KABANATA 5
‘Hanapin si Jehova’ sa Pamamagitan ng Pagsambang Sinasang-ayunan Niya
1. Anu-anong pagpapala ang tinatamasa mo kasama ng bayan ng Diyos?
KAYLAKING karangalan na makilala ang Diyos na tumutupad ng mga hula! Natatamasa mo ang kalagayan na isinulat ni propeta Oseas: “Ipakikipagtipan kita sa akin sa katapatan; at tiyak na makikilala mo si Jehova.” Inilalarawan ni Oseas ang isang matiwasay at tulad-paraisong kalagayang tatamasahin ng bayan ng Diyos pagbalik nila mula sa pagkatapon sa Babilonya. Sa katulad na paraan, ang bayan ng Diyos sa makabagong panahon ay nagtatamasa ng espirituwal na kasaganaan at katiwasayan; parang paraiso ang kanilang kalagayan. (Oseas 2:18-20) Ngayon, taglay mo na ang pangalan ng Diyos bilang isa sa kaniyang nakaalay na mga lingkod—isang Saksi ni Jehova—at gusto mong patuloy na gawin ito.—Isaias 43:10, 12; Gawa 15:14.
Amos
2, 3. (a) Bakit napoot si Jehova sa paraan ng pagsamba ng kaniyang sinaunang bayan? (b) Bakit natin dapat isaalang-alang ang mga mensaheng ipinahayag ng mga propeta?
2 Ang sinaunang Israel ay isang bayang nakaalay kay Jehova, at sila lamang ang bansang binigyan niya ng mga tuntunin. (Deuteronomio 4:33-35) Gayunman, sa pagtatapos ng ikasiyam na siglo B.C.E., lubhang nagbago ang kalagayan ng mga Israelita anupat ipinasabi sa kanila ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Amos: “Kinapopootan ko, itinatakwil ko ang inyong mga kapistahan . . . Kung maghahandog kayo sa akin ng mga buong handog na sinusunog, maging sa inyong mga handog na kaloob ay hindi ako makasusumpong ng kaluguran.” (Amos 5:21, 22) Bagaman hindi gayon ang sinasabi ng Diyos sa kaniyang pambuong-daigdig na kongregasyon sa ngayon, ano kaya ang madarama mo kung marinig mo na gayon ang tingin ni Jehova sa iyong pagsamba? May aral ba tayong matututuhan dito?
3 Noong panahong iyon, ang bayan ng Diyos ay nag-aangking sumasamba kay Jehova sa paraang sinasang-ayunan niya. Subalit marami sa kanila ang naglilingkod sa paganong mga diyos, gaya kay Baal at sa mga imaheng guya ng mga Canaanita, o naghahandog sa matataas na dako. Yumuyukod sila sa hukbo ng langit samantalang nanunumpa pa rin kay Jehova. Kaya, isinugo ng tunay na Diyos ang mga propeta upang himukin ang bayan na manumbalik sa kaniya sa dalisay na pagsamba. (2 Hari 17:7-17; 21:3; Amos 5:26) Kung gayon, maliwanag na kahit na sa nakaalay na mga lingkod ng Diyos, maaaring may mga bagay na kailangang bigyang-pansin—mga pagkilos o saloobin na dapat suriin upang matiyak na nasasalamin dito ang pagsamba na sinasang-ayunan ni Jehova.
“KAALAMAN SA DIYOS”
4. Anu-anong kalagayan ang umiral noong panahon ng paghahari ni Haring Jeroboam II?
4 Isipin ang panahon nang ang una sa 12 propeta ay maging tagapagsalita para sa Diyos. Inihula nang parurusahan sa araw ni Jehova ang sampung-tribong kaharian ng Israel. Subalit tila umuunlad ang bansa. Gaya ng inihula ni Jonas, nabawi ni Haring Jeroboam II ang hangganan ng Israel mula sa may Damasco sa hilaga hanggang sa Dagat na Patay. (2 Hari 14:24-27) Bagaman gumawa ng masama si Jeroboam, mahaba ang pagtitiis ni Jehova sapagkat ayaw niyang lubusang malipol ang Israel. Binigyan ng Diyos ng panahon ang mga Israelita na magsisi, upang ‘hanapin si Jehova, at patuloy na mabuhay.’—Amos 5:6.
5. Saan nagkulang ang mga Israelita anupat itinakwil sila ni Jehova?
5 Maaari sanang ginamit ng maunlad na mga Israelita ang kanilang panahon upang manumbalik kay Jehova sa pamamagitan ng pagkilala sa kaniya nang higit at ng pagsisikap na gawin ang sinasang-ayunan niya. Sa halip, labis ang pagtitiwala nila sa kanilang sarili, anupat inaakala nilang ‘ang kapahamakan ay hindi lalapit o aabot hanggang sa kanila.’ (Amos 9:10) Maaari mong sabihin na nakalimutan nila si Jehova sapagkat “sila ay nabusog at ang kanilang puso ay nagsimulang magmalaki.” (Oseas 13:6) Hindi natin dapat isipin na ito ay sinaunang kasaysayan lamang at hindi nakaaapekto sa atin. Pansinin ang dahilan kung bakit nagkaroon si Jehova ng usapin sa batas laban sa mga Israelita: “Sapagkat ang kaalaman ang siyang itinakwil mo, itatakwil din kita mula sa paglilingkod bilang saserdote sa akin.” Sila ay nakaalay kay Jehova at napalilibutan ng nakaalay na mga kapamilya. Pero bilang indibiduwal, wala silang tunay na “kaalaman sa Diyos.”—Oseas 4:1, 6.
6. Sa anong diwa masasabing kulang sa kaalaman sa Diyos ang mga Israelita?
6 Hindi ito dahil sa hindi nila kailanman narinig ang mga salita ng Diyos, yamang dapat itong ituro ng mga magulang na Israelita sa kanilang mga anak. Malamang na narinig ng karamihan ang mga ulat ng Bibliya mula sa kanilang mga magulang, sa pakikipag-usap nila sa iba, o sa pampublikong mga asamblea. (Exodo 20:4, 5; Deuteronomio 6:6-9; 31:11-13) Halimbawa, narinig nila ang nangyari nang gumawa si Aaron ng ginintuang guya samantalang si Moises ay nasa Bundok Sinai upang tanggapin ang Sampung Utos. (Exodo 31:18–32:9) Kaya ang mga Israelita noong panahon ng mga propeta ay may kaalaman hinggil sa Kautusan at narinig nila ang makasaysayang mga ulat. Gayunpaman, ang kanilang kaalaman ay walang kabuluhan sa diwa na hindi nila hinayaang udyukan sila nito na sambahin ang Diyos sa paraang nais niya.
Paano maaaring magsimulang kalimutan ng isa si Jehova?
7. (a) Paano napakadaling naging masuwayin ang mga Israelita? (b) Paano maaaring ‘magsimulang makalimot sa kaniyang Maylikha’ ang isang Kristiyano?
7 Baka maitanong mo, ‘Paano napakadaling naakit na sumuway ang mga Israelita?’ Inilarawan ni Oseas ang nangyari: “Ang Israel ay nagsimulang lumimot sa kaniyang Maylikha.” (Oseas 8:14) Ang anyo ng orihinal na pandiwang Hebreo ay angkop na isinaling “nagsimulang lumimot.” Hindi dahil sa biglang nakalimot kay Jehova ang mga Israelita. Sa halip, unti-unti nilang nakalimutan ang kahalagahan ng pagsamba sa kaniya sa paraang sinasang-ayunan niya. Sa palagay mo kaya’y maaaring mahulog sa gayong bitag ang isang Kristiyano? Kuning halimbawa ang isang taong masikap na naglalaan ng mga pangangailangan ng kaniyang pamilya. (1 Timoteo 5:8) Upang gawin iyon, angkop lamang na ituring niyang mahalaga ang kaniyang sekular na trabaho. Marahil may nangyari at inakala niyang kailangan siyang lumiban sa ilang Kristiyanong pagpupulong upang magtrabaho. Sa paglipas ng ilang panahon, nagiging mas madali na ang hindi pagdalo sa mga pagpupulong, at mas madalas na siyang hindi dumadalo. Unti-unti, humihina ang kaniyang kaugnayan sa Diyos—‘nagsimula na siyang lumimot sa kaniyang Maylikha.’ Gayundin ang maaaring mangyari sa isang Kristiyano na ang mga magulang o ibang kamag-anak ay mga di-sumasampalataya. Napapaharap siya sa isyu: Gaano karaming panahon ang ilalaan niya para sa kanila, at kailan? (Exodo 20:12; Mateo 10:37) Kumusta naman ang pagpapasiya kung gaano karaming panahon at atensiyon ang dapat iukol sa mga paglalakbay, kinagigiliwang gawain, o paglilibang?
8. Noong panahon ni Amos, ano ang kahulugan ng “kalinisan ng mga ngipin”?
8 Pinag-aralan natin ang Salita ng Diyos at ikinapit natin ang kaalamang iyon. Gayunman, maaaring isaalang-alang ng bawat isa sa atin ang pariralang ginamit sa aklat ng Amos: “kalinisan ng mga ngipin.” Sa pamamagitan ni Amos, binabalaan ng Diyos ang Kaniyang bayan: “Ako rin, sa ganang akin, ay nagbigay sa inyo ng kalinisan ng mga ngipin sa lahat ng inyong mga lunsod at ng kakapusan sa tinapay sa lahat ng inyong mga dako.” (Amos 4:6) Ang kalinisan ng kanilang ngipin ay hindi dahil sa pagsisipilyo. Ito ay dahil sa wala silang makain at sa taggutom. Bukod diyan, babala ito tungkol sa “taggutom, hindi sa tinapay, at ng pagkauhaw, hindi sa tubig, kundi sa pagkarinig sa mga salita ni Jehova.”—Amos 8:11.
Posible kayang magutom ang isang Kristiyano sa kabila ng espirituwal na kasaganaan?
9, 10. (a) Paano maaaring magutom sa espirituwal ang isang Kristiyano? (b) Bakit tayo kailangang maging alisto sa mga panganib ng espirituwal na pagkagutom?
9 Sa espirituwal na paraan, natutupad ang inilarawan ni Amos sa kalunus-lunos na kalagayan ng Sangkakristiyanuhan. Kabaligtaran nito, binuksan naman “ang mga pintuan ng tubig sa langit” para sa bayan ng Diyos sa buong daigdig. Pinagpala sila ng saganang espirituwal na pagkain. (Malakias 3:10; Isaias 65:13, 14) Gayunman, maaaring itanong ng isang Kristiyano, ‘Gaano karaming panahon ang iniuukol ko upang tamasahin ang espirituwal na pagkaing iyon?’ Kapansin-pansin, nasumpungan ng ilang mananaliksik na ang mga hayop sa laboratoryo na napinsala ang bahagi ng utak na tumutugon sa gutom ay nawalan ng ganang kumain hanggang sa mamatay sila sa gutom kahit na bigyan pa sila ng maraming pagkain! Maaari kayang mawalan ng gana sa espirituwal ang isang Kristiyano anupat magutom siya sa kabila ng saganang espirituwal na pagkain?
10 Habang iniisip ang iyong kalagayan, isaalang-alang ito: Naglaan si Jehova ng saganang espirituwal na pagkain para sa mga Israelita. Taglay nila ang Kautusan, na magpapatibay ng kanilang kaugnayan sa kaniya; mayroon silang programa ng edukasyon upang maikintal sa kanilang supling ang makadiyos na kaalaman; at mayroon silang mga propeta na tutulong sa kanila na maunawaan ang kalooban ng Diyos. Sa kabila nito, nagsimula silang lumimot kay Jehova. Sinasabi ng Bibliya na noong panahon ni Oseas, “sila ay nabusog [sa materyal na paraan] at ang kanilang puso ay nagsimulang magmalaki.” (Oseas 13:6; Deuteronomio 8:11; 31:20) Kung hindi natin nais na maging mas mahalaga ang ating materyal na kalagayan kaysa sa ating kaugnayan sa Diyos, kailangang maging palaisip tayo araw-araw sa panganib na iyon.—Zefanias 2:3.
MAGBIGAY-PANSIN SA MAS MAHAHALAGANG BAGAY
11, 12. (a) Noong pamamahala ni Haring Uzias, bakit kinailangang himukin ng mga propeta ang bayan na manumbalik kay Jehova? (b) Anong pangangailangan ang itinampok ni Joel?
11 Samantalang naghahari si Jeroboam II sa Israel, si Uzias naman (tinatawag ding Azarias) ang namamahala sa Juda. Pinalawak niya ang kaniyang teritoryo at ang Jerusalem. Si Uzias ay “nagpamalas . . . ng pambihirang lakas” sapagkat “patuloy siyang tinulungan ng tunay na Diyos.” “Patuloy niyang ginawa ang tama sa paningin ni Jehova” at “nakahilig na hanapin ang Diyos.” Subalit maraming tao sa Juda ang patuloy na gumagawa ng haing usok sa matataas na dako.—2 Cronica 26:4-9.
12 Mauunawaan mo mula rito na bagaman taglay ng mga tao sa Juda at Israel ang pangalan ng Diyos, madalas na kasama sa kanilang pagsamba ang mga bagay na hindi niya sinasang-ayunan. Sinikap ng mga propeta na tulungan silang makilala ang tunay at huwad na pagsamba. Nagsumamo ang Diyos sa pamamagitan ni Joel: “Manumbalik kayo sa akin nang inyong buong puso, at may pag-aayuno at may pagtangis at may paghagulhol.” (Joel 2:12) Pansinin: Gusto ng Diyos na ang kaniyang bayan ay lumapit sa kaniya ‘nang kanilang buong puso.’ Oo, ang problema ay hindi nila isinasapuso ang kanilang pagsamba. (Deuteronomio 6:5) Sa diwa, parang rutin na lamang ang pagsamba nila kay Jehova, at hindi sila sumasamba sa kaniya nang buong puso. Paulit-ulit niyang itinawag-pansin sa pamamagitan ng mga propeta ang kahalagahan ng maibiging-kabaitan, katarungan, at kaamuan—pawang mga katangiang nagsasangkot sa puso.—Mateo 23:23.
13. Ano ang kailangang isaalang-alang ng mga Judiong nagbalik mula sa pagkatapon sa Babilonya?
13 Ngayon, isaalang-alang naman ang nangyari pagkatapos bumalik sa kanilang sariling lupain ang mga Judio. Bagaman naisauli ang tunay na pagsamba ayon sa Kautusan, hindi nila lubusang sinunod ang tagubilin ng Diyos. Ipinag-ayuno ng mga Judio ang mga anibersaryo ng mga pangyayaring nauugnay sa pagkawasak ng Jerusalem. “Talaga bang nag-ayuno kayo para sa akin, sa akin nga?” ang tanong ni Jehova. Ang pagkatiwangwang ng lunsod na iyon ay nangyari dahil sa iginawad ng Diyos ang katarungan, isang bagay na hindi dapat tangisan. Sa halip na gunitain ang nakaraan at mag-ayuno nang may pagdadalamhati, dapat sanang magbunyi ang mga Judiong iyon, magsaya sa mga kapanahunan ng pista dahil sa mga pagpapala ng tunay na pagsamba. (Zacarias 7:3-7; 8:16, 19) At kailangan nilang magbigay-pansin sa iba pang mga bagay. Halimbawa, sa anong mga bagay? “Humatol kayo taglay ang tunay na katarungan; at magpakita kayo sa isa’t isa ng maibiging-kabaitan at kaawaan . . . at huwag kayong magpakana ng kasamaan laban sa isa’t isa sa inyong mga puso.” (Zacarias 7:9, 10) Lahat tayo ay makikinabang sa itinuro ng mga propetang iyon sa bayan ng Diyos tungkol sa buong-pusong pagsamba sa Diyos.
14. (a) Ano ang kailangang isama sa pagsamba ng nagbalik na mga tapon? (b) Paano idiniin ng mga propeta ang mas mahahalagang aspekto ng pagsamba?
14 Ano ang kasama sa buong-pusong pagsamba? Buweno, ano ang hiniling sa bayan ng Diyos bago at pagkatapos ng kanilang pagkatapon? Batid mong kailangang itaguyod ang moral na mga pamantayan ng Diyos. Mayroon ding espesipikong mga pagkilos o gawain na hinihiling sa Kautusan, kasama na ang pagtitipon upang marinig at malaman ang kalooban ng Diyos. Bukod pa riyan, ipinag-utos ng Diyos sa kaniyang mga propeta na itawag-pansin ang paglinang at pagpapakita ng maibiging-kabaitan, katarungan, kaamuan, awa, at kahinhinan. Pansinin kung paano idiniin ni Jehova ang mga katangiang ito: “Sa maibiging-kabaitan ako nalulugod, at hindi sa hain; at sa kaalaman sa Diyos sa halip na sa mga buong handog na sinusunog.” “Maghasik kayo ng binhi sa katuwiran para sa inyong sarili; gumapas kayo ayon sa maibiging-kabaitan.” (Oseas 6:6; 10:12; 12:6) Sinabi ni Mikas: “Ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang magsagawa ng katarungan at ibigin ang kabaitan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?” (Mikas 6:6-8) At hinimok ni propeta Zefanias ang bayan ng Diyos: “Hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa . . . Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan.” (Zefanias 2:3) Napakahalaga ng mga katangiang ito upang masamba natin ang Diyos sa paraang sinasang-ayunan niya.
Sinisikap mo bang mapaabutan ng mabuting balita ang lahat ng uri ng tao?
15. Kasuwato ng payo ng mga propeta, ano ang kailangang gawin ng mga Kristiyano sa kanilang pagsamba?
15 Anong bahagi ang ginagampanan ng mga katangiang ito sa ating pagsamba? Alam mo na napakahalaga ng pangangaral ng mabuting balita tungkol sa Kaharian. (Mateo 24:14; Gawa 1:8) Subalit maaari mong tanungin ang iyong sarili: ‘Itinuturing ko bang pahirap, o pabigat ang pangangaral sa aking teritoryo? O itinuturing ko ba itong isang pagkakataon upang tulungan ang mga indibiduwal na nangangailangang makarinig ng nagliligtas-buhay na mensahe ng Bibliya? Nagpapakita ba ako ng awa sa kanila?’ Oo, dapat tayong udyukan ng awa at maibiging-kabaitan upang babalaan ang iba tungkol sa araw ni Jehova. Inuudyukan din tayo ng katarungan at katuwiran habang sinisikap nating abutin ang lahat ng uri ng tao taglay ang mensaheng iyon.—1 Timoteo 2:4.
16, 17. Bakit napakahalaga ng kaamuan at kahinhinan sa iyong pagsamba?
16 Bilang isa pang halimbawa, isaalang-alang ang ating obligasyon na dumalo sa Kristiyanong mga pagpupulong, na alam mong mahalaga. (Hebreo 10:24, 25) Naisip mo na ba kung paano iyan nauugnay sa kaamuan at kahinhinan? Ang maaamo ay mapagpakumbabang tumatanggap ng tagubilin at pagkatapos ay nagkakapit ng kanilang natututuhan, sa gayon ay isinasagawa ang hudisyal na pasiya ni Jehova. Palibhasa’y kinikilala ang kaniyang mga limitasyon, pahahalagahan ng isa na mahinhin na kailangan niya ang pampatibay-loob at kaalaman na makukuha sa mga pagpupulong.
17 Makikita mo mula sa mga halimbawang ito kung paano tayo makikinabang sa mga itinuturo ng mga propeta. Gayunman, kumusta kung nadarama mong may kailangan kang baguhin sa isa o higit pang larangan na nabanggit sa itaas? O paano kung nakagawa ka ng malulubhang pagkakamali, na bumabagabag sa iyo kung minsan? Ang 12 propeta ay nagbibigay sa iyo ng kaaliwan at tulong.
MANUMBALIK KAY JEHOVA
18. (a) Para kanino lalo na ang nakaaaliw na mensahe ng 12 propeta? (b) Ano ang nadarama mo kay Jehova, na nagsusumamo sa mga tao na manumbalik sa kaniya?
18 Gaya ng nakita na natin, ang mga propetang isinasaalang-alang natin ay hindi lamang tumuligsa at humatol. Inilarawan nila si Jehova bilang isa na humihimok sa kaniyang bayan na manumbalik sa kaniya. Bulay-bulayin ang damdaming isinisiwalat sa mga paghimok ni Oseas: “Halikayo, at manumbalik tayo kay Jehova, sapagkat siya mismo ay nanluray ngunit pagagalingin niya tayo. Siya ay nananakit, ngunit bibigkisan niya tayo. . . . At makikilala natin, patuloy nating makikilala si Jehova.” (Oseas 6:1-3) Totoo, dahil sa kaniyang katarungan, iginawad ng Diyos na Jehova ang hatol laban sa Israel at pagkatapos ay sa Juda. Gayunman, dapat sanang itinuring ng kaniyang bayan ang mga pagdurusang ito bilang mga hakbang upang isauli sila sa espirituwal na kalusugan. (Hebreo 12:7-13) Kung manunumbalik ang suwail na bayan ni Jehova, ‘pagagalingin niya sila’ at ‘bibigkisan sila.’ Ilarawan sa isipan ang isang taong nakaluhod upang bigkisan ang sugat ng kaniyang kapuwa. Ngayon, isipin mong si Jehova ang gumagawa niyan. Napakamaawain ngang Diyos si Jehova, isa na nagbibigkis sa mga kusang nanunumbalik sa kaniya! Hindi ba tayo napakikilos niyan na magnais na manumbalik sa kaniya kung tayo ay magkasala sa kaniya?—Joel 2:13.
19. Ano ang nasasangkot sa pagkilala kay Jehova?
19 Ano ang nasasangkot sa panunumbalik sa Diyos? Ipinaalaala sa atin ni Oseas na hindi sapat ang basta ‘makilala’ lamang ang Diyos kundi dapat na ‘patuloy na makilala si Jehova.’ Ganito ang sinabi ng isang makabagong reperensiyang akda hinggil sa Oseas 6:3: “May malaking pagkakaiba ang makilala mismo ang Diyos at ang basta kilala lamang ang Diyos. Katulad ito ng pagkakaiba ng pagbabasa tungkol sa pag-ibig at ng umibig mismo.” Kailangang magkaroon tayo ng malalim na kaalaman tungkol kay Jehova. Dapat siyang maging tunay sa atin, ang ating pinagkakatiwalaang Kaibigan na malalapitan natin anumang oras. (Jeremias 3:4) Sa pagkakaroon ng gayong kaugnayan, mauunawaan mo kung ano ang nadarama niya sa iyong mga pagkilos, at malaking tulong iyan sa pagtataguyod ng pagsambang sinasang-ayunan niya.
20, 21. Paano dinibdib ni Haring Josias ang kaalaman sa Diyos?
20 Si Haring Josias ay mainam na halimbawa sa pagtataguyod ng tunay na pagsamba. Isaalang-alang nang higit pa ang kaniyang karanasan. Nang maging hari si Josias, ang bansa ay sumamâ nang husto dahil sa idolatriya, karahasan, at panlilinlang na lumaganap noong maghari sina Manases at Amon. (2 Hari 21:1-6, 19-21) Ang payo ni Zefanias na ‘hanapin si Jehova’ ay tiyak na lubhang nagpasigla kay Josias, sapagkat “pinasimulan niyang hanapin ang Diyos ni David.” Sinimulan ni Josias ang isang kampanya upang alisin ang idolatriya sa Juda, hanggang sa mga dako pa nga ng dating teritoryo ng hilagang kaharian.—Zefanias 1:1, 14-18; 2:1-3; 3:1-4; 2 Cronica 34:3-7.
Hindi nagdahilan si Josias nang kinailangan ang paglilinis
21 Pagkatapos ng paglilinis na ito, patuloy na hinanap ni Josias si Jehova. Ipinag-utos niya ang pagkukumpuni sa templo. Sa panahon ng pagkukumpuning iyon, nasumpungan “ang aklat ng kautusan ni Jehova sa pamamagitan ng kamay ni Moises,” malamang ang orihinal na manuskrito ng Kautusan. Ano ang naging reaksiyon ni Josias nang basahin ang aklat na iyon? “Nang marinig ng hari ang mga salita ng kautusan, kaagad niyang hinapak ang kaniyang mga kasuutan.” ‘Hinapak din niya ang kaniyang puso’ at kaagad na ikinapit ang binasa. Hindi siya nangatuwiran, anupat sinabi na marami na siyang nagawa. Naaalaala mo ba ang resulta ng ginawa niyang reporma? “Sa lahat ng kaniyang mga araw [ang mga anak ni Israel] ay hindi . . . lumihis mula sa pagsunod kay Jehova na Diyos ng kanilang mga ninuno.”—2 Cronica 34:8, 14, 19, 21, 30-33; Joel 2:13.
Gagawa ka ba ng anumang kinakailangang pagbabago upang sumunod sa mga pamantayan ng Bibliya?
22. Paano tayo makikinabang sa halimbawa ni Josias?
22 Baka itanong mo, ‘Paano kaya ako tutugon kung ako iyon?’ Tulad ni Josias, makikinig ka ba sa mga salita ng mga propeta at gagawa ng kinakailangang mga pagbabago sa iyong pagkilos o pag-iisip? Bagaman hindi tayo nabuhay noong panahon nina Zefanias at Josias, nakikita natin ang pangangailangang tumugon sa mga mensahe at payo ng Diyos sa ngayon. Kaya kung nadarama ng isang Kristiyano ang pangangailangang baguhin ang kaniyang paraan ng pamumuhay o pagsamba, ang pagsasaalang-alang sa 12 propeta ay maaaring mag-udyok sa kaniya na kumilos.—Hebreo 2:1.
23. Kung nadarama mong may kailangan kang pasulungin, ano ang maaari mong gawin?
23 Kung minsan, maaaring madama mo ang gaya ng nadama ni Jonas nang siya ay nasa tiyan ng malaking isda: “Pinalayas ako mula sa harap ng iyong mga mata! Paano ako muling makatititig sa iyong banal na templo?” (Jonas 2:4) Gayunman, talagang nakaaaliw ang mga salita ni Jehova sa atin, mga taong di-sakdal na may tendensiyang gumawa ng mga pagkakamali! “Manumbalik kayo sa akin, at manunumbalik ako sa inyo.” (Malakias 3:7) Kung nakikita mo na kailangang patibayin ang iyong kaugnayan kay Jehova, ang mga elder sa inyong kongregasyon ay malulugod na tumulong sa iyo. Katulad sa pagmamaneho ng kotse, kailangan mong magsimula sa primera, wika nga. Kapag nakaabante ka na, mas madali nang sumulong. Makatitiyak ka na malugod kang tatanggapin at tutulungan ni Jehova, sapagkat siya ay “magandang-loob at maawain, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan.” (Joel 2:12-14) Tiyak na ang mga mensahe mula sa mga propeta ay nakapagpapasigla sa lahat ng nagtataguyod ng pagsambang sinasang-ayunan ng Diyos.
Kailangan ng ilan na ‘hanapin si Jehova’ sa pamamagitan ng panunumbalik sa kaniya