SEKSIYON 2
Ano ang Tunay na Pananampalataya?
Tulad ng pera, dapat na tunay ang pananampalataya para magkaroon ito ng halaga
ANG tunay na pananampalataya ay hindi lang basta paniniwala na may Diyos. Milyun-milyong tao ang naniniwala sa Diyos pero sinasadyang gumawa ng masasamang bagay. Ang gayong “pananampalataya” ay tulad ng pekeng pera—mukhang tunay pero walang halaga. Kung gayon, ano ba ang tunay na pananampalataya?
Ang tunay na pananampalataya ay nakasalig sa tumpak na kaalaman sa Banal na Kasulatan. Ang akdang ito mula sa Diyos ang nagsasabi sa atin ng katotohanan tungkol sa Diyos. Tumutulong din ito para makilala natin siya. Mababasa rito ang kaniyang mga batas, layunin, at turo. Kasama sa mga turong ito ang sumusunod:
Iisa ang Diyos. Wala siyang kapantay.
Hindi si Jesus ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Isa siyang propeta ng Diyos.
Nasusuklam ang Diyos sa lahat ng uri ng idolatriya.
Napapaharap ang mga tao sa araw ng paghatol.
Napakaraming patay ang bubuhaying-muli sa Paraiso.
Pinakikilos tayo ng tunay na pananampalataya na gumawa ng mabuti. Nakikinabang tayo at ang iba sa gayong mga gawa. Nagpaparangal din ito sa Diyos. Kasama sa mga gawang ito ang
pagsamba sa Diyos.
pagkakaroon ng makadiyos na katangian—lalo na ng pag-ibig.
pag-iwas sa masasamang kaisipan at pagnanasa.
pagpapanatili ng pananampalataya sa Diyos sa kabila ng mga pagsubok.
pagtuturo sa iba tungkol sa Diyos.
Pinakikilos tayo ng tunay na pananampalataya na gumawa ng mabuti
Paano Ka Magkakaroon ng Tunay na Pananampalataya?
Ang pananampalataya ay tulad ng kalamnan na lumalaki kapag kumikilos tayo o ginagamit ito
Humingi ng tulong sa Diyos. Nanalangin si propeta Moises sa Diyos: “Pakisuyong ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, upang makilala kita, nang sa gayon ay makasumpong ako ng lingap sa iyong paningin.”a Dininig at sinagot ng Diyos ang panalangin niya. Naging huwaran siya sa pananampalataya. Matutulungan ka rin ng Diyos na magkaroon ng tunay na pananampalataya.
Maglaan ng panahon sa pag-aaral ng Banal na Kasulatan. Ang Kasulatan na mula sa Diyos, kasama na ang Torah, Mga Awit, at mga Ebanghelyo, ay mababasa sa Banal na Bibliya. Ito ang aklat na may pinakamaraming salin at may pinakamalawak na pamamahagi sa daigdig. May kopya ka ba ng aklat na ito?
Sundin ang sinasabi ng Banal na mga Akda. Ang pananampalataya ay tulad ng kalamnan na lumalaki kapag kumikilos tayo o ginagamit ito. Gayon din ang nangyayari sa ating pananampalataya kapag kumikilos tayo o namumuhay ayon dito. Matutuklasan mo mismo na malaking tulong ang mga payo mula sa Diyos. Sa katunayan, maraming buhay ang nagbago dahil sa mga payo sa Banal na Kasulatan. Mababasa mo ang ilan dito sa susunod na seksiyon.