APENDISE
Ang Pananaw ng Bibliya sa Diborsiyo at Paghihiwalay
Inaasahan ni Jehova ang mga mag-asawa na mananatiling tapat sa kanilang sumpaan bilang mag-asawa. Nang pagbuklurin ni Jehova ang unang lalaki at babae bilang mag-asawa, sinabi niya: “Pipisan [ang lalaki] sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.” Nang maglaon, inulit ni Jesu-Kristo ang pananalitang iyan at sinabi: “Kaya nga, ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” (Genesis 2:24; Mateo 19:3-6) Samakatuwid, itinuturing ni Jehova at ni Jesus ang pag-aasawa bilang isang panghabang-buhay na buklod na magwawakas lamang kapag namatay ang isang kabiyak. (1 Corinto 7:39) Yamang sagradong kaayusan ang pag-aasawa, hindi dapat ituring na maliit na bagay lamang ang diborsiyo. Sa katunayan, kinapopootan ni Jehova ang mga diborsiyong walang basehan sa Kasulatan.—Malakias 2:15, 16.
Ano ang maka-Kasulatang saligan para sa diborsiyo? Buweno, kinapopootan ni Jehova ang pangangalunya at pakikiapid. (Genesis 39:9; 2 Samuel 11:26, 27; Awit 51:4) Sa katunayan, gayon na lamang ang pagkamuhi niya sa pakikiapid anupat ginawa niya itong saligan para sa diborsiyo. (Para sa pagtalakay sa kung ano ang nasasangkot sa pakikiapid, tingnan ang Kabanata 9, parapo 7.) Binibigyan ni Jehova ng karapatan ang pinagkasalahang kabiyak na magpasiya kung nais niyang patuloy na makisama sa kaniyang nagkasalang asawa o makipagdiborsiyo rito. (Mateo 19:9) Kaya kung magpasiya ang pinagkasalahang kabiyak na makipagdiborsiyo, hindi kapopootan ni Jehova ang pakikipagdiborsiyong iyon. Gayunman, hindi hinihimok ng kongregasyong Kristiyano ang sinuman na makipagdiborsiyo. Sa katunayan, may ilang kalagayan na maaaring magpakilos sa pinagkasalahan na patuloy na makisama sa kaniyang nagkasalang asawa, lalo na kung ito naman ay taimtim na nagsisisi. Gayunpaman, kung ang isa ay may maka-Kasulatang saligan para makipagdiborsiyo, siya mismo ang dapat magpasiya kung gagawin nga niya ito. Dapat na handa siya na harapin ang anumang resulta ng kaniyang pasiya.—Galacia 6:5.
Sa ilang malubhang kalagayan, may ilang Kristiyano na nagpasiyang makipaghiwalay o makipagdiborsiyo sa kanilang kabiyak kahit hindi ito nakiapid. Sa gayong kaso, malinaw na sinasabi ng Bibliya na ang humiwalay ay dapat ‘manatiling walang asawa o kaya ay makipagkasundong muli sa kaniyang asawa.’ (1 Corinto 7:11) Ang Kristiyanong iyon ay hindi malaya na muling mag-asawa. (Mateo 5:32) Isaalang-alang ang ilang malubhang kalagayan na maituturing na saligan para sa paghihiwalay.
Sadyang di-pagbibigay ng suporta. Baka ang isang pamilya ay lubhang naghihirap at napagkakaitan ng pangunahing mga pangangailangan sa buhay dahil hindi nagbibigay ng suporta ang asawang lalaki, bagaman kaya naman niyang gawin ito. Ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Kung ang sinuman nga ay hindi naglalaan para . . . sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, itinatwa na niya ang pananampalataya at lalong masama kaysa sa taong walang pananampalataya.” (1 Timoteo 5:8) Kung hindi magbabago ang asawang lalaki, maaaring magpasiya ang asawang babae na legal na makipaghiwalay sa kaniyang kabiyak upang maingatan ang kapakanan niya at ng kaniyang mga anak. Sabihin pa, dapat siyasating mabuti ng Kristiyanong matatanda kung totoo nga ang akusasyon na tumatanggi ang isang Kristiyano na suportahan ang kaniyang pamilya. Maaaring matiwalag ang isa kung patuloy siyang tatanggi sa pagsuporta sa kaniyang pamilya.
Labis-labis na pananakit sa pisikal. Maaaring napakarahas ng isang mapang-abusong asawa anupat nanganganib ang kalusugan ng kaniyang kabiyak o maging ang buhay pa nga nito. Kung Kristiyano ang mapang-abusong asawa, dapat imbestigahan ito ng matatanda sa kongregasyon. Maaaring matiwalag ang isa dahil sa kaniyang mga silakbo ng galit at kung patuloy siyang magiging marahas.—Galacia 5:19-21.
Lubos na pagsasapanganib ng espirituwalidad. Baka patuloy na gumagawa ng paraan ang isang kabiyak na hadlangan ang kaniyang asawa na isagawa ang tunay na pagsamba o pilitin pa nga ito na labagin ang mga utos ng Diyos sa paanuman. Sa gayong kaso, maaaring magpasiya ang asawang nanganganib ang espirituwalidad na ang tanging paraan para ‘masunod ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao’ ay legal na makipaghiwalay sa kaniyang kabiyak.—Gawa 5:29.
Sa malulubhang kalagayan na nabanggit, walang sinuman ang dapat humikayat sa inosenteng asawa na makipaghiwalay o patuloy na makisama sa kaniyang kabiyak. Bagaman maaaring magbigay ng payo salig sa Bibliya ang may-gulang sa espirituwal na mga kaibigan at mga elder, hindi nila lubos na nalalaman kung ano talaga ang nangyayari sa mag-asawa. Si Jehova lamang ang nakaaalam ng buong pangyayari. Siyempre pa, hindi pinararangalan ng isang Kristiyanong may asawa ang Diyos o ang kaayusan ng pag-aasawa kung pinalulubha niya ang problema nilang mag-asawa para lamang makipaghiwalay sa kaniyang kabiyak. Alam ni Jehova kung gumagawa lamang ng paraan ang isa para makipaghiwalay sa kaniyang asawa, kahit sikapin pa niyang ilihim ito. Oo, “ang lahat ng bagay ay hubad at hayagang nakalantad sa mga mata niya na pagsusulitan natin.” (Hebreo 4:13) Pero kung talagang malubha ang situwasyon, walang sinuman ang dapat kumuwestiyon sa isang Kristiyano na nagpasiyang makipaghiwalay sa kaniyang kabiyak pagkatapos niyang isaalang-alang ang iba pang solusyon. Anuman ang kalagayan, “tayong lahat ay tatayo sa harap ng luklukan ng paghatol ng Diyos.”—Roma 14:10-12.