuhay noong ikawalong siglo B.C.E. Kung paanong nagtaksil kay Oseas ang kaniyang asawang si Gomer, nagtaksil din ang mga Israelita kay Jehova. Ang kanilang idolatriya ay parang pangangalunya; isinama nila sa dalisay na pagsamba kay Jehova ang pagsamba kay Baal. Makasagisag din silang “nakiapid” sa Asirya at Ehipto. Paano kaya tutugon si Jehova? Sisikapin ni Oseas na hanapin ang kaniyang taksil na asawa upang bumalik ito sa kaniya. Dahil sa pag-ibig, masikap na hinanap ni Jehova ang kaniyang bayan. “Sa pamamagitan ng mga lubid ng makalupang tao ay patuloy ko silang hinila, sa pamamagitan ng mga panali ng pag-ibig, . . . at banayad akong nagdala ng pagkain sa bawat isa.” (Oseas 2:5; 11:4) Kung taimtim silang magsisisi, makakamit nila ang kapatawaran ng Diyos, at maibabalik ang kanilang kaugnayan sa kaniya. (Oseas 1:3, 4; 2:16, 23; 6:1-3; 14:4) Hindi ka ba naaantig kapag nakikita mo ang pagmamahal ni Jehova? Tanungin ang iyong sarili, ‘Kung nagpakita si Jehova ng gayong pagmamahal noon, hindi ba ako makatitiyak sa kaniyang pag-ibig, sa kaniyang magiliw, matapat, di-nagbabago, at di-nagmamaliw na pagmamahal?’—Oseas 11:8.
18 Makatutulong din sa iyo ang 12 makahulang aklat upang makita na maaaring kalakip sa pag-ibig ng Diyos ang pagtutuwid. Tiniyak ni Jehova sa kaniyang nagkasalang bayan na ‘hindi niya sila lubusang lilipulin.’ (Amos 9:8) Kung kinakailangan ang kaparusahan, hindi ito iniuurong ng Diyos, subalit kaylaking ginhawang malaman na ang kaniyang kaparusahan ay pansamantala lamang! Itinulad ng Malakias 1:6 si Jehova sa isang maibiging ama. Alam mong maaaring disiplinahin ng isang ama ang kaniyang minamahal na mga anak upang ituwid sila. (Nahum 1:3; Hebreo 12:6) Subalit, ang pag-ibig ng ating makalangit na Ama ay nagpapabagal sa kaniyang galit, at tinitiyak ng Malakias 3:10, 16 na sagana niyang gagantimpalaan ang kaniyang mga lingkod.
19. Anong pagsusuri sa sarili ang naaangkop?
19 Sinimulan ni Malakias ang kaniyang aklat sa pamamagitan ng katiyakan: “‘Inibig ko kayo,’ ang sabi ni Jehova.” (Malakias 1:2) Habang binubulay-bulay mo ang katiyakang iyon ng Diyos sa Israel, tanungin ang iyong sarili: ‘May ginagawa ba akong anuman na maaaring humadlang sa pagtatamasa ko ng pag-ibig ng Diyos? Anong aspekto ng pag-ibig ng Diyos ang gusto kong lubusang matutuhan at maranasan?’ Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mas malalim na pagkaunawa sa pag-ibig ng Diyos, higit at higit kang makatitiyak sa kaniyang walang-hanggang pagmamahal.
KAPATAWARAN NA NAGBIBIGAY-DAAN SA KALIGTASAN
20. Paanong nagbibigay-daan sa kaligtasan ang pagpapatawad ng Diyos?
20 Sa pagbabasa ng makahulang mga aklat na ito, mapapansin mo na kung minsan humuhula si Jehova ng mga kalamidad. Bakit? Kadalasan, upang udyukan ang kaniyang bayan na magsisi. Sa layuning iyan, pinahintulutan niyang wasakin ng mga banyaga ang Samaria noong 740 B.C.E. at ang Jerusalem noong 607 B.C.E. Natupad ang inihula ng Diyos, subalit nang maglaon ay pinahintulutan niyang maibalik sa kanilang lupain ang mga nagsisi. Oo, idiniriin ng mga aklat na ito na may-kabaitang nagpapatawad ang Diyos at ibinabalik ang mga nagsisisi at lumalapit sa kaniya. (Habakuk 3:13; Zefanias 2:2, 3) Napakilos si Mikas na ipahayag: “Sino ang Diyos na tulad mo, na nagpapaumanhin sa kamalian at nagpapalampas ng pagsalansang ng nalabi sa kaniyang mana? Hindi nga niya pananatilihin ang kaniyang galit magpakailanman, sapagkat nalulugod siya sa maibiging-kabaitan.” (Mikas 7:18; Joel 2:13; Zacarias 1:4) Pinatutunayan iyan ng katuparan ng hula.
21. (a) Ano ang sinabi ng 12 propeta tungkol sa Mesiyas? (b) Anu-anong hula tungkol sa Mesiyas ang nasumpungan mong kawili-wili?
21 Kung tungkol sa permanente at legal na saligan para sa namamalaging kapatawaran, inihula ni Jehova ang pagdating ng Mesiyas, na maghahandog ng kaniyang buhay-tao bilang “katumbas na pantubos” para sa makasalanang sangkatauhan. (1 Timoteo 2:6) Binanggit ni Amos ang isang pagsasauli na gagawin ng Mesiyas, ang anak ni David. (Amos 9:11, 12; Gawa 15:15-19) Binanggit pa nga ni Mikas ang mismong bayan kung saan isisilang si Jesus, ang isa na lilitaw taglay ang nagbibigay-buhay na mga kapakinabangan para sa lahat ng mananampalataya sa Kaniyang hain. (Mikas 5:2) At binanggit ni Zacarias ang tungkol sa “Sibol,” si Jesus, na “uupo at mamamahala sa kaniyang trono.” (Zacarias 3:8; 6:12, 13; Lucas 1:32, 33) Tiyak na mapatitibay ang iyong pananampalataya sa pamamagitan ng higit pang pagsusuri sa gayong mga hula.—Tingnan ang kahon na “Pangunahing mga Hula Tungkol sa Mesiyas.”
22. Paano napatitibay ang pagtitiwala mo kay Jehova sa pamamagitan ng isiniwalat ng 12 propeta tungkol sa kaniya?
22 Habang binabasa mo ang mga mensahe ng 12 propeta, titibay ang pagtitiwala mo sa pangwakas na tagumpay ng Diyos. Si Jehova ang ating Tagapagtanggol, at paiiralin niya ang tunay na katarungan. Namamalagi ang salita ng Diyos. Naaalaala niya ang kaniyang mga kasunduan sa kaniyang bayan, nagmamalasakit siya sa kaniyang mga lingkod, at inililigtas niya sila mula sa lahat ng maniniil. (Mikas 7:8-10; Zefanias 2:6, 7) Hindi nagbabago si Jehova. (Malakias 3:6) Kaylaking kaaliwan ngang malaman na walang anumang problema o balakid ang makahahadlang sa Diyos upang tuparin ang kaniyang layunin! Kapag sinabi niyang darating ang kaniyang araw ng paghatol, darating ito. Kaya patuloy na magbantay sa araw ni Jehova! “Si Jehova ay magiging hari sa buong lupa. Sa araw na iyon si Jehova ay magiging iisa, at ang kaniyang pangalan ay iisa.” (Zacarias 14:9) Inihula niya ito; tutuparin niya ito.
a Noong Nobyembre 2002, bago ang digmaan sa Iraq, dumalaw si Propesor Dan Cruickshank sa rehiyon. Iniulat niya sa istasyon ng telebisyon na BBC: “Nasa gawing dulo ng lunsod ng Mosul ang napakalawak na kaguhuan ng lunsod ng Nineve, na—kasama ng Nimrud . . . ay buong-pananabik na hinuhukay ng mga arkeologong Britano mula pa noong dekada ng 1840. . . . Ang paggagalugad sa mga lunsod na ito ng Asirya ay nangangahulugan ng pagkatuklas sa malaon nang nawala—halos makaalamat—na sibilisasyon na kilala lamang mula sa maikli, mahiwaga at hindi magandang paglalarawang nasa Bibliya.”