KABANATA 12
Magsalita ng “Mabuti sa Ikatitibay”
“Huwag lumabas ang bulok na pananalita mula sa inyong bibig, kundi anumang pananalitang mabuti sa ikatitibay.”—EFESO 4:29.
1-3. (a) Anong kaloob ang ibinigay sa atin ni Jehova, at paano ito maaaring magamit sa maling paraan? (b) Upang manatili sa pag-ibig ng Diyos, paano natin dapat gamitin ang ating kakayahang magsalita?
IPAGPALAGAY na binigyan mo ng regalo ang isang mahal mo sa buhay. Ano kaya ang madarama mo kapag nalaman mong sadya niyang ginamit ito sa maling paraan? Sabihin nating binigyan mo siya ng kotse, at nalaman mong wala siyang ingat sa pagmamaneho nito, anupat nakabangga siya. Hindi ka ba madidismaya?
2 Ang kakayahang magsalita ay isang kaloob mula kay Jehova, ang Tagapagbigay ng “bawat mabuting kaloob at [ng] bawat sakdal na regalo.” (Santiago 1:17) Ang kaloob na ito, na hindi taglay ng mga hayop, ang nakatutulong sa atin na ipahayag hindi lamang ang ating mga kaisipan kundi maging ang ating mga damdamin. Gayunman, gaya ng isang sasakyan, ang kakayahang magsalita ay maaari ding magamit sa maling paraan. Tiyak na madidismaya si Jehova kapag hindi tayo nag-ingat sa ating pagsasalita, anupat nakasakit tayo sa iba!
3 Upang manatili sa pag-ibig ng Diyos, dapat nating gamitin ang ating kakayahang magsalita gaya ng nilayon ng Tagapagbigay nito. Malinaw na sinasabi sa atin ni Jehova kung anong uri ng pananalita ang nakalulugod sa kaniya. Binabanggit ng kaniyang Salita: “Huwag lumabas ang bulok na pananalita mula sa inyong bibig, kundi anumang pananalitang mabuti sa ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang maibahagi nito ang kaayaaya sa mga nakikinig.” (Efeso 4:29) Kaya talakayin natin kung bakit tayo dapat maging maingat sa ating pananalita, kung anong mga pananalita ang dapat nating iwasan, at kung paano tayo makapagsasalita ng “mabuti sa ikatitibay.”
KUNG BAKIT TAYO DAPAT MAGING MAINGAT SA ATING PANANALITA
4, 5. Paano inilalarawan ng ilang kawikaan sa Bibliya ang epekto sa iba ng ating pananalita?
4 Ang isang mahalagang dahilan kung bakit tayo dapat maging maingat sa ating pananalita ay sapagkat may malaking epekto sa iba ang ating sinasabi. Ganito ang mababasa sa Kawikaan 15:4: “Ang kahinahunan ng dila ay punungkahoy ng buhay, ngunit ang pagpilipit nito ay pagkalugmok ng espiritu.” Ang mahinahong pananalita ay nakagiginhawa sa mga nakaririnig nito. Sa kabilang dako naman, ang pilipit na mga salita ng isang masamang dila ay maaaring makasira ng loob. Tunay nga, ang ating pananalita ay maaaring makasakit o makapagpagaling.—Kawikaan 18:21.
5 Malinaw na inilarawan ng isa pang kawikaan ang epekto sa iba ng ating pananalita: “May isa na nagsasalita nang di-pinag-iisipan na gaya ng mga saksak ng tabak.” (Kawikaan 12:18) Ang mga salitang di-pinag-iisipan ay maaaring magdulot ng malalalim na sugat sa damdamin at makasira pa nga ng mga ugnayan. Nasaktan ka na ba ng matatalim na salita? Sa kabilang banda naman, sinabi rin ng kawikaang iyon: “Ang dila ng marurunong ay kagalingan.” Ang makonsiderasyong mga salita ng isa na may makadiyos na karunungan ay nakaaaliw ng pusong nalulumbay at nakapagpapanumbalik ng mga ugnayan. Naranasan mo na ba ang nakapagpapagaling na kapangyarihan ng kaayaayang mga salita? (Kawikaan 16:24) Yamang batid natin na malaki ang epekto sa iba ng ating sinasabi, tiyak na nanaisin nating gamitin ang ating kakayahang magsalita upang makapagpagaling, hindi upang makasakit.
Nakagiginhawa ang mahinahong pananalita
6. Bakit napakahirap kontrolin ng ating dila?
6 Kahit anong pagsisikap ang gawin natin, hindi pa rin natin lubusang makokontrol ang ating dila. Bakit? Sapagkat ang kasalanan at di-kasakdalan ang nagtutulak sa atin na gamitin ang ating dila sa maling paraan. Iyan ang ikalawang dahilan kung bakit tayo dapat maging maingat sa ating pananalita. Sinasabi natin kung ano ang laman ng ating puso, at ang “hilig ng puso ng tao ay masama.” (Genesis 8:21; Lucas 6:45) Kaya naman, napakahirap rendahan ng ating dila. (Santiago 3:2-4) Bagaman hindi natin lubusang makokontrol ang ating dila, maaari naman nating pasulungin ang paraan ng paggamit natin dito. Pero kung paanong ang isang tao na ayaw maanod ay kailangang patuloy na lumangoy pasalungat sa agos, dapat din nating patuloy na labanan ang makasalanang hilig na gamitin sa maling paraan ang ating dila.
7, 8. Sa anong diwa mananagot tayo kay Jehova sa mga salitang binibitawan natin?
7 Ang ikatlong dahilan kung bakit dapat tayong maging maingat sa ating pananalita ay sapagkat mananagot tayo kay Jehova sa mga salitang binibitawan natin. Ang ating pananalita ay hindi lamang nakaaapekto sa ating kapuwa kundi maging sa ating kaugnayan kay Jehova. Sinasabi ng Santiago 1:26: “Kung inaakala ng isang tao na siya ay isang pormal na mananamba at gayunma’y hindi nirerendahan ang kaniyang dila, kundi patuloy na nililinlang ang kaniyang sariling puso, ang anyo ng pagsamba ng taong ito ay walang saysay.”a Gaya ng natutuhan natin sa naunang kabanata, ang ating pananalita ay may malaking kaugnayan sa ating pagsamba. Kapag ang ating dila ay hindi narendahan—anupat namihasa sa nakasasakit at nakapipinsalang pananalita—mawawalan nang saysay ang lahat ng ating paglilingkod sa Diyos. Hindi ba dapat talaga tayong mag-ingat sa ating mga sinasabi?—Santiago 3:8-10.
8 Malinaw na may matibay tayong mga dahilan na maging maingat sa ating pagsasalita. Bago natin isaalang-alang ang mga pananalitang nakapagpapatibay, talakayin muna natin ang mga salitang hindi dapat mamutawi sa bibig ng mga tunay na Kristiyano.
MGA PANANALITANG NAKASISIRA NG LOOB
9, 10. (a) Anong uri ng pananalita ang bukambibig ng mga tao sa sanlibutang ito? (b) Bakit natin dapat iwasan ang malaswang mga salita? (Tingnan din ang talababa.)
9 Malaswang mga salita. Ang pagmumura, at iba pang anyo ng malaswang mga salita ay bukambibig ng mga tao sa sanlibutang ito. Marami ang nagmumura para maidiin ang kanilang sinasabi o kapag hindi nila maisip ang salitang gusto nilang sabihin. Madalas na gumagamit ang mga komedyante ng mahalay at berdeng mga salita para patawanin ang mga tao. Pero ang totoo, hindi nakakatawa ang paggamit ng malaswang mga salita. Mga 2,000 taon na ang nakalilipas, kinasihan si apostol Pablo na payuhan ang kongregasyon sa Colosas na itigil nila ang pagsasalita ng “malaswang pananalita.” (Colosas 3:8) Sinabi ni Pablo sa kongregasyon ng Efeso na ang “malaswang pagbibiro” ay kabilang sa mga bagay na “huwag man lamang mabanggit sa gitna” ng mga tunay na Kristiyano.—Efeso 5:3, 4.
10 Ang malaswang pananalita ay kasuklam-suklam kay Jehova. Ito rin ang dapat madama ng mga umiibig sa kaniya. Kaya ang ating pag-ibig kay Jehova ang magpapakilos sa atin na iwasan ang malaswang mga salita. Nang isa-isahin ni Pablo ang “mga gawa ng laman,” binanggit niya ang “karumihan,” kung saan maaaring isama rito ang maruming pananalita. (Galacia 5:19-21) Seryosong bagay ito. Maaaring matiwalag sa kongregasyon ang isang indibiduwal na sa kabila ng paulit-ulit na pagpapayo sa kaniya ay hindi niya itinigil ang paggamit ng napakalaswa, mapanghamak, at nakapipinsalang mga pananalita.b
11, 12. (a) Kailan nauuwi sa nakapipinsalang tsismis ang karaniwang usap-usapan? (b) Bakit dapat iwasan ng mga mananamba ni Jehova ang mapanirang mga salita?
11 Mapaminsalang tsismis, paninirang-puri. Likas sa tao ang pag-usapan ang buhay ng ibang tao. Masama ba ito? Hindi naman, kung ang pinag-uusapan natin ay di-nakapipinsala at positibo o kapaki-pakinabang na mga impormasyon, gaya ng kung sino ang nabautismuhan o kung sino ang nangangailangan ng pampatibay-loob. Ang unang-siglong mga Kristiyano ay lubhang interesado sa kapakanan ng bawat isa at nakibalita sila hinggil sa kalagayan ng kanilang mga kapananampalataya. (Efeso 6:21, 22; Colosas 4:8, 9) Pero kapag ang karaniwang usap-usapan ay tungkol na sa impormasyong may bahid ng kasinungalingan o nagbubunyag ng pribadong mga bagay sa buhay ng isang tao, maaaring mauwi ito sa nakapipinsalang tsismis. Ang mas malubha pa rito, maaaring humantong ang tsismis sa paninirang-puri. Ayon sa isang reperensiya, ang paninirang-puri ay “pagpaparatang . . . na nakasisira sa reputasyon ng iba.” Halimbawa, siniraan ng mga Pariseo si Jesus para mawalan ng tiwala sa kaniya ang mga tao. (Mateo 9:32-34; 12:22-24) Kadalasan, ang paninirang-puri ang siyang sanhi ng pagtatalo.—Kawikaan 26:20.
12 Hindi natutuwa si Jehova sa mga gumagamit ng kanilang kakayahang magsalita para siraan ang iba o lumikha ng pagkakabaha-bahagi. Kinapopootan niya ang mga naghahasik ng “mga pagtatalo sa gitna ng magkakapatid.” (Kawikaan 6:16-19) Ang salitang Griego na isinaling “maninirang-puri” ay di·aʹbo·los, na ginagamit ding titulo para kay Satanas. Siya ang “Diyablo,” na naninirang-puri sa Diyos. (Apocalipsis 12:9, 10) Tiyak na hindi natin nanaisin na magsalita ng mga bagay na magiging dahilan para tayo, sa diwa, ay tawaging diyablo. Walang dako sa kongregasyon ang mapanirang mga salita na pumupukaw ng mga gawa ng laman gaya ng “mga pagtatalo” at “mga pagkakabaha-bahagi.” (Galacia 5:19-21) Kaya bago sabihin sa iba ang nasagap mong balita tungkol sa isang tao, tanungin ang sarili: ‘Totoo kaya ito? Makabubuti ba kung ikukuwento ko ito sa iba? Kailangan ko ba talagang sabihin sa iba ang impormasyong ito?’—1 Tesalonica 4:11; 1 Pedro 4:15.
13, 14. (a) Ano ang epekto sa iba ng mapang-abusong pananalita? (b) Bakit isinasapanganib ng isang namimihasa sa paggamit ng mapanlait na mga salita ang kaniyang espirituwalidad?
13 Mapang-abusong pananalita. Gaya ng nabanggit na, maaaring makasakit sa iba ang ating pananalita. Totoo naman na dahil hindi tayo sakdal, nakapagsasalita tayo kung minsan ng mga bagay na pinagsisisihan natin sa dakong huli. Gayunman, nagbababala ang Bibliya hinggil sa paraan ng pagsasalita na dapat iwasan ng mga Kristiyano sa loob ng pamilya at ng kongregasyon. Sinabi ni Pablo sa mga Kristiyano: “Ang lahat ng mapait na saloobin at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo.” (Efeso 4:31) Isinalin ng ibang salin ng Bibliya ang pariralang “mapang-abusong pananalita” bilang “masasamang salita,” “nakasasakit na pananalita,” at “mapang-insultong pananalita.” Kasama sa mapang-abusong pananalita ang mapanghamak na mga bansag, at ang malulupit at walang-patid na pamimintas. Dahil sa mga ito, nawawalan ng dignidad ang mga tao at nadarama nila na wala silang halaga. Lalong masama ang epekto ng ganitong mga salita sa mga walang-muwang na bata.—Colosas 3:21.
14 Tahasang hinahatulan ng Bibliya ang panlalait. Kapag namihasa ang isa na gumamit ng mapang-insulto, mapanghamak, o mapang-abusong pananalita, isinasapanganib niya ang kaniyang espirituwalidad. Kung hindi siya makikinig sa paulit-ulit na payong ibinibigay sa kaniya, maaari siyang itiwalag sa kongregasyon at kung hindi siya magbabago, maiwawala rin niya ang kaniyang pag-asang mabuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos. (1 Corinto 5:11-13; 6:9, 10) Kung gayon, maliwanag na imposible tayong makapanatili sa pag-ibig ng Diyos kung hindi natin ititigil ang pagsasalita ng di-kaayaaya, di-totoo, o malupit na mga bagay. Nakasisira ng loob ang gayong mga pananalita.
MGA SALITANG “MABUTI SA IKATITIBAY”
15. Anong uri ng pananalita ang “mabuti sa ikatitibay”?
15 Paano natin gagamitin ang ating kakayahang magsalita gaya ng nilayon ng Tagapagbigay nito? Tandaan na hinihimok tayo ng Salita ng Diyos na magsalita ng “anumang pananalitang mabuti sa ikatitibay.” (Efeso 4:29) Nalulugod si Jehova kapag ang sinasabi natin ay nakapagpapatibay, nakapagpapasigla, at nakapagpapalakas sa iba. Kailangan natin itong pag-isipang mabuti para masabi ang gayong mga salita. Hindi nagbibigay ang Bibliya ng espesipikong mga tuntunin para magawa ito ni naglalaman man ito ng listahan ng “mabuting pananalita.” (Tito 2:8) Para makapagsalita tayo ng “mabuti sa ikatitibay,” makatutulong kung tatandaan natin ang tatlong simple ngunit mahahalagang salik para maging nakapagpapatibay ang ating pananalita: Dapat na ito ay kaayaaya, totoo, at mabait. Isaalang-alang natin ang ilang espesipikong halimbawa ng gayong mga pananalitang nakapagpapatibay.—Tingnan ang kahong “Nakapagpapatibay ba ang Aking Sinasabi?”
16, 17. (a) Bakit tayo dapat magbigay ng komendasyon sa iba? (b) Sa anu-anong pagkakataon maaari tayong magbigay ng komendasyon sa loob ng kongregasyon? sa loob ng pamilya?
16 Taimtim na komendasyon. Ipinakita ni Jehova at ni Jesus ang kahalagahan ng pagbibigay ng komendasyon. (Mateo 3:17; 25:19-23; Juan 1:47) Bilang mga Kristiyano, dapat din tayong magbigay ng taimtim na komendasyon sa iba. Bakit? “Ang salita sa tamang panahon, O anong buti!” ang sabi ng Kawikaan 15:23. Tanungin ang sarili: ‘Ano ang nadarama ko kapag taimtim akong pinapupurihan ng iba? Napasisigla at napagagalak ba nito ang puso ko?’ Tunay ngang kapag pinapurihan ka, nadarama mong may nakakapansin at nagmamalasakit sa iyo, at na pinahahalagahan din ang iyong mga pagsisikap. Dahil sa gayong mga komendasyon, nagkakaroon ka ng tiwala sa iyong sarili at nauudyukan ka na higit pang magsikap. Yamang napasisigla ka kapag nakatatanggap ka ng komendasyon, hindi ba dapat ka ring magsikap na magbigay ng komendasyon sa iba?—Mateo 7:12.
17 Sikapin mong tingnan ang mabubuting katangian ng iba, at papurihan sila dahil dito. Sa kongregasyon, baka nakapakinig ka ng magandang pahayag ng isang kapatid, napansin mo ang isang kabataan na nagsisikap umabot ng kaniyang espirituwal na mga tunguhin, o nakita ang isang may-edad nang patuloy na dumadalo sa mga pulong sa kabila ng katandaan. Maaari mong mapagalak ang kanilang puso at mapatibay ang kanilang pananampalataya kung taimtim mo silang papupurihan. Sa loob ng pamilya, mahalaga na marinig ng mga mag-asawa ang kanilang taimtim na mga salita ng papuri at pagpapahalaga sa isa’t isa. (Kawikaan 31:10, 28) Para sumulong, kailangan ng mga bata ang komendasyon at atensiyon, kung paanong kailangan ng halaman ang liwanag ng araw at ang tubig para lumago. Mga magulang, humanap ng mga pagkakataon para purihin ang inyong mga anak sa kanilang maiinam na katangian at mga pagsisikap. Ang gayong mga komendasyon ay nakapagpapalakas ng loob sa mga anak at nag-uudyok sa kanila na lalo pang magsikap na gawin ang tama.
18, 19. Bakit natin dapat gawin ang ating buong makakaya para aliwin ang mga kapananampalataya, at paano natin ito magagawa?
18 Nakaaaliw na mga salita. Lubos na nagmamalasakit si Jehova sa “mga maralita” at “mga sinisiil.” (Isaias 57:15) Hinihimok tayo ng kaniyang Salita na ‘patuloy na aliwin ang isa’t isa’ at “magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo.” (1 Tesalonica 5:11, 14) Makaaasa tayo na nakikita at pinahahalagahan ng Diyos ang ating mga pagsisikap na magdulot ng kaaliwan sa ating mga kapananampalatayang dumaranas ng kalungkutan.
Nalulugod si Jehova kapag nakapagpapatibay sa iba ang sinasabi natin
19 Kung gayon, ano ang maaari mong sabihin para mapatibay ang isang kapananampalataya na nasisiraan ng loob o nanlulumo? Huwag mong isipin na kailangan mong ayusin ang problema niya. Kadalasan nang ang simpleng mga salita ay sapat na para matulungan mo siya. Ipadama mo sa kaniya na nagmamalasakit ka. Manalangin kayong dalawa; magsumamo ka kay Jehova na tulungan siyang matanto kung gaano siya kamahal ng Diyos at ng iba. (Santiago 5:14, 15) Sabihin sa kaniya na siya ay kailangan at pinahahalagahan ng kongregasyon. (1 Corinto 12:12-26) Basahin sa kaniya ang isang nakapagpapatibay na teksto sa Bibliya para ipakitang si Jehova ay tunay na nagmamalasakit sa kaniya bilang indibiduwal. (Awit 34:18; Mateo 10:29-31) Ang paglalaan mo ng sapat na panahon para ibahagi ang “mabuting salita” sa nalulumbay at ang iyong taimtim na pagsasabing nagmamalasakit ka ay tiyak na makatutulong sa kaniya na madamang iniibig at pinahahalagahan siya.—Kawikaan 12:25.
20, 21. Anong mga salik ang kailangang isaalang-alang para maging mabisa ang payo?
20 Mabisang payo. Bilang di-sakdal na mga tao, lahat tayo kung minsan ay nangangailangan ng payo. Hinihimok tayo ng Bibliya: “Makinig ka sa payo at tumanggap ka ng disiplina, upang maging marunong ka sa iyong kinabukasan.” (Kawikaan 19:20) Hindi lamang ang matatanda sa kongregasyon ang maaaring magbigay ng payo. Nagpapayo ang mga magulang sa kanilang mga anak. (Efeso 6:4) Minsan ay nagbibigay ng payo ang may-gulang na mga kapatid na babae sa nakababatang mga babae. (Tito 2:3-5) Ang pag-ibig ang nag-uudyok sa atin na magpayo nang hindi masasaktan ang ating papayuhan. Paano natin ito magagawa? Isaalang-alang ang tatlong salik para maging mas mabisa ang payo: ang saloobin at motibo ng nagpapayo, kung saan dapat nakasalig ang payo, at ang paraan ng pagpapayo.
21 Para maging mabisa ang ating payo, dapat nating isaalang-alang ang ating saloobin at motibo. Tanungin ang iyong sarili, ‘Kailan mas madali para sa akin na tanggapin ang isang payo?’ Buweno, mas madaling tanggapin ang payo kapag alam mo na talagang nagmamalasakit sa iyo ang nagpapayo, na hindi siya nagpapayo dahil lamang sa naiinis siya, at na wala siyang masamang motibo. Kaya kapag ikaw ay nagpapayo sa iba, hindi ba dapat na gayon din ang maging saloobin at motibo mo? Mabisa rin ang payo kung salig ito sa Salita ng Diyos. (2 Timoteo 3:16) Tuwiran ka mang sumisipi sa Bibliya o hindi, kailangang nakasalig dito ang anumang payo na ibibigay mo. Kaya naman, hindi dapat igiit ng matatanda sa iba ang kanilang sariling opinyon ni pilipitin man ang Kasulatan para lumitaw na sinusuportahan nito ang isang personal na pananaw. Mabisa rin ang payo kapag ito ay ibinibigay sa tamang paraan. Mas madaling tanggapin ang payo kapag ibinigay ito sa mabait na paraan at napananatili nito ang dignidad ng pinapayuhan.—Colosas 4:6.
22. Ano ang determinado mong gawin hinggil sa iyong kakayahang magsalita?
22 Tunay nga, ang ating kakayahang magsalita ay isang kaloob mula sa Diyos. Dapat tayong maudyukan ng ating pag-ibig kay Jehova na gamitin ito sa tamang paraan. Tandaan natin na ang ating sinasabi ay may malaking epekto sa iba—maaari itong makapagpatibay o makasira ng loob. Kaya pagsikapan nating gamitin ang kakayahang ito gaya ng nilayon ng Tagapagbigay nito—“sa ikatitibay.” Kung gayon, ang ating pananalita ay makapagpapalakas at makapagpapaginhawa sa iba, at tutulong sa atin na manatili sa pag-ibig ng Diyos.
a Ang salitang Griego na isinaling “walang saysay” ay isinalin ding “walang silbi” at ‘walang bunga.’—1 Corinto 15:17; 1 Pedro 1:18.
b Gaya ng pagkakagamit sa Kasulatan, ang salitang “karumihan” ay sumasaklaw sa napakaraming uri ng kasalanan. Bagaman hindi lahat ng anyo ng karumihan ay nararapat aksiyunan ng isang hudisyal na komite, ang isang indibiduwal ay maaaring itiwalag sa kongregasyon kung hindi niya ititigil ang paggawa ng talamak na karumihan.—2 Corinto 12:21; Efeso 4:19; tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Ang Bantayan ng Hulyo 15, 2006.