Mahalaga ba Kung Ano ang Pinaniniwalaan Mo?
Sa palagay mo, may layunin kaya ang buhay? Sinabi ng ebolusyonistang si William B. Provine: “Malaki ang epekto sa atin ng natutuhan natin tungkol sa proseso ng ebolusyon—apektado nito ang pangmalas natin sa kahulugan ng buhay.” Ang kaniyang konklusyon? “Walang layunin ang buhay ng tao.”32
Pag-isipan ang ibig sabihin ng mga salitang iyan. Kung walang layunin ang buhay, wala kang magiging tunguhin sa buhay kundi ang gumawa ng kaunting kabutihan at, marahil, magpamana ng iyong henetikong mga katangian sa susunod na henerasyon. Kapag namatay ka, hindi ka na iiral kailanman. At lumalabas na natsambahan lang ng kalikasan ang iyong utak, na may kakayahang mag-isip, mangatuwiran, at magbulay-bulay sa layunin ng buhay.
Hindi lang iyan. Iginigiit ng maraming naniniwala sa ebolusyon na hindi raw umiiral ang Diyos o na hindi siya makikialam sa mga gawain ng tao. At nakadepende na lang ang ating kinabukasan sa mga lider sa pulitika, akademya, at relihiyon. Kung titingnan ang nakalipas na rekord ng gayong mga tao, talagang magpapatuloy ang kaguluhan, alitan, at katiwalian na nagpapahirap sa lipunan ng tao. Kung totoo nga ang ebolusyon, mabuti pa palang sundin na lang ang kasabihan: “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas ay mamamatay tayo.”—1 Corinto 15:32.
Pero sa kabaligtaran, itinuturo ng Bibliya: “Nasa [Diyos] ang bukal ng buhay.” (Awit 36:9) Napakahalaga ng ibig sabihin ng mga salitang ito.
Kung totoo ang sinasabi ng Bibliya, nangangahulugan iyan na may kabuluhan ang buhay. May maibiging layunin ang ating Maylalang para sa lahat ng nagpapasiyang mamuhay ayon sa kaniyang kalooban. (Eclesiastes 12:13) Kalakip sa layuning ito ang pangakong buhay sa isang daigdig na wala nang kaguluhan, alitan, at katiwalian—wala pati kamatayan.—Awit 37:10, 11; Isaias 25:6-8.
May mabuting dahilan kung bakit milyun-milyong tao sa buong daigdig ang naniniwala na kapag nakilala ng isa ang Diyos at sumunod sa kaniya, ang buhay ay magkakaroon ng kabuluhan na hindi maibibigay ninuman! (Juan 17:3) Hindi lang ito basta pangangarap nang gising. Malinaw ang ebidensiya—may lumalang sa buhay.