Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • rk seksiyon 5 p. 12-14
  • Pahalagahan ang Walang-Kapantay na mga Katangian ng Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pahalagahan ang Walang-Kapantay na mga Katangian ng Diyos
  • Tunay na Pananampalataya—Ang Susi Mo sa Maligayang Buhay
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Walang-Limitasyong Kapangyarihan
  • Diyos ng Katarungan
  • Diyos ng Karunungan
  • “Ang Diyos ay Pag-ibig”
  • Maging Malapít sa Diyos
  • “Narito! Ito ang Ating Diyos”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Anong Uri Siya ng Diyos?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2019
  • Talaga Bang ‘Makalalapit Ka sa Diyos’?
    Maging Malapít kay Jehova
  • Papaanong ang Tao ay Magiging Kalarawan ng Diyos?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
Iba Pa
Tunay na Pananampalataya—Ang Susi Mo sa Maligayang Buhay
rk seksiyon 5 p. 12-14

SEKSIYON 5

Pahalagahan ang Walang-Kapantay na mga Katangian ng Diyos

IPINAKIKITA ng Banal na Kasulatan ang maraming magagandang katangian ng Diyos para makilala natin siya. Halimbawa, sinasabi sa atin ng Kasulatan ang apat na pangunahing katangian ng Diyos​—kapangyarihan, katarungan, karunungan, at pag-ibig. Talakayin natin ang bawat isa.

Walang-Limitasyong Kapangyarihan

Ang Diyos ay makapangyarihan

Sinabi ni Jehova kay Abraham: “Ako ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Genesis 17:1) Ang kaniyang kapangyarihan ay walang kapantay, walang limitasyon, at walang hanggan. Nilalang ng Diyos ang buong uniberso gamit ang kaniyang kapangyarihan.

Hindi kailanman ginagamit ng Diyos sa maling paraan ang kaniyang kapangyarihan. Ang paggamit niya rito ay laging kontrolado at makabuluhan, at may kalakip na katarungan, karunungan, at pag-ibig.

Laging ginagamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan para sa kaniyang tapat na mga lingkod. “Ang kaniyang mga mata ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.” (2 Cronica 16:9) Hindi ka ba nauudyukang maging malapít sa makapangyarihan ngunit mapagmalasakit na Diyos na iyan?

Diyos ng Katarungan

“Si Jehova ay maibigin sa katarungan.” (Awit 37:28) Lagi niyang ginagawa ang tama at makatarungan ayon sa kaniyang banal na pamantayan.

Ang Diyos ay hindi nagtatangi

Napopoot ang Diyos sa kawalang-katarungan. Siya ay “hindi nakikitungo kaninuman nang may pagtatangi ni tumatanggap man ng suhol.” (Deuteronomio 10:17) Kalaban siya ng mga nang-aapi, at tagapagtanggol ng mga walang kalaban-laban, kasama na ang “sinumang babaing balo o batang lalaking walang ama.” (Exodo 22:22) Pantay-pantay ang tingin ng Diyos sa lahat ng tao. “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”​—Gawa 10:34, 35.

Balanseng-balanse rin ang katarungan ni Jehova. Hindi siya kailanman sobrang luwag ni sobrang higpit man. Pinarurusahan niya ang mga di-nagsisising nagkasala pero kinaaawaan ang mga nagsisisi. “Si Jehova ay maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan. Hindi siya habang panahong maghahanap ng kamalian, ni maghihinanakit man siya hanggang sa panahong walang takda. Hindi pa niya ginawa sa atin ang ayon nga sa ating mga kasalanan; ni pinasapitan man niya tayo ng nararapat sa atin ayon sa ating mga kamalian.” (Awit 103:8-10) Inaalaala rin ng Diyos at ginagantimpalaan ang mga gawa ng kaniyang matapat na mga lingkod. Hindi ka ba nauudyukang magtiwala sa Diyos ng gayong katarungan?

Diyos ng Karunungan

Ang Banal na Kasulatan ay naglalaman ng karunungan ng Diyos

Si Jehova ang Pinagmumulan ng lahat ng karunungan. “O ang lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos!” (Roma 11:33) Walang kapantay at walang hanggan ang kaniyang karunungan.

Kitang-kita ang karunungan ng Diyos sa mga nilalang niya. “Kay rami ng iyong mga gawa, O Jehova!” ang nasabi ng mang-aawit. “Sa karunungan ay ginawa mong lahat ang mga iyon.”​—Awit 104:24.

Ang karunungan ng Diyos ay nakikita rin sa Banal na Kasulatan. Isinulat ni Haring David: “Ang paalaala ni Jehova ay mapagkakatiwalaan, na nagpaparunong sa walang-karanasan.” (Awit 19:7) Isip-isipin mo​—maaari kang matuto sa walang-limitasyong karunungan ng Diyos! Bakit hindi mo ito subukan?

“Ang Diyos ay Pag-ibig”

Pag-ibig ang pangunahing katangian ni Jehova. “Ang Diyos ay pag-ibig,” ang sabi ng Kasulatan. (1 Juan 4:8) Pag-ibig ang nasa likod ng lahat ng ginagawa niya.

Ipinakita ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa atin sa napakaraming paraan. Binibigyan niya tayo ng mabubuting bagay. “Gumawa siya ng mabuti, na binibigyan kayo ng mga ulan mula sa langit at mabubungang kapanahunan, na lubusang pinupuno ang inyong mga puso ng pagkain at pagkagalak.” (Gawa 14:17) Sa katunayan, “ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na regalo ay mula sa itaas, sapagkat bumababa ito mula sa Ama ng makalangit na mga liwanag.” (Santiago 1:17) Sa pamamagitan ng napakahalagang regalo niya na Kasulatan, ipinakikita sa atin ng Diyos ang katotohanan tungkol sa kaniya at itinuturo ang kaniyang maibiging mga kautusan at prinsipyo. “Ang iyong salita ay katotohanan,” ang sabi ni Jesus sa panalangin.​—Juan 17:17.

Kamangha-mangha ang karunungan ng Diyos na makikita sa paglalang

Tinutulungan din tayo ng Diyos sa ating mga pagsubok. “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo. Hindi niya kailanman ipahihintulot na ang matuwid ay makilos.” (Awit 55:22) Pinatatawad niya ang ating mga kasalanan. “Ikaw, O Jehova, ay mabuti at handang magpatawad; at ang maibiging-kabaitan sa lahat ng tumatawag sa iyo ay sagana.” (Awit 86:5) Nag-aalok pa nga siya ng buhay na walang hanggan sa atin. “Papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” (Apocalipsis 21:4) Yamang nagpakita ng pag-ibig sa iyo ang Diyos, ano ang gagawin mo? Iibigin mo rin ba siya?

Maging Malapít sa Diyos

Makatutulong ang pananalangin at pagbubulay-bulay sa mga katangian ng Diyos para maging mas malapít ka sa kaniya

Gusto ng Diyos na makilala mo siya nang husto. Ganito ang payo ng kaniyang Salita: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:8) Tinawag ng Diyos ang tapat na propetang si Abraham bilang “aking kaibigan.” (Isaias 41:8) Gusto ka ring maging kaibigan ni Jehova.

Habang mas nakikilala mo ang Diyos, nagiging mas malapít ka sa kaniya at nagiging mas maligaya. “Maligaya ang taong . . . ang kaniyang kaluguran ay sa kautusan ni Jehova, at sa kaniyang kautusan ay nagbabasa siya nang pabulong araw at gabi.” (Awit 1:1, 2) Kaya patuloy na pag-aralan ang Banal na Kasulatan. Bulay-bulayin ang mga katangian at gawa ng Diyos. Ipakita ang iyong pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng pagsasabuhay sa mga natututuhan mo. “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga utos; gayunma’y ang kaniyang mga utos ay hindi pabigat.” (1 Juan 5:3) Kaya gaya ng panalangin ng mang-aawit, hilingin mo rin sa Diyos: “Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, O Jehova; ituro mo sa akin ang iyong mga landas. Palakarin mo ako sa iyong katotohanan.” (Awit 25:4, 5) Makikita mong ang Diyos ay ‘hindi malayo sa bawat isa sa atin.’​—Gawa 17:27.

Ano ang Masasabi Mo?

  • Alin sa mga katangian ng Diyos ang pinakagusto mo? Bakit?

  • Paano ka magiging malapít sa Diyos?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share